"At ano sa tingin mo ang ginawa mo, Antipasado?" mariing tanong ni Mrs. Villarica habang nakaupo sa likod ng lamesa. Animo'y dadalo ito sa isang lamay sa suot nitong itim na blusa at palda. "Kahanga-hanga? Sa tingin mo dapat kang tularan ng mga kaklase mo sa kalapastanganang ginawa mo? Nahihibang ka na."
"Alam ko pong mali ang ginawa ko, pero sobra na po ang ginagawa ni Ms. Velasco sa amin," depensa ko. Nakayuko ako at hindi makatingin nang diretso kay Mrs. Villarica. Pakiramdam ko pati kaluluwa ko tinutupok ng nagbabagang mga mata nito. Pagpasok ko pa lang dito kanina at mabungaran ang nakasimangot na mukha nito, alam ko na kung kanino panig ang aming butihing prinsipal.
Hinampas ni Mrs. Villarica ang ibabaw ng lamesa. Muntik ng tumaob ang flower vase. Nagbagsakan ang maliliit na kandila sa ibabaw ng malaking chocolate cake. Nakaukit ang mga katagang
!!!Happy 45th Birthday Mrs. Purification Villarica!!! sa makulay na ibabaw nito.
"Alam mong mali pero ginawa mo pa rin." Sinlamig ng yelo ang boses ni Mrs. Villarica. "At ano'ng gusto mong patunayan, Antipasado?"
"W-Wala po akong-"
"Sinungaling! Tatlong taon ka na rito sa Purvil High. Sa tingin mo hindi ko alam ang mga pinaggagagawa mo rito?" Humalukipkip si Mrs. Villarica. Iiling-iling itong nakipagtitigan sa akin. Agad akong nagbaba ng tingin. "Isa ka sa mga masusugid na kritiko ng pamamalakad ko. Hindi mo ako gusto, hindi ba, Antipasado? Pwes, sinasabi ko sa 'yo. Hindi rin kita gusto. Hindi ko gusto ang mga katulad mong aktibista. Wala kayong alam kung hindi magreklamo at maghanap ng butas na ibabato sa nakatataas sa inyo. Ganoon ka, Antipasado. Kaya uulitin ko. Dapat ka bang hangaan ng mga kaklase mo sa ginawa mo kay Ms. Velasco? Sa ginawa mong kalaspatangan sa pangalawa ninyong magulang? Sagot!"
"Kahit minsan hindi po ako minura at pinagbuhatan ng kamay ng mga magulang ko," halos pabulong kong tugon. Kahit ilang beses ko nang nakakausap dito sa Principal's Office si Mrs. Villarica, hindi ko pa rin maiwasan ang hindi makadama ng bahagyang takot rito. May personalidad ito na hindi ko lubos maintindihan. Pakiramdam ko nagkukunwari lang itong propesyonal at matino, pero ang totoo ay talagang galit ito sa mga estudyante. Lalo na sa mga estudyanteng kagaya ko. Ngayon ko napagtanto na marahil kaya mas pinapaboran nito si Ms. Velasco ay dahil pareho sila ng ugali. Parehong silang may masasamang ugali.
"Is that so? Kaya naman pala gan'yan ang pag-uugali mo, Antipasado. Lumaki kang rebelde. I pity your parents. Napalaki ka nilang walang modo. Masyado ka nilang na-spoiled," may bahid ng pang-uuyam sa tinig ni Mrs. Villarica. Binaling nito ang tingin sa isang sulok. "Ms. Velasco, narinig mo ang mga sinabi niya. Patunay ito na hindi maganda ang pagpapalaki ng mga magulang niya sa kaniya. Inappropriate! Hindi na nakapagtatakang naging asal hayop siya sa iyo kanina."
Nakaupo sa couch sa isang sulok ng opisina ang dragon, mga mata'y namumula dala marahil ng matinding pag-iyak. May nakatapal na pulang belo sa ulo nito. Nagmukha tuloy itong muslim. Suot kaya nito ang wig? Malamang na hindi dahil kung oo ay bakit nito tatapalan ng belo ang ulo. Maliban na lang kung isa talaga itong muslim. Of which I doubt dahil walang muslim na salbahe kagaya ni Ms. Velasco. Duda rin ako kung may relihiyon ito dahil baka sa pintuan pa lang ng simbahan ay magliyab na ang buong katawan nito.
Kung anong kinatingkad ng suot na belo ni Ms. Velasco ay siya namang kinadilim ng mukha nito na parang galing ito sa isang libing. Tila isa itong bata na tahimik na nakaupo habang hinihintay ang pagdating ng laruan nito na pinangako ng mga magulang nito na ibibigay rito...na kailanman ay hindi dumating subalit patuloy pa ring hinihintay. Bahagya akong nakaramdam ng awa para kay Dragon Lady. Kung naging mabait lang sana ito sa amin, kung hindi lang ito nataniman ng binhi ng kasamaan sa puso nito nang ipanganak, kung napaglabanan lang sana nito ang temptasyon na maging masama at malupit sa aming mga estudyante, hindi ko sana ito napahiya nang sobra kanina sa harap ng buong klase. Kung meron pa itong kabutihan na natitira sa puso nito, mahusay itong naitago ni Ms. Velasco sa aming lahat. Mas ginusto pa nito ang katakutan kaysa ang mahalin ng mga estudyante. Kabaligtaran sa adviser namin na si Ms. Palanas na tunay na minamahal naming lahat, ginagalang, at nirerespeto. Mga bagay na hinding-hindi namin maibibigay kay Ms. Velasco.
Dumampi sa akin ang malamig na hangin na nagmumula sa nakabukas na bintana.
Tinapunan ko ng tingin ang suot kong relo. Six o'clock. Mula sa kinauupuan ko, tanaw ko ang napakadilim na kalangitan. Nagsasayawan ang mga puno at halaman na halos mahugot na ang mga ito sa kani-kanilang mga ugat. Biglang kumidlat nang napakalakas, sapat para bahagya akong mapaigtad sa kinauupuan ko. Nagliwanag ang kanina lang ay makulimlim na kapaligiran. Iilan na lang ang mga kapwa ko estudyante na makikitang naglalakad palabas ng Purvil High. Pauwi na ang mga ito. Nakaramdam ako ng inggit. Malamang na nakauwi na rin si Layla. Nagsabi ito na hihintayin ako sa silid-aklatan. Pero mag-iisang oras na ako rito sa loob ng Principal's Office. Hindi ko masisisi si Layla kung mainip ito at maisipan na umuwi na lang. Paparating na ang bagyo. Kahapon pa sinabi na may tatamang bagyo dito sa bayan ng Pagsanjan. At kung hindi pa ako paaalisin ni Mrs. Villarica, tiyak na aabutan ako ng bagyo.
Ipangako mo na uuwi ka kaagad ngayon, Miya. Huwag mong hahayaang maabutan ka nang ulan, naalala kong sabi sa akin ni Ms. Palanas kanina nang nasa silid-aklatan kami.
Parating na ang dragon! sigaw naman ni Clint sa isipan ko. Nanindig ang mga balahibo ko. Bakit bigla ay nakadama ako ng kakaibang takot? Bakit tila may pagbabanta sa tinig ni Clint, ibang-iba sa tono ng boses nito kanina na mapaglaro? Bakit pakiramdam ko hindi bagyo ang paparating ngayon kung hindi isang matinding kalbaryo? Lalong nanindig ang mga balahibo ko sa magkahalong lamig at takot na bumabalot ngayon sa buong pagkatao ko. Tila may bumubulong sa akin na nagsasabing kailangan ko nang makaalis. Na kailangan ko nang makalayo bago pa maging huli ang lahat. Tama si Ms. Palanas. Kailangan ko nang makauwi. Kasama ko ngayon si Dragon Lady at ang prinsipal. Diyos lang ang nakakaalam kung ano ang kayang gawin ng mga ito sa akin. Malaki ang posibilidad na isa sa mga ito ang Killer Teacher in the Rain...
Kumakabog ang dibdib na binalik ko ang tingin kay Ms. Velasco. Tumatama sa suot nitong salamin ang liwanag na nagmumula sa nakabukas na chandelier, datapwa't aninag ko pa rin ang talim nang pagkakatitig nito sa akin na tila gusto ako nitong kainin nang buhay. Napalunok ako.
Nagtaas ako ng kilay nang biglang tumayo mula sa kinauupuan nito si Ms. Velasco at humakbang palapit sa lamesa malapit sa nakabukas na bintana. Nakatalikod ito sa akin habang may kinukuha na kung ano sa kumpol ng mga plato at baso sa ibabaw ng lamesa.
Kumidlat nang napakalakas na halos magparindi sa akin. Totoong parating na ang bagyo. Kailagan ko nang makauwi bago pa ako maabutan nito.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong hawak na ni Ms. Velasco ang isang bread knife.
Ano'ng ginagawa ni Ms. Velasco? Bakit may hawak itong bread knife? Nang sulyapan ko si Mrs. Villarica, nakita kong nakatingin din ito kay Ms. Velasco. Walang emosyon sa mukha nito.
Muling tumingin sa gawi ko si Ms. Velasco. Umukit ang ngisi sa mapulang labi nito.
"Pinahiya mo 'ko," anas ni Ms. Velasco. Kumikislap sa liwanag ng ilaw ang talim ng hawak nitong bread knife. "Magbabayad ka."
Nagsimulang humakbang palapit sa akin ang dragon.