Sa dalawang araw na lumipas, may mga iilang bagay na akong natutunan.
"Reia, masyadong madaming tubig binibigay mo. Malulunod sila." Kinuha ni tito Abe sa akin yung watering can at tinuro ang tamang paraan ng pagdilig.
Sa kabila ng matapang na itsura niya at matigas niyang paggalaw, natutunan ko na mahal na mahal talaga niya ang mga bulaklak.
Sa tuwing pinapanood ko siyang mag-arrange ng mga boquet, nakikita ko na talagang natutuwa siya sa ginagawa niya.
Parang naging side job niya ang pagiging File Handler at ang pangunahing hanapbuhay niya ay bilang isang florist. Natawa ako sa isiping ito.
Ako naman? Nakita ko na nag-eenjoy ako kapag pinapanood ko ang mga reaksyon ng mga mamimili kapag nakikita nila ang mga bulaklak dito sa Flor de Deseos. Sa sandaling ito, naramdaman kong napangiti ako habang pinapanood ang masayang reaksyon ng matandang mag-asawa sa flowershop ngayon.
"Balik po kayo!" Sabi ko habang papalabas na sila at kumaway silang dalawa sakin.
Tinignan ni tito Abe ang orasan at tinawag ako. Lumapit ako at kinuha ang inaabot niya na pera.
"Ikaw naman pumili ng kakainin natin ngayon." Sabi niya sakin at mapaglaro akong sumaludo sa kanya
"Yes po, tito Abe."
Ang pangalawang bagay na natutunan ko sa aking File Handler ay madali siyang matawa. Hindi naman niya ako binabawalan kapag nakikipagbiruan ako kaya mas naging komportable na akong makipag-usap sa kanya ngayon kumpara nung isang araw.
Lumabas na ako ng flowershop pero bago ako lumiko patungo sa mga kainan, sinilip ko muna ulit ang loob ng wishing well at tinapik ito.
"Isang araw nalangggg." Sabi ko at lumiko papasok sa kanto.
Ang pangatlong bagay na natutunan ko ay malapit sa bawat isa ang mga tindahan dito sa kalye na ito. Kahit na business competitors sila ay magkakakilala parin sila at minsan ay nagtutulungan rin sila.
"Tita Shei, pwede po ba kami humingi ng konting yelo sainyo?" Sabi nung isang lalaking lumabas sa isang maliit na kainan at tumawid sa kabilang daan kung saan may babaeng nagsusulat sa menu chalkboard nila.
"Gaano karami kailangan niyo?"
"Isang maliit na bag lang po. Pang-ano lang kasi naubos agad yung samin pero lumabas na si dad para bumili ng bagong stock ng yelo."
Inobserbahan ko lang sila habang nakatago ang muka ko sa ibaba ng payong at nagpatuloy ako naglakad.
May nakita ako na pamilyar na boquet sa loob ng isang restaurant kaya doon ko naisipang pumasok.
Pagkapasok ko ay binati agad ako ng malamig na hangin mula sa aircon at instinctively kong sinara ang mga mata ko sandali at sinulit ito. Ang init-init kasi sa labas kasi tanghaling tapat kaya sobrang sarap sa pakiramdam nito.
Naramdaman ko ulit na bumukas ang pinto sa likod ko at mabilis akong tumabi at tinignan ang loob ng kainan.
May mga ibang pader na gawa sa bricks, maraming halaman – hindi lang nasa pots kundi mga nakasabit rin–, atsaka may mga hanging lights na sobrang kaakit-akit.
Lumapit ako sa counter kung saan malapit na nakapwesto yung maliit na balloon boquet na galing sa flowershop namin. Nagsimula na rin ako magbasa sa mga nakasulat sa menu pero hindi ko alam anong masarap i-order.
"Welcome to Elise's Kitchen. Ano pong makukuha ko para sainyo?"
Tinanong ito ng binatang naka barista-style uniform na mukang halos kasing edad ko lang. Nataranta ako ng konti kasi pumila na ako pero hindi pa pala ako nakakapag-decide ng order ko. Buti nalang at walang ibang tao sa likod ko.
"Uhh meron po ba kayong mairerekomenda?" Sabi ko at nagtama ang mga mata namin. Pero bago siya sumagot, mayroong nagsalita na babae sa likod niya
"Ah! Ikaw ba yung pamangkin ni Abe?" sabi nung babae na mukang pamilyar. Noong naalala ko yung balloon boquet, napagtanto ko na siya pala yung babaeng customer na dumating noong unang araw ko dito sa ciudad na ito.
"Opo! Ako po 'yun. Paano po...?"
"Paano kita nakilala?" Tumango ako at tinuloy ng babae ang pangungusap niya "Nabanggit ka sakin ni Abe nung isang araw. Tapos tinuro ka rin niya nung andoon ako nung kadadating mo lang."
Bumukas ulit ang pintuan at naramdaman kong may pumila na sa likod ko. Yung order ko pa pala!
"Ay umm yung order ko pa pala. Siguro ano nalang..." binasa ko ulit yung menu pero ang dami kasing pagpipilian. Sa kalagitnaan ng aking pag-iisip, nakita kong may nilapag na foldable menu yung lalaki sa counter at nilapit iyon sakin.
"Kumakain po ba kayo ng pasta? O mas gusto niyo bang may kasamang kanin ang order niyo?"
Halos lagi naman ako kumakain ng kanin at iilang beses palang ako nakakakain ng pasta.
"Pasta siguro para maiba naman. May mairerekomenda ka ba sakin, kuya?" Tanong ko at may tinuro siya sa menu. Pasta Aligue yung tawag.
"Bago naming addition ito sa menu pero ito yung paborito kong pasta so far sa lahat ng meron kami dito."
"Masarap naman lahat dito, hija. Syempre recipe namin eh. Ah, pero kung tanghalian niyo ng tito mo ang binibili mo, mas madalas siyang um-order ng chicken namin dito na may fried rice." Sabi nung babae at tinapik ang balikat ng binata bago siya pumasok sa isang pintuan sa likod.
"Ah, sige, salamat po! Siguro yun nalang? Yung chicken meal na may fried rice atsaka isang pasta aligue." Sabi ko at may mga pinindot yung lalaki sa screen.
"May gusto po ba kayong isama na drinks?"
"Umm, siguro iced tea? Ah, tapos pwede po ba for take-out yung order ko?"
"Opo, pwede naman." Sabi niya habang nakangiti. Ang polite niya na server lalo na't gumagamit pa siya ng po at opo samin kahit na mukang hindi naman malayo edad namin sa isa't-isa. Nagbayad ako at pinaupo muna niya ako sa isang table habang hinihintay ang order ko.
Makalipas ang ilang minuto, habang pinapanood ko yung mga taong naglalakad sa labas ng window ay may tumuktok sa mesa ko. Tumingala ako at nakita ko yung lalaking kumuha ng order ko kanina sa harapan ko. Hawak-hawak na niya ngayon ang order ko na nasa paper bag. Tumayo na ako kasi aalis na rin ako at kinuha ito mula sa kanya.
"Salamat." Sabi ko pero napansin ko na hindi pa niya binibigay yung isang paper bag na hawak pa niya. Napansin rin ata niya kung nasaan ako nakatingin.
"Ah, ito? Sa akin ito." Sabi niya at nagsimula na siyang maglakad palabas
Tapos na ata shift nung kuya ngayon kasi naka casual na panamit na siya: isang puting shirt at simpleng pares ng pantalon.
"Aalis na kayo?" tanong nung babae kanina at tumalikod kami sandali. Nakatingin kasi siya saming dalawa.
"Ah, opo. Nakuha ko na po order ko. Salamat po!"
"Walang anuman, hija. Balik ka dito ah? Nga pala, 'nak: Babalik ka ba muna niyan sa bahay?"
Bahay? Ano kaya pinag-uusapan nila. Well, hindi ko naman kailangan alamin kasi buhay nila 'yon. Pero hindi ako makalabas kasi nakahawak yung lalaki sa handle ng pintuan.
"Hindi na, ma. Diretso na ko sa univ kasi may klase pa ako ng 1:30." Sabi niya
Ahhhh so nanay pala niya yung babae? So ibig sabihin ba, sila may-ari ng restaurant na ito? Posible diba? Hindi naman kasi mukang regular na empleyado yung babae eh.
"Osige, mag-iingat ka. Tabi ka na rin diyan kasi hindi makalabas si...ay, pasensya na hija nalimutan ko pangalan mo. Makakalimutin na ako kasi tumatanda na ako." Sabi niya. Pero sa paningin ko, hindi naman siya mukang matanda katulad ng sinasabi niya.
"Ah, sorry! Hindi ko napansing nakaharang pala ako." Sabi niya at inalis niya ang kamay niya. Hinawakan niya ang batok niya.
"Okay lang!" Sabi ko at tumingin ulit sa babae "Reia po pala pangalan ko." Nakita ko sa mga mata niya na naalala na niya yung pangalan ko at kumaway na ako.
"Osige, balik ka dito ah? Sa susunod, dito nalang kayo kumain ng tito mo."
"Sige po, sabihin ko po sa kanya." Sabi ko at sa wakas ay nakalabas na rin ako.
Hindi ko binitawan agad yung pinto kasi tinignan ko muna kung nakasunod sa akin yung lalaki. Noong sigurado na akong hawak-hawak na rin niya ang salamin ng pinto ay bumitaw na ako. Bigla ulit nagtama ang mga mata namin at may parang panandaliang tensyon na pumagitan sa aming dalawa.
Kailangan ko ba magpaalam? Ngumiti? Tumango? Magpasalamat? O pwede bang di ko nalang siya pansinin at tumalikod nalang ako basta?
Bago ko man gawin ang kahit ano sa mga naisip ko ay yung lalaki na mismo ang ngumiti sa akin at tumango bago siya tuluyang naglakad paalis sa kabilang direksyon na pupuntahan ko.
Well...ayun na nga.
Nagsimula na rin ako maglakad pabalik sa flowershop at nakailang hakbang na ako noong biglang may nagsalita mula sa likod ko.
"Sandali lang, ate!" tinignan ko kung sino yung nagsalita at nakita ko na siya yung lalaki kanina. Nagtaka ako kung bakit niya ako nilapitan. Base sa muka niya, mukang may gusto siyang tanungin pero mukang nagdadalawang-isip siya.
"Ano po yun?" tanong ko sa kanya
"Uhh, Reia diba? Narinig ko lang sinabi ng mama ko kanina sa restaurant. Atsaka 'wag ka na gumamit ng po at opo sakin." sabi niya
"Ah, osige. Reia nga pangalan ko."
"Okay, Reia. Ah! Ako nga pala si August. Bale may gusto lang sana ako tanungin sa'yo, Reia. Medyo random nga lang pero..." nagtama ulit ang mga mata namin at tumango ako para ipakita na okay lang niyang ituloy ang sasabihin niya. Nagbuntong hininga siya
"Kayong dalawa lang ba ng tito mo yung namamahala sa flowershop?"
Ang random nga pero sinagot ko parin
"Oo kami lang sa ngayon." sagot ko
"Sa ngayon? So, may iba rin magt-trabaho doon sa hinaharap?"
"Ah, hindi naman sa may plano na ganun. Hindi lang kasi ako sigurado baka gusto mag-hire ng iba pang empleyado ni tito. Pero sa ngayon, kaming dalawa lang naman." sagot ko. Pero sa totoo lang, imposibleng mag-hire siya ng ibang worker kasi nga cover lang namin ang flowershop na 'yun at iba talaga trabaho namin.
Tumango-tango siya pero parang may gusto pa siyang itanong. Hinintay ko lang siya magsalita ulit.
"Paano si ano... si tita?"
"Si tita?" nag-tilt ang ulo ko para ipakita na hindi ko masyado naintindihan ang tanong niya. Sinong tita sinasabi niya?
"Tita...yung asawa ng tito mo?"
Tumaas ang mga kilay ko pero agad ko inayos ang ekspresyon ko.
Asawa? Ni sir Abelardo? Pwede ba yun? May asawa ba siya na hindi alam ng Association?
"Uhhh..." sabi ko kasi hindi ko alam ang sasagutin ko! Hindi ako nasabihan kung may asawa ang aking pretend-tito. May backstory ba siya na dapat ko pang malaman para maging mas kapani-paniwala ang cover story namin?
Nahalata nung lalaki na nataranta ako sa tanong niya at agad na niyang binawi.
"Sorry, baka masyado palang personal na tanong 'yon. Wag mo nalang isipin."
"Okay..." sabi ko na medyo na wiwirduhan na sa lalaki. Bakit ba niya tinatanong ang mga ito?
"Ah! Isang tanong nalang siguro. Okay lang?"
"Sige, sige. Ano 'yun?"
"Tuwing kailan nagbubukas flowershop niyo?"
Ohhh, baka gusto niyang bumili sa amin? Sumigla ako at ngumiti sa kanya. Napagtanto ko rin na importante rin makahakot ng mga customers. Kasi kung mas marami ang bibisita sa amin, mas marami ang pagkakataon na mag wish sila doon sa wishing well namin.
"Nakabukas kami sa weekdays mula 8 hanggang 5pm. Pero kapag weekends, nakabukas lang kami mula 1 pm hanggang 4 ng hapon. May gusto ka bang i-order?"
"Wala naman sa ngayon." sabi niya at nawala ang ngiti ko
"Ah. Ganun ba?" naramdaman niya ata ang pag-iba sa mood ko at tinuloy niya ang sasabihin niya. Hindi naman kasi ako interesado sa mga walang balak pumunta sa flowershop at mag-wish sa wishing well.
"P-Pero baka? Ah, parang oo nga pala? May thing pala ako na kailangang puntahan na kailan kong magdala ng bulaklak." sabi niya habang awkward na natatawa.
Hala, baka ang rude pala ng dating nung pagkakasabi ko kanina? Ginawa ko ulit magaan ang pananalita ko. Ibig kong sabihin, potential customer parin siya diba?
"Kung ganun, bisita ka lang! Tutulungan ka naman namin ni tito kung mahirapan ka man magdecide kung ano bulaklak gusto mo." Nagbuntong-hininga siya at ngumiti noong sumigla ang pagsagot ko. Ayaw ata niyang na-ooffend ang mga ibang tao dahil sa kanya.
"Sige, sige! Salamat sa pagsagot sa mga tanong ko. Mauna na ako?" sabi niya at hinintay ang sagot ko bago siya tuluyang tumalikod. Tumango ako at kumaway.
"Balik na rin ako sa amin."
Sabay kaming tumalikod at naglakad palayo sa isa't-isa. Habang iniikot ko yung payong sa kamay ko, napag-isip-isip ako.
Sa dalawang araw na andito ako, ngayon lang talaga ako nakipag-usap sa ibang tao sa labas ng flowershop. Medyo awkward nga lang ng konti sa simula kasi hindi kami magkakakilala; pero mukang mababait naman ang mga tao dito at baka hindi naman sobrang masama kung makipag-usap ako sa kanila ng normal paminsan-minsan. Tutal, hindi ko rin kasi alam kung gaano ako katagal mananatili dito sa area na ito kaya maganda man lamang na kilalalin ang mga tao.
Malay mo diba? Isa pala sa kanila ang mag-w-wish sa wishing well namin at baka kailangan ko pala silang lapitan kung ganun. Mas madali ko rin silang matutulungan kung kilala na namin ang isa't-isa.
"Okay. Subukan natin mas maging sociable simula ngayon." sabi ko sa sarili ko at isinara ang payong ko pagkapasok sa flowershop. Noong nakita ko ang aking File Handler, naalala ko yung tanong nung lalaki - si August - kanina. Tinuro ko si tito Abe at takang-taka siya sa inaasta ko
"May asawa ka?!"
"...Huh?"