Hindi na kami nagtagal pa na Tiyo sa hardin at binagtas na namin ang pasilyo na papunta sa silid kung nasaan natutulog ang Mortal.
Kailangan na namin magmadali dahil ilang oras na lamang ay nandito na ang aming mga panauhin. Siguradong hindi namin sila mapipigilan na pagpyestahan ang katawan ng Mortal. Kung masasawi siya ay paniguradong mawawala din ako sa mundong ito. Hindi ako makakapayag! Hindi ko pwedeng iwanan si Ina at ang kaharian na ito! Paniguradong sasamantalahin ng ibang kaharian ang mangyayaring iyon!
"Mauna ka na Vreihya! Tatawagin ko ang Mahal na Reyna!", mabilis na turan ni Tiyo. Hindi pa man ako nakakapagsalita ay naglaho na si Tiyo sa hangin. Agad kong binuksan ang pinto ng kaniyang silid. Agad na nasinagan ng buwan ang kaniyang nakalagak na katawan sa isang malaking higaan.
Pinalakpak ko nang dalawang beses ang aking mga kamay at unti-unting umilaw ang mga halaman na nasa loob ng silid. Ang mga ito ang nagsilbing liwanag upang mabawasan ang panglaw ng paligid.
Hindi ko maiwasan na mapatingin sa kaniyang maamong mukha. Hindi nakaligtas sa akin ang kaniyang pamumutla. Wala ng oras para magsisi pa ako sa ginawa ko. Huli na ang lahat para doon. Paniguradong paggising niya ay mas masidhi na ang galit niya sakin. Ngayon na malapit na ako sa kanya ay mas higit kong naamoy ang kaniyang samyo. Agad na naman akong nabahala sa kung paano ko ikukubli ang mahalimuyak niyang amoy. Naiisip ko na kaagad na magwawala ang mga panauhin sa oras na malanghap siya.
Hindi na din nagtagal pa ang aking malalim na pag-iisip ay naramdaman ko na ang presensya ni Tiyo at ng aking Inang Reyna sa malaking pintuan. Gamit ang kanilang bilis ay nakarating na sila kaagad sa paanan ng kamang kinalalagakan ng Mortal.
"Ina? Ano ang maaari nating gawin?", hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa at tinanong na kaagad ang aking Ina. Kailangan na namin makaisip nang mabilisang paraan. Malapit na sumikat ang araw at hudyat na iyon ng pagdating ng aming mga panauhin. At gaya ng paulit-ulit ko ng suliranin, sa aking pagkakaalam ay ito ang unang beses na may taong nakaapak sa aming mundo kaya paano at saan kami kukuha ng ideya sa maaari naming gawin.
"Baka may nalalaman si Macara dito", nag-aalala na ding sabi sa akin ng aking Inang reyna.
"Hindi na natin matatawag ulit si Macara dahil ang mga babaylan ay kailangang malagak sa mahaba at tahimik na paghimbing pagkatapos na sila ay gumawa ng dasal na may presensya ng dugo", agad na sabi ni Tiyo. Sa mundo namin, ang mga babaylan ay hindi ganoon kalakas kumpara sa amin. Ang mga maharlikang pambira ang siyang pinakamalalakas na lahi sa mundong ito. Kapag ang isang babaylan ay gumawa ng isang ritwal na may presensya ng dugo ng isang pambirang maharlika ay nababawasan ang kanilang lakas at kailangan nang mahabang pagkakahimbing.
"May naiisip ka ba na iba pang paraan sa suliranin na ito Alonzo?", mabilis na tanong ni Ina na bakas na din ang pagmamadali na magkaroon ng kasagutan. Mariin naming pinakatititigan ang mortal na siya pa ding mahimbing na natutulog sa malaking higaan. Hindi pa din nawawala sa aking isip kung paano namin siya maitatago. Hindi namin siya pwedeng ilabas sa kaharian dahil malalanghap siya ng mga taga-baryo at lalo lamang magkakagulo.
Tila pumasok na sa aking isip na hindi talaga magandang ideya na dalhin namin siya dito. Matagal ko na itong sinabi kay Ina ngunit ang madalas na pagpaparamdam ng aking karamdaman ang siyang nag-udyok na sa amin upang siya ay dalhin na dito.
"Pano kung ibalik natin siya sa kaniyang mundo?", agad kong saad sa kanila. Kung ibabalik namin siya ay hindi na siya maaamoy pa ng mga panauhin mamaya.
"Ngunit iba ang oras dito at ang oras sa kanila Vreihya. Ang isang oras dito ay isang buwan sa kanila at tiyak na gising na ang mortal sa mga oras na iyon. Batid kong hindi na tutupad sa kasunduan ang kaniyang mga magulang o hindi naman kaya ay may gawin siya sa kaniyang sarili dahil batid niya na babalikan natin siya.", mabilis na pagtutol at katwiran ng aking Inang Reyna.
Napakahirap talagang maghanap ng kasagutan lalo na kung ito ang kauna-unahang pagkakataon na mangyari ito. Para kasing sariling sikap namin ang lahat upang mag-isip ng mga tanong na umiikit sa "paano".
Ilang minuto pa kaming tila may mga sariling mundo at sari-sariling estilo ng pag-iisip na ayaw muna magsalita habang hindi pa nakapag-iisip nang maayos. Hindi ko alam kung bakit sumagi sa akin ang ideya na kung nasa ilalim ba siya ng lupa ay maaamoy pa ba siya? Nababaliw na ba ako o pwedeng solusyon na din iyon sa suliranin namin.
"Ina? Kung ilalagak natin siya sa ilalim ng lupa ay maaamoy pa kaya siya?", tulala kong tanong kay Ina habang nag-iisip pa din ako nang malalim.
Agad akong tinapunan ng tingin ni Tiyo at ni Ina na parang nababaliw na ako sa aking sinabi ngunit ilang segundo din silang tumahimik at kapwa nagbago ang kanilang emosyon na tila ba naiisip din na posible ang sinasabi ko. Agad akong napangiti nang bahagya. Magkakambal nga talaga kayo dahil minsan talaga ay nagkakapareho na kayo pati sa inyong kilos.
Bigla na lamang napapitik si Tiyo na tila ba may naalala nang nabanggit ko ang aking katanugan. Agad kaming bumaling sa kaniya ni Ina at naghihintay ng kaniyang sasabihin.
"Natatandaan mo ba nang inuwian kita ng alagang tuta mula sa mundo ng mga tao?", agad niyang tanong na mabilisan kong tinanguan dahil tandang-tanda ko ang tuta na tinutukoy niya.
Noong ako ay sampong taong gulang ay napag-isipan namin na mamasyal sa mundo ng mga tao sa kabila ng aking takot na muling bumalik. Pinalakas ni Tiyo ang aking loob at lagi ko siyang kasama upang masiguro niya na hindi na ako matatakot pang muli.
Sa aming pamamasyal ay nakasalubong ako ng isang hayop na may apat na paa at kumakawag na buntot. Noong una ay hindi ako pamilyar dito ngunit hindi ko maiwasan na buhatin ito sa aking mga bisig dahil sa natutuwa ako sa pagiging maliit nito.
Dahil mas madaming beses ng nagawi si Tiyo sa mundong ito ay siya ang nagsabi sa akin na tuta ang ngalan ng hayop na ito ngunit kapag lumaki siya ay magiging isang malaking aso na ang anyo nito. Tandang-tanda ko kung gaano ako matuwa lalo na ng dilaan na niya ang aking mga daliri. Matindi ang naging pakiusap ko kay Tiyo na isama namin siya sa aming mundo ngunit siya ay tumutol. Pagkatapos noon ay umuwi na kami sa aming mundo ngunit hindi mawala sa isip ko ang tuta na iyon.
Ilang buwan din siguro akong nagmakaawa kay Tiyo na bigyan niya ako ng alagang tuta hangang sa sobra kong pagtatampo sa sobra niyang pagtutol ay nalanta ang punong kaniyang dekada din na pinalaki. Pinilit niya ako na buhayin muli iyon ngunit ang hiningi kong kapalit ay ang bigyan niya ako ng alagang tuta.
Tuwang-tuwa ako nang iabot na niya ito sa akin. Ilang araw ko siyang tinago sa aking silid habang gumamit ng mahika si Tiyo upang hindi maamoy ang samyo ng tuta dahil kapit na kapit dito ang amoy ng kanilang mundo. Ngunit ang mahika na iyon ay magtatagal lamang hanggang nasa malapit lamang si Tiyo.
Isang araw ay kinailangan niyang umalis upang dumalo sa seremonya ng kaniyang pagtatapos sa akademya ng mahika na siyang nagpahusay pa sa kaniyang kakayahan. Hindi niya nabanggit sakin na aalis siya dahil sa pagmamadali.
Nang araw na iyon, nagulat na lamang ako nang pumasok ako sa aking silid na wala nang buhay ang aking alaga. Nakita ko ang isa sa aming mga alipin na tangan-tangan siya habang sinasaid ang kaniyang dugo. Agad akong nanlumo at natangay nang matinding galit. Nakita ko kung paano nanghihinang ipinikit ng aking alaga ang kaniyang mga mata. Agad akong napakuyom, kasabay noon ay ang pagpasok ng isang malaking ugat sa bintana ng aking silid at bumalot ito sa leeg ng alipin.
"ACCCKK! MA-HAL NA PRINSE-SA *ACCK!* HINDI NA AKO-NAKAPAG-PI-GIL DAH-DAHIL SA A-MOY NIYA-", hirap na hirap nitong saad habang mas lalo kong idinidiin ang pagkakasakal siya nang malaking ugat na aking minamanipula.
"ACCCCCK!", namutawi na lamang ito sa kaniyang bibig habang unti-unti na siyang nahihirapang huminga. Hindi ko siya pinakinggan pa, nababalot ng poot ang aking puso dahil sa nangyari. Tuluyan na siyang hindi nakahinga at nawalan ng buhay. Sa aking nanlilisik na mga mata ay kumumpas akong muli at pumasok sa bintana ang isa pang malaking ugat na may malaking bulaklak. Agad nitong ibinuka ang kaniyang bibig at nilamon ang wala ng buhay na alipin.
Mabilisan nang umalis ang mga ugat sa aking silid. Nanlulumo kong nilapitan ang aking alaga na napamahal na sa akin kahit ilang araw ko pa lamang siyang kapiling. Lumuhod ako at sinapo ang wala nang buhay niyang katawan ngunit ang amoy ng mga mortal ay nakakapit pa din sa kanya kahit wala na siyang buhay.
Agad akong napatayo nang naramdaman ko na parang may paparating. Alam ko na kaagad na ito ay iba pang mga aliping bampira na nandito sa aming kaharian. Malamang ay sinusundan nila ang amoy ng aking alaga.
Agad akong tumakbo sa veranda ng aking silid at tumalon. Habang asa kalagitnaan ako ng ere ay agad na akong sinalo ng isang malaking ugat. Nakatungtong ako dito at mabilisan ngunit maingat akong ibinaba. Tangan-tangan ko ang aking namayapa nang alaga.
Hindi ko maiwasan na makaramdan ng sakit. Lalo kong naramdaman ang tila mabilis na pagkilos ng mga paparating. Sa aking pagmamadali ay hindi na ako makaisip ng paraan. Gusto kong bigyan nang maayos na himlayan ang aking alaga at hindi ko nais na makita siyang pagpyestahan. Luminga-linga ako sa aking malawak na hardin.
Agad akong nagtaka na ang kaninang malaking ugat na may malaking pulang bulaklak ay lumapit sa akin. Ibinuka niya ang kaniyang sarili. Agad kong naintindihan ang gusto niyang sabihin sa akin. Nalulungkot man ako ngunit ipinasok ko ang aking alaga sa kaniyang bukana. Sinabihan naman niya ako na hindi niya ito lalalumin bagkus ay ililibing niya sa ilalim at nangako siyang mananatili siya sa loob ng isang punong kahoy sa ibaba na nakahiga sa mga bulaklak.
Hindi na nakapagpigil ang luha sa pagpatak na mula sa aking mga mata. Inilagak ko na siya at pinakatitigan ang kaniyang munting katawan. Ilang segundo pa ay sumara na ang bulaklak at tuluyan ng bumalik sa lupa. Agad akong nanlumo dahil sa kalungkutan at simula noon ay nawala na ang kaniyang mortal na amoy. Nawala na din ang aking pakiramdam na may mga parating. Tila ba nawala na din sa kanila ang amoy.
Nang araw na iyon ay walang humpay akong sinamahan ni Tiyo upang ibsan ang aking lumbay ngunit hindi ko na ninais pa na magpadala ng alaga mula sa mundo ng mga mortal. Masakit lamang na mamatayan ng minamahal na alaga.
"Maaari nating subukan ang ginawa mo noon Vreihya", agad na pahayag ni Tiyo dahil nakikita na namin ang bukang liwayway sa aming silid. Agad na akong tumango sa kaniya dahil hindi na kami pwedeng magtagal pa dito. Kailangan na namin na may magawa.
"Tiyo, pabaunan mo siya ng iyong kapangyarihan. Walang hangin sa ilalim!", mabilis kong saad at agad na siyang tumango. Agad kong naramdaman ang hangin na pumapasok sa aming silid. Ang mga mumunting dahon sa silid ay nagsimula ng matangay ng hangin. Ang aming mga buhok at kasuotan ay kapwa na sumasabay sa galaw ng hangin sa aming silid.
Agad na umangat ang kaniyang katawan mula sa pagkakahiga. Muling kumumpas si Tiyo at lahat ng hangin na nasa silid ay pumasok sa dibdib ng mortal kasabay nito ay marahan na muling paglapat ng kaniyang likudan sa kaniyang hinihigaan.
"Sasapat ang ang hangin na iyan ng maraming oras Vreihya", agad na turan ni Tiyo na siya ko na lamang tinanguan pagkatapos ay agad na siyang tinapik ni Ina.
"Alonzo, kailangan na natin maghanda para sa mga panauhin", kalmadong sabi ng aking Ina. Agad na sumang-ayon si Tiyo. Nagtapon ng tingin sa akin si Ina, bakas ang pag-aalinlangan sa kaniyang mga mata. Nag-aalinlangan din ako ngunit ito lang ang mabilisang paraan sa ngayon.
Hindi nagtagal ay kapwa na sila nawala sa silid. Haist! Sobrang dami ko ng suliranin dahil sayo mortal. Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa at sa aking hudyat ay agad na pumasok ang isang malaking ugat sa aking bintana. Marahan nitong binuhat ang mortal. Agad na itong gumapang pababa. Kumapit ako nang mabilis dito upang kasama rin ako pababa.
Dahan-dahan nitong inilapag ang katawan ng mortal sa damuhan ng kami ay makababa. Iniangat ko ang aking kamay at nagkaroon ng higaan sa kaniyang kinahihigahan, binubuo ito ng berdeng mga ugat at may mumunting bulaklak sa paligid nito. Agad akong umikot at pinagsalikop ang aking palad sa ere. Muli akong nakabuo ng simboryo na tama lamang ang lawak at kapwa kami nasa loob nito. Dahil balot kami nito ay naharangan ang liwanag ng buwan na mawawala na din dahil nagbubukang liwayway na. Agad akong pumalakpak at biglang nagliwanag ng berde ang mga ugat sa simboryo.
Ito muna ang masisilbi niyang silid bago ko siya ibaon sa lupa. Humakbang ako at hinawakan ang isang parte ng simboryo. Nagbukas ito at humakbang na ako palabas. Agad akong humarap sa aking nagliliwanag na simboryo. Sa aking hudyat ay agad na bumuka at lumabas ang mga dambuhalang ugat mula sa ilalim. Binalot nito ang bilog na simboryo tsaka ito unti-unting nilamon ng lupa.
Agad akong nakaramdam ng sikat ng araw. Kasabay ng pagliwanag ng paligid ay tumingin ako kung saan nakapwesto kanina lamang ang simboryo. Tuluyan na itong nawala na hindi nag-iiwan ng bakas. Tumunog naman bigla ang kampana ng palasyo na hudyat na andito na ang mga panauhin.
Oras na muli nang mahabang pagtutuos!
--------------
"Sino ang iyong magiging kapareha?", kakaupo ko pa lamang sa aking trono sa tabi ni Ina ay hindi na kaagad nakapaghintay na magtanong ang pinuno ng kaharian ng Berbantes. Agad na napataas ang kilay ko. Masyado naman ata silang sabik na sabik.
"Haring Ozyrus, hindi ka muna ba mauupo?", kalmadong saad ni Ina dahil kakapasok pa lamang nito sa malaking pintuan ay iyon na kaagad ang bungad niya.
Nagkatinginan kami ni Tiyo nang mapansin namin na tila gumana ang aming remedyo para sa samyo ng Mortal. Tila wala namang napapansin ang mga panauhing mga hari at reyna ng iba't-ibang kaharian sa mundong ito. Ang kaba ko kanina ay napalitan na ngayon ng pagiging kampante. Ngunit hindi ito ang dapat namin gawin palagi dahil paano na lamang kung muli akong dalawin ng aking karamdaman at nakatago siya sa ilalim ng lupa o hindi naman kaya ay may malay siya at sapilitan namin siyang ibinalik doon ay tiyak na mapopoot siya.
Kailangan ko ng iwasan na pasamain ang kaniyang kalooban hanggang maaari baka kung ano pa ang magawa niya sa kaniyang sarili.
"Huwag mo na ito patagalin Zaliah, mahalaga na maipakilala niya ang kaniyang kapareha at kung hindi siya karapat-dapat ay narito ang aking anak!", madiin nitong sabi sa aking Ina. Tila yata nawawalan siya ng galang sa amin. Andirito siya sa aming kaharian kung hindi niya na natatandaan!
Wala silang nalalaman sa aking kalagayan. Ang alam lamang nila ay mayroon na akong kapareha. Huwag pagtakhan kung bakit tila nangingialam sila at malaking bagay ito sa kanila dahil nakasaad sa aming propesiya na kailangan na ang ipapanganak na maharlikang pambira na may taglay na kapangyarihan upang manipulahin ang kalikasan ay makapareha ng kung sino mang nilalang na makapagbibigay sa kaniya ng isang supling.
Supling na siyang nakatakdang mamuno at papalit sa Dyosang nasa buwan.
Kaya ganito na lamang ang pagnanais nila na ipares sa akin ang kanilang mga anak. Marami nang panahon ang lumipas at ako lamang ang natatanging bampirang may kakayahang magmanipula sa kalikasan kaya hindi niyo alam kung gaano nagkagulo ang lahat ng ako ay isilang. Kung walang papalit sa Dyosa ng buwan. Lahat kami ay mapaparam. Ang buwan na iyon ang siyang nagbibigay sa amin ng buhay. Lahat kami ay minarkahan ng liwanag nito upang mabuhay sa mundong ito.
Sigurado ako na hindi sila makakapayag na sa isang mortal ako nakatakda. Ito ay isang malaking lihim ng aming pamilya na sobrang hirap na tanggapin para sa akin. Paanong nakatakda akong magdala ng supling para sa pagpapatuloy ng aming lahi ngunit nakatakda din ako sa isang mortal. Iyan lagi ang nagpapasama ng aking kalooban. Ang nilalang na dapat sana ay magpapaliwanag samin ng lahat ay pumanaw na bago pa man siya nakapaglahad ng dahilan.
Nawala na ang aking lolo bago pa man niya naipaliwanag ang lahat kay Tiyo, kay Ina at sa akin. Kaya hanggang ngayon ay hindi namin alam ang sagot. Ang tanging alam lamang namin ay hindi ako mabubuhay kung wala ang lalaking iyon sa aking tabi.
"Mas magandang makapareha ng prinsesang Zecillion ang aking anak, mas maganda naman kung magmamana ang kaniyang supling ng kapagyarihan ng nyebe!", agad na tumayo sa kaniyang pagkakaupo ang reyna ng kaharian ng Salizte pagkatapos niyang banggitin ang mga katagang ito.
Talagang pag-aagawan nila ako para sa kanilang mga anak dahil para sa kanila ay isang karangalan ang maging kalahi nila ang supling na nakatakdang papalit sa Dyosa ng buwan. Isa itong tropeyo para sa kanila.
"Hindi makakapayag ang kaharian ng Calixtas!", tumayo na din ang kanilang hari na si haring Arthur pagkatapos na magbitaw ng isang madiin na pagtutol.
At nasundan na din ito ng lima pang reyna at hari na nasa mahabang lamesa. Nagkakagulo na sila ng tuluyan kung kanino ba dapat ako maipareha. Nararamdaman ko na ang tensyon sa buong silid. Hindi pa nagtagal ay nagkalabasan na nang matatalas na pangil.
Akma na sanang tatayo si Tiyo upang sila ay patigilin ngunit bigla na lamang nagkaroon nang malakas na kulog. Kasabay nito ay ang pagbuhos ng ulan sa mahabang lamesa habang kami sa aming trono ay hindi nababasa. Agad na natigilan ang mga nag-aaway sa bigla nilang pagkabasa. Hindi naman nakaligtas sakin ang mahinang pagtawa ni Tiyo dahil sa ginawa ng aking Ina na kalmado lamang na nakaupo sa gitna namin.
Gusto mang suminghal ng aming mga panauhin ngunit mas pinili nila na maupo habang patuloy pa din ang pagbuhos nang malakas na ulan sa kanila. Basang-basa ang kanilang kasuotan ngunit walang umaangal. Kilalanin ninyo ang Reyna ng pamilya Zecillion. Siya lang naman ang tinakdang kampyon ng Dyosa ng buwan sa patimpalak na dekada na ang nakakaraan kaya siya ay lubusang kinatatakutan. Kalmadong tumayo ang aking Ina sa kaniyang trono at pinakatitigan ang mga basang-basang panauhin.
"Nakakalimot na ata kayo na kayo ay mga maharlika.....", saad nito ngunit huminto siya nang panandalian.
"Kung makapagtalo kayo ay tila isa kayo sa mga mababang nilalang na nagkakagulo sa pustahan ng away ng mga lobo!", prente nitong pagkakasabi habang isa-isang pinakatitigan ang mga panauhin.
Kahit pa sabihin natin na takot sila sa aking Inang Reyna at sa aming pamilya. Marami kaming mga kaaway, marami ang naghihintay ng pagkakataon upang maialis kami sa kung nasaan man kami. Marami ang mag-aaklas kapag nalaman nila ang totoo. At bilang si Ina ang kampyon ng Dyosa ng buwan ay tungkulin niyang panatilihin ang kapayapaan kaya hanggang maaari ay hindi niya pwedeng sabihin ang totoo at ipilit na tanggapin ang mortal dahil paniguradong magkakagulo.
Batid naman namin na ayaw nila sa amin at puno ng poot ang kanilang puso. Batid namin iyon kaya nga walang kasundo ang aming kaharian. Dala lamang ng takot sa aking Ina at sa katotohanan na ako ang itinakda na magsilang sa papalit ng dyosa kaya sila kahit papano ay sumusunod.
"Hindi niyo ba naunawaan na may kapareha na ang aking anak?", mahinahon ngunit may kaunting diin ang tono ni Ina. Nagsimula nang humina ang pagpatak ng ulan sa kanilang pwesto. Senyales na kalmado na ang aking Ina at pwede na muling magkaroon ng pag-uusap
"May karapatan kami na malaman kung sino man siya sapagkat dapat ninyong alalahanin na apektado kaming lahat dito!", madiin na saad ng hari ng Les Padas. Agad naman siyang natuyo dahil sa ang kaniyang kapangyarihan ay ang naglalagablab na amoy.
Nasaksihan ko kung pano siya pinagtinginan ng ibang panauhin na tila ba naiinggit dahil sila ay nanatiling basa at giniginaw. Napangisi ako ng magaan nang makita ko ang hari ng Berbantes na pinipigilan ang kaniyang panginginig sa lamig.
"Tandaan niyo na mas mainam kung maharlika ang kaniyang kapareha dahil hindi namin nais na mabahidan ng dugo ng alipin at pangkaraniwang nilalang ang aming magiging pinuno sa buwan!", agad na dumiin ang aking paninitig sa reynang nagturan ng ganoong pahayag. Ang kaharian nila ang siyang may pinakaayaw sa amin at ni hindi nila ito tinanggi.
"Iibigin ng aking anak ang nais niyang ibigin!", madiin na sabat ni Ina sa kanya. Nalungkot ako sa kaniyang tinuran dahil wala akong kalayaan na ibigin ang aking naisin dahil sa karamdaman na ito. Tanging sa Mortal na lamang na iyon ako nakadepende. Agad namang namula ang mata ng reyna na tanda ng kaniyang matinding pagtutol.
"Tandaan mo na magkakagulo! Hindi sa lahat ng pagkakataon ay mananatili kayong pinakamalakas. Lahat ng nilalang ay may kahinaan!", madiin nitong turan habang matindi ang paninitig nito kay Ina. Nasaksihan ko kung paano ikinuyom ng aking ina ang kaniyang kamao sa kaniyang likuran. Pinipilit ni Ina na huwag ipakita na apektado siya sa saad ng reyna ng Nordalez.
"Mapapagod ka sa kakahintay ng araw na iyon Marayca!", madiing sabi ni Ina. Agad naman na natinag ang reyna ng Nordalez ngunit halata na gusto na nitong sumabog. Mas lalo akong hinahampas ng kaba sa kanilang mga reaksyon. Nakakatakot ang maaaring mangyari kapag nalaman nila ang aming lihim.
Hindi na nga kami gumagamit ng salita ng mga mortal upang hindi nila mahalata na nagpabalik-balik na kami doon. Matindi ang galit ng aming lahi sa mga mortal kaya hindi nila magugustuhan na malaman na ilang beses na kaming tumatawid doon. Mas higit nilang ikakapoot ang ideya na mayroong mortal sa ilalim lamang ng kaharian na ito.
Hindi ko maiwasan na matakot. Hindi ko maiwasan na mainis na kung bakit ako pa! Bakit sa akin pa na may mga matang nakatitig! Sa akin pa na may nakaatang na malaking responsibilidad! Bakit sa akin pa!
"Isang maharlika ang kapareha ng aking anak!", mabilis na saad ni Ina at agad akong napatingin sa kanya. Huwag Ina! Huwag mo iyang sabihin! Tila gusto kong hilahin ang aking Ina upang itigil niya ang kaniyang sinasabi. Alam ko na nagsisinungaling siya upang hindi na magkaroon pa ng diskusyon.
"Sa tingin niyo ba ay sasabihin namin sa inyo ang kaniyang katauhan? Alam ko naman na may maaari kayong gawin sa kanya upang mawala siya at mapalitan!", prenteng turan ni Ina sa kanila at kahit hindi ko nakikita ay alam kong nakangisi ang aking Ina.
Agad akong napatingin kay Tiyo nang ngumisi rin ito na tila ba iniisip na may katwiran ang aking Ina. Ang mga panauhin namin ay tila tumalim ang paninitig dahil tila ba nasapul ni Ina ang kanilang pakay. Hindi talaga mawawala ang aking paghanga sayo aking Inang Reyna.
"Magsisilang ang aking anak ng hindi niyo nalalaman kung sino ang kaniyang kapareha!", madiin nitong sabi.
"ENTRANTE! HINDI IYAN MAARI! PARANG HINDI NIYO NA RIN GINALANG ANG AMING PRESENSYA SA MUNDONG ITO!", agad na singhal ni Haring Zakarias. Ramdam din ang pagtutol sa kilos at postura ng iba pang panauhin at mas higit na bumibigat ang atmospera sa malawak na silid na ito. Akma na sanang susugod ang isa sa kanila pero agad siyang pinigilan.
"Tama na! Pagbigyan niyo sila!", agad na saad ni Reyna Marayca sa kanila agad siyang tumingin sa akin at nagtapon ng ngisi na tila nagbabanta. Agad na kumunot ang aking noo. Ano ang nais mong iparating?
"Ginaganito nila tayo ngayon dahil sa kanilang estado. Ngunit darating ang araw na tayo mismo ang makakatuklas!", agad na rumehistro sa kaniya ang isang nanghahamak na ngiti pagkatapos niyang sabihin ang tila babala at panghahamon sa amin.
"Darating ang panahon na tayo naman ang makalalamang!", prente nitong sabi na may pagkabrusko. Nakita ko na lamang kung paano bumuka ang palad ni Ina na nasa kaniyang likuran at ang mabilis na paglabas ng kaniyang matatalim na kuko na tila ba handa na itong bumaon sa kung sino man. At sa ganoong pagkakataon ay tuluyan na akong hinataw ng kaba at takot.
Isa itong malaking kaguluhan!