"Hayop kang bata ka!" Nanginginig ang mga kamay na kinapkap ni Ms. Velasco ang kalbo nitong buhok. May mga iilang hibla ng buhok na pawang mga nakausli sa parteng bumbunan nito. "Hayop ka!"
Napako ang tingin ko sa buhok na nasa kamay ko. Medyo may kabigatan ito at magaspang. Paano ito nagagawang suotin ni Ms. Velasco? Bukod sa masyado itong matingkad para sa totoong buhok, obvious na wig lang ang suot ng dragon. May dress shop kami kaya alam ko ang pagkakaiba ng wig sa totoong buhok. Unang araw pa lang alam ko na na hindi totoo ang buhok ni Dragon Lady.
"Ibalik mo sa akin 'yan, you little piece of shit!"
"As you wish!" Buong giting kong binato ang wig kay Dragon Lady. Tumama ito sa mukha nito. "Sa susunod, gumamit ka ng conditioner. Talagang nag-split ang buhok mo."
Muling sumabog ang nakabibinging halakhakan. Mas malakas kaysa kanina. Sa labas ng bintana, nakadungaw at nakasilip ang ilang mga estudyante mula sa magkabilang silid-aralan, nakabakas sa kanilang mga mukha ang magkahalong pagtataka at pagkagalak habang pinagmamasdan si Ms. Velasco.
Nagmamadaling pinulot ni Ms. Velasco ang wig at agad na pinatong sa ulo nito. Muling nagtawanan ang lahat dahil baligtad ang pagkakalagay nito sa wig. Nagmukha tuloy itong si Sadako!
"Mga hayop kayo lahat!" sigaw ni Ms. Velasco sa kulob na tinig. Inayos nito ang wig sa pagkakapatong. Lumantad sa amin ang nanlilisik at namumula nitong mga mata na basa ng luha. Pumako ang mga ito sa akin.
Nanindig ang mga balahibo ko.
"Pagsisisihan mo ang lahat ng ito, Miya Antipasado!"
"Ms. Velasco..."
Nagmamadaling humakbang palabas ng silid-aralan si Ms. Velasco dala ang mga gamit nito. Muntik pa itong madulas nang matapakan ang nakakalat na balat ng saging sa tabi ng pintuan.
Hagalpakan at tawanan ang mga kaklase ko. Nagtayuan ang mga ito sa kani-kanilang mga upuan at nagpuntahan sa kinaroroonan ko.
Agad akong sinunggaban ni Clint sa baywang at inangat na parang bata. Kulang na lang ay tumama ang ulo ko sa kisame sa taas ng pagkakahubat nito sa akin.
"Ang galing mo, beshie. Natalo mo ang dragon!" sabi nito habang iniikot ako. Sa paraan ng pagkakatingin nito sa akin, parang isang diyosa ang nakikita nito at hindi isang kinse anyos na dalaga. May kinang sa mga mata nito. "Miya the Dragonslayer!"
"Clint..."
"Miya the Dragonslayer!" ulit ni Clint sabay yakap sa akin saka dinampian ako ng halik sa pisngi. Maluha-luha ito. "Natalo mo ang dragon, beshiewap. Niligtas mo ang lahat. Salamat."
"Miya, the Dragonslayer! Miya, the Dragonslayer!" sigawan ng mga kaklase ko. Ang iba ay nagsipagsayawan pa at naglulundag sa sobrang kagalakan. "Miya the Dragonslayer!"
Magkahawak-kamay na nagsayawan sina Nana at Karina sa saliw ng tugtugin na sila lang ang nakaririnig.
"Miya the Dragonslayer," narinig kong anas ni Layla mula sa likuran ko. Nakatingin ito sa akin bagama't walang ngiti na makikita sa mga labi nito. Sa halip ay nakalukot ang mukha nito. Para itong nadumi sa salawal.
"Ano'ng kaguluhan ito? Ano'ng nangyari?"
Si Ms. Palanas, ang Chemistry teacher at adviser namin. Kunot-noo itong nakatayo sa tabi ng pintuan habang nakamasid sa amin. May hawak itong microscope sa isang kamay.
Nagpuntahan ang ilan kong mga kaklase kay Ms. Palanas. Ang iba'y nagtatawanan pa rin. Isa sa mga mabababait na guro sa Purvil High si Ms. Palanas kaya naman palagay ang loob namin dito. Kailan man ay hindi ito naninigaw o namamahiya ng estudyante. Kaya naman sobrang mahal namin ito.
"Bakit nakita kong tumatakbo papuntang office si Ms. Velasco? Ano'ng ginawa n'yo?"
"Si Miya po, Ms. Palanas. Niligtas po niya kami laban kay Dragon Lady," sagot ni Nana. Niyakap nito nang mahigpit ang hawak na aklat. "Miya the Dragonslayer!"
"Miya the Dragonslayer?"
"Kalbo po pala si Dragon Lady!" natatawang sabi ni Clint. "Kung nakita n'yo lang po, Ms. Palanas. Gosh, ang ulo niya. Mas makintab pa sa doorknob ng Malacañang."
May bahagyang ngiti na sumilay sa labi ni Ms. Palanas. Dumako ang tingin nito sa akin.
"Alam mo ba ang nagawa mo, Miya?" Nagtaas ito ng kilay. "That was brave of you to do, whatever that was. Pero tandaan mo, Math teacher n'yo pa rin si Ms. Velasco. Kahit gaano pa kaimpakta ang impaktang 'yon, may kapangyarihan pa rin ito para ibagsak kayo."
Nagkatinginan ang mga kaklase ko. Tila hindi nila naisip na maaaring mangyari ang mga sinabi ni Ms. Palanas. Kayang-kaya kaming ibagsak ni Ms. Velasco. Sobra itong napahiya kaya siguradong gagawin nito ang lahat makaganti lang sa amin.
Lalo sa akin.
Kasalanan ko kung mangyayari ang mga sinabi ni Ms. Palanas. Dahil sa kagustuhan kong mapatalsik sa school si Ms. Velasco, nagawa kong idamay ang mga kaklase ko sa galit nito. At paano kung hindi mapatalsik ang dragon? Paano kung panigan pa rin ito ng butihin naming prinsipal? Saan na kami pupuluting lahat? Mababalewala ang lahat ng sakripisyo ko. Sa huli, kapopootan lang pala ako ng mga kaklase ko.
Pero hindi ako naging presidente ng klase namin para lang sa wala. Sa tatlong buwan na pagtuturo ni Ms. Velasco, alam ko na ang ligaw ng bituka nito. Alam kong darating ang araw na ibabagsak kami nito sa oras na labanan namin ito.
Kinapa ko ang ballpen na nakasabit sa uniform ko. Naramdaman ko ang panginginig ng mahabang katawan nito. Gumagana pa rin ang video camera nito hanggang ngayon.
Napansin marahil ni Ms. Palanas ang pananahimik ko. Ang pag-aalala. Marahan nitong inilapat ang isang palad sa balikat ko.
"Don't worry, Miya. Kahit iparating pa ni Ms. Velasco kay Mrs. Villarica ang nangyari, nasa likod mo lang ako. Susuportahan kita," sabi ni Ms. Palanas. Bahagya itong lumapit sa akin at halos pabulong na dinagdag, "Sa totoo lang, matagal na rin akong inis sa babaeng 'yon. Panahon na siguro para matigil ang mga kahibangan ni...ni Dragon Lady." Napangisi si Ms. Palanas sabay takip sa bibig.
Muling nagtawanan ang lahat.
"Tama ang mga sinabi ni Ms. Palanas, Miya," sang-ayon ni Bruno. Inakbayan ako nito sa balikat sabay lapat ng pisngi nito sa pisngi ko. "Nandito lang kami sa likod mo, ha, Miya. Alam mo 'yan. Basta huwag ka lang uutot, okay?"
"Bitiwan mo nga ako!" bulyaw ko rito.
Lalo pang hinigpitan ni Bruno ang pagkakahawak sa akin habang tumatawa.
"Tigilan mo nga si Miya," bulyaw ni Layla kay Bruno. "Hindi ka nakakatulong."
Napangisi pa lalo si Bruno.
"Nagseselos ka lang yata. Alam ko namang matagal mo na akong gusto. Ayaw mo lang aminin." Kumalas ito mula sa pagkakahawak sa akin sabay lahad ng mga kamay kay Layla. "Halika, let me give you a hug. Come on, baby. Come to papa!"
"Ulol," ismid ni Layla. Namula ang mukha nito at nahihiyang napasulyap kay Ms. Palanas. Nasapo nito ang bibig. "S-Sorry po."
Natatawang nailing na lang si Ms. Palanas.
"Basta, guys, susuportahan natin si Miya kahit na anong mangyari," matatag na turan ni Nana sa lahat. "Siguradong magsusumbong si Dragon Lady sa prinsipal. God knows kung paano nito gagawing masama si Miya sa paningin ni Mrs. Villarica. Huwag natin hayaang magwagi si Dragon Lady. Huwag tayong papayag!"
Nagsipagtanguan ang lahat, kasama na si Ms. Palanas.
Para akong nabunutan ng tinik sa dibdib.
Natalo ko ang dragon. Napahiya ko ang dragon. Dragonslayer. Miya the Dragonslayer. Masarap pakinggan. Musika sa aking pandinig. Pakiramdam ko nakuha ko na ang matagal ko nang pinapangarap sa buhay. Kung pangarap ba na maituturing ang ipahiya ang isang terror teacher sa harap ng buong klase.
Habang kanya-kanya ng usapan ang mga kaklase ko, palihim akong hinila ni Ms. Palanas patungo sa silid-aklatan. Sa katahimikan sa loob at sa mala-bubuyog na ingay ng mga estudyante na nangggagaling sa labas, mistulang boses ng isang dyosa ang tinig ni Ms. Palanas sa lamig at sinseridad. Concerned talaga ito sa akin. Mapalad ako at nagkaroon kami ng adviser na kagaya ni Ms. Palanas.
"Mag-iingat ka, Miya. I don't know, pero masama ang kutob ko," sabi ni Ms. Palanas.
"Ano po'ng ibig ninyong sabihin?" takang tanong ko.
Lalong sumeryoso ang mukha ni Ms. Palanas na tila ba bahagya itong na-disappoint dahil hindi ko kaagad nakuha ang ibig nitong sabihin.
"Tungkol sa ginawa mo kay Ms. Velasco. Hinahangaan kita sa tapang mo, sure, but you know what I really think? I think what you just did was a big mistake. A very bad mistake, indeed. Hindi mo pa kilala si Ms. Velasco, Miya. Siguradong gagawin nito ang lahat makaganti lang sa iyo."
Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Ramdam ko na may tinatago si Ms. Palanas patungkol kay Dragon Lady, at maaaring pareho kami ng hinala.
"S-Sa tingin n'yo po si Dragon Lady ang Killer Teacher?" tanong ko sa mababang tinig kahit kaming dalawa lang naman ni Ms. Palanas ang nandito sa loob ng silid-aklatan. "Sa tingin n'yo siya ang pumapatay sa mga estudyante rito sa Purvil High at sa ibang karatig-eskwelahan?
Natigilan si Ms. Palanas. Nakagat nito ang labi na tila pinagsisisihan kung bakit nasabi nito ang hindi dapat sabihin sa mga estudyante. Lalo na kung ang pinag-uusapan ay ang kapwa guro nito na malinaw na paborito ng prinsipal ng paaralang ito.
"Ms. Palanas?" Agad kong hinawakan ang mga kamay nito na nasa ibabaw ng lamesa at pinisil. "Totoo po ba? Si Ms. Velasco ang Killer Teacher?"
Nagbigay ng isang ngiti si Ms. Palanas na hindi umabot sa magkabilang tainga nito. Umiling ito.
"Hindi ko alam, Miya. Maaaring siya ang Killer Teacher. Maaaring ako. Ang prinsipal." Tumingin ito nang makahulugan sa akin. "Maaari ring ikaw o ang isa sa mga estudyante rito sa Purvil High na nagpapanggap lang na guro. But regardless, I still want you to be careful. Nakita ko na kung paanong makipagsabunutan si Ms. Velasco nang nasa high school pa lang kami. Bali man ang ilong at putok ang nguso hindi ito tumigil hangga't hindi bumabagsak ang nakaalitan niya. Tatlong buwan na na-coma ang kaawa-awang babae na kaalitan ni Ms. Velasco. She was a warfreak back then. Until now. Hindi ko alam kung ano ang kaya niyang gawin sa isang estudyante na sobrang namahiya sa kanya. In this case, sa iyo."
Biglang bumukas ang bintana sa tabi ni Ms. Palanas dahilan para magpasukan ang malalakas na hangin. Nagliparan ang ilang mga papel na nakapatong sa ibabaw ng bookshelf na parang malalaking confetti. Kinilabutan ako nang madampian ng malamig na hangin ang katawan ko.
Halos mapalundag ako sa kinauupuan nang kumidlat ng malakas. Bahagyang nagdilim ang mga ilaw sa kisame na tila nagbabadya ng pagkaputol ng kuryente pero agad ring bumalik sa normal ang liwanag ng mga ito.
Nang ibalik ko ang atensyon ko, nakita kong nakatingin si Ms. Palanas sa labas ng bintana. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala habang pinagmamasdan ang maulap na kalangitan.
"Killer Teacher in the Rain," biglang anas ni Ms. Palanas. Binalik nito ang tingin sa akin. "Alam mo ba kung bakit ganito ang bansag sa killer na ito?"
Tumango ako.
"Dahil pumapatay ito ng mga estudyante, at ginagawa nito ang pamamaslang tuwing umuulan lang," sagot ko habang inaalala ang nakakagimbal na umaga na bumungad sa amin nang madiskubre ng isang estudyante dito sa Purvil High ang bangkay ng isa pang estudyante na nagngangalang Lesley Gesmundo. Natagpuan itong nakahandusay sa labas ng gate. Halos bumaligtad ang sikmura ko nang makitang nawawala ang ulo nito. Sinabi ng mga magulang nito na tumawag si Lesley sa kanila at nagsabing gagabihin nang uwi sa hindi sinabing kadahilanan. Malakas ang ulan nang gabing hindi umuwi ang kanilang anak. Napagtugma-tugma ng ilang magagaling na imbestigador ang mga pattern ng mga pagpatay: mga kabataang estudyante na puro babae; walang bakas ng panggagahasa na nagpatibay sa konklusyon na babae ang posibleng salarin; nawawala ang mga ulo; at ang time of death ay hindi malayo sa oras kung kailan umulan sa lugar kung saan nakita ang mga bangkay. At ang pinakamalakas na ebidensya na may serial killings na nagaganap at iisang tao lang ang salarin? Ang markang iniiwan nito sa katawan ng mga biktima: kulay pulang marka ng lipstick na nakasulat sa hubad na katawan ng mga biktima na nagsasabing FAILED TEACHER LOVE.
"Good. At least, hindi ka ignorante kagaya ng iba. I salute you."
Muling kumidlat nang malakas.
"Ipangako mo na uuwi ka kaagad ngayon, Miya. Huwag mong hahayaang maabutan ka nang ulan." Bahagyang nagdilim ang mukha ni Ms. Palanas. "Ipangako mo sa akin. I need your word for it."
"I-Ipinapangako ko po."
Tumayo si Ms. Palanas mula sa pagkakaupo. Muli nitong kinuha ang dalang science textbook at nilapat sa dibdib.
"I think we should go," sabi nito sabay ngiti sa akin. "Siguro nagiging paranoid lang ako. I don't know. Ganito siguro kapag nasa mahigit kwarenta na at malapit nang mag-menopause, nagiging paranoid. Hell, masisisi ko ba ang sarili ko na mag-alala sa mga estudyante ko? Ano sa tingin mo, Miya?"
Hindi ako tumugon. Nilapitan ko si Ms. Palanas at niyakap.