Mga bulalakaw, mga kandila sa keyk tuwing kaarawan mo, o kaya ang mga munting dandelion na lumilipad sa hangin. Gaano ka kadalas humiling sa mga bagay na ito?
O isa ka ba sa mga hindi naniniwala sa mga mito na ito? Na kapag nakakita ka raw ng bulalakaw sa madilim na gabi at sinabi mo ang hiling mo ay matutupad ito? O kaya kapag nagtapon ka ng piso sa isang wishing well ay matutupad ang pinapangarap mo?
Nagsimula na ako maglakad papasok sa lobby ng gusali kung saan ako nagtatrabaho. Suot ang bagong bigay na uniporme sa akin, dire-diretso lang ako naglakad papunta sa direksyon ng mga elevator na nakasanayan ko nang gamitin.
Pababa na ang araw pero marami parin ang tao sa loob ng gusali. Karamihan sa kanila, pagkakita sa akin at sa aking bagong uniporme, ay binati ako.
"Ganda ng suot mo ngayon ah?" Sabi ng receptionist. Kahit kailan ay hindi ko pa siya nakita na sumimangot habang nagt-trabaho.
"Uy, narinig ko yung balita. Congrats, Reia!" Bati sakin ng isang kakilala ko na taga BC Division at itinaas ang kanyang kamay para makipag-apir sa akin.
"Sa wakas at nasuot na rin niya ang asul na uniporme!" Biro ng isang File Handler na umiinom ng kape sa may mga sopa. Itinaas niya ang tasa niya sa akin at ngumiti ako.
"M-Magandang gabi po!" napatigil ako sa paglalakad noong napansin ko na ang dalawang babaeng bumati sa akin ay halatang mga baguhan pa lamang at mula sa WW Division. Nginitian ko rin sila.
"Magandang gabi. WW Division? Kailan pa kayo nagsimula?" Tanong ko at parang kuminang ang mga mata nila.
"Last week lang po!"
"Lagi po namin nababalitaan yung mga na-g-grant niyo na wishes! Tinitingalaan po kita!"
Natawa ako ng konti sa sigasig nilang dalawa at hindi ko napigilan na tapikin ang balikat ng isa sa mga babae.
"Salamat! Kung mayroon kayong gustong tanungin, wag kayong mag-alinlangang hanapin ako."
Parang may mga kumislap na bitiun sa mga mata nila at tumango-tango sila.
"Opo! Maraming salamat po." Mabilis silang nag-bow at umalis na. Mas lalong nagkaroon ng sigla ang paglalakad ko at noong malapit na ako sa elevator ay may nakita ako na pamilyar na pigurang nakatingin sa direksyon ko.
"Tinitingalaan po kita!" Natatawang paggaya ni Lawin sa isang matinis na boses sa mga salita ng babae kanina. Mahina kong sinuntok ang braso niya at mas lalo siyang natawa.
"Inggit ka lang kasi wala pang juniors ang nagtatrato nang ganun sayo." Sabi ko at doon ko palang naisipang tignan siya nang mabuti.
"Gaya-gaya ka talaga ng damit." Biro ko at pinindot na niya ang pindutan paakyat sa elevator
"Ayaw mo nun? Matchy tayong dalawa." Ngumisi siya at sinuntok ko ulit siya nang mahina.
"Nasaan na pala yung iba?" Tanong ko
"Nauna na sila kani-kanina lang. Naiwan ako dito kasi gusto ko rin sana sabihin na 'Tinitingalaan po talaga kita!'" Pagbiro niya ulit pero ngayon, kesa sa suntukin ko siya ay inapakan ko nalang ang bagong bili niya na sapatos
"Ano ba–Reia! Alam mo ba gaano ko sila katagal pinupunas kagabi para kuminang sila nang ganito?!"
"Yan ang nakukuha mo sa pag-iinis sakin." Sabi ko nalang habang patuloy siyang nagrereklamo
Pagkabukas ng elevator ay sabay kaming pumasok. Nilabas namin ang mga ID namin at itinapat sa scanner ng elevator bago pindutin ang button sa pinakaitaas na may larawan ng mga bituin. Nakakapanibago.
Pinanood naming sumara ang mga pintuan at patuloy na magiba ang numero sa pader. Paakyat na kami.
"Alam mo ba ano ang kadalasan nangyayari sa mga seremonya na ganito?" Tanong ni Lawin at ngumisi ako
"Kinakabahan ka no?"
"H-Hindi ah! Gusto ko lang talaga malaman." Inayos niya ang necktie niya at umubo nang mahina. Natawa ako nang kaunti at umiling.
"Hindi ko rin alam eh. Malalaman palang natin kapag andoon na tayo."
Lumipas ang ilang sandali nang katahimikan sa pagitan naming dalawa bago siya ulit nagsalita.
"Sinong mag-aakala na aabot rin tayo sa punto na ito, no?" Sabi niya at halatang iniisip niya ang mga taon bago kami umabot kung nasaan kami papunta ngayon.
Hinawakan ko ang kuwintas na suot-suot ko at pinakiramdam ang lamig nito sa aking balat. Humigpit ang hawak ko dito bago ko ibinaba nang patuloy ang kamay ko.
"Ako alam ko naman talaga na aabot ako dito." Sabi ko at tumingala siya habang natawa.
"Ikaw talaga at ang walang kupas na tiwala mo sa sarili mo. At least, nakuha mo rin ang matagal mo nang hiling."
Nakita naming papalapit na ang numero sa itaas ng pinto sa palapag na pupuntahan namin.
Huminga ako nang malalim at ipinikit ang aking mga mata. Bumalik sa akin ang mga ala-ala ng nakaraan at napangiti ako noong dumako ang aking pag-iisip sa simulang-simula: noong baguhan pa lamang rin ako sa trabaho na ito.
Sa isang munting tindahan ng bulaklak at ang maliit na wishing well nito.