Chapter 23 - 23

"Nako, Lyana, pinapatawag ka na naman ni Sir Preston sa opisina niya. Ano na naman bang ginawa mo?"

Agad na nawala ang ngiti ko at napalitan ng pagsimangot nang marinig ang sinabi ni Manang Lerma. Ibinigay ko kay Ma'am Chantal ang manika niya bago ako tumayo mula sa aking kinauupuan.

"Ngayon na raw po ba, Manang?" tanong ko pabalik.

Tumango si Manang Lerma at mukhang nag-aalala akong tiningnan. Napalabi naman ako at nagkibit-balikat na lamang sa kaniya. Humarap ako kina Ma'am Chantal at kay Jarvis na abala sa paglalaro ng manika. "Pupunta lang ako sa opisina ni Sir. Babalik din ako kaagad tapos pagbalik ko, saka na ulit tayo maglaro. Magpahinga muna kayo, mukhang napagod din naman kayo sa paglalaro niyo sa playground."

"Yaya Lyana?"

"Hmm?" Mahinahong tanong ko kay Ma'am Chantal habang itinatabi ang ilang manika na nakakalat sa daraanan.

"My Daddy will scold you again, right?"

Humarap ako sa kaniya at pilit na ngumiti. Gusto ko mang sabihin na oo, nagsinungaling pa rin ako at marahang umiling. "Ano ka ba naman? Kung pinapagalitan ako ng Daddy mo, e 'di sana, wala na kami rito ni Jarvis," biro ko ngunit mas lalo lamang siyang napasimangot.

Nagpaalam na akong muli sa kanila bago kami magkasabay na lumabas ng silid ni Manang Lerma. Agad na lumapit sa akin si Manang Lerma nang makalabas kami at pinanliitan ako ng mata.

"Nako, ikaw Lyana, ha. Anong hindi ka pinapagalitan ni Sir Preston? Kung hindi ka naman pala pinapagalitan, bakit halos araw-araw kang ipinapatawag sa opisina niya?"

Agad na nagsalubong ang kilay ko dahil sa tanong niya at taka siyang tiningnan. "Ho?"

"Huwag mong sabihin sa akin na…" Nanlaki ang kaniyang mga mata at eksaheradang tinakpan ang kaniyang nakaawang na mga labi gamit ang kaniyang palad. "Huwag mong sabihin na nakikipag-loving loving ka na kay Si—"

"Ay, Manang Lerma naman, hindi ho!"

Hinampas ko pa ang balikat niya at pinanlakihan siya ng mga mata dahil baka may makarinig pa sa kaniya. Peke akong umubo habang namumula ang pisnging tumingin sa kaniya.

"Hindi ho, Manang Lerma. Yaya ako ni Ma'am Chantal, hindi ko gagawin iyon. Saka ano ba naman ho kayo, boss natin 'yon. Hindi ako gagawa ng ganoong bagay," dagdag ko pa.

Tila nakahinga naman siya nang maluwag at tulad kanina ay eksaheradang humawak sa kaniyang dibdib na animo'y hindi makahinga. "Sigurado ka?" tanong niya.

Mabilis akong tumango at itinaas ang aking kanang kamay na animo'y nanunumpa. Akala ko ay ngingiti na siya sa akin at tatapikin ang aking balikat ngunit agad ding nanlaki ang aking mga mata nang paluin niya ang balikat ko na animo'y hindi nagustuhan ang sinabi ko.

Agad kong sinapo ang balikat ko na pinalo niya at naguguluhang tumingin sa kaniya. "Si Manang naman. Hindi ko nga ho nilalandi si Sir, promise peksman, mamatay man ako," reklamo ko at nakasimangot na hinimas ang aking balikat.

"Eh ang bagal mo naman pala, eh! Bakit hindi pa?"

Ilang beses akong napakurap at hindi makapaniwalang tumingin sa kaniya matapos marinig ang katagang lumabas mula sa kaniyang bibig. "H-Ho?" Naguguluhang tanong ko.

"Kung bata-bata lang ako, ako na sana ang may-ari nitong bahay. Aba. Pang-ilan ka na bang Yaya ni Ma'am Chantal? Lahat ng nagdaang Yaya ni Ma'am, palaging nilalandi si Sir kaya noong dumating ka rito, alam na ng lahat na ganoon din ang gagawin mo kaya… anong hindi pa?"

Muntik nang lumaglag ang panga ko sa sahig bago ko itinuro ang aking sarili. "A-Ako ho? Ay naku, Manang! Wala akong planong ganiyan, kaloka naman kayo. Mag-aalaga lang ako kay Ma'am Chantal, ayos na iyon sa akin. Saka 'di ba ano… may asawa si Sir?"

"Tingin mo ba talaga ay may asawa si Sir? Kung mayroon, e 'di hindi na 'yon nilandi ng mga dating naging Yaya ni Ma'am Chantal," umiiling na sambit niya at sinamaan ako ng tingin. "Aminin mo nga. May asawa ka talaga, ano?"

Tulad kanina, mabilis akong umiling bilang pagtanggi sa pag-aakusa niya. "Manang, wala ho, promise. Wala akong asawa saka wala akong boyfriend."

"Oh eh kung ganoon, bakit ayaw mo kay Sir?"

Malakas akong bumuntong hininga at napapantastikuhan pa ring tumingin sa kaniya. "Boss ko ho si Sir, Manang. Hindi ako ganiyang klaseng babae. Saka nag-apply ho ako rito para maging yaya ni Ma'am Chantal at hindi ang maging sunod na asawa ni Sir Preston. Hindi ko ho siya type, ano."

"Ay bakit naman hindi? Mukha ngang magkasing-edad lang kayo. Maganda ka naman saka walang asawa at boyfriend… bakit ayaw mo? Kung ako sa 'yo, hindi na ako magdadalawang isip pa. Hindi mo man lang ba naisip na kapag nagustuhan ka ni Sir Preston, gaganda na ang buhay niyo ni Jarvis?"

Umiling ako. "Hindi ho ako manggamit, Manang. Saka si Sir, hindi ko talaga siya type. Promise, ho."

Mahina siyang tumawa at tinapik ang aking balikat. "Kung hindi mo type, baka naman ikaw ang type."

Sa pagkakataong iyon ay muntik na akong mabuwal sa aking kinatatayuan dahil sa sinabi niya. Nakangiwi ko siyang tiningnan bago ako sunod-sunod na umiling. .

"Kung alam mo lang Manang Lerma. Mainit din ang dugo sa akin ni Sir, promise. Araw-araw nga akong sinesermonan." Umismid ako at hindi mapigilang umirap. "Hindi niya ba nakikita na nagbabago na ang anak niya? Dapat nga magpasalamat pa siya sa akin, e. Sus."

Muling tumawa si Manang Lerma at napailing na lamang dahil sa sinabi ko. Kapagkuwan ay nagpaalam na siya na bababa na siya at pupunta sa baba upang maghanda ng hapunna samantalang naiwan naman ako sa second floor. Kinindatan pa ako ni Manang at tinukso dahil pupunta pa ako sa opisina ni Sir Preston.

Napailing na lamang ako. Hindi pa rin ako makapaniwala na mula pala nang pumasok at nagtrabaho ako sa bahay na ito, iniisip na nila na lalandiin ko si Sir dahil iyon ang ginagawa ng ibang mga nagiging Yaya ni Ma'am Chantal noon.

Umismid ako. Kaya naman pala hindi sila nagtatagal, e. Sa halip na pag-aalaga sa bata ang intindihin, panlalandi pala kay Sir Preston ang inaatupag nila.

Napailing na lamang ako at binaybay ang pasilyo patungo sa opisina ni Sir Preston. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na baka ganoon din ang iniisip ni Sir na gagawin ko sa kaniya. Iniisip niya kayang nilalandi ko siya?

Malakas akong bumuntong hininga at muling napailing. Basta alam ko naman sa sarili ko na hindi ko siya nilalandi at mukhang kahit papaano, alam niya na rin naman iyon—palagi niya nga akong sinesermonan, e. Araw-araw nga yata kung tutuusin dahil ayon nga kay Manang Lerma, halos araw-araw niya akong ipinapatawag sa opisina niya.

Ano na naman kayang ginawa ko ang hindi niya nagustuhan? Ano na namang dahilan ng sermon niya asa akin?

Habang naglalakad ay nag-iisip na rin ako ng kung anong maaari niyang isermon sa akin para makaisip na ako kaagad ng isasagot sa kaniya. Palagi namang ganoon, ano pa bang aasahan ko?

Napaismid ako habang mag-isang naglalakad papunta sa opisina ni Sir Preston. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na bakit iniisip nina Manang Lerma na may balak akong magkarelasyon kami ni Sir Preston—hello, araw-araw niya akong sinesermonan? Oo at guwapo siya pero hindi naman 'yon dahilan para magustuhan ko siya.

Umirap ako. Guwapo nga, masama naman ang ugali.

Napatunayan ko na hindi naman pala talagang masama ang ugali ni Ma'am Chantal pero si Sir Preston… hindi ko lang alam. Binabawi ko na tuloy ang sinabi ko noon na nagmana sa kaniya si Ma'am Chantal.

Nang makarating ako sa tapat ng opisina ni Sir Preston ay humugot muna ako ng malalim na buntong hininga bago ako kumatok. Nakailang katok pa ako bago ako tuluyang pumasok sa loob. Hindi naman naka-lock ang pintuan ng opisina niya kaya't malaya akong nakapasok sa loob.

Bumungad sa akin si Sir Preston na nakaupo sa swivel chair niya habang umiinom ng kape. Nag-angat siya ng tingin sa akin at tinaasan ako ng kilay kaya't peke akong ngumiti sa kaniya.

"Pinapatawag niyo raw ho ako, Sir?"

Ibinaba niya ang tasa sa lamesa bago siya muling tumingin sa akin. "Take a seat," utos niya.

Wala sa sarili akong napatingin sa upuan na nasa may gilid ng lamesa niya. Kinakabahan man ay sumunod pa rin ako sa utos niya at umupo roon. Nagtaka tuloy ako kung sesermonan na naman niya ba ako o hindi dahil dati naman, hindi niya ako pinapaupo malapit sa kaniya. Nakatayo ako tuwing sinesermonan niya ako kaya naman nasanay na ako na ganoon.

"Bakit niyo ho ako pinatawag, Sir?" tanong kong muli matapos kong umupo.

Malakas siyang bumuntong hininga at inayos ang suot na salamin. Wala sa sarili naman akong napalunok bago umayos ng pagkakaupo.

"About Chantal…"

"Dinala ko ho siya ulit sa playground kanina," pagputol ko sa sasabihin niya. "Gusto niya rin ng ice cream kaya pinakain ko pero kaunti lang kasi hati nalang sila ni Jarvis dahil kumain na rin siya ng ice cream noong isang araw at sabi niyo ay masama ang palagi niyang pagkain ng ice cream. Pagkatapos nilang maglaro, pinagpahinga ko muna sila bago ko siya pinaliguan dahil sabi niyo nga ho sa akin, baka lagnatin at ubohin kapag pinaliguan ko kaagad."

Nag-angat ako ng tingin kay Sir Preston at tipid na ngumiti. "Sinusunod ko naman ho ang sinasabi niyo, Sir. Wala ho kayong dapat na ikapag-alala," dagdag ko pa.

Umubo siya at muling inayos ang suot na salamin kaya't mas lalo akong nagtaka. Hindi ko alam kung ano ba talaga ang sadya niya at ipinatawag niya ako rito pero karaniwan naman talaga—palagi pala—ay si Ma'am Chantal lang naman ang pinag-uusapan naming dalawa.

"It's not just about her," malamig na sambit niya matapos ang mahabang katahimikan sa pagitan naming dalawa.

Kunot-noo akong nag-angat ng tingin sa kaniya. "H-Ho?"

"It's about your son. What's his name again?"

Hindi ako kaagad nakasagot at ilang beses na napakurap nang banggitin niya ang tungkol sa anak ko. Kinakabahan akong napalunok. "S-Si Jarvis?"

Mas lalo lamang akong kinabahan nang marahan siyang tumango at akmang magsasalita na ngunit hindi naituloy ang dapat na sabihin. Para bang nag-aalangan siya na sabihin sa akin ang bagay na iyon kaya't mas bumilis ang tibok ng aking puso.

Anong mayroon kay Jarvis? Sa pagkakaalam ko naman ay hindi sila nag-aaway ni Ma'am Chantal at hindi rin naman sila nag-aaway ni Sir Preston dahil hindi naman sila palaging nagkikitang dalawa.

"M-May problema ho ba kayo sa anak ko, Sir?" Kinakabahang tanong kong muli sa kaniya.

Nag-angat siya ng tingin sa akin. "I want your son to study with Chantal. Ililipat ko siya sa school kung saan nag-aaral si Chantal."

Tila tinakasan ako ng bait nang marinig ang sinabi niya kaya't bahagyang umawang ang aking mga labi. Nanlalaki ang aking mga mata nang tumingin ako sa kaniya ngunit sinalubong niya lamang ako ng malamig na titig.

"H-Ho?"

Tumango siya. "I want him to transfer as soon as possible. Chantal requested it to me so you should thank her."

Hindi ako kaagad nakapagsalita at ilang beses na napakurap habang nakatingin kay Sir Preston. Sinabi ni Ma'am Chantal ang bagay na iyon? Gusto niyang makasama si Jarvis sa school?

Nang makabawi ay saka ako pekeng umubo at muling umayos ng pagkakaupo. "Pero Sir, wala ho akong pambayad sa tuition sa school ni Ma'am Chantal kaya…"

"I'll handle it," kaswal na pagputol niya sa dapat ay sasabihin ko.

Muli akong napalunok at muling natahimik. Hindi ko alam kung paano ako dapat mag-react sa alok niya. Alam ko naman na matutuwa si Jarvis kapag sinabi kong doon na siya mag-aaral sa kung saan nag-aaral si Chantal kaso…

Bumuntong hininga ako. Hindi lumaki sa yaman si Jarvis tulad ni Ma'am Chantal at ng iba pang mga bata roon. Alam kong mahihirapan siyang makisama sa mga iyon kaya't hindi ko mapigioang matakot at mag-alala para kay Jarvis.

"Sir, nakatira na ho kami nang libre rito sa bahay niyo saka pinapasuweldo niyo pa ako at libre pa ang pagkain namin dito. Hindi ho ba't masyado na akong aabuso kung tatanggapin ko ang alok niyo?"

"Well, it's up to you. Hindi ko naman kawalan kung hindi mo tatanggapin ang inaalok ko. Think about your son, too, Miss Dela Merced," sagot niya kaya't nag-iwas nna ako ng tingin sa kaniya at sa halip ay tumingin na lamang sa sahig.

Tama nga naman siya. Libre na nga lahat at hindi naman ako nagmamakaawa sa kaniya… tatanggi pa nga ba ako? Mas makabubuti rin naman siguro kay Jarvis kapag nag-aral siya sa ganoong lugar at isa pa, mababantayan din nila ni Ma'am Chantal ang isa't-isa dahil magkasama na sila. Hindi na rin magiging hassle sa akin ang paghatid at pagsundo sa kanila dahil nasa parehas na school na silang dalawa.

"And one more thing, Miss Dela Merced…"

Muli akong nag-angat ng tingin kay Sir Preston nang muli siyang nagsalita. Niluwagan niya ang suot na necktie at mula sa aking kinauupuan ay hindi nakatakas sa aking mga mata at bahagyang pag-igting ng kaniyang panga.

"My offer is not for free. May kapalit 'yan," dagdag niya pa.

Agad na nagtapo ang aking mga kilay at naguguluhang tumingin sa kaniya. "Ho? Pero sabi niyo…"

Hindi ko na naituloy pa ang dapat kong sabihin nang may kung ano siyang kinuha sa drawer niya at inilabas iyon. May kinuha siyang kung anong papel sa kaniyang drawer bago iyon inilapag sa aking harapan. Napalunok naman ako.

"Check it," utos niya,

Marahan akong tumango bago kinuha ang envelope na nasa aking harapan. Kinakabahan man ay dahan-dahan ko pa rin iyong binuksan. Mas lalo lang naman akong naguluhan nang makita kung ano iyon.

"Invitation?" Wala sa sariling tanong ko habang binabasa kung anong nakasulat doon. Nag-angat ako ng tingin kay Sir Preston at kunot-noo siyang tiningnan. "Ito ho ba 'yong party na sinasabi niyo na rito gaganapin sa bahay niyo? 'Yong mags-speech si Ma'am Chantal?"

Tumango siya.

"Bakit niyo ho 'to ibinibigay sa akin?" dagdag na tanong ko pa.

Malakas siyang bumuntong hininga at tila nag-aalangan pa sa kung anong isasagot niya sa tanong ko. Dahil doon ay mas lalo lamang akong naguluhan. Ibinalik ko ang tingin ko sa invitation at nakumpirma nga noon ang hinala ko dahil nakalimbag doon ang pangalan niya.

Preston Tejada The Fourth.

Astig naman ng pangalan niya. Ibig sabihin, ilang dekada nang may Preston Tejada sa pamilya nila. Galing.

"I want you to be my date."

Para akong nabingi nang marinig ang sinabi niya. Gulat akong nag-angat ng tingin sa kaniya bago wala sa sariling itinuro ang aking sarili. "A-Ako ho?" Hindi makapaniwalang tanong ko sa kaniya.

"Yes. You'll pretend that you're my girlfriend and not a maid here. Just for one night, Miss Dela Merced."

---