Naranasan ko nanaman ang brutalidad ng transportasyon dito sa Pilipinas.
"Okay ka pa ba diyan, Reia?"
Tinignan ko si August at kahit gusto kong umiling bilang sagot ay tumango nalang ako.
Paano ba naman kasi parang nakaupo nalang ako sa ere.
Hindi ko inakala na sobrang dami palang tao dito sa terminal ng ganitong oras. Pero kung iisipin ko, may katuturan naman ito kasi mukang ang mga kasabayan namin ay mga estudyante at mga trabahador na papasok sa kanilang eskwelahan o kaya papunta sa trabaho.
Inalis ko na ang tingin ko kay August pero ramdam ko na nakatingin parin siya sakin.
Tahimik lang ang biyahe maliban sa dalawang estudyante na nag-uusap sa may banda harapan. Inoobserbahan ko lang ang mga sapatos ng mga pasahero kasi hindi ko alam kung saan ako pwedeng tumingin nang biglang tumigil ang jeep at may malakas na businang umalingawngaw.
Humigpit ang kamay ko sa hawakan ng jeep at akala ko ay masusubsob na ako kasi halos nawala na yung inuupuan ko pero noong kumalma na ay nakita kong nakalabas ang kamay ni August sa tabi ko at naramdaman kong nakahawak siya sa isang strap ng backbag ko. Mukang ito yung dahilan kung bakit hindi ako tuluyang nasubsob.
Tinulungan ba niya ako?
Mas lalo pa akong nagulat noong biglang lumapit ang muka ni August sa akin.
"Palit tayo ng puwesto. Ikaw na yung sumandal." sabi niya sa akin sa isang mahinang boses pero tumanggi ako.
"Hindi na! Okay lang ako. Mas mahihirapan ka kung magpapalit tayo ng pwesto." sabi ko sa kanya pero hindi niya ako narinig; o mas tama bang sabihin na hindi niya ako pinakinggan?
Inabot niya sakin yung paper bag na hawak-hawak niya at inayos ang upo niya.
"Uy, seryoso okay lang." sabi ko at tatanggi pa sana ako ulit kaso narinig kong mahinang nagrereklamo yung mga iba naming mga katabi. Sa huli ay umayos na rin ako ng upo at nagbaligtad ang posisyon namin ni August: siya naman ngayon yung parang nakaupo sa ere at nakahawak sa bakal na hawakan sa bubong ng jeep. Hindi na niya ako tinignan pagkatapos.
Nakonsensya ako kasi kita ko ang hirap niya sa posisyon na iyon; lalo na't may katangkaran rin siya at hindi naman sobrang lapad ng jeep. Pero sa isang banda naman ay nagpapasalamat naman ako kasi ngayon ay mas naging komportable na ako at tumatama na yung hangin sa akin.
Sinilip ko yung paper bag na hawak ko at inobserbahan yung mga libro na andito sa loob. Hindi ko naisipang basahin yung mga titulo nila kaninang pinupulot namin sila pero lahat sila ay makakapal. Naalala ko tuloy yung mga libro na pinabasa sa amin nung mga trainee pa kami.
Bago kasi maging isang ganap na Wish Granter, kinailangan muna namin mag-aral tungkol sa iba't-ibang aspeto ng mundo, kung paano ang normal na buhay dito, at syempre ang mga iba't-ibang paraan ng pag-grant ng mga hiling. Syempre, lahat ng mga nabasa namin sa libro ay in theory lang at noong na-assign ako sa Wishing Well division ay ngayon ko palang talaga maisasabuhay ang lahat ng mga binabasa ko dati.
'Nabanggit ata niya dati na nag-aaral siya sa isang univ. University? Ibig sabihin ba nito ay college student na siya? Ano kaya ang kurso niya?' naisip ko habang nakatingin sa likuran niya. Gusto ko sanang tanungin ang mga bagay na ito kaso ang awkward kasi wala ng ibang nagsasalita ngayon sa jeep.
Nagpokus nalang akong panoorin ang tanawin sa labas at hindi tumagal ay tumigil na ulit sa isa pang terminal ang jeep. May mga ilang kuya na naghahanap ng mga pasahero ang sumisigaw sa labas.
"Andito na ba tayo?" tanong ko kay August at tumango siya.
"Oo, Izquierda na 'to. Ikaw na." udyok niya noong tumayo na yung katabi ko.
Nag-inat ako pagkababa sa jeep at binigay sa kanya ang paper bag pagkatapos.
"Okay ka pa diyan?" sabi ko ng pabiro kasi parang nagl-limp siya. Napangiwi siya.
"Grabe, napata yung paa ko." sabi niya habang natatawa at ngumiwi.
"Sabi ko kasi sa'yo dapat hindi na tayo nagpalit." tinapik-tapik niya yung paa niya at nagtama ang mga mata namin. He made a face na sinasabi na 'ok lang'.
"Ano ba, ayos lang. Ganun naman dapat talaga." sabi niya pero hindi ko masyadong naintindihan kung anong ibig sabihin ng sinabi niya sa huli. Biglang may tumunog na parang alarm at napagtanto naming dalawa na nanggaling iyon sa cellphone niya.
"Mukang hinahanap na ako ng kaibigan ko. Baka hindi na kita masamahan kasi papasok na ako sa univ. Kaya mo na ba simula dito?" nagthumbs up ako sa kanya
"Salamat sa pagsabay sa akin dito." Hindi ko ginamit ang salitang 'hatid' kasi pareho naman ang destinasyon namin.
"Sige, mauuna na ako ah?" paalam niya
"Ok! Uhh ingat?" sabi ko sa dulo ng parang patanong kaya natawa siya. Nasa likod niya ang araw at natulala ako noong nakita ko siyang ngumiti.
"Ingat ka rin." pagkatapos nun ay tumalikod na siya
...Huh.
Ang ganda ng ngiti niya.
Mga ilang segundo akong nakatayo doon at pinapanood siyang maglakad palayo. Napakurap ako sa bigla kong naisip at umiling ako para alisin ang isipan na iyon. Oras na para gawin ang trabaho ko!
Pagkatapos kong suriin ulit ang lokasyon ng aking wisher sa mapa ay naglakad na ako patungo doon. Salungat siya sa direksyon na pinuntahan ni August at mukang hindi naman sobrang malayo mula dito.
Mas malawak na ang daan dito at maraming naglalakad na mga estudyante. Mayroon rin akong nakitang simbahan sa di kalayuan at mga gusaling nagtataasan kapag lumayo ka pa.
Napatigil ako sa paglalakad noong napagtanto ko na may gate na sa aking harapan. Paaralan ata ito.
Tinignan ko ulit ang mapa at sigurado akong nasa loob na ng paaralan na ito si Ulan.
"Kung nasa loob siya...baka high school siya o kaya elementary." sabi ko sa sarili ko. Ang babata pa kasi ng itsura ng mga pumapasok dito.
"Ano na gagawin ko ngayon? Hindi naman ako makakapasok." nalulungkot kong sabi
Paano ko malalaman kung sino si Bambi?
Nakatayo rin ako ng ilang minuto doon; nag-iisip ng susunod kong gagawin. Noong halos bakante na ang harapan ng gate at tinitignan na ako ng kuyang guwardya, naisipan ko na munang umalis. Baka akalain pa nila na kidnapper ako o ano.
Naisipan ko na munang pumasok sa isang convenience store sa kabilang daan para bumili ng maiinom kasi nauuhaw ako. Umupo muna ako sa mga available na upuan nila at nilabas ang telepono ko.
Nakita ko na may mga bagong mensahe doon sa messaging app. Binuksan ko ang isang partikular na group chat at tumambad sa akin ang mga mensahe na ito.
[To the Stars!]
Nile: Magandang umaga, mga kapwang wish granters!
Paige: Good morning ☺️☀️
Nile: Hi paige!
Lawin: Aga mo naman nagiingay nile
Nile: Mag goodmorning ka nalang lawin tsk
Paige: 🤣🤣
Paige: Tulog pa kaya si Reia 🤔?
Lawin: Gising na siguro yun
Lawin: Siya pa
Nile: @Reia pakigalaw naman ang baso
Paige: Grabe kinakabahan ako 😣
Paige: Sana madali lang unang assignment ko
Lawin: Sana hindi
Paige: LAWIN BAKIT 😭😭😭
Nile: AHAHAHA
Paige: Parang mas mapamuysit ka more than usual ngayong araw 😠
Nile: Coping mechanism niya lang yan paige. Pustahan kinakabahan rin yan
Lawin: Hindi kaya
Nile: O diba? Bilis tumanggi AHAHA
Nile: Saan ka kasi naitalaga paige?
Paige: Gerenta City 🏙
Paige: Magkapitbahay kami ni Reia hihi 🥰
Nile: OHHH oo nga pala. Tapos si lawin sa San Lazaro diba?
Lawin: Yas
Nile: Ang daya bakit ang lalapit niyo sa isa't-isa. Magkakatabi lang kayo :(( Bakit ako yung na-assign sa Macagarilao :<
Lawin: Malapit ka lang rin kaya anonh pinagsasabi mo diyan
Lawin: *anong
Nile: PERO MAS MAGKAKALAPIT KAYO :<
Lawin: Clingy mo naman
Nile: Sainyo lang ;)
Paige: Parang ang lonely mo ata diyan sainyo Nile 🤣
Nile: OO GRABE
Nile: Hindi ako sanay na hindi ko kayo nakikita araw-araw :<
Lawin: Masanay ka na
Nile: I-humor mo naman ako lawin :(( have pity on this lonely heart of mine
Nile: AH
Nile: ALAM KO NA
Nile: Magkita-kita tayo sa sabadooo
Nile: G ba kayo?
Lawin: Saan?
Paige: Uy gusto ko yan 🤩 Tapos balitaan natin isa't-isa sa unang assignment natin ✨
Nile: Sa lugar nalang ni Reia siguro? Siya yung nasa sentro sa mga areas natin eh
Lawin: Okay lang naman sakin
Paige: Yayyy ❤️
Nile: Pag-usapan nalang natin ulit kapag nagseen na si Reia
Paige: Ok 😊
Paige: Osya kailangan ko na magayos. Good luck everyone ✨ 🙏🏼
Lawin: Ako rin kakain na muna kami ng File Handler ko
Nile: Sige sige kita-kits sa sabado!
Reia: Hindi ko nacheck mga messages ko kaninang umaga sorryyy
Reia: AHAHA tama si Lawin
Reia: Mas nauna pa akong nagising sa alarm ko akalain mo yun
Reia: G lang din ako sa sabado!
Reia: Subukan ko maghanap ng pwede nating kainan dito
Reia: Goodluck rin pala sa lahat! Ayan @Nile naigalaw ko na ang baso
Pinatay ko muna sandali yung telepono ko at inisip ang mangyayari ngayong sabado. Naramdaman kong bumula ang excitement sa dibdib ko. Ilang araw ko na rin kasi silang hindi nakikita.
Hindi ko man diretsahang aaminin pero katulad ni Nile, namimiss ko rin nakikita ang mga muka na halos araw-araw ko nakikita bago ako na-assign dito sa area ko sa Vicentina City.
Natulala ako ng sandali at habang nawawala ako sa mga isipan ko ay hindi ko namalayang tinitignan ko na pala yung mga posters na nakadikit sa isang malapit na poste. Bigla akong napatayo at mabilis na lumabas ng convenience store.
Hinawakan ko ang isang lost dog poster na nakapaskil. Nakuha nito ang atensyon ko dahil sa malaking pangalan na nakasulat dito.
Bambi.
Sa totoo lang, hindi naman ako sigurado kung ito nga ba ang Bambi na tinutukoy ni Ulan sa hiling niya. Pero kung iisipin ko kasi, may nabanggit si Ulan na parang hinahanap niya si Bambi at sana ay makauwi na siya sa kanila.
Hindi ko alam kung ilan taon na si Ulan, kung elementary ba siya o high school, pero posibleng baka sa lunch o kaya mamayang hapon pa siya makakalabas sa paaralan. Ngayon na iisipin ko, pwede rin palang hindi man estudyante si Ulan kundi isang guro.
Kaya sa mga oras bago magsilabasan ang mga tao sa paaralan, susubukan ko muna hanapin ang aso na ito. Tutal wala naman ako ibang gagawin sa araw na ito. Nag-isip ako ng mga metodo kung paano pwede hanapin si Bambi.
Tinuro rin sa amin ito noong trainees pa kami at ang mga resources na pwede naming gamitin. Ang mabibigay lang kasi na impormasyon sa amin ng mga File Handlers ay ang lokasyon ng nag-wish kasi sa tuwing humihiling sila sa mga barya ay nag-iiwan ito ng bakas ng kanilang presensya kaya maaari namin malaman kung nasaan sila.
Pumasok ako ulit sa convenience store at umupo doon. Sinulyapan lang ako ng cashier at bumalik na siya agad sa pag-aayos ng mga produkto sa likod niya.
Nilabas ko mula sa bag ko ang isang katalogo kung saan nakalista ang iba't-ibang mga division, units, at services ng Association at ang mga contact number nila.
"Nasaan nga ba siya? Rainbow Division, Revealer Repair Service, Ah! Ito...Scouting Eye Group."
Binasa ko yung description nito sa tabi niya
Scouting Eye Group - isang espesyal na serbisyong nilikha ng Association of Wish Granters para makatulong sa mga Wish Granters sa paghahanap ng mga kanilang napiling target. Maaaring tao, bagay, o hayop ang hahanapin ng mg scouts. Naka-depende sa lawak ng area ang katagalan ng imbestigasyon.
Tinawag ko ang numero nila at agad naman may sumagot.
"Magandang umaga ako si Frances. Ano ang maitutulong sainyo ng Scouting Eye Group?" may sumagot na pagod at naiinip na boses ng babae sa kabilang linya.
"Hi Frances! Ako si Reia Garcia. Umm-"
"Ano ang Wish Granter number?"
"Uhhh WG 11080617." awtomatiko kong sagot
"Ano ang kailangan mong hanapin?" tanong niya. Kulang nalang ay marinig ko siyang magbuntong hininga. Parang ayaw niyang may kausap.
'Ang ganda naman ng customer service' sarkastiko kong naisip
"May hinahanap ako na aso. Pangalan niya ay Bambi." narinig ko na siyang nagbuntong hininga. Tinaasan ko siya ng kilay
"Bigyan mo pa ako ng deskripsyon. Breed, kulay. May larawan ka ba o pangalan lang mayroon ka?"
Sinubukan kong hindi tarayan ang boses ko at pilit akong ngumiti
"Mayroon akong larawan, Frances. Paano ko ito mabibigay sayo?"
Binigyan niya ako ng instructions at sinundan ko ito. Matapos kong nai-send sa kanya ang picture ni Bambi mula sa poster ay nagsalita na ulit siya
"Masasabi mo ba na urgent ang request mo na ito?" tanong niya at nag-isip akong konti
"Well, importante siya pero hindi naman siguro urg-"
"Magpapadala kami ng Scouts sa area mo sa Vicentina City. Tatawagin muli kita pagkatapos ng dalawang araw."
"Dalawang araw? Hindi ba pwedeng-" biglang nawala ang presensya ng kausap ko sa kabilang linya
Binabaan niya ako!
Hinigpitan ko ang hawak sa telepono
"Sige, maraming salamat nalang Frances."
Kung mga katulad lang ni Frances ang makakausap ko, sana hindi ko nalang masyado kailanganin ang serbisyo ng Scouting Eye Group.