"'Nak, bakit ka naman kasi pumayag na magpagupit kay Ma'am Chantal? Tingnan mo tuloy ang nangyari riyan sa buhok mo, oh." Malakas akong bumuntong hininga at napasimangot habang inaayos ang hindi pantay-pantay at magulong buhok ni Jarvis. "Nasira tuloy 'yang buhok mo."
Gusto ko mang magalit kay Ma'am Chantal dahil pinakialaman niya ang buhok ni Jarvis, hindi ko naman magawa dahil kitang-kita sa kaniyang repleksyon sa salamin malapad niyang ngiti na animo'y nagustuhan pa ang ginawa sa kaniya ng kalaro.
Humugot ako ng malalim na buntong hininga bago siya iniharap sa akin. "'Nak, 'di ba sabi mo kay Mama, huwag kong papaputulan 'yang buhok mo kasi gusto mo ng mahaba? Hindi pa kita pinapagupitan mula nang ipanganak kita tapos…"
Nangilid ang luha ko habang hinahaplos ang kaniyang buhok. Ang tagal-tagal ko siyang kinumbinsi para magpagupit pero sabi niya ay ayaw niya kaya hindi ko na siya pinilit tapos ngayon, ni hindi ko man lamang nakita ang paggupit ng buhok niya—unang gupit kaya iyon ng buhok niya mula nang ipanganak ko tapos ang malala, si Ma'am Chantal pa ang gumupit.
Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman pero ang tanging alam ko, ang bigat-bigat ng dibdib ko. Ganito nga siguro kapag nanay. Masiyadong sentimental sa mga bagay na may konektado sa anak.
Bumalik ako sa reyalidad nang marinig ang mahinang pagtawa ni Jarvis. Nagsalubong ang kilay ko at nanliliit ang matang tumingin sa kaniya. Sa halip na matakot ay muli siyang tumingin sa salamin habang inaayos ang buhok na ngayon ay katulad na katulad ng buhok ni Dora: The Explorer. Ang kaibahan lamang, may bangs ang kay Dora tapos ang kay Jarvis, wala.
"Mama, pogi pa naman po ako, 'di ba po?"
Bumuntong hininga ako matapos marinig ang tanong ni Jarvis. Mayamaya pa ay marahan akong tumango bilang sagot sa kaniyang katanungan. "Oo 'nak. Pogi ka pa rin, huwag kang mag-alala."
Mahinang tumawa si Jarvis matapos marinig ang sagot ko. "Oh 'di ba, Mama. Tama naman po si Chanty, bagay nga po sa akin kapag short ang buhok ko," komento niya habang nakatingin pa rin sa salamin.
"'Nak, dapat kasi sinabihan mo muna si Mama bago ka pumayag kay Ma'am Chantal na magpagupit. Pinilit ka ba niya, 'nak, ha?"
Umiling si Jarvis. "Hindi po, Mama. Sabi niya po kasi ayaw niya sa mahahabang buhok na boys kasi mas maganda raw po ang buhok kaysa sa kaniya po kaya ginupit ko po ang akin para buhok niya nalang ang mahaba," nakangiting sagot niya.
Hindi ko napigilan ang aking sarili na mapailing at hilutin ang sintido ko dahil sa aking narinig. Ibig sabihin, hindi naman pa pinilit ni Ma'am Chantal na magpagupit si Jarvis. "Ibig mo bang sabihin, 'Nak, ikaw ang nagsabi na gupitan ka ni Ma'am Chantal?"
"Opo," inosenteng sagot niya at tumango. "Pero friends na kami, Mama. 'Di na kami away kasi 'di ko raw po siya niaaway saka hinayaan ko siyang maglaro-laro sa buhok ko po, Mama."
"Kaya ka nagpagupit kasi gusto mo siyang maging kaibigan, ganoon ba? 'Nak naman…"
Humaba ang nguso niya at sumimangot bago nagbaba ng tingin. "Kawawa kasi si Chanty, Mama ko. Wala siyang friends kaya gusto ko siyang friend. Saka big boy na ako, Mama. Kawawa naman siya, wala siyang Kuya. Ako po may Toto Thirdy tapos siya wala," mahinang sambit niya.
Tipid akong napangiti nang marinig ang sinabi niya. "'Di mo crush si Chanty, 'nak?" biro ko.
"Mama naman," reklamo ni Jarvis at sinamaan ako ng tingin. "May crush ako sa school, Mama. Diday. 'Yong anak po ng nagtitinda ng juice kapag recess. 'Di ko crush si Chanty, Mama. Kuya niya lang ako."
Hindi ko na napigilan pa ang aking sarili at mahina na lamang na natawa nang marinig ang sagot sa akin ni Jarvis. Kung sa bagay nga naman. Mukha ngang mas papasa silang magkapatid kaysa sa crush-crush na iyon.
Kinabukasan ay Sabado kaya't alam kong walang pasok si Sir sa opisina niya. Wala rin namang pasok sina Ma'am Chantal at si Jarvis kaya't naisipan kong samahan na lamang si Jarvis sa barber shop para ipaayos ang buhok niya at nang hindi na siya mukhang lalaking Dora na walang bangs.
"Mama, 'di po ba pwede na si Chanty nalang maggupit po sa akin? Takot ako kapag iba, Mama."
"Jarvis, hindi maganda 'yong gupit ni Ma'am Chantal saka gusto mo bang pumasok sa school mo nang ganiyan ang buhok mo? Hala ka, hindi ka magugustuhan ni Diday kapag hindi ka nagpagupit, promise."
Napalabi si Jarvis dahil sa sinabi ko at animo'y kahit papaano ay nakumbinsi ko na magpagupit. "Oh dali na, suot mo na 'tong t-shirt mo para makaalis na tayo. Ibibili kita ng ice cream mamaya basta good boy ka, promise ni Mama 'yan," dagdag ko pa.
Hindi na nagreklamo pa si Jarvis at dali-dali nang isinuot ang t-shirt na ibinigay ko sa kaniya. Proud naman akong ngumiti habang inoobserbahan ang bawat galaw niya. Parang kailan lang, pasipa-sipa palang siya sa tiyan ko tapos ngayon, kaya nang magbihis nang mag-isa.
Matapos kong ayusan si Jarvis ay nagpulbo lamang ako ng mukha at nagtali ng buhok bago kami lumabas ng aming silid. Hindi na sana ako magpapaalam pa kay Sir Preston dahil nakapag-paalam na naman ako kay Ma'am Chantal na dito muna siya sa bahay dahil nandito naman ang Daddy niya ngunit saktong pagbaba namin sa first floor ay nasa sala si Sir Preston at nanonood ng TV.
"Jarvis!"
Lumingon ako kay Ma'am Chantal na katabi pala ni Sir Preston sa upuan ngunit hindi ko nakita dahil maliit—o baka dahil nakatingin lamang ako kay Sir. Napailing ako at ibinaling na lamang ang aking atensiyon kay Ma'am Chantal.
Kumaway siya kay Jarvis at kumaway naman pabalik ang anak ko na para bang kay tagal nilang hindi nagkita. Agad na umarko ang kilay ko dahil parang kahapon lamang ay nagbabangayan pa sila tapos ngayon, kung makangiti at kaway sa isa't-isa, parang magkapatid na hindi nagkita nang matagal na panahon.
Wala sa sarili akong napasulyap kay Sir Preston at tulad ko ay ganoon din ang ekspresyon sa mukha niya. Mukhang maging siya ay hindi makapaniwala sa inasal ng kaniyang anak.
Kung sabagay, masungit nga naman si Ma'am Chantal noon tapos ngayon, mapupunit na ang labi habang nakatingin kay Jarvis. Tumingin sa amin si Sir Preston at pinanliitan ako ng mata ngunit nagkibit balikat lamang ako at tipid na ngumiti sa kaniya. Iniisip niya siguro kung ano ang ipinakain ko sa anak niya at bigla iyong nagkaganoon.
Lumapit kami sa gawi nilang mag-ama upang magpaalam. Agad namang lumayo si Ma'am Chantal sa ama at sinalubong na kami.
"Your hair is so pretty!" puri niya kay Jarvis at pumalakpak pa. "You look like ano… Mirabel from Encanto! Right, right. 'Yong walang gift tapos sa ending, doorknob pala ang kaniya saka powerful siya."
Nagkatinginan kami ni Jarvis na animo'y tinatanong niya sa akin kung sino ang tinutukoy ni Ma'am Chantal ngunit nagkibit balikat lamang ako bilang tugon dahil hindi ko naman kilala kung sino ang Mirabel na iyon. Sa palabas ba?
Tumingin ako sa gawi ni Sir Preston at sakto namang nakatingin din siya sa akin kaya't peke akong umubo. "A-Ah, Sir. Sasamahan ko lang po si Jarvis na magpagupit sa bayan. Hindi po kasi masyadong ayos 'yong ano… 'y-yong pagkakagupit ni Ma'am Chantal sa buhok niya. Ipapaayos ko lang ho. Saka sisimba na rin ho kami," nahihiyang pagpapaalam ko sa kaniya.
"Sisimba kayo sa church?"
"Sama ka sa amin, Chanty! Tapos pray ka kay Lord pagdating natin doon. Dali!"
Kinagat ko ang aking ibabang labi nang marinig ang pinag-uusapan nina Jarvis at Ma'am Chantal. Alam ko naman na hindi papayagan si Ma'am Chantal kaya—
"Yaya, pagpaalam mo ako kay Daddy," udyok sa akin ni Ma'am Chantal. Ilang beses pa akong napakurap dahil sa tawag niya sa akin ngunit agad din naman akong nakabawi at mahinang tumawa.
"U-Uh, ano kasi…"
"Chantal, I already told you that you have to memorize this script first. You shouldn't play. Next week na magkakaroon ng party rito at kailangan mong magsalita. Baka mamaya, may masama ka pang masabi," pagputol ni Sir Preston sa kung ano man ang dapat na sasabihin ko kaya't wala sa sarili akong napalingon sa kaniya.
Napasimangot ako at marahang napailing dahil sa sinabi niya. Pinagsasaulo niya si Ma'am Chantal ng sasabihin sa party nila? Five or six years old pa lamang si Ma'am Chantal tapos gusto niya na kaagad na pagmemorize-in? Si Jarvis nga, inis na inis pa rin kasi hindi kayang isulat ang letter G at R tapos si Ma'am Chantal na kasing edad niya lamang, pinipilit nang mag-memorize.
Malakas akong bumuntong hininga matapos marinig iyon. Wala sana akong planong isama si Ma'am Chantal dahil sa magulo at maingay kaming lugar na pupunta pero dahil sa narinig ko, para tuloy gusto ko siyang isama.
Tamang-tama naman dahil napahawak si Ma'am Chantal sa laylayan ng t-shirt ko tulad ng palaging ginagawa ni Jarvis sa tuwing kinakabahan siya. Kinagat ko ang aking ibabang labi habang nag-iisip ng kung ano man ang susunod kong gagawin.
"Yaya," mahinang pagtawag sa akin ni Ma'am Chantal."
Muli akong bumuntong hininga at nag-angat ng tingin kay Sir Preston. "Isasama ko ho muna si Ma'am Chantal. Babalik din po kami kaagad mamaya bago mag-hapunan," kinakabahang sambit ko.
Inayos niya ang suot na salamin at seryoso akong tiningnan. "You can't just bring my daughter anywhere, Miss Dela Merced."
"Ako ho ang bahala. Kapag nawala si Ma'am Chantal, patayin niyo nalang din ho ako. Pangako, hindi ko ho siya iwawala saka walang masasaktan sa kaniya."
"But the speech—"
"Sisiguruhin ko ho na saulo niya ang speech niya bago kayo mag-party," pagputol ko sa sasabihin niya bago tumingin kay Ma'am Chantal. "Kaya mo naman 'yon, di ba? Tutulungan naman kita?"
Nag-alangan pa si Ma'am Chantal sa pagsagot ngunit kapagkuwan ay marahan siyang tumango bilang pagsang-ayon.
Kinalaunan, walang nagawa si Sir Preston kung hindi ang payagan si Ma'am Chantal na sumama sa akin. Matagumpay naman akong ngumiti habang naglalakad kami palabas ng bahay.
"Yaya Lyana."
Ibinaling ko ang aking tingin kay Ma'am Chantal nang tawagin niya ang pangalan ko. Tipid akong ngumiti sa kaniya. "Hmm?" mahinahong tanong ko sa kaniya.
Hindi siya kaagad nakasagot ngunit kapagkuwan ay nagsalita na rin.
"Thank you… po."
---