Chereads / • Wish Granted • / Chapter 3 - Chapter 1: Wish Granter 11080617

Chapter 3 - Chapter 1: Wish Granter 11080617

Nakadalawang sakay ako ng jeep bago ako makarating sa parke. Mainit at pawisan akong bumaba sa jeep habang bitbit ko ang mga bagahe ko na puno ng mga damit at mga kagamitan ko sa trabaho.

Nabasa ko naman ang tungkol sa transportasyon dito sa Pilipinas pero iba parin kapag ikaw na mismo ang nakaranas.

Napabuntong hininga ako noong naramdaman ko ang preskong simoy ng hangin at narinig ko ang mga tunog ng mga dahon mula sa mga puno.

Itong lugar na pinuntahan ko ay malayo sa itsura ng sentro ng ciudad. Nasa loob parin naman siya ng ciudad pero mas mababa na ang mga gusali rito, mas konti ang mga kotse sa daan, at mas marami ng halaman at puno ang andito.

Dahil tanghaling tapat at hindi pa ako kumakain ng tanghalian, binilisan ko ang aking paglalakad para makipagkita sa bago kong kasamahan sa trabaho: ang naka-assign sa akin na File Handler.

"Sabi daw ay kailangan kong pumasok sa parke. Pagkatapos ay pagdating ko sa dulo, tawid daw ako ng daan at may makikita ako na puting tindahan na may...ayun! Nakita ko na." sabi ko sa sarili ko at itinago ang hawak-hawak ko na telepono.

Nauna kong naamoy ang mga bulaklak na naka-display sa harapan ng flowershop. Maliit pero marikit ang tindahan; dahil sa salamin na pintuan at puting panlabas, mas naging kapansin-pansin ang mga makulay na bulaklak sa loob ng kanilang mga baskets at pots.

Flor de Deseos

Lumapit naman ako sa malaking wishing well at hinaplos ang malamig na bato kung saan ito nakagawa. Tumingala rin ako para obserbahan ang bubong nito at ang basket na nakasabit dito kung saan may tubig na lumalabas mula sa loob. Binaba ko rin ang tingin ko sa loob at napangiti noong may nakita akong mga iilang barya.

"Malapit na tayo magkakilala, aking mahal na mga Wishes."

Sumilip muna ako sa pintuan bago ako pumasok. Narinig ko ang tunog ng maliit na bell na natamaan ng pinto pagkapasok ko at dumako ang mata ko sa mga makukulay at iba't-ibang halaman.

Maluwag naman ang panloob pero dahan-dahan parin akong naglakad dahil baka matamaan ang mga ibang produkto sa mga bagaheng dala ko.

"Hello po? May tao po ba?" sabi ko sa kung sino man ang may-ari ng flowershop at may narinig akong mga yapak sa kaliwa ko. May medyong matanda pero maskuladong lalaki ang lumabas sa pintuan doon.

Kung wala lang siyang bitbit na mga bulaklak at mga pastel na boquet paper, baka natakot na ako sa kanya at sa malaking gunting na dala-dala rin niya. Noong mas malapit na siya, napansin ko na hindi naman siya ganoon katanda–mga nasa early 50s– at doon ko lang din napansin ang suot-suot niya na apron.

"H-Hello po!" Masigla kong bati habang nakangiti at tinuloy ang pangungusap ko "Ako po si Reia. Kayo po ba si sir Abelardo?"

Tinitigan niya ako nang ilang sandali bago niya ibinaba ang mga kagamitan na hawak niya sa isang mesa.

"Tito Abe." sambit niya.

"Po?"

"Anong Granter number mo?" Naguguluhan ako ng konti sa kanya kasi ang iiksi lang ng mga pangungusap niya at palipat-lipat pa ng paksa.

"Granter number...ah! WG 11080617 po." bigkas ko bago siya lumabas sa likod ng desk at naglakad hanggang sa magkaharap kaming dalawa. Kinailangan ko pang tumingala dahil sa katangkaran niya.

"Reia ang binigay na pangalan sa'yo hindi ba?"

"Opo! Reia Garcia...Kayo po ang magiging File Handler ko, tama po ba?"

"Nabasa mo na ba yung Guide na nagawa para sa'yo bago ka ma-assign dito?"

Pwede po bang sagutin niyo muna yung tanong ko?

"Opo, binasa ko na po." sagot ko na lamang at tumango siya

"Simula ngayon, kapag kakausapin mo ako, tawagin mo akong Tito Abe kasi habang naka-assign ka dito sa area na ito, kahit na magkatrabaho tayo, magpapanggap ako bilang tito mo at ikaw naman ang pamangkin ko." sabi niya at napatango nalang ako.

Oo nga pala may detalyeng ganoon na nakasulat doon sa Guide.

"Okay po, tito Abe!"

Saktong pagkasabi ko noon ay biglang nag-ingay ang tiyan ko. Na-istatuwa ako sa puwesto ko habang napakurap ang File Handler na nasa harapan ko. Humangin at ang tunog ng nakasabit na windchime ay umalingawngaw sa bumabalot na katahimikan sa pagitan naming dalawa.

Napaurong ako ng konti nang biglang tumalikod si tito Abe. Nagtaka ako bakit niya ginawa iyon hanggang sa nakita ko na nanginginig ang mga balikat niya.

Tinatawanan niya ako!

"B-Bakit po kayo natatawa? Normal lang kaya na reaksyon 'yon kapag gutom ang tao!" sabi ko pero sa totoo lang ay sobrang nahihiya na ako.

Humarap na siya ulit sa akin. Kung kanina ay wala masyadong bahid ng emosyon ang muka niya, ngayon ay muka na siyang naaaliw. Mas lalo ko lang naramdaman na namula ako. Mukang napansin niya ang reaksyon ko at tinapik niya ang balikat ko.

"Pasensya. Upo ka muna doon sa mga sofa at lalabas lang ako sandali para bumili ng tanghalian."

"Ah, ako na po bibili!" alok ko pero umiling siya

"Ako na. Hindi mo pa kabisado yung lugar tsaka ibaba mo muna mga gamit mo para mapahinga mo mga paa mo."

Hindi na ako nakatanggi pa kasi tumalikod na siya. Naisipan ko nalang na tanggapin ang alok niya at umupo doon sa sofa sa tabi ng bintana na sinasabi niya.

Inilagay ko ang kamay ko sa dibdib ko at huminga ng malalim. Naramdaman ko ang mabilis na kabog ng puso. Masyado ata akong kinakabahan dahil unang araw ko sa trabaho. Bigla kong naalala yung nangyari kanina at tinakpan ko ang muka ko gamit ang mga palad ko.

"Reia naman. Ang pangit naman ng unang impresyon ko sa kanya." sabi ko sa sarili ko. Ngunit pagkatapos ng ilang segundo, mahina kong tinapik ang muka ko at umupo ulit ng maayos. Hindi ko hahayaan na malunod ako sa negatibong pag-iisip na ganito sa unang araw ko.

"Okay lang yan, Reia. Chin up! Malilimutan rin niya yon." Sabi ko nalang at tinapik ang sarili kong balikat.

Mabilis na nakabalik si Tito Abe dala-dala ang dalawang plastic na may laman na mainit na pagkain. Ipinaliwanag niya na yung kalye kung nasaan ang flowershop na ito ay parang maliit na shopping street kaya maraming malapit na kainan at iba't-ibang tindahan ang mahahanap dito.

Habang tinutulungan ko si tito Abe na ilabas ang mga pagkain, naisipan kong magtanong.

"So, uhh, tito Abe? Kailan ko po pala makukuha yung unang assignment ko?" Nakita ko na natawa ng konti ang aking File Handler.

"Natutuwa naman ako na nasasabik ka na magtrabaho, Reia. Pero kain muna tayo atsaka na natin pag-usapan ang gagawin mo simula ngayon kapag may laman na ang mga tiyan natin."

Hindi nagsalita ang aking File Handler habang kumakain kami at hindi na rin ako. Baka siya pala yung tipo ng tao na tahimik lang kapag kumakain at sinubukan kong irespeto iyon. Kaya nagpokus nalang ako sa lasa ng ulam.

Pagkatapos naming kumain at nagligpit ng mga plato, pareho kaming napatingin sa pintuan noong tumunog yung bell. May pumasok na babae.

"Sandali lang, Reia."

Noong nakita ng babae si tito Abe ay kumaway siya sa kanya at nagkamustahan sila. Ang naisip ko sa tuwing tinitignan ko siya ay napakamalumanay lang niya tignan.

May binigay na basket na may mga bulaklak na may balloon si tito Abe sa kanya. Ngayon palang ako nakakita ng ganoon na disenyo kaya napamangha ako.

Ang cute.

Pagkatapos nagbayad ng babae ay bumalik na sa upuan si Tito Abe.

"Isa siya sa mga suki dito." Paliwanag niya at tumango ako bilang senyas ng pag-unawa.

Ngayon ko palang napansin na may inilapag na pala siyang ipad sa mesa at sinindi ito.

"Wish Granter 11080617. Pangalan na naibigay ay Reia V. Garcia, nagsimula muli ang oras sa 23 taong gulang, at naitalaga bilang isang Wish Granter sa ilalim ng Wishing Well division. Bale habang nandito ka ay sasabihin natin na pamangkin kita at tutulong ka sa pag-asikaso sa flowershop tuwing wala kang assignment."

"Po? Magtatrabaho rin po ako dito sa flowershop?"

"Oo naman. Ito ang cover story natin habang nakatira tayo dito sa ibaba para hindi magtaka ang mga tao kapag nakita ka nila. Titira ka rin kasi sa kwarto sa itaas ng building na ito. Baka isipin ng mga tao wala kang ginagawa kung nakatambay ka lang dito."

"M-Masipag po kaya ako!" pagdepensa ko kahit hindi naman sinasabi na freeloader ako. Naramdaman ko lang na kailangan kong sabihin 'yon.

"Tama yan. Bale sa natitirang araw sa linggo na ito ay ayusin mo muna ang mga gamit mo sa kwarto mo, kilalalin ang mga tao at lugar, atsaka kita tuturuan kung paano magtrabaho sa flowershop."

"...Hindi niyo po ako tuturuan o kaya i-orient kung paano ko aasikasuhin ang mga barya doon sa wishing well?"

"Tinuro naman 'yon sainyo sa Wish Granter Academy. Sa tingin ko ay hindi mo naman kailangan ng maraming tulong doon."

"Uhh sige po. So kailan po ako magsisimula magtrabaho talaga?"

"Sa lunes. May tatlong araw pa tayo bago tayo magsimula ulit magtrabaho pero sa ngayon, akyat mo na muna ang mga bagahe mo at bumaba ka nalang kapag naayos mo na ang kwarto mo."

Ang una kong ginawa pagkasara ko sa pintuan ng kwarto ko ay humiga sa kama. Napaubo ako dahil sa alikabok na lumipad noong pagkahiga ko kaya agad ako tumayo at binuksan ang bintana para pumasok yung hangin.

"Akala ko naman agad na ako makakapagtrabaho pagkarating ko dito." Sabi ko habang pinatong ko ang kamay ko sa pasimano ng bintana.

Nakaharap ang bintana ko sa direksyon ng entrance ng flowershop kaya kitang-kita ko rin ang malawak na parke na may fountain at mga batang naglilipad ng saranggola.

"Ganun pala muka ng mga saranggola." Bulong ko at dumako naman ang mga mata ko sa mga taong nakaupo sa mga bangko. Mayroon ring nagtitinda ng taho doon sa bandang malayo at nilagay ko sa to-do-list ko ang matikman 'yon isa sa mga araw na ito.

Bumalik ang isip ko kay sir Abelardo. Kinabahan ako nung una kasi akala ko nakakatakot siya at mahirap kausapin pero noong nakita ko siyang  nakikipag-usap sa babaeng mamimili kanina ay mukang hindi naman siya ganoon. Hindi lang siya siguro masyado madaldal? Atsaka hindi rin siya sobrang expressive? Pero diretso siya sa punto kapag magsalita at sa tingin ko ay isa yon sa mga pagkakatulad namin.

Nag-inat ako at tumingala sa langit. Sobrang asul ng langit at puno ng mga ulap pero inisip ko ang mga bituin na nagtatago lang sa liwanag ng araw na ito.

"Lunes. Magsisimula na ako sa lunes."

Kapag natapos na ang linggo na ito ay mas mapapalapit na ako.

Hintayin niyo lang ako diyan. Aabot rin ako kung nasaan ang mga bulalakaw.