Chapter 19 - 19

"Oh, Lyana? Hindi mo pa ba susunduin si Ma'am Chantal? Lalabas na 'yon sa school niya mayamaya."

Napatigil ako sa pagtingin ng mga litratong nakahanay sa cabinet ng mga amo ko nang marinig ko ang boses ni Manang Lerma. Tumingin ako sa gawi niya at sakto namang naglalakad na pala siya palapit sa akin. Ngumiti ako sa kaniya.

"Mayamaya pa ho, Manang. Saka susunduin ko muna si Jarvis sa school niya bago ako dumaan sa school ni Ma'am Chantal. Sabi kasi sa akin ni Ma'am Chantal ay maglalaro pa sila ng mga kaibigan niya kaya medyo late ko siyang sunduin," sagot ko.

Marahang napailing si Manang Lerma kaya't bahagyang kumunot ang aking noo. "Nako, Lyana. Kapag nalaman ni Sir Preston na hinahayaan mong maglaro si Ma'am Chantal, ikaw naman ang malalagot doon. Hindi 'yon pwedeng maglaro sa labas," naiiling na sambit niya.

Agad namang nagsalubong aking aking mga kilay matapos marinig ang sinabi niya. Wala sa sarili akong nag-iwas ng tingin at napaisip. Bakit naman hindi niya papayagang maglaro ang bata? Bata nga, e. Malamang gusto niyong maglaro sa labas kahit papaano.

"Minsan lang naman po, Manang. Saka babantayan ko rin naman po."

Napatango na lamang si Manang Lerma sa sinabi ko bago tumingin sa mga litratong kanina ko pa tinitingnan. "Curious ka, ano?" Tila nanunudyo niyang tanong sa akin.

"Talaga ho bang dadalawa lang ang picture nina Sir Preston at Ma'am Chantal nang magkasama, Manang? Bakit itong dalawa lang ang naka-display," pang-uusisa ko sa kaniya.

Inilibot ko ang aking paningin sa mga nakahanay na litrato sa cabinet na nasa aming harapan. Naka-display doon ang mga litrato ng mag-ama ngunit karamihan doon ay magkahiwalay sila at puro solo ang picture. May ibang picture na kasama ni Ma'am Chantal ang mga kaklase niya samantalang may iba rin naman na may kasamang ibang mga tao si Sir Preston na animo'y mga kasama niya sa trabaho.

Napalabi ko. Sa rami ng litratong naka-display, dadalawa lamang ang magkasama silang mag-ama. Isang animo'y family portrait pero sila lamang dalawa. Marahil ay apat na taon si Ma'am Chantal sa litrato dahil nakasimangot na rin siya roon at malapit na sa itsura niya ngayon. Parehas silang seryoso ang tingin sa camera na animo'y kapwa napipilitan.

Ang isa namang litrato na magkasama sila ay picture ng parang isang taon na si Ma'am Chantal. Buhat siya ni Sir Preston habang malapad na naka-ngiti si Sir sa camera. Hindi ko tuloy mapigilang mapansin ang pagkakaiba ng dalawang litrato.

"Marami pa silang picture noong bata pa si Ma'am Chantal kaso ipinatago na ni Sir… ayaw na raw niyang makita pa."

Wala sa sarili akong napatingin kay Manang Lerma at kunot-noo siyang tiningnan. "H-Ho? Bakit naman ho? Mukha ngang ang saya-saya nila rito, oh," tanong ko at itinuro ang litrato kung saan nakangiti si Sir Preston habang buhat-buhat ang anak.

Natahimik si Manang Lerma habang nakatingin doon at sa halip ay malakas na bumuntong hininga bilang tugon sa akin. Marahil ay ayaw niyang sagutin ang tanong ko kaya't napalabi na lamang ako at nag-iwas na ng tingin sa kaniya.

Ayaw ko namang magmukhang tsismosa lalo pa't bago pa lamang naman ako rito. Humugot ako ng malakas na buntong hininga bago lumingon kay Manang Lerma. Tipid ko siyang nginitian. "Mauna na nga pala ako, Manang Lerma. Susunduin ko muna si Jarvis sa school. May tanghalian na naman pong nailuto, 'di ba?"

"H-Ha?" Tila gulat niyang tanong ngunit kapagkuwan ay marahan pa rin siyang tumango. "A-Ah, oo. Meron na. Bakit? Para sa inyo ni Jarvis?"

Muli akong ngumiti sa kaniya at umiling. Agad namang kumunot ang noo niya dahil sa sagot ko.

"Para po sa aming tatlo nina Ma'am Chantal."

"Ha? Lyana, alam ko kasi, hindi kumakain si Ma'am Chantal nang may kasabay saka wala ang Daddy niya kaya…"

"Huwag ho kayong mag-alala, Manang Lerma," pagputol ko sa sasabihin niya at muli siyang nginitian. "Ako ho ang bahala."

Naguguluhan man at animo'y hindi naniniwala sa sinabi ko, wala pa ring nagawa si Manang Lerma kung hindi ang marahang tumango at hayaan na ako sa kung ano man ang gusto kong gawin.

Matapos ang pag-uusap naming iyon ni Manang Lerma ay nagpahatid na ako sa driver na sinakyan namin kanina para sunduin si Jarvis. Tamang-tama naman dahil mauuna naming daanan ang school ni Jarvis bago pa ang school ni Ma'am Chantal.

"Manong, kayo ho ba ang palaging sumusundo kay Ma'am Chantal?" pag-uusisa ko sa driver ng sasakyan nang makasakay ako.

Bahagyang lumingon sa akin si Manong habang ini-start ang sasakyan. "Ay, oo. Kung alam mo lang kung gaano kahirap 'yang si Ma'am alagaan, nako. Nasaksihan ko na kung ilang yaya ang pinaalis niyan. Buti na nga lang at driver lang ako. Kahit papaano ay hindi ako napapansin at napapagbuntunan ng galit," naiiling na sagot niya sa akin.

Kumunot ang noo ko. Napapagbuntunan ng galit?

Hindi na ako nagtanong pa dahil baka may malaman pa akong hindi ko naman dapat na malaman. Naging tahimik lamang ang biyahe namin papunta sa eskwelahan ni Jarvis. Sakto namang pagdaan namin doon ay nasa may gate na si Jarvis at nakikipag-kuwentuhan na kay Manong guard.

Tumatawa pa si Jarvis habang kumakain ng lollipop at kausap ang guard. Kumakain ang guard ng tanghalian niya samantalang kakuwentuhan niya si Jarvis. Hindi ko alam kung anong pinagkukuwentuhan nila pero tawa nang tawa si Jarvis na animo'y kaibigan na niya ang guard.

"Alam mo, mukhang ang bait niyang anak mo." Nag-angat ako ng tingin kay Manong na driver ng sasakyan dahil sa komento niya.

Tipid akong ngumiti at tumango bilang pagsang-ayon sa sinabi niya. "Sobra ho," proud na sambit ko.

"Kung 'yang anak mo ang anak ni Sir, baka wala ng problema. Malas lang ni Sir dahil maldita ang anak niya."

Nawala ang ngiti ko dahil sa sinabi niya. Malakas akong bumuntong hininga at umiling. "Manong, lahat ho ng magulang, suwerte sa anak. Mabait man ho o makulit, anak pa rin naman 'yan—bata pa rin. Saka malay niyo ho, magbago si Ma'am Chantal at maging mabait katulad ni Jarvis," pagtatanggol ko.

Malakas na tumawa ang driver ng sasakyan at agad na umiling. "Imposible 'yan. Si Ma'am Chantal? Magiging mabait? 'Yong batang 'yon? Ay sus! Imposible talaga."

Sa halip na sagutin siya at makipagtalo pa, nagkibit balikat na lamang ako at lumabas na ng sasakyan. Tulad ng sinabi ko noon kay Sir Preston na determinado akong madisiplina si Ma'am Chantal nang hindi siya pinagbubuhatan ng kamay, determinado rin akong turuan siya ng tamang asal.

Tinanong niya ako kanina kung bawal ba siya sa school nina Jarvis dahil masama siyang bata. Base sa tono ng pananalita niya, alam niya sa sarili niya na makulit siya. Pero sa akin, hindi naman siya masamang bata—mataray at makulit, oo. Pero iba kasi iyon sa masama. Kaya naman determinado akong kahit papaano ay mapabuti ko siya para hindi na siya naiinsecure nang ganoon.

Saka wala namang bata na ipinanganak nang masama. 'Yong iba naimpluwensyahan lang, 'yong iba naman ay dahil lamang sa lungkot. Hindi ko alam kung bakit naging ganoon si Ma'am Chantal pero sisiguruhin ko na hindi ako aalis sa bahay nila nang hindi ko nagagampanan nang maayos ang trabaho ko bilang taga-pangalaga niya.

"Mama!"

Kumaway sa akin si Jarvis nang makita ako. Sinensyasan ko namang huwag siyang tatakbo at manatili lamang sa puwesto dahil kailangan ko pang tumawid upang makapunta roon. Baka kasi mamaya ay tumawid siya at maaksidente pa para lang salubungin ako.

Nang makatawid ako ay agad siyang tumakbo palapit sa akin at niyakap ang gilid ng aking hita. Nag-angat naman ako ng tingin sa guard at malapad itong nginitian.

"Salamat ho ulit sa pagbabantay sa anak ko," pasasalamat ko.

Tumingin muna ito kay Jarvis bago marahang tumango. "Ay wala 'yon, Miss. Masaya namang kausap 'yang anak mo," sagot niya sa akin bago muling tiningnan si Jarvis. "Bukas ulit 'toy, ha?"

Agad na tumango si Jarvis at nag-thumbs up sa matandang guard. Nagpaalam na kami rito bago kami tumalikod. Kinuha ko ang backpack ni Jarvis at ako na ang bumitbit samantalang nakahawak naman sa isang kamay ko si Jarvis at tahimik na kumakain ng ibinigay na lollipop ng matandang guard.

Wala sa sariling kumunot ang noo ko habang nakatingin sa lollipop na kinakain niya nang may mapansing kakaiba mula roon. "'Nak, bigay sa 'yo 'yan ni Manong guard?" mahinang tanong ko bago ko siya isinakay sa kotse.

"Opo, Mama. Bigay ni Lolo guard," nakangiting sagot niya habang kumakain.

Mas lalo akong nagtaka dahil alam kong mamahalin ang lollipop na iyon. Saan naman kumuha ng pambili ang guard na iyon? Muli kong sinulyapan ang guard na naka-duty sa school nina Jarvis. Matanda na rin ito kaya't hindi ko mapigilang isipin kung bakit hindi pa rin siya nag-reretiro.

Umiling na lamang ako at hindi na pinansin ang matandang guard na naroon. Baka may nagregalo lamang sa kaniya ng lollipop na iyon o kaya naman malaki ang sahod niya at wala namang pamilyang sinusustentuhan kaya't ayos lang sa kaniya na bumili ng ganoong kamahal na lollipop.

Ipinagsawalang bahala ko na lamang iyon at tuluyan nang sumakay sa loob ng kotse upang sunduin si Ma'am Chantal. Kung sino man ang matandang guard na iyon, alam kong hindi naman siya masamang tao dahil mabait siya kay Jarvis.

"Mama, kanino ka po sasabay ng pag-kain?"

Ibinaling ko ang aking tingin kay Jarvis nang marinig ang tanong niya. Tipid ko siyang nginitian bago ko ginulo ang kaniyang buhok.

"Sa inyong dalawa ni Ma'am Chantal," sagot ko.

Humaba ang nguso ni Jarvis na animo'y nagsisinungaling ako. "Mama naman. 'Di ba po sabi ni Chanty, sa restau niya gusto kumain? 'Di ba mahal doon, Mama ko?"

"'Nak, sa bahay tayo kakain kaya huwag kang mag-alala, okay?"

"Pero kasi, Mama…"

Malakas akong bumuntong hininga bago ko siya isiniksik palapit sa akin. HInalikan ko ang tuktok ng ulo niya habang tinatapik ang kaniyang balikat. "Si Mama ang bahala kay Ma'am Chantal, okay?"

Napalabi na lamang si Jarvis at hindi na kumontra pa sa sinabi ko sa kaniya. Nakahinga naman ako nang maluwag at nanahimik na lamang dahil malapit na kami sa school ni Ma'am Chantal. Siguro naman ay tapos na siyang maglaro kaya't puwede ko na siyang sunduin.

"Mama, laki ng school ni Chanty. Ganda," manghang komento ni Jarvis nang makatigil kami sa tapat bng eskwelahan kung saan nag-aaral si Ma'am Chantal.

Wala sa sarili akong napangiti dahil iyon din ang reaksiyon ko kanina noong nakita ko ito nang ihatid ko si Ma'am Chantal. Tumango ako bilang pagsang-ayon. "Gusto mong mag-aral dito, Jarvis?"

"Mahal naman po dito, Mama."

"Pero gusto mo, nak?" pamimilit ko pa.

Sumimangot si Jarvis bago umiling. "Baka bad din ang mga nandyan po, away nila ako tulad ni Chanty."

"'Di naman masyadong bad si Ma'am Chantal, anak. Baka sad lang siya. Sure akong magkakasundo kayo balang araw. Ikaw? Gusto mo ba siyang maging kaibigan? Mukhang parehas lang naman kayo ng edad, e."

Hindi kaagad nakasagot si Jarvis kaya't akala ko ay hindi ang isasagot niya. Lalabas na sana ako ng sasakyan nang pigilan niya ako at hawakan ang aking palapulsuhan. Kunot noo akong tumingin pabalik kay Jarvis. "Bakit 'nak?" tanong ko.

"Mama, ayos lang po na maging friends kami ni Chanty?" mahinang tanong niya pabalik.

"Ikaw? Gusto mo ba siyang maging kaibigan?"

Hindi katulad kanina na hindi siya sumagot sa tanong ko, sa pagkakataong ito naman ay marahang tumango si Jarvis at nagbaba ng tingin sa akin na animo'y nahihiya. "Gusto ko pong maging ano…. Maging friend si Chanty."

Tipid akong ngumiti at ginulo ang ulo niya. "Kaya dapat good boy ka kay Ma'am Chantal saka habaan mo ang pasensya mo. Kapag may ginawa siyang masama sa 'yo, sumbong mo nalang sa akin, okay? Huwag mong aawayin si Ma'am Chantal para maging friends kayo."

"Okay po," mahinang sambit ni Jarvis at tumango habang nakatingin sa baba. "Promise. 'Di ko po aawayin si Chanty para magustuhan niya akong maging friend. Promise ko 'yan, Mama."

---