Chapter 22 - 22

"Mama, pogi pa rin po ba ako?" paiyak nang tanong ni Jarvis habang ginugupitan siya ng barber.

Sinubukan kong huwag tumawa ngunit nang makita ko ang paiyak na niyang mukha, hindi ko na napigilan pa ang aking sarili. Sinamaan niya ako ng tingin mula sa salamin ngunit nagkibit-balikat lamang ako sa kaniya at hindi na sumagot.

Tumingin ako kay Ma'am Chantal na nakaupo sa tabi ko ngunit abala ang mga mata sa pagtingin-tingin sa paligid na animo'y ito ang unang beses niyang makalabas sa tunay na mundo. "Bagay naman kay Jarvis, 'di ba, Ma'am Chantal?" tanong ko.

Humarap siya sa akin nang marinig ang tanong ko. Sunod niya namang ibinaling ang kaniyang mga mata kay Jarvis at marahang tumango bilang sagot.

"Hindi ka ba mad kasi I cut his hair?"

"Ha?" takang tanong ko sa kaniya pabalik. Hindi siya sumagot at sa halip ay nakasimangot lamang akong tiningnan na animo'y hinihintay ang sagot ko sa tanong niya. Malakas akong bumuntong hininga at nagkibit-balikat. "Kaunti? First time niya kasing magpagupit tapos ikaw pa ang naggupit saka hindi ko pa nakita. Pero ayos lang naman, tingnan mo nga, oh. Ang guwapo-guwapo na."

Sinunod ni Ma'am Chantal ang utos ko at muling tumingin sa gawi ni Jarvis. Humaba ang nguso niya at mas lalong sumimangot. "'Di mo ba ako papagalitan? Si Daddy, pinagalitan ako kasi humawak daw ako ng scissors."

"Siyempre, papagalitan ka niya kasi delikado 'yon saka nasa may hagdan pa naman kayo ni Jarvis. Paano kung nahulog kayo tapos tumama sa…" Itinuro ko ang tiyan niya kaya't bahagyang nanlaki ang kaniyang mga mata. "Paano kung tumama ang gunting sa tiyan mo? Dugo 'yan."

Mukha namang natakot siya sa sinabi ko dahil halata sa kaniyang mukha ang pangamba. Ilang beses siyang napakurap na animo'y iniimagine kung nahulog nga siya. Hindi ko naman mapigilang mapangiti at mapailing dahil mukhang gumana ang sinabi ko.

"Pinalo ka ba ng Daddy mo?"

Umiling si Ma'am Chantal. "'Di naman niya ako always na pinapalo… kapag bad lang ako tapos nasaktan ako," kaswal na sagot niya.

Kahit papaano ay nakahinga ako nang maluwag nang marinig ang sagot niya,. Atleast alam ko na ginagawa lang iyon ni Sir Preston para pagsabihan si Ma'am Chantal at hindi na umulit pa… pero mali pa rin iyong ginawa niya.

"Ikaw? 'Di mo ko papaluin?" dagdag niya.

Agad akong umiling bilang sagot sa tanong niya. "Bakit naman kita papaluin? Mukha namang hindi mo na uulitin 'yong ginawa mo, 'di ba?" Tumango siya at nagbaba ng tingin na animo'y nahihiya.

Tumahimik na ako at ngumiti na lamang bago ko ibinalik ang aking tingin kay Jarvis. Kinakausap na niya ang barbero at nagtatawanan na sila kaya't hindi ko mapigilang mapailing. Kahit sino yata ay makakasundo niya. Kaya naman hindi na ako kumontra pa noong sinabi niya sa akin na gusto niyang maging kaibigan si Ma'am Chantal… kasi alam ko namang mangyayari iyon.

Kahit yata ang pinakanakakatakot na tao sa mundo, kayang paamuin ni Jarvis. Kung si Ma'am Chantal nga ay napangiti niya, ang iba pa kaya?

Bahagyang kumunot ang noo ko. Ah, hindi pala. May Sir Preston pa pala.

"Ma'am Chantal?" pagtawag ko sa atensyon ng katabi ko.

Lumingon siya sa akin kaya naman nagpatuloy na ako sa pagsasalita at pagtatanong sa kaniya. "'Yong Daddy mo ba… bad siya?" dagdag ko pa.

Ilang beses siyang napakurap at animo'y hindi naintindihan ang tanong ko kaya't awkward akong ngumiti sa kaniya at nahihiyang nag-iwas ng tingin. "A-Ano, curious lang ako nang kaunti," nahihiyang sambit ko.

"Why? Nagalit ba sa 'yo si Daddy because you let me play outside?"

Bahagyang nanlaki ang aking mga mata dahil nakuha niya kaagad kung anong nais kong iparating. Gusto ko mang magsabi ng totoo at sabihin na oo ngunit dahan-dahan akong umiling at tipid siyang nginitian. "Hindi. Ayos lang daw basta kasama mo ako," tanging sagot ko na lamang sa kaniya.

Tulad ng inaasahan, agad na nagliwanag ang ekspresyon niya sa mukha nang marinig ang sinabi ko—ngiting-ngiti siya na animo'y iba siya sa Ma'am Chantal na naabutan namin ni Jarvis sa bahay na nagtulak sa yaya niya sa hagdan.

"R-Really?"

Tumango akong muli at nginitian siya. "Basta kasama mo ako para hindi na mag-alala sa 'yo si Daddy mo. Dapat din hindi ka masaktan o magkasugat kasi kapag nasaktan ka, 'di na niya tayo papayagan. Kaya dapat mabait ka para payagan niya tayo palagi."

"Okay!" Mabilis na sagot niya at pinagsiklop ang dalawang palad. "I can play with Jarvis naman, 'di ba?"

"Oo naman. Basta mag-ingat kayo palagi saka kasama niyo ako."

Muling sumilay ang malapad na ngiti sa kaniyang mga labi habang tumatango. Hindi ko tuloy mapigiang isipin na mukha ngang masiyado siyang napagkaitan ng kalayaan kaya naman sa simpleng paglabas ng bahay nila, tuwang-tuwa na siya.

Bumuntong hininga ako habang nakatingin sa kaniya. Mahigpit naman ako pagdating sa pagpapalaki kay Jarvis pero nasisiguro ko naman na hindi ako gaanong kahigpit tulad ni Sir Preston kay Ma'am Chantal.

Pinaypayan ni Ma'am Chantal ang kaniyang sarili habang nakatingin sa repleksyon niya sa malaking salamin. "Gusto mo bang uminom? Nauuhaw ka ba?" alok ko sa kaniya.

Tumingin sa akin si Ma'am Chantal bago marahang tumango. Napatango rin naman ako bago ako tumayo sa aking kinauupuan. "Gusto mo bang sumama sa akin o dito ka nalang kasama ni Jarvis tapos bibili ako sa labas?"

"Sama."

Tumango ako bago tumingin sa barbero. "Kuya, babalik kami rito. Bibili lang kami ng inumin diyan sa may labas. Huwag niyong paaalisin 'yang anak ko, ha. Saglit lang kami," bilin ko.

Kaagad namang pumayag ang matandang barbero kaya naman ibinaling ko na ang aking atensiyon kay Jarvis. "Jarvis 'nak, huwag kang aalis dito, ha? Babalikan ka namin ni Ma'am Chantal. Kapag umalis ka rito nang wala kami, hindi ka makakauwi. Hindi mo alam ang daan pabalik kaya huwag kang aalis, ha?"

"Mama, bili mo po ako ng ice cream."

"Okay—"

"I'll treat you nalang, Jarvis!" Mabilis na pagputol ni Ma'am Chantal sa dapat na sasabihin ko. "I have pera naman."

"A-Ah, ano, huwag na. Ako na ang bibi—"

Hindi ko na naman natapos ang sasabihin ko nang hawakan ni Ma'am Chantal ang kamay ko at hinila na ako palabas ng barber shop. Masyado akong nagulat sa ginawa niya kaya naman wala na akong nagawa pa kung hindi sumunod sa kaniya.

Bago makalabas ay sinenyasan ko si Jarvis na huwag aalis at nag-thumbs up naman siya sa akin kaya't napanatag ako kahit na papaano.

"Ice cream! Ice cream!" Ngiting-ngiting sabi ni Ma'am Chantal habang naglalakad kami palabas. May katapat kasing convenience store ang barber shop kaya't naisipan kong doon na lamang kami bibili—at mukhang alam na rin iyon ni Ma'am Chantal dahil doon niya ako iginaya.

Lihim akong napangiti nang sulyapan ang maliit niyang kamay na nakahawak sa aking kamay at hinihila ako papunta sa convenience store. Kinagat ko ang aking ibabang labi at mas hinigpitan pa ang hawak sa kaniyang mumunting palad.

Mabait naman pala siya kahit papaano. Hindi ko alam kung bakit siya tinatawag na demonyita ng mga tao sa bahay. May demonyita bang ganitong kabait?