Naging normal ang mga sumunod na araw matapos naming mag-usap ni Sir Preston tungkol sa 'asawa' niya. Hindi na niya ako kinulit pa tungkol doon at parang normal lamang ang lahat dahil sinesermonan niya pa rin ako.
Iyon naman ang normal sa akin—ang panenermon niya.
"Ang galing naman, Ma'am Chantal! Saulo mo na lahat?" Pumalakpak ako habang nakatingin kay Ma'am Chantal matapos niyang kumpletong bigkasin ang speech na ipinapasaulo ng ama.
Tumango si Ma'am Chantal at tipid na ngumiti sa akin. "Easy lang naman… po," mahinang sagot niya.
Tumaas ang gilid ng labi ko matapos marinig ang sinabi niya. Nakahinga ako nang maluwag dahil kahit papaano ay naiimpluwensiyahan din anman pala ni Jarvis si Ma'am Chantal. Parang kailan lang nang punahin ni Jarvis ang hindi paggamit ng po ni Ma'am Chantal sa matatanda tapos ngayon, heto at unti-unti na siyang nasasanay.
Lumingon ako kay Jarvis na ngayon ay abala sa pangangalikot ng school bag ni Ma'am Chantal. "Jarvis 'nak, gayahin mo nga 'yong speech ni Ma'am Chantal dali," utos ko sa kaniya.
Agad na lumingon sa akin si Jarvis at nakasimangot akong tiningnan. "Ayoko po, Mama. English kaya 'yan. Nasa ibang bansa ba tayo? 'Di na kailangan mag-English, pwede namang ganito nalang," kaswal na sagot niya at nagkibit balikat.
Wala akong nagawa kung hindi ang mahinang tumawa at mapailing na lamang dahil sa inasal ng anak ko. Nang ibalik ko naman ang tingin ko kay Ma'am Chantal ay nakasimangot na siya ngayon habang nakatingin kay Jarvis.
"Sabi ko naman sa 'yo, I'll help you, e. Puro ka kasi play kaya ayan, wala ka pa ring progress," sermon niya kay Jarvis.
Hindi ko mapigilang hindi matawa dahil sa tono ng pananalita niya. Kung paano niya sermonan si Jarvis, ganoon din ang tatay niya kapag sinesermonan ako.
Mag-ama nga sila.
Nakasimangot na tumingin muli sa amin si Jarvis. "Hindi kayo ako naglalaro palagi. Tingnan mo nga, oh. Linis ko 'tong bag mo kasi ang dumi. Dami-raming plastic, takaw ka ba?" tanong ni Jarvis at inilabas ang ilang supot ng plastic ng tinapay na wala ng mga laman.
Agad na kumunot ang noo ko habang nakatingin sa mga iyon. Nang sumulyap naman ako kay Ma'am Chantal ay bahagyang nanlaki ang kaniyang mga mata na animo'y nagulat din na may lamang mga ganoon ang bag niya.
Nagsalubong ang kilay ko bago lumapit kay Jarvis at kinuha ang ilang plastic ng ubos na tinapay. Ilang segundo ko iyong tinitigan bago ako nag-angat muli ng tingin kay Ma'am Chantal.
"'Di ba wala ka namang baon na ganito?"
Hindi kaagad nakasagot sa akin si Ma'am Chantal at sa halip ay nag-iwas siya ng tingin sa akin. Malakas akong bumuntong hininga. "Sa school mo ba 'to binili?" dagdag na tanong ko pa.
Nanatili siyang tahimik ngunit kapagkuwan ay marahan din siyang tumango. Napailing ako dahil halata naman na nagsisinungaling siya sa akin. Hindi ko na siya pinilit pa at itinapon na lamang ang plastic ng candy at tinapay sa basurahan.
Ayaw ko siyang pilitin dahil mukhang ayaw niya namang sabihin ang totoo. Kay Sir Preston ko na lamang sasabihin kung ano ang napansin ko para wala ng gulo.
Umubo si Jarvis ngunit alam ko naman na peke iyon. Nang tingnan ko siya ay tipid lamang siyang ngumiti sa akin. Alam kong nararamdaman niya na may itinatago si Ma'am Chantal ngunit tulad ko ay hindi na siya nag-usisa pa.
"Chanty," pagtawag niya rito.
Tumingin si Ma'am Chantal kay Jarvis. "Hmm?"
"'Di ba may party dito sa inyo sa Linggo? Puwede ba akong lumabas?"
"Why not naman? Of course, you can."
Sumimangot si Jarvis at nagkibit balikat. "Baka tanungin nila ako kung sino ako saka kung bakit dito ako nakatira sa inyo," mahinang sagot niya.
"Eh? Then we'll tell them that you're Yaya Lyana's…" Tumigil sa pagsasalita si Ma'am Chantal at tinakpan ang bibig nang mapagtanto kung anong ibig sabihin ni Jarvis. "Ah, right. Yaya Lyana will pretend that he's my Daddy's girlfriend nga pala."
Nag-angat sa akin ng tingin si Ma'am Chantal at kunot-noo akong tiningnan. "Yaya Lyana, can't you just tell them that Jarvis is your son? You know, same lang naman kayo ni Daddy ko na may child kaya that's fine naman, 'di ba?"
Hindi ko alam kung anong isasagot ko dahil hindi ko rin naman alam na alam na pala ni Ma'am Chantal ang tungkol sa pagpapanggap namin ng Daddy niya. Mas lalo ko pang ikinagulat na para bang wala lang sa kaniya iyon at kaswal lamang siya sa gagawin namin ng Daddy niya.
Kung normal na bata, iisipin na ipinagpapalit na ng Daddy niya ang Mommy niya kaya dapat, magagalit siya sa akin. Pero si Ma'am Chantal…
Dahil doon, mas lalo tuloy akong kinain ng kuryosidad sa kung ano talaga ang nangyari sa nanay ni Ma'am Chantal at kung bakit parang tuluyan nang nakalimutan ng mag-ama ang tungkol sa kaniya.
Tipid akong ngumiti sa kanilang dalawa at marahang tumango. "Sasabihin ko kay Sir Preston," tanging tugon ko.
Sabay naman silang tumango at tumayo mula sa pagkakaupo sa sahig. "Yaya Lyana, I want to eat meryenda na. Can we go downstairs na?"
Agad akong sumang-ayon sa sinabi ni Ma'am Chantal at tumayo na rin. Sabay-sabay kaming lumabas sa silid ni Ma'am Chantal kung saan kami naroon halos buong maghapon dahil doon sila naglalaro ni Jarvis at lagi rin naman akong nakabantay sa kanila.
Nakahawak sa magkabila kong kamay sina Jarvis at Ma'am Chantal habang pababa kami ng hagdan papunta sa first floor kung saan naroon ang kusina. Sakto namang naabutan namin si Sir Preston na may kung anong kinakain sa dining area.
"Daddy is stressed again." Dinig kong mahinang bulong ni Ma'am Chantal.
Taka akong tumingin sa kaniya. "Ha? Paano mo naman nalaman?"
"He always eat sweets when he's stressed." Malakas siyang bumuntong hininga at kapagkuwan ay napailing. "I don't want to bother him but I'm kinda hungry na, Yaya. Sabay ba tayo sa kaniya?"
Hindi ako kaagad na nakasagot dahil hindi ko rin naman alam kung anong isasagot ko. Awkward ko siyang nginitian. "I-Ikaw ang bahala," tanging sambit ko.
Humaba ang nguso ni Ma'am Chantal at sumimangot bago nagkibit-balikat. "Fine, let's just eat na nga. We're going to eat lang naman." Tumingin si Ma'am Chantal kay Jarvis. "You want to eat, too, right?"
Tumango si Jarvis kaya't naglakad na si Ma'am Chantal palapit sa kaniyang ama. Wala sa sarili naman akong napalunok bago kinakabahang sumunod sa kanila.
Nag-angat ng tingin sa amin si Sir Preston nang makitang papalapit kami. Mag-iiwas na sana ako ng tingin ngunit agad na nagtagpo an gaming mga mata. Tinaasan niya ako ng kilay kaya't kinakabahan akong nagbaba ng tingin.
Base sa ekspresyon ng mukha niya, mukha ngang gaya ng sinabi ni Ma'am Chantal ay may problema ito. Hindi ko alam kung ano iyon at wala naman akong balak na malaman dahil baka mas lalo lamang siyang magalit sa akin dahil nangingialam na naman ako sa personal niyang buhay.
"Oh, Lyana 'neng? Bakit kayo bumaba?" Bungad na tanong ni Manang Lerma na galing sa kusina.
Tipid ko siyang nginitian. "Gusto na raw ho kasing magmeryenda ni Ma'am Chantal kaya bumaba na kami," sagot ko.
Umupo si Ma'am Chantal sa upuan na nasa gilid ng ama at sinenyasan si Jarvis na tumabi sa kaniya. "Yaya Lyana, kuha ka pong ice cream. Three na so we can eat," utos niya.
Nang tingnan ko si Sir Preston ay kapwa nagsalubong ang kaniyang dalawang kilay na para bang takang-taka sa tono ng pananalita ng anak. Sumulyap siya sa akin ngunit maloko ko lamang siyang nginitian at nagkibit balikat.
Sabi ko naman sa kaniya, kaya kong patinuin ang anak niya, e. Ayaw niya lang maniniwala sa akin.
"Chantal, I told you not to eat ice cream, right? It's bad for you," malamig na suway ni Sir Preston sa anak.
Mula sa puwesto ko ay agad kong nakita ang bahagyang paglapit ni Jarvis kay Ma'am Chantal at may kung anong ibinulong. Bahagyang nanlakai ang mga mata ni Ma'am Chantal bago tumingin sa kaniyang ama.
"Daddy, Jarvis told me that he caught you eating ice cream last last night. Is that true?" Inosenteng tanong ni Ma'am Chantal kay Sir Preston.
Pinagtagpo ko naman ang aking mga labi at kinagat iyon upang pigilan ang aking sarili sa pagtawa. Bago ako tumalikod sa kanila para kumuha ng ice cream ay hindi nakatakas sa aking mga mata ang pagtingin nang masama ni Sir Preston kay Jarvis na animo'y tinatakot ito. Agad namang sumiksik si Jarvis sa likod ni Ma'am Chantal para pagtaguan si Sir.
Napailing na lamang ako at kumuha na ng ice cream mula sa ref. Kumuha ako ng dalawang tub at nagsalin sa dalawang platito. Kaunti lamang din ang nilagay ko dahil baka mamaya, masermonan na naman ako ni Sir Preston at sabihin sa akin na kung ano-ano na naman ang pinapakain ko sa anak niya.
Strawberry ang flavor ng kay Ma'am Chantal samantalang chocolate naman kay Jarvis. Matapos magsalin ay ibinalik ko ang natirang ice cream sa ref bago ako humarap sa kanila.
Inilapag ko ang dalawang platito sa harapan ng dalawang bata bago ako naupo sa kabilang upuan kaharap nila.
"Wow! Astig naman, may ice cream kayo sa bahay," malakas na bulalas ni Jarvis at pinagsiklop ang kaniyang dalawang palad habang nakatingin sa ice cream na nasa kaniyang harapan.
"What's astig?" takang tanong ni Ma'am Chantal at agad na sumubo nng ice cream niya. Eksaherada pa siyang ngumanga matapos matikman ang ice cream at pinaypayan ang bibig. Nangilo yata. "You're always saying that word. What is that ba?"
Nagkibit-balikat si Jarvis at nagsimula na ring kumain. Matapos sumubo ay saka siya lumingon kay Ma'am Chantal. "Ano… Hindi ko alam kung anong ibig sabihin n'on, e. Basta astig. Lagi 'yong sinasabi ng mga tropa ko sa dati naming bahay," kaswal na sagot niya.
Wala sa sarili naman akong napailing dahil doon. Dahil lagi kong iniiwan sina Jarvis at si Thirdy sa mga kapitbahay tuwing may trabaho ako noon, kung sino-sino na ang nakakausap niya sa dati naming bahay kaya naman naimpluwensiyahan na rin siya ng mga iyon.
"What's tropa naman?"
"Parang tayo," sagot ni Jarvis at itinuro ang sarili niya. Kapagkuwan naman ay saka niya rin itinuro si Ma'am Chantal. "Tropa tayo. Ano… friends ganoon."
Marahang tumango si Ma'am Chantal at animo'y nagkaintindihan na sila ni Jarvis. Akmang sasandal naman ako sa upuan nang muling magsalita si Sir Preston.
"Miss Dela Merced," pagtawag niya sa akin.
Agad akong nag-angat ng tingin sa kaniya kahit na hindi ko pa rin mapigilang kabahan. "P-Po?"
"Ikuha mo rin ako ng ice cream," malamig na utos niya at ibinigay sa akin ang platito ng kinaing chocolate cake. Ilang beses pa akong napakurap pero nang taasan niya ako ng kilay ay dali-dali akong tumayo at sumunod sa utos niya.
Binuksan ko ang ref at kinuha ang tub kung saan ko kinuha ang ice cream ni Ma'am Chantal. Naisip ko kasi na dahil mag-ama sila, baka parehas lang sila ng gusto na ice cream—
"Not that," mabilis na pagtutol ni Sir Preston. "I want the chocolate one. Allergic ako sa strawberry."
Kumunot ang noo ko dahil sa sinabi niya ngunit nagkibit balikat na lamang ako. Ipinaglagay ko siya ng chocolate ice cream katulad ni Jarvis bago ako bumalik sa kinauupuan ko. Ibinigay ko sa kaniya ang platito na may ice cream na agad naman niyang sinimulang kainin.
"Chanty, parehas pala kami ng Daddy mo. Pantal-pantal katawan ko noong kumain ako ng stawberry," bulong ni Jarvis kay Ma'am Chantal ngunit sapat pa rin para marinig namin.
"Strawberry, Jarvis. Hindi stawberry," pagtatama ko.
"You're allergic to strawberry too?"
Nag-angat ako ng tingin kay Sir Preston na hindi ko alam na nakikinig pala sa usapan namin. Akala ko ay abala lamang siya sa pag-kain pero pasimple palang nakikinig. Sus.
Tumingin muna sa akin si Jarvis bago siya tumango bilang sagot sa tanong ni Sir Preston. "Opo, Boss. Nagpantal po ba katawan mo tapos sobrang kati-kati? 'Di ba po masakit tapos makati rin kaya ang sarap kamutin—"
"Jarvis," suway ko sa kaniya.
Agad namang napalabi si Jarvis at tinakpan ang bibig. Kinamot niya ang kaniyang ulo at nahihiyang tumingin sa akin. Mahina siyang tumawa. "Ay, daldal na pala ako," mahinang sambit niya.
Napailing na lamang ako samantalang nag-iwas naman siya ng tingin sa akin at nagpatuloy na sa pag-kain ng ice cream.
"Daddy?"
"What?" tanong ni Sir Preston kay Ma'am Chantal nang tawagin siya nito.
"We're having a party on Sunday, right? Can I just bring Jarvis with me? I want a playmate."
Kinagat ko ang aking ibabang labi dahil ako sana ang magsasabi niyon kay Sir Preston ngunit naunahan na ako ni Ma'am Chantal sa pagsasabi.
Malakas na bumuntong hininga si Sir Preston. "Chantal, you don't need a playmate on a party."
"But I want to bring Jarvis with me, Daddy. Hindi ako magsspeech kapag 'di mo pinayagan si Jarvis," mataray na sambit nito sa ama. Wala sa sarili naman akong bumuntong hininga dahil bumabalik pa rin pala ang ugali niya noon kapag hindi siya nasusunod o kaya ay naiinis.
Mukhang iyon ang kailangan kong atupagin sa mga susunod na araw—ang turuan siya kung paano humaba ang pasensiya niya.
"Chantal, we can't—"
"I don't accept a no, Daddy," pagputol ni Ma'am Chantal sa kung ano mang dapat ay sasabihin sana ng ama. "Just tell them that Jarvis is Yaya Lyana's daughter. That's easy, right?"
Agad na umiling si Sir Preston. "I already told you our set up on Sunday, Chantal. Don't be such a brat. Your Yaya will pretend as my girlfriend on Sunday so she can't have a son—"
"Then why are you allowed to have a daughter?" Muling pagputol ni Ma'am Chantal sa sasabihin ni Sir Preston bago siya nag-angat ng tingin. Tinaasan niya ng kilay ang ama kaya't hindi ko mapigilang mapalunok.
"Tell them that Jarvis is Yaya Lyana's son and then I am your daughter. That will be great, right? We can pretend as brother and sister, too. Yaya Lerma said we kinda looked a like so… just tell them that we're soon to be siblings since you're gonna pretend that you're in a relationship with Yaya Lyana. That will be all right, right, Daddy?"
Napanganga ako dahil sa sinabi niya. Ilang beses akong napakurap at manghang tumingin sa kaniya. Hindi ko masiyadong naintindihan ang sinabi niya dahil mabillis at puro ingles ngunit humanga pa rin ako.
Talaga bang limang taon pa lamang siya? Sino bang nanay niya? Saksakan ba ng talino ang nanay niya at ganito siyang kagaling?
"I promise that I'll be a good girl, Daddy. But I don't accept no as an answer," dagdag pa ni Ma'am Chantal.
Umismid si Sir Preston at marahang napailing. "Brat," tanging sambit niya na siya namang ikinangiti ni Ma'am Chantal.
Mukha ngang talo si Sir sa anak niya dahil matagumpay na tumingin sa akin si Ma'am Chantal at mapaglarong kumindat.
---