Chereads / One Bite To Another / Chapter 5 - ENTRANTE

Chapter 5 - ENTRANTE

VREIHYA'S P.O.V

Mula sa malakas at agresibo niyang pagpalag ay unti-unti kong naramdaman ang kaniyang panlalambot. Ipinagpatuloy ko ang pagsipsip ng kaniyang dugo habang nababatid ko na mas lalong nag-init ang aking mga mata. Ang kaniyang dugo, hindi ko maitatanggi na mayroong kung ano dito.

Mas lalo kong idiniin ang aking pagkakakagat sa kaniya. Naaadik ako sa dugo niya, matamis ito sa aking panlasa at may kaakibat itong mabangong samyo. Gusto ko pa ng higit pa! Hindi ko alam kung bakit kusang napapikit ang aking mata nang mabatid ko na ang pagdaloy ng kaniyang dugo sa aking kaibuturan. Ano ang meron sa nilalang na ito bakit tila nababaliw ako sa lasa at samyo ng kaniyang dugo. Hindi siya ang unang tao na natikman ko ngunit ang sa kaniya ang pinakakakaiba at pinakamatamis sa aking panlasa. Gusto ko pa! Gusto ko nang mas marami pa. Ang bawat lunok ko sa kaniyang dugo ay tila ba isang adiksyon para sa akin. Napakasarap ng iyong dugo nilalang!

Ilang segundo pa ay naramdaman ko na ang pagtama ng kaniyang isang mabagal at mabigat na paghinga sa aking likuran dahil nga nakayakap ako sa kanya habang nakabaon sa kaniyang leeg ang aking matatalas na pangil. Balak ko sanang sairin na kung sakali mang may natitira pero bigla kong narinig ang malakas na pagbukas ng pinto kasabay nito ang tunog ng mga nahulog na plato at baso.

"VREIHYA!", agad na umalingawngaw sa buong silid ang pagsigaw ni Ina. Mabilisan siyang nakapunta sa sulok kung saan ko inuubos ang dugo ng nilalang na ito. Gamit ang lakas ni Ina ay agad niya ako hinawi palayo sa tila wala ng buhay na nilalang.

BLAG!

Agad akong napainda nang tumama ang aking likuran sa konkretong pader ng madilim na silid. Agad akong napasalampak sa sahig habang rinig na rinig ko kung paano binuhat ni Ina ang lalaki. Agad akong nagbaling sa kaniya ng tingin.

"ANO ITONG KAHANGALAN NA GINAGAWA MO?", madiin na singhal ni Ina habang alalang-alala siya sa lalaking asa kaniyang mga bisig na para na lamang isang piraso ng papel na walang kabuhay-buhay. Agad akong tumayo sa aking pagkakasalampak sa malamig na sahig at pinahid paalis ang nararamdaman kong dugo na dumadaloy nang marahan mula sa aking labi.

"Kung uubusin ko ang kaniyang dugo Ina baka sakaling hindi ko na siya kailangan pa", mabilis kong tugon sa kaniyang katanungan. Agad akong kinabahan nang mag-iba na ang kulay ng mga mata ni Ina nang sandaling narinig niya ang aking tinuran. Matalas na tila patalim ang pagkakatitig niya sa akin.

"Isa kang hangal Vreihya! Kung hindi ka sigurado ay bakit kailangan mo siyang paslangin. Paano kung tuluyan siyang mamatay at hindi epektibo ang sinasabi mo? Hindi mo ba naisip kung paano ka na!", agad akong napatahimik sa tinuran ni Ina. Kahit kailan ay hindi ko nais makipagsagutan sa kaniya. Sagad ang paggalang ko sa aking Mahal na Reyna. Ngunit sinubukan ko lang naman kung posible pero ang kaniyang dugo ay sadyang nakakaadik. Unang dampi pa lamang nito sa aking dila ay nawalan na ako ng kontrol sa aking sarili. Tila kung may anong halo sa kaniyang dugo at ito ay aking lubos na nagustuhan.

"Ina, patawad. Hindi ako nag-iisip nang tama", malumanay kong sagot sa kaniya dahil wala ng saysay ang ipagtanggol ko pa ang aking katwiran kaya pinili ko na lamang magpakumbaba.

Agad akong napatingin sa lalaking nasa bisig pa din ni Ina habang ang kaniyang dugo ay nagmamantsa na sa kasuotan ni Ina. Hindi ko na nararamdaman ang kaniyang paghinga. Ang tibok ng kaniyang puso ay hindi na sapat ang lakas upang marinig ko pa ito. Napatay ko na ata siya!

Hindi ko alam kung bakit pero parang sinaniban ako ng pagsisisi. Vreihya! Ano ba ang pumasok sa isip mo at nagawa mo ito sa kaniya?. Tila batid na din ni Ina na parang wala ng buhay ang kaniyang lalaking tangan. Mabilis niyang ibinaba ang lalaki pagkatapos ay kumumpas siya sa ere.

"Astra Verde Salye", sa pagbanggit ni Ina sa isang dasal ay biglang may namuong tubig sa kaniyang harapan. Sa bawat kumpas ni Ina ay mas lalo itong lumalaki at nagliliwanag.

Ang kaninang madilim na silid ay unti-unting napupuno ng asul na liwanag mula sa tubig na kaniyang inilalabas. Agad akong napatingin sa itsura ng lalaki na unti-unti nang namumutla. Tsaka ko siya napagmasdan nang lubusan. Hindi maitatangi na kapuri-puri ang kaniyang pisikal na anyo. Ang kanyang mukha ay tila ba inukit ng magaling na iskulptur. Ganito pala kapayapa ang kaniyang itsura kapag siya ay walang malay. Hindi ko maiwasan na humanga sa kanya katulad pa din nang una kaming magkita noong kami ay musmos pa lamang ngunit agad ko itong iniwaksi sa aking isip. Kahit gaano pa man siya kagandang nilalang, siya ay tao pa rin!

"Alonzo! Pumarito ka. Mamatay na ata ang lalaking ito!", may pag-aalalang lahad ni Ina habang nakikita niya sa portal na tubig si Tiyo Alonzo. Hindi na nagawa pang magsalita ni Tiyo bigla na lamang siyang nawala sa portal. Parehong sumabay sa hawi nang mabilis na hampas ng hangin ang aming mga kasuotan kasabay nang biglang pagpasok ni Tiyo sa silid.

Agad niyang ibinaling ang tingin sa tila isang bangkay na buhat ni Ina. Pagkatapos noon ay sa akin naman nabaling ang kaniyang malamig na titig. Agad akong napayuko.

"Vreihya! Ano ang ginawa mo?", malamig na turan ni Tiyo. Hindi talaga maitatanggi na magkapatid sila ni Ina sapagkat pareho silang ma-awtoridad. Patuloy na umiikot nang pabilog na tubig na portal ni Ina. Hindi niya ito inaalis upang magkaroon lamang ng liwanag ang silid dahil hindi na sapat ang sinag ng buwan na nanggagaling sa malaking bintana.

Hindi na tinangka pa ni Tiyo na pulsuan pa ang nilalang dahil wala na din siyang marinig na pagtibok. Sa pagkakataon na ito ay hindi ko na alam ang gagawin. Maling-mali ang ginawa ko, masyado akong nagpatangay sa galit ko sa kanya. Ano nga ba ang mangyayari kung sakali na mapaslang ko siya ngayon at hindi ako tuluyan na gumaling? Hindi ka nag-iisip nang tama Vreihya!

"Ezme...Tare...Zalde", mabilis na nag-usal ng dasal si Tiyo na tila naghahabol ng oras.

Agad akong napabaling kay Tiyo at nakitang nagkulay puti na ang kabuuhan ng kaniyang mata. Muli kaming hinampas ng isang malakas na hangin. Ang tubig na portal ni Ina ay nagsaboy na din sa paligid dahil sa pwersa ng kapangyarihan ni Tiyo. Unti-unting umikot ang hangin na nasa silid at bumuo ito ng tila isang maliit na ipo-ipo tsaka ko nakita ang isang nilalang na humakbang palabas dito. Halata ang pagtataka sa kaniyang mukha ngunit nang masilayan niya si Tiyo ay agad na nagseryoso ang kaniyang postura.

"Macara, kailangan ko ang iyong tulong. Nanganganib ang buhay ng mortal na ito", agad na usal ni Tiyo habang bumabalik na sa normal ang kaniyang mga mata. Wala ng sinayang na sandali pa ang babaylan na pinagkakatiwalaan ng aming pamilya. Agad niyang binagtas ang sahig na kinahihigahan ng lalaki na hindi na namin mawari kung buhay pa. Agad na inihinto ni Ina ang kaniyang pagkumpas sabay sa mahinang pagbulong ni Macara sa kaniyang tungkod upang ito ay magliwanag ito kapalit ng nawalang portal na tubig ni Ina.

Itinapat ni Macara ang kaniyang palad sa dibdib ng lalaki. Ilang segundo pa ay agad siyang tumingin sa amin nang may matinding sindak.

"Hindi na siya magtatagal!", may babala nitong sambit.

"Hindi maaari!", agad na singhal ni Tiyo. Akma na sana akong hahakbang upang lumapit kay Ina dahil nakita ko na parang nawalan siya ng balanse ngunit agad akong napasapo sa aking dibdib.

"Ah! I--Ina", agad akong napaluhod habang sapo ang aking dibdib. Hindi maaari ito. Tila may tumutusok sa aking dibdib na isang matalim na bagay. Narito na naman ba ang aking karamdaman? Kung nararamdaman ko ito ulit ngayon ibig sabihin ay hindi epektibo ang ginawa kong pag-inum sa kaniyang dugo.

Agad kong naramdaman ang mabilis na pagbulusok ni Tiyo palapit upang alalayan ako sa muling pagsalampak sa sahig. Agad namuo sa aking mga mata ang mga luha dahil sa bawat pintig ng aking puso ay nahihirapan ako makahinga at tila ito ay sinasaksak ng libo-libong mga punyal.

"Macara! Tulungan mo kami!", agad na singhal ni Ina na hindi na din napigilan ang mapahagulgul nang muli niyang makita ang aking kalagayan. Ang hapdi, ang sakit, ang hirap. Naikuyom ko ang aking kamo na siyang naging sanhi upang bumaon ang aking kuko sa aking palad. Labis ang sakit na aking nararamdaman. Agad kong naramdaman ang pag-angat ni Macara sa nakakuyom kung kamao habang dumadaloy ang masaganang dugo.

"Kamahalan, ilapit mo dito ang nilalang!", madiin na utos ni Macara. Agad na kinumpas ni Tiyo ang kaniyang kamay at biglang umangat sa kaniyang pagkakahiga ang mortal. Umupo si Macara sa sahig at sinenyasahan si Tiyo na sa kanya ilagak ang katawan. Habang hawak ni Macara ang aking nagdurugong kamao ay tinanggal niya ang pagkakasarado ko dito. Itinapat niya sa bibig ng lalaki ang aking palad at hinayaan na pumatak ang masaganang dugo sa kaniyang labi.

Agad naman akong napaigtad dahil tila dumodoble ang sakit sa aking dibdib. Hinigpitan ni Tiyo ang pagkakaalalay sakin. Hindi ko na makontral ang aking katawan nang magsimula na akong makaramdam ng panginginig. Agad na bumulwak ang masaganang luha sa aking mga mata.

"Engrede...De selvye... Alcalus!"

"Engrede...De selvye... Alcalus!"

"Engrede...De selvye... Alcalus!", paulit-ulit na bigkas ni Macara at sa bawat bigkas ay palakas ito nang palakas. Sa kabila nang nanghihina at nanlalabo kong paningin ay siya namang itinalas ng aking pandinig. Rinig ko ang bawat patak ng aking dugo sa kaniyang mga labi. Kasabay noon ay nararamdaman ko na ang tila paghinga niya nang dahan-dahan. Kasabay noon ay ang unti-unting pagkawala ng sakit na nararamdaman ko sa aking dibdib.

"Engrede...De selvye... Alcalus!"

"Engrede...De selvye... Alcalus!", patuloy na pag-usala ni Macara ng kaniyang dasal.

Sunod-sunod ang kaniyang paghinga na tila ba isa siyang bangkay na muling binuhay. Kasabay ng mga paghinga na iyon ay parang hinahaplos ang aking puso sa pinaka kaibuturan. Napalitan ng kapatanagan ang kanina lamang ay malabis na sakit. Ang aking panginginig ay napalitan ng pagiging kalmado. Ang mahigpit na hawak sa akin ni Tiyo kanina ay mas naging maluwag. Sa mga oras na iyon ay napagtanto ko ang katotohanan. Hindi ako mabubuhay ng wala siya. Ang bawat niyang paghinga ay siya ding haba ng aking buhay. Ano ba ang dahilan ng lahat ng ito? Bakit kailangan ko dumepende sa isang mahinang nilalang na kagaya niya? Ano ba ang pwersang nagdudugtong sa aming dalawa?

Nang nabatid na ni Macara na tila mayroon ng buhay ang lalaki ay itinigil na niya ang kaniyang pagbulong. Kahit nanghihina pa ang aking katawan ay nakita ko kung paano mahinang napaupo si Ina sa sahig habang may luha sa kaniyang mata. Tulala siya ngunit bakas ang kapanatagan sa kaniyang pigura. Agad akong sinakluban ng pagsisisi, muntik ko na palang maiwan ang aking minamahal na Ina. Hindi niya dapat nararanasan ang ganito. Ni minsan ay hindi na siya napanatag sa aking kalagayan pagkatapos ganito pa ang aking isusukli.

Patawad Ina dahil paulit-ulit kitang tila pinapatay sa pag-aalala. Nais kong tumayo at yakapin siya ngunit hindi pa ako makakuha ng lakas upang tumayo. Isa lamang ang naisip ko habang tinitignan ang aking Ina na tila hindi pa din bumabalik sa kaniyang wisyo. Ipinapangako ko sayo Ina na ito na ang huling araw na luluha ka sa pag-aalala. Hindi na ako muli gagawa ng hakbang na magbibigay sayo ng lumbay at takot.

Mahal kita aking Inang Reyna.

----------------------------------------------------------------------------------------------------------

Ilang oras na ang nakakalipas nang mangyari ang ganoong kaganapan kanina. Agad na inilagay ni Tiyo ang lalaki sa isang komportableng silid upang makapagpahinga siya nang maayos. Gusto ko din sanang mamahinga ngunit nakatanggap kami ng balita na papunta rito ang ibang pinuno ng iba't-ibang kaharian. Kailangan naming maghanda upang salubungin sila, agad akong napangiwi dahil paniguradong isang mahabang diskusyon na naman ang magaganap sa pagpupulong na iyon.

"Vreihya!", agad kong naramdaman ang paglamig ng hangin ng masalubong ko si Tiyo sa pasilyo na aking nilalakaran. Napayuko na naman ako dahil paniguradong matinding pagsusuway at pagtutuwid ang aking matatanggap mula sa kaniya. Si Tiyo na ang naging kaagapay ni Ina sa pagpapalaki sa akin. Kaya mataas ang aking paggalang sa kaniya. Hindi din biro ang awtoridad na meron siya sa pamamaraan pa lamang ng kaniyang pagtindig.

Dahan-dahan na inilahad ni Tiyo ang kaniyang kaliwang palad na tila may hinihingi siya sa akin. Agad ko namang tinanggal ang gintong singsing na aking suot-suot at ipinatong ito sa palad niyang naghihintay. Hindi ko maiwasan na tumitig kay Tiyo, ang kaniyang mukha ay katulad pa din noong ako ay bata. Ni hindi siya nakakitaan ng senyales ng pagtanda. Ang kaniyang itsura ay para ko lamang siyang nakakatandang kapatid ganun din ang aking Ina.

Agad na binulungan ni Tiyo ang singsing sa kaniyang palad kasabay nito ay ang paghawi ng hangin sa aking buhok at sa aming kasuotan ngunit nawala din ito pagkatapos niyang bumulong. Agad niyang iniabot sa akin ang singsing tsaka ko ito muling sinuot ngunit hindi na ito kasing espesyal gaya ng dati.

"Iniaalis ko na ang kapangyarihan na pinahiram ko sayo. Baka magamit mo lang upang saktan ang mortal na iyon", madiin nitong sabi. Sa aming mundo, ang mga dugong maharlika ng bawat kaharian ay may iba't-ibang kapangyarihan na wala sa mga ordinaryong nilalang na naninirahan na kasabay namin. Hindi na mahirap hulahan na ang kapangyarihan ng hangin ang tangan na kapangyarihan ni Tiyo. May kakayahan kaming magpahiram ng limitadong kapangyarihan sa iba naming kadugong maharlika sa pamamagitan ng pagbasbas sa kanilang mga alahas sa katawan. Agad akong napangiwi dahil hindi nagkakamali si Tiyo dahil nagamit ko na ang kaniyang kapangyarihan nang makipagtalo sa akin ang nilalang na humantong sa pagtilapon ng kaniyang katawan sa konkretong pader ng piitan.

"Sumama ka sakin sa hardin Vreihya!" agad akong napatingin sa perpektong mukha ni Tiyo. Agad niya akong binigyan ng isang matamis na ngiti. Ang kaninang tensyon na namamagitan sa amin dahil sa aking ginawang kahangalan ay napalitan nang mas magaan na atmospera. Alam na alam ni Tiyo na ang hardin ang pinakapaborito kong lugar sa malawak naming palasyo.

Kapwa namin ginamit ang aming bilis upang makapunta sa hardin. Nang makarating na kami ay agad akong sinalubong ng malumanay na simoy ng hangin. Walang ibang pumapasok sa isip ko kundi kapayaan sa tuwing nakikita ko ang mga namumutiktik na bulaklak sa aming hardin. Sobrang lawak nito dahil ang espasyong ito ay para lamang talaga sa akin.

Pinuno ko ang aming hardin ng mga iba't-ibang uri ng bulaklak at mga punong sa mundo lamang na ito matatagpuan. Ang bawat puno at mga halaman ay may sari-sariling kahulugan na para sa akin ay napakasarap ibahagi sa tuwing may dumadalaw na panauhin sa aming palasyo.

"Ano pa ang hinihintay mo Vreihya?", malumanay na tanong ni Tiyo. Hindi na ako nag-atubili pa at magiliw akong lumandag, pagkalapat na pagkalapat ng aking mga paa sa berdeng damo ay agad na nagsitubo ang mga maliliit na mga kulay rosas na bulaklak. Agad kong kinumpas ang aking kamay pataas kasabay nito ay ang paglabas ng malalaking berdeng ugat mula sa ilalim ng lupa at agad akong umikot nang buong giliw at pinagsalikop ang aking mga palad habang ang aking magkabilang kamay ay nakaangat. Agad na sumunod sa aking galaw ang malalaking berdeng ugat at nagkumpol ito nang magkasalubong sila sa kagitnaan ng ere. Pumalibot naman ang iba hanggang sa makabuo ito ng tila isang simboryo kung saan asa loob kami ni Tiyo.

Tila naging isang kweba na gawa sa mga ugat ng halaman ang aming kinatatayuan. Muli kong ikinumpas ang aking mga kamay at umusbong ang isang pabilog na maliit na lamesa kasabay ang dalawang upuan sa magkabilang gilid na balot na balot ng iba't ibang kulay ay estilo ng mga bulaklak at dahon.

Nagsimulang dumayo ang iba't ibang uri ng paro-paro at insekto sa loob ng aking simboryo at hindi nagtagal ay naglabas sila ng liwanag na siyang pumaram sa dilim ng aking simboryo. Umupo nang mahinahon sa Tiyo sa upuan na pinakamalapit sa kanya. Agad na din akong umupo sa bakanteng upuan tsaka ko narinig ang seryosong pagtikhim ni Tiyo.

Agad ko ng inihanda ang aking sarili sa kung ano mang pagtutuwid ang maaaring manggaling sa aking Tiyo na wala pa ding kupas ang kakisigan. Hindi na mahirap isipin na maraming kababaihan ang pumipila sa kaniya.

"Vreihya, mamaya sa pagpupulong ay dapat mong tandaan na hindi nila dapat malaman na isang tao ang pinapares sa iyo", mahinahon ngunit may diin ang tinuran ni Tiyo. Ang pamilya Zecillion ang pinakamalakas na pamilyang maharlika sa mundong ito. Madali nang maiisip na kung kami ang pinakamalakas at ang nangunguna ay marami kaming mga kaaway na naghihintay ng pagkakataon na umatake.

"Sa pagkakaton na mabatid nila na isang tao ang kapareha mo ay tiyak na madugo ang mangyayari Vreihya. Isipin mo na lamang ang nangyari kanina, sa pagkakataon na malagutan siya ng hininga ay kasabay ka niyang mawawala.", kalmado ngunit seryoso nitong turan.

Hindi ko maiwasan na makaramdam ng takot sa tinuran ni Tiyo. Malamang na gagawin ng aming mga kaaway ang lahat upang mapasakamay o hindi kaya ay mapaslang ang taong iyon.

Higit na kailangan ng pag-iingat dahil batid ng aming pamilya na may mga kaaway ding kaming nagbabalat kayo na aming mga kaalyado. Ngunit hindi mawala sa isip ko ang sinabi ni Tiyo dahil tila naging pabigat pa sa akin ang mortal na iyon, kailangan namin siyang itago at ingatan upang hindi siya mapahamak at lalong higit ay ako.

"Ang suliranin natin sa ngayon Vreihya ay kung makikiisa sa atin ang mortal dahil sa ginawa mo. Paano kung isuko na niya mismo ang kaniyang sarili dahil nakikita ko na mas pipiliin niya pang mamatay kaysa ang makipag-isang dibdib sayo.", may pagbabantang saad ni Tiyo sa akin habang iniangat niya ang kaniyang daliri upang dumapo ang isang uri ng paro-paro dito.

Agad akong napatingin kay Tiyo. Agad na binalot ng takot ang aking buong katawan. Entrante! agad kong nausal. Ito ay isang uri ng balbal na salita na siya naming ginagamit sa tuwing kami ay nagagalit o may matinding emosyon. Agad na nalanta ang mga halamang asa paligid namin. Ang kaninang kulay berdeng mga ugat na bumabalot sa aming simboryo ay agad na nalanta.

Hindi ito maari! Paano nga kung sa tindi ng aming mga pagtatalo ay maisipan niya itong gawin. Unti-unti kong nararamdaman ang pagliwanag ulit ng aming paligid. Tuloy-tuloy na nalanta ang aking simboryo at mga bulaklak sa loob nito bago ito tuluyang naging abo at tinangay ng hangin. Ngunit ang aming kinauupuan at ang mesa ay nalanta man ngunit matibay na sinusuportahan ang aming timbang.

"Paano at ano ang gagawin ko Tiyo?", nag-aalalang tanong ko sa kanya na tila pinagtakluban ako ng kalangitan. Hindi ito malabong mangyari. Vreihya! Wala kang isip! Malamang sa malamang matapos mo siyang muntik na mapatay ay paniguradong iyon ang gagawin niya.

"Hindi niya dapat malaman na kung mamamatay siya ay kasama niya akong mahihimlay!", iyon na lamang ang naibulalas ko sa aking Tiyuhin pero sa kabila ng kaba sa aking dibdib ay prente lamang siyang nakaupo sa kaniyang kinauupuan.

"Paano kung sarili na lamang niya ang kaniyang kitlin dahil sa matinding pagtutol niya?", prente nitong sabi. Napataas ang kilay ko. Nag-aalala ka ba talaga sa akin Tiyo?

Muli na naman akong binuhusan ng napakalamig na tubig. Ngayon lamang ako nagkaroon ng takot na ganito. Isa akong matapang at matatag na babae pero nagkaroon ako ng isang kinatatakutan. Ano bang meron sa magulong mundo na ito? Dahil ba sa isa akong malakas na nilalang ay binigyan ako ng tadhana ng aking magiging kahinaan?

Sa aking matinding pag-iisip ay agad akong napapitlag nang masugatan ang braso ko na nakapatong sa bilog na mesa. Agad na dumaloy ang masaganang dugo mula dito. Sa tindi pala ng nararamdaman ko na emosyon ay umusbong ang mga matatalim na tinik sa mesang gawa sa ugat ng halaman. Iniangat ko ang aking braso kasabay nito ang pagtulo ng sariwang dugo sa mesa. Pagkalapat na pagkalapat ng dugo ay agad naging berde ang pinatakan nito at may umusbong na isang bulaklak na may kakaibang kulay at pabilog na disenyo. Saglitan na napukaw ang aking atensyon ngunit biglang bumalik ang aking suliranin nang bigla kong maamoy ang samyo ng mortal.

Teka, sandali. Naaamoy ko ang mortal!

Naamoy ko siya! Ibig sabihin!

Agad akong napatayo sa aking kinauupuan kasabay na nito ang pagiging abo ng aking silya. Kung naaamoy ko siya ay tiyak maaamoy din siya ng mga panauhin mamaya. Tiyak na magkakagulo ang lahat at maagang malalaman ang lihim ko! Agad ding napatayo sa kaniyang kinauupuan at tila sinasamyo rin ang amoy ng Mortal. Agad kaming nagtinginan na parang pareho kami ng iniisip. Hindi maaari ito!

"Tiyak na magkakagulo!" saad ni Tiyo.

"Kung sa ating mga alipin sa palasyo ay kaya kong kontrolin ang samyo niya sa hangin upang maikubili natin siya, ang mga panauhin mamaya ay tiyak na malalaman na may mortal sa ating palasyo!", madiin niyang usal.

Ang mga pamilyar na kaba na kanina ko pa naramdaman ay mas lalong dumagundong. Pano namin maitatago ang kaniyang amoy?