Chereads / • Wish Granted • / Chapter 5 - Chapter 3: Ang Unang Hiling

Chapter 5 - Chapter 3: Ang Unang Hiling

Mga ilang segundo ang lumipas bago ko napagtanto na mas nauna pala akong nagising sa alarm ko.

Madilim pa sa labas noong tinulak ko sa gilid ang kurtina at hindi ko pa naririnig yung palaging dumadaan na nagtitinda ng taho dito pagkagising ko.

Gayunpaman ay masigla akong naglakad patungo sa banyo para maghanda sa araw na ito.

Dahil ito ang araw na makukuha ko ang aking unang assignment!

"Bag, check. Phone, andito na. Revealer at the ready. Okay!"

Dahan-dahan kong isinara yung pinto para hindi maingay ang pagkabagsak nito at naglakad ako papunta sa kusina dito sa 2nd floor ng building.

Dalawang palapag lang ang gusali kung saan kami nakatira. Ang unang palapag ay ang flowershop at ang pangalawang palapag naman ay kung saan matatagpuan ang hiwalay na kwarto namin ng aking File Handler. Mayroon rin kusina at sala dito atsaka isa pang kwarto na hindi ko pa napapasukan pero sabi niya ay 'yon daw ang office namin.

Pagkarating ko sa kusina ay natagpuan kong nagluluto na ng almusal si tito Abe. Narinig ko ang pagsirit ng fried rice at ang amoy ng bawang sa ere. May mga itlog na rin na nakaluto at mga banana na wala pa dito kahapon na nakalapag sa mesa.

Kahapon kasi ay ako ang naatasan na magluto kaya napansin ko agad ang detalye na iyon. Naisipan kasi ni tito Abe na mas magandang may mga nakatalagang araw para sa kung sino ang maaatasan gumawa ng mga gawaing bahay.

Narinig niya ang langitngit ng kahoy na sahig noong naglakad ako palapit sa kung saan ang mga plato at tumingin siya sa direksyon ko.

"Ang aga mo ata nagising ngayon?" Napansin niya na nakaayos na nga ako. Kadalasan kasi ay kumakain muna ako ng almusal bago ako mag-ayos pero dahil mas maaga ako nagising ay naiba ang nakagawian na iyon.

Bumalik lang din naman agad ang atensyon niya sa niluluto niya. Samantala ay kumuha ako ng mga plato at mga kubyertos.

"Oo nga po eh! Nagising pa nga ako bago yung alarm ko. Excited siguro ako kaya nagising ako agad." Sabi ko na natatawa at narinig ko na pinatay na niya ang kalan.

Habang nililipat niya ang kanin sa ibang lalagyan ay nagtimpla ako ng kape para sa akin at inilabas ang kahon ng tsaa para sa kanya. Nabanggit rin kasi niya sa akin nung isang araw na hindi siya umiinom ng kape.

"Sana ganyan ka pa kasigasig isang taon mula ngayon."

"Susubukan ko po talaga!"

Mukang may gusto pa siyang sabihin kaso naisipan nalang niyang panatilihin sa kanyang sarili ang naiisip niya. Hindi ko naman rin siya tinanong kasi nagsimula na kami kumain at kapag kumakain, tahimik lang kami.

Habang kumakain ay bumalik ang mga ala-ala ko nung araw na kagagaling ko lang sa Elise's Kitchen.

(Author's note: Paragraphs enclosed in ~~~~~ indicate a flashback)

~~~~~

Noong nakita ko ang aking File Handler, naalala ko yung tanong nung lalaki - si August - kanina. Tinuro ko si tito Abe at takang-taka siya sa inaasta ko

"May asawa ka?!" sa gulat ko ay nalimutan kong gumamit ng marespetong lenguahe

"...Huh? Anong pinagsasabi mo diyan?"

Ibinaba ko ang aking kamay at kumunot ang mga kilay ko. Mukang naguguluhan rin siya sa sinabi ko.

"So...wala ka pong asawa?"

"Alam mo naman mahirap magkapamilya ang mga katulad natin kasama ang mga tao dito." sabi niya at bumalik sa kanyang ginagawa.

Naglakad na rin ako papunta sa maliit na mesa sa sulok kung saan kami kumakain ng tanghalian kadalasan. Binaba ko doon ang takeout namin.

"Mahirap pero...hindi imposible diba? May mga naririnig ako na kwento noong trainee pa ako na may mga iilang Wish Granters na nagkapamilya kasama ang mga tao dito." Sabi ko

"Sobrang madalang lang ang mga nakaranas na magkabuhay na tunay dito. Mabibilang lang natin sa mga kamay natin ang mga tao na 'yon. Hindi kasi pwede malaman ng mga normal na tao ang ginagawa natin at mas lalong importanteng manatiling sikreto ang kung ano tayo. At kadalasan, ang pagtatago ng mga sikreto ay nakakasira sa mga relasyon." sabi niya at tumango ako.

"...Maraming kwento ang umiiral noong trainee pa ako sa kahihinatnan ng mga normal na tao na nalaman ang identity ng mga Wish Granter; pero ano talaga yung totoo?"

Marami kasing mga teorya: brainwashing, memory alteration, disappearances. Pero walang nakakakumpirma sa mga teorya na ito at lagi kaming binabalaan na mag-ingat lagi sa sikreto namin.

"Mas maganda ng hindi mo malaman." sabi lang niya.

Hindi ko alam kung alam niya ang totoo at ayaw lang niya sagutin ang tanong ko o kaya hindi niya alam pero pinapamuka niya na alam niya at binabalaan lang niya ako na mag-ingat?

Alinman doon sa dalawang posibilidad na iyon ay hindi naman importante kasi doon nagtapos ang usapan namin at kumain na kami.

Pero nanatili sa isip ko yung sinabi nung August. Bakit niya itatanong kung nasaan ang asawa ni tito Abe kung wala naman talaga siyang asawa? Hindi kaya'y...may babae na inakala ni August na asawa ni tito Abe? Pero sino naman kaya 'yon? Wala pa naman bumibisita dito na parang kasintahan niya. So...anong pakay nung August sa pagtanong ng tanong na iyon?

~~~~~

Nagsimula ng umalingawngaw ang mga tunog ng mga ibang shops na nagbubukasan na; handa na magsimula ng panibagong araw. Maliwanag na rin sa labas at parang naririnig ko na rin sa malayo ang boses ng lalaki na nagtitinda ng taho.

Pagkatapos namin kumain ay hinugasan ko ang mga pinagkainan; dahan-dahan para hindi madumihan ang suot kong damit.

"Punta ka sa office pagkatapos mo diyan." Sabi niya at tumango ako.

Hindi ko alam kung ano ang inaasahan ko noong pumasok ako sa kwarto na iyon. Maraming trinkets? O kaya puro mga folder at papel? O kaya puno ng mga gadyet na sobrang advance kung ikukumpara mo sa kasalukuyang teknolohiya?

Well, wala sa mga iyon ang nakita ko.

Isang desk na may pc at mga ibang pamilyar na gadyet ang nakalantad doon. Mayroon ring isang maliit na sofa, mababang coffee table, at isang makapal na gintong tubo sa sulok. Mayroon rin mga shelves sa gilid pero sa halip na mga libro ang andoon ay mga lumang jars na may mga barya sa loob ang mahahanap. Maliban doon ay wala namang sobrang kakaiba sa espasyo.

Pinaupo niya ako sa sofa habang may kinuha siya sa kanyang desk. Nakita ko na isang jar 'yon na may mga barya. Kuminang ang mga mata ko.

"Iyan po ba ang mga...?" tumango siya kahit hindi ko pa natatapos ang tanong ko at pinanood ko lang siyang dalin iyon at inilapag sa coffee table.

"Simula ngayon, dito ko ilalagay ang mga Wishes na maaari mong gawing posible." Sabi niya at pinagmasdan ko ang glass jar. Hindi man umaabot sa taas ng kalahati ng daliri ko ang laman ng loob nito pero hindi naman ako nagrereklamo.

File Handlers.

Sila ang mga naaatasang magproseso ng mga Wishes na maaaring itupad ng mga Wish Granter na katulad ko. Kung baga ay susuriin nila ang mga wishes at isusumite nila ang mga sa tingin nila ay hindi imposibleng gawin sa hiwalay na division na tinatawag namin na Wish Processing Unit. Mayroon kasing mga ibang hiling na hindi pwedeng matupad dahil lumalabag ang mga ito sa mga normal na batas ng daigdig.

Halimbawa nalang nito ay ang mga humihiling na makalipad katulad ng mga ibon o kaya ay magkaroon ng mga superpowers.

Kapag na-aprubahan na ang mga Wish ay maaari ng ibigay sa amin ang mga ito bilang assignments. Ang mga File Handler rin ang mga regular na nagsusumite ng reports at files na may kaugnayan sa assignments namin.

"Kukuha lang po ba ako dito sa jar na ito ngayon?" Tumango siya at excited kong binuksan ang takip ng jar.

Naramdaman ko ang lamig ng metal sa aking balat at umalingawngaw ang tunog ng mga nagtatamaan na barya sa ere. Ginalaw-galaw ko muna ang mga piso hanggang sa nakabunot na ako ng isa: parang raffle lang ang dating.

Inilabas ko muna ang kuwintas – ang aking Revealer – na nakatago sa ilalim ng blusa ko. Yari ito sa metal pero and isang gilid niya ay gawa sa malinaw na salamin na nagmumukang brilyante dahil sa disenyo niya. Sa totoo lang ay para siyang locket kasi may napipindot sa gilid nito para magbukas siya. Pinindot ko iyon.

Isinuksok ko ang piso sa espasyo ng kuwintas at pagkatapos ay isinara ko ulit ito. Huminga ako ng malalim.

"Ipakita mo sa akin ang hiling ng kanilang mga puso."

Pagkabigkas ko sa mga salita na ito ay umilaw ang salamin ng kuwintas at may lumabas na mga letra sa ere na nakapaloob sa mga quotation marks.

"Sana mahanap na namin si Bambi at makauwi na siya." - Ulan Valmorida

Binasa ko ang pangalan ng nag-wish at ngumiti. Kung dati ay nakikita ko lang ang mga mensahe na ito mula sa mga ibang Revealers noong trainee pa ako, ngayon ay nanggagaling na ang mga puting letra na ito sa akin.

Gagawin ko ang makakaya ko, Ulan ang inisip ko. Pero napakunot ang mga kilay ko.

"Sino naman si Bambi?"

Tumayo ang aking File Handler at sinindi ang computer niya.

"Iyan...ang kailangan mong malaman sa sarili mo. Sa ngayon, ang mabibigay lang namin na impormasyon ay ang lokasyon ng humingi ng wish na 'yan satin. Ulan Valmorida...Valmorida...ah, ito siya."

May mga pinindot-pindot siya bago ko naramdamang nag-vibrate ang telepono ko na nasa bag ko. Pumunta ako sa Map app na ekslusibong nagagamit lang ng mga nagtatrabaho para sa Wish Granters Association na katulad ko at may nakita akong naka-pin na lokasyon doon.

"Bale kailangan ko munang pumunta sa lokasyon na ito at magkalap ng impormasyon." Sabi ko sa sarili ko at humarap kay tito Abe.

"Pupuntahan ko na po yung address na ito." pagpaalam ko at tumango siya.

"Dala-dala mo naman lahat ng mga pwede mong kailanganin diba?" Tanong niya at pinakita ko sa kanya ang itim na backpack na suot ko.

"Opo, andito na sila."

Ngumiti siya sa akin at naglakad na papunta sa pinto. Pero bago niya ako malagpasan ay may sinabi siya:

"I wish you luck on your first assignment."

***

Pagkalabas ko ng flowershop ay hinawakan ko muna ang gilid ng wishing well.

"Aalis na ako." pagpaalam ko at tumingin sa paligid baka may nakakita sa akin. Ayaw ko naman isipin ng mga taga-dito na isa akong weirdo na kinakausap ang wishing well (kahit na kinakausap ko naman talaga minsan). Nagsimula na akong maglakad pero napatigil ako ulit kasi hindi ko naman alam anong daan kailangan kong tahakin para makapunta sa punto na iyon sa mapa.

"Saan niyan ako...? Ah! Gumagalaw na siya."

Gumagalaw na kasi sa daan yung pula na tuldok sa aking screen. Napaisip ako tuloy kung ano ang mas magandang gawin: hintayin na tumigil sa paggalaw ang tuldok o pumunta doon sa kung saan siya naka-pin kanina?

Naisip ko na mas magandang hintayin kong tumigil yung tuldok – si Ulan. Noong nakapag desisyon na akong maghihintay muna ako ng sampung minuto bago ako umalis ay narinig kong may parang nahulog na mga mabigat sa di malayo.

Nakita ko yung anak ng may-ari ng Elise's Kitchen, si August, na may mga pinupulot na mga libro. Bago ko pa man maisip kung tutulungan ko ba siya o hindi ay nagtama ang mga mata namin. Napatigil siya sa ginagawa niya ng ilang sandali pero agad rin bumalik sa ginagawa niya. Lumapit ako sa kanya at tinulungan siya pulutin ang mga nahulog na libro.

"Salamat, Reia. Grabe, nakakahiya." Sabi niya noong nakuha na namin lahat ng libro at nakita ko na hinawakan niya ang batok niya. Namangha ako kasi naalala niya ang pangalan ko.

"Hmm? Ano ba, okay lang!" Sabi ko at sumulyap ako sa hawak niya na sirang paper bag. Mukang hindi nito kinaya ang bigat ng mga librong dala niya at nabutas ang baba nito.

"Gusto mo ba ng bagong paper bag?" tanong ko at sumulyap siya sa paper bag niya.

"Ah kahit hindi–" tumigil siya sa kalagitnaan ng pangungusap niya at pinalitan ang sagot niya.

"Kung okay lang sana?" Sabi niya habang awkward na natatawa. Tumango ako.

"Dito ka muna sa may lilim para hindi ka mainitan." ginabay ko siya sa may tabi ng pinto at pumasok ako. Hindi ko kasi sigurado kung okay siya papasukin kasi hindi pa kami open.

"Akala ko nakaalis ka na?" Tanong ni tito Abe sa akin

"Ah, may kukunin lang sana po ako. Diba may mga paper bag na nakatabi lang doon sa 2nd floor?" tumango siya

"Para saan mo gagamitin?" Tanong niya at pinaliwanag ko yung nangyari.

Sumilip siya sa labas at nakita niyang nakatayo doon si August. Umakyat na ako sa taas para kumuha ng paper bag at nung nakita ko na sila, naghanap ako ng medyo malaki-laki atsaka nagmadaling bumaba.

Pagkababa ko ay nakita kong magkausap na si tito Abe at si August sa labas.

"Ah opo, kadalasan sabay po kami pero kinailangan ko po kasing umalis ng mas maaga ngayon. Ah, Reia!" binati ako ni August nung nakita niya ako at inabot ko sa kanya yung bag

"Oh, gamitin mo ito." Alok ko sa kanya at tinanggap naman niya

"Salamat. Balik ko nalang mamaya." pero umiling si tito Abe

"Kahit hindi na. Sa'yo na yan marami naman kaming paper bag sa itaas." Sabi niya at tinignan siya ni August bago ngumiti

"Sige po, thank you po ulit."

"Reia, hindi ka pa aalis?"

Grabe naman si tito Abe parang tinataboy niya ako.

Sinilip ko yung mapa ulit at nakita na naka-steady na ulit yung tuldok. Mukang di ko naman pala kailangang maghintay ng matagal.

"Saan punta mo, Reia?" tanong ni August at nagulat ako. Hindi ko inakalang magiging curious siya.

"Uhhh sa..." binasa ko yung address na nakasulat sa mapa "sa Izquierda?" Sinabi ko yung general area sa kanya.

"Totoo? Papunta rin ako doon. Alam mo na ba paano makapunta doon?"

"Medyo? Diba may terminal ng jeep sa dulo dito?" pagtukoy ko sa kalye na ito kung nasaan ang mga shops.

"Oo, meron. Sabayan na kita tutal pareho naman pala pupuntahan natin." alok niya at tumingin ako kay tito Abe. Tumango siya.

At least, hindi na ako mamomoblema sa posibilidad na mawawala ako, diba?