Chereads / Teach Me How to Die / Chapter 1 - Chapter 1

Teach Me How to Die

🇵🇭Titanic_King
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 11.1k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Chapter 1

"Parating na ang dragon!" sigaw ni Clint habang kumekembot na tumatakbo papasok ng pintuan. Muntik pa itong madulas nang matapakan ang nakakalat na balat ng saging sa sahig. "Magtago na tayo. Parating na ang dragon!"

Mistulang tumigil ang oras sa loob ng Third Year-Section A. Tanging ingay na lang ng mga nag-uusap na estudyante sa magkabilang silid-aralan ang maririnig.

At ang pagtama ng mga takong sa aspaltong sahig mula sa labas ng pasilyo. Palakas nang palakas. Palapit nang palapit.

Parating na ang dragon.

Nanindig ang mga balahibo ko. Para akong mahihimatay sa sobrang takot at kaba. Gusto kong yakapin ang sarili at kumbinsihin na magpakatatag, na magagawa ko nang maayos ang matagal na naming pinagplanuhan ni Layla, na pasasaan ba't matatapos rin ang araw na ito. At kapag nagawa ko nang tama ang dapat kong gawin ngayon, siguradong huling araw na ng paghahari-harian, o pagrereyna-reynahan, ni Ms. Velasco. Matatapos na ang maliligayang araw nito dito sa Purvil High.

Umayos kaming lahat sa pagkakaupo, ang mga mata'y nakapako sa nakabukas na pintuan. Sa bawat segundong lumilipas pabigat nang pabigat ang atmospera ng silid. Tila maging ang mga elemento at mga kakaibang nilalang na posibleng nakatira sa paaralan na ito, kung meron man, tila pati sila naghihimutok at naninibugho sa mas maitim at malagim na presensyang dala ni Dragon Lady sa aming lahat.

Tumilaok ang manok mula sa labas ng bintana, tila nang-aasar pa sa gitna nang nakabibinging katahimikan. At paano nagkaroon ng ligaw na manok sa loob ng compound ng Purvil High?

Pero ang mas nakakaintrigang tanong, paano nagkaroon ng dragon dito sa Purvil High? Nakawala sa pagkakatali at nakatalon sa bakod ang pinakaposibleng kasagutan patungkol sa manok. Paano naman ang sa dragon? Takas sa mental?

Napalunok ako.

Sobrang awkward kapag sa first row nakaupo. Hindi maiiwasan ang mapansin at mapagpiyestahan ng tingin lalo na ng mga manyak at mahihilig mangopya sa tuwing oras ng exam.

Dreadful naman sa ganitong pagkakataon. Siguradong mapapansin na naman ako ni Ms. Velasco dahil bukod sa alam nitong ayaw ko ang Math subject, ako lang naman ang bukod-tanging estudyante na naglakas ng loob na magsumbong sa prinsipal tungkol sa pagiging bully teacher nito sa amin. Pero mas pinanigan pa ni Mrs. Villarica si Ms. Velasco, kesyo ang oa ko raw. Wala naman daw physical abuse na nagaganap at sadyang mataray lang talaga si Ms. Velasco. Mataray in a good way, pagdidiin Mrs. Villarica. Sadyang over-sensitive lang daw ako at ayaw nang napapagalitan. Puro reklamo lang daw ang alam ko. Kung ipagpapatuloy ko raw ang pagiging reklamador, pinapatunayan ko lang daw na nagkamali si Dr. Jose Rizal nang sabihin nito na ang kabataan ang pag-asa ng bayan.

I'm so frustrated. Tila bingi si Mrs. Villarica sa mga hinaing ko. Hindi ba nito alam na hindi lang ako ang binabalewala nito kundi pati na rin ang lahat ng mga kaklase ko? Sadyang ako lang ang direktang nagpapahayag ng pagkadisgusto namin kay Ms. Velasco. Ako ang presidente ng klase kaya natural lang na ako ang maging boses nila. I am their mouthpiece. Minsan napapaisip tuloy ako kung sadya nga bang walang pakialam ang prinsipal sa amin. O sinasadya talaga nito na huwag pansinin ang reklamo ko sa simpleng kadahilanan na ako ang nagrereklamo. Tila nagsawa na ito sa mukha ko na isang beses yata sa isang linggo kung ipatawag nito sa opisina. She hates me. Really hates me. Kitang-kita ko sa matalim na mga mata nito sa tuwing natetyempuhan ko itong palihim na nakamasid sa akin mula sa bintana ng Principal's Office.

Hindi naman talaga ako takot kay Ms. Velasco. Takot ako na ipahiya nito sa harap ng buong klase. Ilang beses na akong pinahiya ng dragon na ito. Eksperto pagdating sa paninirang-puri. Nakapagtataka kung bakit hindi ito makita ng prinsipal. O marinig since dinig na dinig sa buong school compound ang boses nito sa tuwing sinisigawan kami sa kaunting pagkakamaling nagagawa namin. Siguro sadyang nagbubulag-bulagan o nagbibingi-bingihan lang talaga si Mrs. Villarica dahil magaling mambola si Ms. Velasco. Maaaring pera-pera lang din talaga ang labanan. Palakasan sa madaling salita. O baka lihim na magkamag-anak ang dalawa.

"Miya!"

May kumalabit sa balikat ko.

Pasimple akong napalingon. Si Layla. Nakatingin ito sa akin nang seryoso. Pinigil ko ang nagbabadyang tawa na nais kumawala sa bibig ko. Si Layla ang may hilatsa ng mukha na bibigyan ka ng impresyon na tila ba sinusubukan nitong pigilang magpakawala ng isang matinding utot. Sa itsura nito ngayon, tila tae na ang sinusubukan nitong pigilan. Kinagat ko ang labi ko. Nagtaas ako ng isang kilay sabay tango ng marahan.

Nagtaas din ng isang kilay si Layla, signifying na nakuha nito ang ibig kong sabihin. May maliit na ngiti na kumurba sa mga labi nito. Hinawi nito ang ilang hibla ng buhok na bumagsak sa noo nito saka nagbuklat ng aklat at umaktong nagbabasa. Bahagya akong nainggit sa kulay pula nitong buhok, at naisip na sana nagpakulay na rin ako ng buhok nang lalo pa akong mapansin at pag-initan nina Ms. Velasco at Mrs. Villarica. Ayos na siguro ang kulay rainbow na buhok. Bahagya akong napangisi.

Muli kong tinuon ang paningin sa pinto. Ilang segundo na lang at darating na ang dragon. Handa na ako. Pasimple kong tinapik ang kaliwang bulsa ng uniform ko. Nasalat ko ang ballpen na nakaipit dito. Lihim akong napangiti. Hindi ito simpleng ballpen lang. Ngayon ko mapapatunayan na totoo ang sinabi ni Dr. Jose Rizal na pen is mightier than sword. Matatapos na ang mga maliligayang araw ni Ms. Velasco a.k.a Dragon Lady dito sa paaralang ito. At kapag nangyari ito paniguradong magiging bida na naman ako at sentro ng atensyon ng buong Purvil High, na siya namang ikauusok ng magkabilang tainga ni Mrs. Villarica.

Tingnan natin kung sino sa atin ang may huling halakhak, Dragon Lady. Tingnan natin.

Napalunok ako nang tuluyan ng pumasok sa loob ng silid ang dragon.