Chereads / Katok (Knock On Wood) / Chapter 5 - Four

Chapter 5 - Four

Habang naghihintay ako ng masasakyan ay binabasa ko ang diary ko para magkaroon ako ng recollection ng mga bagay na maaaring makatulong sa akin. Tinuloy ko ang pagbabasa sa parte kung saan ako nahinto kagabi. Hindi pa pala ganoon karami ang nabasa ko kagabi pero nakatulog na agad ako.

Inabot din ng halos sampung minuto ang pagbabasa ko bago may dumating na bus sa kinatatayuan ko. Buti naman at mayroon nang masasakyan. Ang hirap palang magbasa nang nakatayo tapos may nakikibasa pa sa gilid ko na lalong nagpahirap sa pagbabasa ko.

Naupo ako sa pinakadulong upuan sa gilid ng bintana, sa bandang kaliwa kung nakaharap ka sa driver. Pinakasafe na lugar para magbasa kasi walang tao sa likuran ko at maisasandal ko ang katawan ko sa gilid para hindi makita ng katabi ko kung ano ang binabasa ko. Privacy.

- - - - -

Nakaupo ako sa upuan sa labas ng school building sa tapat ng open field kung saan makikita mo ang mga estudyante na nagpa-practice ng kani-kanilang performance para sa nalalapit na foundation day ng school namin. As usual, mag-isa na naman ako at hinahantay yung dalawa kong kasama. Kalahating oras na akong nakaupo rito at tinitingnan yung mga jogging pants beauties ng kabilang section.

Ewan ko kung naki-creepyhan ba sila sa akin o napopogian kasi kanina pa sila sulyap ng sulyap sa akin habang ako naman nakatingin lang sa ginagawa nila habang may nakasalpak na earphone sa tainga ko. Natatawa ako kasi halos buong section nila nasulyap sa akin pati yung mga lalaki habang nakatingin ako sa kanila.

Nagulat ako nang lapitan ako ng isa sa kanila. Representative yata ng section nila. Hindi ko pinansin nung una itong lalaking lumapit sa akin pero nagulat ako ng sipain niya yung binti ko para makuha niya ang atensiyon ko.

"Aray! Anong problema mo?" pasigaw na tanong ko sa lalaking sumipa sa akin.

"Hoy weirdo umalis ka nga dito kanina mo pa tinitignan yung mga babae rito. Natatakot na sila sayo", confirmed! Naki-creepyhan lang sila sa akin.

"Ah ganon ba? Sige aalis na ako. Sorry ha", tumayo ako pero bago pa man ako umalis ay sinipa ko rin muna siya sa binti sabay takbo paalis doon.

Hingal na hingal ako nang marating ko ang likod ng building kung saan nakatambak ang mga sirang armchair. Ang creepy naman dito. Paalis na sana ako pabalik sa quadrangle nang may marinig akong ingay. Mula sa tumpok ng mga sirang armchair ay narinig ko ang kakaibang tunog ng isang kakaibang nilalang.

"Krrrrrt tik tik tik! Krrrrrt tik tik!" Napaatras ako nang makita ko ang dilaw na mata na kumikislap mula sa gitnang bahagi ng mga nakatambak na kahoy. Palakas ng palakas ang tunog. Palalim ng palalim ang kadiliman sa lugar na iyon at pabigat nang pabigat ang pakiramdam ko habang mabagal akong naatras mula sa kinatatayuan ko handa na para kumaripas ng takbo.

Patalikod akong napasalampak sa lupa nang magtalsikan ang mga nakatambak na kahoy at bumungad sa akin ang isang kakaibang nilalang. Tila kombinasyon ng asong lobo at paniki na kulay pula ang kulay at may dilaw na mata. Nakalabas ang mga pangil sa bibig nito at may ilong na gaya ng sa isang paniki. Nakatayo na gaya ng isang tao pero ang hulma ng katawan ay tulad ng sa isang asong lobo. May pakpak rin ng paniki sa likuran nito at kulay pula ang balahibo. May buntot na parang alupihan na walang paa na may nakalabas na pangil sa pinadulo nito na parang sa alakdan.

Napabaluktot ang katawan ko nang akmang lalapit na ito sa akin. Napapikit ako at tinakpan ng dalawang braso ang ulo ko. Nakadukdok na rin ang katawan ko sa lupa at wala akong ibang nagawa kundi ang umasang walang masamang mangyari sa akin.

Napasuka ako ng dugo nang biglang tumagos sa kalamnan ko ang buntot nito na may napakatulis na dulo. Namilipit lalo ako sa sakit nang maglabas pasok ang buntot nito sa iba't ibang bahagi ng katawan ko.

Tumagas ang napakaraming dugo sa iba't ibang bahagi ng katawan ko. Natigilan ako sa pagsigaw nang hawakan ako nito sa leeg at idiniin sa lupa. Halos mawalan na ako ng malay sa tindi ng sakit na nararamdaman ko dahil sa pagtarak ng matalim nitong buntot sa iba't ibang bahagi ng katawan ko pero iniwasang tamaan ang puso ko.

Nakatitig sa akin ang nilalang na iyon habang idinidiin ako sa lupa. Wala na. Hindi ko na alam kung matatagalan ko pa ito. Napaiyak na lang ako nang walang tunog na nalabas mula sa bibig ko.

Binuka ng kakaibang nilalang ang bibig niya. Napakalaki noon at kitang-kita ko ang lalamunan niya pati na rin ang matatalas niyang mga pangil na nakalantad sa harapan ko. Biglang nagblangko ang paningin ko nang mabilis ako nitong sunggaban.

*RESET*

Namalayan ko na lang na nakasubsob ako sa lupa habang naginginig ang buong katawan ko. Tumayo ako at tumingin sa paligid. Nandito pa rin ako sa tambakan ng mga sirang armchair. Walang tao. Hindi nagalaw ang anumang mga materyales na nakatambak doon.

Tumakbo ako papunta sa lugar na maraming tao para makatakas at maiwasan ang mga kakaibang bagay na nangyayari sa akin. Pagbalik ko sa harapan ng school building ay nakasalubong ko sina Arthur at Leila na magkasabay na naglalakad papunta sa direksiyon ko. Nakasimangot si Leila habang nailing na nakangiti si Arthur.

"Akala ko hindi mo na kami hinantay eh", sabi ni Arthur sabay akbay sa akin.

"Ahhh eh kasi pinaalis ako ro'n kanina", sagot ko sabay tingin kay Leila na hindi man lang ako tiningnan. Nagtatampo yata.

"Teka nga, bakit ba pawis na pawis ka?" tanong ni Arthur.

"Ah kasi ano eh..."

"Ano?" tanong pa nito.

"Mamaya ikukwento ko sa inyo. Basta h'wag niyo akong pagtatawanan, ha?" sabi ko habang nakayuko dahil sa pagkakaakbay sa akin ni Arthur.

Tiningnan ko si Leila pero hindi pa rin ako pinapansin. Tumingin ako kay Arthur para itanong kung anong nangyari at ganon ang asta ni Leila pero ngumiti at umiling lang siya bilang tugon. Mukhang walang balak sabihin kung bakit nagtatampo si Leila.

Pumunta kami sa isang park at pumwesto kami sa lugar na hindi masyadong matao na ako ang pumili para walang makarinig ng kwento ko kina Arthur at Leila. Ayaw kong kung ano pa ang isipin ng makaririnig sa kwento ko kaya mas mabuting kami-kami lang ang makaalam.

Seryoso kong ikinuwento ang mga nangyari kanina sa likod ng school pati na rin ang nangyari noong maisugod ako sa school clinic pero tawa lang ng tawa itong dalawang ito at tila pinapalabas pang imagination ko lang lahat kahit alam ko sa sarili kong totoo yung mga nangyayari. Tumahimik muna ako saglit para maramdaman nilang hindi ako nagbibiro kaya tumigil na rin sila sa kakatawa.

"Seryoso ka nga, Jio?", tanong ni Arthur pero hindi pa rin naalis yung ngiti sa mukha na anumang oras handa na namang tumawa.

"Hala, Jio, sorry na. Tampo na 'yan.", dugtong ni Leila na pinipigilan pa yung tawa.

"Seryoso ako. Ganoon talaga yung na-experience ko kanina saka nung nakaraan", sagot ko habang nakatitig sa dalawa.

"O sige ipagpalagay nating seryoso ka. Bakit wala ka namang sugat o kung ano mang sign na may nangyari nga sa iyong ganoon?", tanong ni Arthur na kahit ako ay hindi ko alam ang isasagot.

"M-malay ko. Pero kapag nangyayari sa akin iyon feel ne feel ko yung sakit nung pagtusok. Alam mo yon? Para kang sinasaksak ng maraming ulit", sagot ko sa kanya habang unti-unting napupunta ang tingin ko sa lupa.

"Pero parang hindi naman nangyayari sa iyo ng totoo. Parang sa imagination mo lang talaga lahat nangyayari. Kaya mahirap paniwalaan, Jio", saad ni Leila habang nakakunot ang noo.

"Pero sa ating tatlo lang muna ito ha? Hahanap ako ng paraan para maiwasan ito. Kaya sana tulungan niyo akong dalawa", sabi ko sa kanila habang tuluyan nang nakayuko at nakatitig sa lupa.

"Teka. Kung imagination mo lang yan at puro masasama yung nangyayari pwede mong subukan yung 'Knock on Wood' na paniniwala", sabi ni Arthur.

"Oo nga. Malay mo naman imagination mo lang talaga. At least hindi mangyayari ng totoo kapag ginawa mo iyon", dugtong pa ni Leila.

"Kakatok ako sa kahoy? Papapasukin kaya ako?", pilosopong sagot ko sa dalawa. Habang nakangiti at nailing-iling.

"Aba aba, ikaw na itong tinutulungan namimilosopo ka pa ha", inis na usal ni Leila sabay hinampas sa akin yung sling bag na dala-dala niya.

"Pinapagaan ko lang yung usapan eh", sagot ko habang iniiwasan yung sling bag na paulit-ulit niyang hinahawi.

"Tangek ang kinakatok mo yung kaluluwa sa kahoy. Para hindi ka mapahamak. Kasi 'di ba gawa sa puno yung kahoy tapos ang puno living thing kaya may kaluluwa, 'yon yung kinakatok mo at 'yon din yung tutulong sayo", seryosong sabi ni Arthur habang nakatingin sa akin.

"Sus, istoryahe. Gawa-gawa ka na naman", sabi ni Leila.

Tumawa ako sabay tingin sa dalawa habang nakabaluktot at nakahawak ako sa tiyan ko. "Ayan ha si Leila na nagsabi. Makwento ka kasi masyado eh", gatong ko sa sinabi ni Leila.

"Ah ganon!?", saad ni Arthur sabay pinulupot ang braso niya sa leeg ko sabay kiniskis ng kamao niya ang ulo ko hanggang sa uminit ito.

Nagtawanan na lang kaming tatlo noon habang pinagtutulungan ako ng dalawa at halos matumba na kami sa kalokohan ng dalawa kong kaibigan.

- - - - -

Napangiti ako nang mabasa ko sa diary ko ang tagpong ito ng buhay ko bilang estudyante. Mga panahon na araw-araw pa kaming magkakasama nina Arthur at Leila. Mabuti na lang at naisulat ko pa sa diary ko ang mga tagpong ito.

Natigilan ako nang maabot na ako ng kundoktor. Matapos kong magbayad ay bumalik ako sa pagbabasa. Mas ginanahan ako ngayon dahil sa kakabasa ko lang ng tagpo na nakasulat sa diary ko.

Napatigil ako nang may narinig akong kakaibang tunog. Nanggagaling sa ibaba. Sa makina ng bus. Kalansing ng bakal na parang isang turnilyo na nasa loob ng lata na inaalog. Nakakangilo pero pinilit kong h'wag ibaling ang atensiyon ko roon.

Habang patuloy sa pag-andar ang bus ay palakas ng palakas ang tunog at naririnig ko na ring nagbubulungan ang mga tao sa bus na nagtatanungan kung ano at saan galing ang nasabing tunog. Hindi ko ito pinansin at patuloy na nagbasa. Nililibang ang sarili para mailayo ang atensiyon sa nalalapit na panganib.

Napaangat ang ulo ko nang mag-umpisa nang magsigawan ang mga tao sa loob ng bus at nagtatayuan na ang iba. Sinilip ko kung ano ang nangyayari sa unahan ng bus kaya pilit kong inaangat ang ulo ko nang biglang mapahampas ang katawan ko sa bandang bintana dahil sa biglaang pagliko ng bus.

Napabaling lahat ng pasahero sa kaliwang bahagi kaya naipit ako ng mga katabi ko sa hilera na iyon. Napabaling din sa kanan ang bus kaya napahawak ako sa railing na nakakabit sa sandalan ng upuan sa harapan ko. Nagpalipat-lipat sa kaliwa at kanan ang paghampas ng mga tao sa loob ng bus kabilang na rin ako.

Lalong lumakas ang sigawan nang tuluyang bumangga sa harang sa flyover ang bus. Napatilapon ang iba palabas habang napahawak naman ako ng mahigpit sa bus. Katapusan ko na ba?

Lalong humigpit ang hawak ko sa railing na nakakabit sa upuan at madiin akong napapikit, umaasang hindi ako tuluyang mapahamak. Naramdaman ko ang tuluyang pagtama ng nguso ng bus sa lupa dahilan para humampas ang buo kong katawan sa pinakalikod na bahagi ng bus at bumagsak sa isa sa mga upuan nito.

Naramdaman ko ang pananakit ng katawan ko dahil sa pagtama ko sa iba't ibang parte ng bus dahil na rin sa lakas ng pagkakahampas ng katawan ko sa likurang bahagi nito. Dahan-dahan kong idinilat ang mabigat kong mata. Pagbuka pa lang nito ay nakita ko na ang dugo na umaagos pababa sa mata ko galing sa noo ko at dama kong may sugat ako sa parteng iyon.

Napahawak ako sa batok ko dahil sa sakit at medyo natuwa ako nang malaman kong hindi natanggal ang ulo ko sa katawan ko. Pinipilit ko pa ring dumilat pero napakahirap pa ring gawin iyon. Mabigat pareho ang mata at pakiramdam ko pero pinipilit kong sabay na dumilat at gumalaw para makahingi ng tulong.

Sinubukan kong ibuka ang bibig ko para manghingi ng tulong sa sino mang tao ang makakakita pero walang nalabas na tunog mula sa bibig ko. Napasalampak ulit ako sa kinalalagyan ko saka dumilat ng paunti-unti. Una ay kaunti lang ang naaaninag ko pero hindi nagtagal ay naidilat ko na ng todo ang mga mata ko.

Nakatingala ako habang nakasalampak sa kinalalagyan ko at nakikita ko ang ibang mga pasahero na nasa kanya-kanyang pwesto at karamihan ay wala nang buhay. Ang iba sa mga pasahero ay nagalaw pa pero napakaraming dugo na ang bumabalot sa kanilang katawan. Ang driver naman na siyang lubhang naapektuhan ay halos wala nang mukha dahil sa lakas ng pagkakasalpok ng bus sa lupa.

Ilang minuto akong nasa ganoong posisyon hanggang sa maramdaman ko ang paninikip ng dibdib ko at nahihirapan na akong huminga. Sinubukan kong iangat ang kamay ko ngunit hindi ko magawa. Mukhang nabalian ako ng braso. Ang kabila ko namang kamay ay naiaangat ko ngunit hindi ko maiangat ng todo para sana makapa ko man lamang ang dibdib ko.

Sinubukan kong iangat ang ulo ko pero mabigat rin ito. Nawawalan na ako ng pag-asa. Hanggang ngayon wala pa ring senyales na may paparating na tulong kaya lalo kong pinursige ang sarili ko para umupo man lamang.

Matapos ang halos sampung minuto ng pagpilit na maiangat ang ulo ay naiangat ko rin ito. Sinubukan kong inspeksiyunin ang katawan ko kung may iba pa ba akong injury bukod sa braso kong nabalian ng buto at nagulat ako sa nakita ko.

May isang bakal na tubo na nakatarak sa kanang bahagi ng dibdib ko. Ito marahil ang dahilan kung bakit nahihirapan akong huminga at sumisikip ang dibdib ko. Halos himatayin ako sa nakita ko pero pinigilan ko ang sarili ko at pinaupo ang sarili ko habang nag-uumpisa nang lumabas ang malapot na dugo mula sa bibig ko.

Napangiti ako dahil sa kamalasang nangyari sa akin habang unti-unting bumibigat ang mata ko at pakiramdam ko ay mawawalan na ako ng malay anumang oras. Pinilit kong h'wag makatulog at hintayin ang paparating na tulong. Paulit-ulit na tumatakbo sa utak ko na kailangan kong makaligtas dito habang pinipigilan ang pagsasara ng mga mata ko.

Halos isang oras ang lumipas nang may narinig akong ingay sa labas ng bus at naisip ko agad na ito na yung mga rescuer kaya napangiti ako lalo at doon na tuluyang nagsara ang mata ko.

*RESET*

Napadilat ako at pawis na pawis-pawis. Nakatulog na naman ako. Nilingon ko ang paligid ko at hinanap ang diary ko at natagpuan ko ito sa ilalim ng inuupuan ko. Yumuko ako para abutin ang diary kong nasa sahig na ng bus.

Maya-maya pa ay narinig kong nagsisigawan na ang mga tao sa loob ng bus kaya natigilan ako. Hindi ako nakagalaw sa kinauupuan ko. Wala akong lakas ng loob para silipin kung ano ang nangyayari hanggang sa naramdaman ko nalang ang pagbangga ng bus sa isang kongkretong bagay.

Sinilip ko ang bintana at nagulat ako nang makita ko kung saan bumangga ang bus.