Chereads / Katok (Knock On Wood) / Chapter 4 - Three

Chapter 4 - Three

Nakaupo ako sa isang gutter sa parking lot ng school kung saan nakaparada ang mga motor at bike ng mga estudyante. Sinusubukan kong libangin ang sarili ko habang hinihintay sina Arthur at Leila sa isang sulok nitong parking lot. Inikot ko ang paningin ko sa mga halaman sa paligid na punong puno ng bulaklak ng santan at iba pang mga bulaklak na hindi ko alam ang tawag dahil santan lang talaga yung alam ko sa mga tanim dito.

Kumuha ako ng isang tumpok ng santan at pinagtatanggal ko yung nasa gitna nito pero hindi ko sinipsip yung nectar kasi alam kong dumi ng alagang pusa no'ng caretaker dito ang nagsisilbing fertilizer ng halaman at hindi ko gustong isipin na 'yon yung sustansya ng halaman nito. Pinagdugtong-dugtong ko ang mga bulaklak para gumawa ng santan bracelet.

Sa ganitong paraan ko nililibang ang sarili ko habang naghihintay sa dalawa dahil mas nauunang matapos ang klase ko kumpara sa dalawang iyon na parehong miyembro ng music club. Ako lang sa aming tatlo ang hindi sumali dahil sa isang bagay na nagbigay sa akin ng trauma na naging dahilan kung bakit takot na akong humawak ng kahit anong instrumento.

Maayos na sana ang lahat nang biglang may narinig akong ikakaibang tunong sa tenga ko. "Bzzzzzt" tunog ng isang bubuyog na lumilipad paikot sa ulo ko. Sinubukan ko itong bugawin pero ayaw patinag at patuloy lang ito sa pagronda paikot sa ulo ko.

Kumuha ako ng dalawang notebook sa bag ko at inabangan kong gumawi ang bubuyog sa harapan ko. Nanatili akong nakataas ang dalawang kamay habang hawak-hawak ang dalawang notebook para maghintay ng tiyempo at mapompyang ko ang bubuyog na nakakainis na sa kakaikot sa ulo ko.

"Plak!" Tunog ng notebook na nagsalpukan nang pagsalubungin ko ito para mapatay ang bubuyog na nakakainis. Nang paghiwalayin ko ito ay nalaglag ang patay na bubuyog na nag-iwan pa ng mantsa sa cover ng notebook ko.

Kumuha ako ng stick para paglaruan ito at sinundot-sundot ko ito gamit ang stick sabay pinagulong-gulong na parang latang walang laman. Matutuwa na sana ako kung hindi lang ako nakarinig ng tunog pa ng mga bubuyog. Oo, mga bubuyog. Mas maraming bubuyog.

Tumingala ako para hanapin ang pinanggagalingan ng tunog pero bago pa man ako makatakbo ay sinugod na agad ako ng isang batalyon ng mga bubuyog na dumapo at tinusok ang katawan ko gamit ang karayom nila sa pwet.

Tinakpan ko ang tainga ko para hindi mapasukan ng bubuyog pero sa ibang butas sila pumasok. Sa ilong ko. Ang iba ay sa bibig ko dahilan para mabilaukan ako at maghabol ng hininga. Kumislot-kislot ako dahil sa sobrang panic at hapdi ng mga daluyan ng hangin na pinasukan na ng mga bubuyog.

*RESET*

"Boy! Anong ginagawa mo diyan? Bakit mo pinitas yung mga santan?!? Pasaway ka ha!" bulyaw sa akin ng caretaker na nakatayo na sa harapan ko. Namalayan ko na lang din ang sarili kong nakatalungko at nakatakip ang tenga habang yakap-yakap ang bag ko.

"T-teka, ayos ka lang ba? Mukhang may sakit ka ha. Halika", sabay hatak niya sa akin at pinaupo sa upuan sa loob ng mini garden hindi kalayuan sa may parking lot. "May lagnat ka ba? Pawis-pawis ka ha. 'Di naman ganon kainit yung panahon eh", sabi pa niya habang inaabot yung tubig na nakalagay sa plastic na tasa. "Pahinga ka muna diyan. Balikan kita mamaya", dugtong pa nito bago umalis.

Uminom ako ng kaunting tubig at nakatulala pa rin ako sa kawalan habang yakap-yakap ang bag ko. Nang kumalma ako ay napatingala ako at tsaka ko naalala yung bubuyog na pinatay ko. 'totoo ba yung mga nangyari?' 'Sana panaginip lang iyon; 'Yan ang mga bagay na tumatakbo sa utak ko kaya dali-dali akong pumunta sa kinauupuan ko kanina at tiningnan kung may patay na bubuyog pero mukhang mali ang desisyon kong iyon dahil may nakita akong patay na bubuyog na nasa lupa.

Bumalik ako sa mini garden at doon ko tiningnan ang notebook ko at nakita ko nga ang mantyang iniwan ng pinatay kong bubuyog doon. Nakadikit sa cover ng dalawa kong notebook.

Napatayo ako nang biglang umalog ang lupa. "May lindol ba?" muling may tumakbong tanong sa utak ko na kahit ako ay hindi sigurado sa sagot. Agad tumila ang pagyanig kaya muli akong umupo at nilibang ang sarili ko sa pagpapatugtog ng music.

Hindi pa man nag-uumpisa yung mismong kanta ay may naramdaman na akong kakaibang bagay na nakapulupot sa mga binti ko. Natakot akong tignan kaya pinilit ko munang pakiramdaman kung ano man ang bagay na iyon. Nilagay ko ang kamay ko sa tuhod ko habang unti-unti kong nararamdaman ang paghigpit ng ano mang nakapulupot sa binti ko.

Nagkaroon ako ng kakaunting lakas ng loob at dahan-dahan kong iginapang ang kamay na nasa tuhod ko pababa pa sa kinaroroonan ng bagay na nakapulupot sa binti ko pero bago pa man dumapo ang kamay ko roon ay may matulis na bagay na tumusok sa kamay ko.

Nang hatakin ko ang kamay ko ay nakita kong nakakabit na dito ang isang ahas kaya napasigaw ako at iwinasiwas ang kamay ko para matanggal ang ahas pero pirmi itong nakakabit sa kamay ko at lalo pang lumalim ang pagkakabaon ng pangil nito sa kamay ko.

Kumuha ako ng lapis at isinuksok sa kakaunting siwang sa pagitan ng bunganga nito at ng kamay ko para tanggalin pero naputol ang lapis ng hindi man lang umaangat kahit kaunti ang bibig nito. Ilang ulit ko itong sinubukan hanggang maubos ang lapis at ballpen sa bag ko pero mariin pa ring nakakapit ang mga pangil nito sa kamay ko.

Hindi pa man namamanhid ang kamay ko sa sakit ng pagkakakagat sa akin at sa pagdama ko ng lason na pumapasok sa katawan ko ay may pumulupot na naman mula sa binti ko paakyat sa bewang ko.

Isang napakalaking sawa.

Nakapulupot at nililingkisan ang buo kong katawan. Wala na akong nagawa kundi ang tumumba na lang dahil hindi ko na maigalaw ang ibabang parte ng katawan ko at sobrang sakit na ng kamay ko.

Pagbagsak ko ay kasunod ang pagkagat ng sawa sa leeg ko at paghatak nito sa laman, litid at buto na nagdudugtong sa ulo at katawan ko.

*RESET*

Namalayan ko na lang ang sarili kong nakahiga sa isa sa mga kama sa school clinic. Sa gilid ko ay nakaupo si Leila at sa paanan ko naman ay nakatayo si Arthur. Kapwa nakayuko ang dalawa at hinahantay na magkaroon muli ako nang malay.

Tahimik ko lang silang tinignan habang inaalala kung paano ako napunta sa school clinic at kung ano ang nangyari sa akin kanina sa mini garden na iyon.

Napatayo si Leila at dali-daling hinawakan ako sa balikat saka niyugyog. Napatingin naman agad si Arthur at pumwesto rin sa gilid ko.

"Dyodyan sorry. 'Di naman namin alam na may lagnat ka pala. Sana pinauna ka na naming umuwi", sabi ni Leila na parang batang iiyak habang niyuyugyog pa rin ako.

"Bakit naman kasi hindi mo sinabi agad? Sana tinext mo na lang kami. Loko ka talaga... Dyodyan!" Dugtong ni Arthur sa sinabi ni Leila.

Napangiti na lang ako sa dalawa at napasandal sa headboard ng higaan. Napabuntong hininga ako bago tuluyang umupo at tinignan ng masama ang dalawa.

"Una sa lahat yung 'J' sa pangalan ko ay 'H' ang pronounciation kaya Hiohan yung bigkas doon. Pangalawa, hindi ko rin alam na lalagnatin ako. At pangatlo, paano ba ako napunta dito?" Mahinahon pero mariin kong sabi sa dalawa.

"Alam namin Dyodyan. Saka nalaman na lang namin na nandito ka kasi nakita ka na lang namin na binubuhat papunta dito. Nakita ka raw na walang malay doon sa mini garden", sagot ni Leila sabay talikod sa akin.

"Kaya mo bang tumayo? Tara uwi na tayo", aya ni Arthur sabay bitbit sa bag ko. "Ako na bahala sa bag mo si Leila na aakay sayo", dagdag pa nito sabay kindat sa akin.

Hindi na ako nagsalita at sumunod na lang sa sinabi ni Arthur. Agad akong tumayo at naglakad na kami pauwi.

Hinatid nila ako sa bahay at sinabi nila kay Mama ang nangyari. Hindi ko nga alam kung sumbong ba iyon o ano pero hindi maganda tunog ng pagkakapaliwanag nilang dalawa ng mga nangyari.

Umakyat agad ako sa kwarto pagkauwi ko at naupo sa kama ko. Ilang minuto ring nabalot ng kapayapaan ang isip ko habang nakaupo.

Hindi ako gumalaw sa pwesto ko hanggang sa may maramdaman akong parang may nagmamasid sa akin. Parang may nagmamatyag at handa akong sunggaban ano mang oras. Naging alerto ako at nag-abang kung may sino mang nasa kwarto ko bukod sa akin.

Umikot ang paningin ko sa buong kwarto at tila kusang gumagalaw ang mga bagay sa loob ng kwarto ko. Tumingin ako sa kanan pero walang tao. Sa kaliwa wala rin ,hanggang sa may narinig akong kaluskos sa ilalim ng higaan ko.

Kahit na kinikilabutan ay hinugot ko ang tapang ko at sinubukang silipin kung ano man ang nasa ilalim ng kama ko. Tumataas ang balahibo ko habang unti-unting bumababa ang mukha ko pababa para silipin ang nasa ilalim .

Dahan-dahan kong inangat ang bedsheet na tumatabing sa ilalim ng kama. Maingat ko itong inangat at inihanda ang sarili ko sa anumang nilalang nasa ilalim ng aking kama. Nang maiangat ko ito ay nakahinga ako ng maluwag nang wala namang kakaibang bagay sa ilalim nito.

Nang bumalik ako sa pagkakaupo ay nagulat ako sa nakita ko.

Nakatayo sa harap ko ang isang taong hindi ko inaasahan. Nakatutok sa noo ko ang baril habang nakangiti sa akin ang taong nasa harapan ko. Nabalot ako ng lubos na takot at nanginig ang buo kong katawan.

Sa lahat ng taong pwedeng magtutok sa akin ng baril ay itong nasa harapan ko ang pinakahuli kong maiiisip na magtutok sa akin ng baril. Tumulo ang luha ko ng hindi ko namamalayan dahil sa sobrang takot na nararamdaman ko.

"Wag kang mag-alala hindi ito masakit. Mabilis lang ito", lalo akong kinilabutan nang ngumiti ng todo ang taong nasa harapan ko habang magkasalubong ang dalawa nitong kilay. Lalo akong binalot ng takot at nanginginig na ang buo kong katawan sa takot.

"Paalam, Jiojan!" sigaw nito nang makita niya ang panginginig ng katawan ko sabay bigla niyang kalabit ng gatilyo. Hindi ko lubos maisip na gagawin ko ito sa sarili ko.

Bago ako tuluyang mawalan ng malay ay nakita ko ang nakakatakot na itsura ng sarili ko habang nakangiti at hawak-hawak ang baril na siyang pumatay sa akin.

- - - - -

Nagising ako na naliligo sa pawis. Basang-basa ang damit ko at naliligo na sa pawis ang buo kong katawan. Puno ng butil ng pawis ang mukha ko. Naghahabol ng hininga at masakit ang ulo ko.

Pagkaupo ko ay nahulog mula sa dibdib ko ang diary na nakatulugan ko nang basahin. Dinampot ko ito at tiningnan ang page kung saan ako nahintong bumasa. Napangiti na lang ako sa nabasa ko.

Hindi pala panaginip iyon. Mga naipong alaala na pilit kong itinatanggi sa sarili ko at pilit kong kinakalimutan para takasan ang nakakatakot at masalimuot na nakaraan. Akala ko kaya kong takasan pero senyales na yata ito na kahit gaano katagal ko pang itago ang isang bagay ay lalabas at lalabas din ang katotohanan.

Tumayo ako at nagsimulang mag-asikaso at maghanda para pumasok sa trabaho. Medyo masakit pa ang ulo ko dahil siguro sa puyat sa pagbabasa. Ininuman ko lang muna ng tubig at hindi ko muna ininda. Ngayon lang ito, mawawala din itong sakit ng ulo ko maya-maya kapag may ginagawa na ako.

Mabilis akong gumalaw dahil naghahabol na rin ako ng oras para makapasok sa trabaho. Buti sana kung malapit lang yung papasukan pero hindi eh.

Nang kukunin ko na ang bag ko kung saan ito nakasabit ay nakita ko ulit ang diary ko na nakalapag na sa mesa. Tinitigan ko muna ito ng matagal bago ako nagdesisyon na kunin ito at ilagay sa bag ko para basahin habang nasa byahe ako. Kailangan kong basahin ito dahil baka sakaling makatulong sa paghahanap ko ng solusyon sa problema ko ngayon.

Paalis na sana ako nang biglang nag-ring ang cellphone ko. May natawag. Agad kong hinanap kung saan ko ito nilagay. Wala sa bulsa ko. Wala sa bag. Nasaan. Bumalik ako sa higaan ko, wala rin. Tiningnan ko sa banyo, wala. Saan ko nailagay iyon? Napalingon ako sa lamesa at nakita kong nakapatong doon ang cellphone ko. Bingo!

"Hello?", sagot ko sa telepono habang nakamot sa noo ko. "Sino ito?", tanong ko sa tao sa kabilang linya.

"Ako ito Jio, si Leila", sagot nito sa akin. "May oras ka ba ngayon? Meet tayo may sasabihin ako", dugtong niya na parang importante ang pag-uusapan namin.

"Ngayon? As in, ngayon na? Now na? Right now?"

"Hindi naman ngayon. I mean, ngayong araw, anytime", muli niyang sagot sa sarcastic kong tanong.

"Mamayang gabi pa pagkatapos ng shift ko. Tungkol saan ba?", tanong ko ulit sa kanya.

"Sige punta ka na lang sa bahay mamaya. Sige, bye bye", sabi pa nito sabay binaba yung tawag. Medyo bastos ah.

"Ano kaya yun? Bahala na. Malalaman ko na lang mamaya", lumabas ako ng apartment ko at naglakad papuntang sakayan ng bus. Late na ako.