Chereads / Katok (Knock On Wood) / Chapter 7 - Six

Chapter 7 - Six

Nagising ako dahil sa malakas na pagri-ring ng cellphone ko. Masakit ang ulo ko at pati na rin ang katawan. Naalala ko na lang kung saan ako galing kagabi dahilan para mapailing ako at mapakamot sa batok. Tinignan ko muna kung sino ang tumatawag bago ako bumangon at sinagot ito.

"Klaire! Bakit ka ba tumatawag? Ang aga-aga eh. Kung kelan naman wala akong pasok", nanggagalaiti kong sabi sa taong tumawag sa akin. Ang pinsan kong makulit.

"Hoy, Jio, nakalimutan mo yata Death Anniversary ni lola kaya pumunta ka dito sa bahay niyo ngayon", mataray na sabi nito na ang tunog sa akin ay batang nang-aasar lang.

"Nandyan na kayo nila Tito? Sige pupunta na ako, kakagising ko lang pakisabi kay Mama", sagot ko bago ko ibinaba ang tawag at nag-umpisang magkumahog para maghanda at mag-ayos ng sarili.

Mabilis akong naligo, nagbihis at inihanda ang mga kailangan kong asikasuhin sa sarili ko bago ko inikot ang paningin ko sa buong unit ko. Medyo magulo. Inayos ko muna ang mga nakakalat kong gamit at sininop ang higaan ko bago ko kinuha ang bag ng basura at dumiretso palabas.

Tumakbo ako papuntang sakayan at nagmamadaling naghanap ng masasakyan ngunit wala akong makitang pwedeng masakyan bukod sa nakaparadang taxi. Nilapitan ko ito at luminga-linga para hanapin kung sino ang driver kaya tinanong ko yung lalaking naninigarilyo katabi nito.

"Kuya kayo po pumapasada nito?", tanong ko habang hinihingal pa.

"Oo. Kakaparada ko lang utoy. Pagarahe na ako. Sa iba ka na lang sumakay", sabi nito sabay sumenyas na umalis na ako.

Agad akong bumalik sa gilid ng kalsada at pumara ng isa pang taxi. Nakasuwerte naman akong may napara akong isang taxi kaya agad-agad kong sinabi kung saan ako papunta. Habang nasa byahe ay biglang nag-ring ang cellphone ko.

"Hello", sagot ko sa tawag.

"Nak, nasaan ka na?", tanong sa akin ni Papa. "Bilisan mo mag-taxi ka na at ako na ang magbabayad", dugtong nito sa sinabi niya.

"Pa, nasa taxi na ako. Saka kahit hindi mo sabihin ikaw pagbabayarin ko sa pamasahe ko", sagot ko sabay tawa at biglang ibinaba ang tawag.

Matapos ang mahigit kalahating oras ng byahe ay nakarating na ako sa bahay namin na hindi ko na bahay ngayon kasi nakabukod na ako. Bumaba ako at tinawag si Papa para siya ang magbayad ng pamasahe ko at nauna na akong pumasok sa loob ng bahay. I miss this house.

Naupo muna ako para magpahinga. Masyadong nakakapagod ang byahe at saka wala pa akong almusal at lakas para tumulong sa kanila.

Habang nakaupo ako sa sofa ay padami ng padami ang mga tao sa sala na hindi ko pinapansin at nanatili akong nakasandal habang nakatingala at nakapikit. Nakikiramdam lang ako sa mga taong nagkukwentuhan sa paligid ko. Gusto kong matulog ulit. Hinayaan ko lang silang magpaikot-ikot habang nagpapahinga ako.

Biglang may narinig akong kalansing kaya napadilat ako at hinanap kung saan nanggagaling ang kalansing at doon ko nakita ang pagbagsak ng set ng mga kutsilyo sa sahig ng kusina. Ang buong akala ko ay simpleng ka-clumsyhan lang nang biglang hinigop ng sahig isa-isa ang mga kutsilyo at naglaho ang mga ito.

Inikot ng mata ko ang buong paligid kaya napansin kong kakaiba rin ang kilos ng mga tao rito. Dinig ko pa rin ang ingay ng kwentuhan nila ngunit hindi sila nagalaw o nabuka man lamang ang mga bibig kahit alam kong nagsasalita talaga sila. Sa isang iglap ay isa-isang nagkaroon ng kutsilyo sa mga dibdib nila. Tumarak ito mula likod hanggang harapan. Kitang-kita ng mga mata ko ang isa-isang pagdurugo ng mga katawan nila sa biglaang pagtusok ng matatalim na bagay sa kanilang mga katawan. Natigilan ako. Biglang tuluyang tumagil ang mga kutsilyo sa katawan nila at tumungo sa direksiyon ko dahilan para mapuno ng mga kutsilyo ang iba't ibang bahagi ng katawan ko.

*RESET*

Nagising ako sa boses ni Mama na pilit ibinabalik ang ulirat ko. Pawis na pawis ako at hingal na hingal habang umiikot ang paningin nang magkaroon ako ng malay. Inikot ko ang paningin sa paligid hanggang sa makita ko sa sahig ang nakakalat na mga kutsilyo. Napangiti ako at inawat ang mga taong unti-unting nagkukumpulan paikot sa akin.

"A-ayos lang ako h'wag niyo akong siksikin. Aakyat lang muna ako sa taas para magpahinga", mabilis kong sabi na sinundan ng dahan-dahan kong pagtayo at mabagal na paglakad papunta sa dati kong kwarto.

Pagpasok ko sa kwarto ko ay halos walang pinagbago bukod sa nawala ang marami sa mga comics, magazine at mga libro ko. Bukod doon ay halos ganoon pa rin ang ayos ng kwarto. Napaupo ako sa sahig at sumandal sa isang gilid ng kama. Tiningala ang ulo ko at isinandal sa kutson nito.

Ilang minuto akong nakatitig sa kisame hanggang sa maramdaman ko ang bigat ng mata ko kasabay ng pag-ikot ng paningin ko. Unti-unting nagdidilim ang paningin ko habang bumabagal ang pagbuga ko ng hangin. Ilang saglit pa at nawalan na ako ng malay at tuluyang nakatulog.

Muli kong iminulat ang mata ko at namalayan ko na lang na nakaupo ako sa ilalim ng isang puno. Malamig ang simoy ng hangin. Wala ang mainit na sikat ng araw. Payapa ang paligid. Maaamoy sa hangin ang mga damo at sari-saring bulaklak pati na rin ang tubig na dumadaloy sa isang ilog sa malapit.

Tumayo ako para suriin ang paligid at para libutin sana ito. Nilibot at sinuyod ng paningin ko ang buong lugar na ikinamangha ko. Maayos sana ang lahat ng biglang may mamuong maitin na ulap sa ibabaw mismo ng ulo ko na unti-unting bumalot sa buong lugar. Naging madilim ang paligid at nawala ang mga magandang tunog na pinaparinig ng kalikasan.

"Jiojan" mahina ngunit mapansindak ang tinig na tumawag sa pangalan ko. Sa tono pa lang ng kanyang pagtawag sa akin ay alam kong hindi na maganda ang nais niyang gawin. Hinanap ko ang pinanggagalingan ng boses pero mukhang ako lang ang nag-iisang tao sa lugar na ito.

"Jiojan". Muling bumalot sa buong pagkatao ko ang nakakatakot na boses. Hindi katulad ng nauna mas nadama ko ang bigat ng pagbigkas nito sa pangalan ko. Mas malapit. Mas nakakatakot. Mas hindi komportable. Gusto kong tumakbo papalayo sa boses ngunit saang direksyon?

"Jiojan". Muling pagbigkas nito sa pangalan ko at ngayon alam ko na kung nasaan nanggagaling ang boses. Sa likuran ko.

Napako ako sa kinatatayuan ko at nanginginig ang tuhod ngunit humugot ako ng lakas ng loob para harapin ang tinig na tumatawag sa akin. Maingat akong pumihit patagilid para humarap sa taong natawag sa pangalan ko. Dahan-dahan. Pilit kong inalis ang kaba ko. Pinikit ko ng mariin ang mga mata ko hanggang sa makaharap na ako ng tuluyan sa kaniya.

"Jiojan". Muli niyang tawag sa pangalan ko kasabay ng pagpulupot ng dalawa niyang kamay sa leeg ko. Madiin at mahigpit ang pagkakakapit ng sampu niyang daliri paikot sa leeg ko. Kaunting pwersa pa ang ilalagay niya at mahihirapan na akong huminga. Hindi pa rin ako namulat at ngayon ay may kaunti nang pawis na namumuo sa noo ko.

"Dumilat ka Jiojan", malakas ang tinig niya. Umalingawngaw sa buong lugar. Nakakabasag ng pandinig nakakakilabot ang lalim ng boses niya. Humigpit din ang pagkakahawak niya sa leeg ko na ikinagulat ko kaya daglian akong napamulat. Nakita ko ang wangis niya.

Nakangiti na naman siya sa akin. Matalas ang dulo ng labi niyang nakangiti na halos mapunit ang mga pisngi niya sa lawak ng pagkakangiti niya. Madilim ang mata at mabigat sa kalooban kapag nagtatagpo ang mga mata niya sa akin. Nag-umpisa akong balutin ng takot at naghabol na rin ng hininga.

Ito na ang pangalawang beses na nakita ko ang sarili kong gusto akong patayin. Parang sinasakop niya ang buo kong pagkatao. Ayaw niya akong pakawalan. Paghigpit pa rin ng pahigpit ang pagkakasakal niya sa akin. Bumabaon ang bawat kuko niya sa iba't ibang bahagi ng leeg ko. Dama ko ang hapdi ng pagbaon ng matatalas niyang kuko. Nanunuot sa leeg ko ang hapdi ng pagkakasugat na may halong init na parang sinasabuyan ng mantikang kumulo ang balat na nagsugat sa pagbaon ng kuko. Isang malakas na pagpiga sa leeg ko ay nawalan ako ng malay.

"Jio! Jiojan! Gising! Jio!", mahina ngunit dama kong pasigaw ang pagkakatawag sa akin ng boses ng isang babae.

Paunti-unti akong nakakaaninag ng maliliit na liwanag bago ako tuluyang namulat. Pinilit kong umupo at inayos ang sarili ko. Hingal na hingal ako. Pawis na pawis. Umiikot na naman muli ang paningin ko at parang masusuka ako.

"Jio, ayos ka lang?", napatingin ako sa tao sa harap ko. Pilit kong kinilala ang mukha ng taong gumising sa akin pati ng dalawa pang taong nasa likuran niya.

"L-leila!", bumalik lang ako sa ulirat nang makilala ko ang babaeng gumising sa akin. "Anong ginagawa mo rito?", tanong ko habang pinipilit ang sariling umupo ng maayos.

"Inimbitahan ako ng mama mo eh. Ang tagal niya na raw akong hindi nakikita", sabi nito sabay pinunasan ang pawis ko.

Napatingin ako sa dalawang tao pa na kasama niya. Isang babaeng may katangkaran, medyo mapayat, morena at matangos ang ilong. Ang isa naman ay lalaking may kahabaan ang buhok na may kaputian.

"T-teka ano bang nangyayari?", tanong ko at kinuha ko ang towel kay Leila at pinunasan ko ang sarili ko.

"Yun nga pinapunta nga ako ng Mama mo tapos nung hinanap kita sabi niya nandito ka raw kaya nagpasama ako kina Klaire at Lanz", sagot nito sabay umupo sa kama ko.

"Oo nga pinsan. Pagdating namin dito binabangungot ka na", sagot naman ni Klaire.

"Ano bang nangyari sayo, Jio?", dagdag na tanong ni Lanz pero hindi ko siya sinagot bagkus ay sinamaan ko lang siya ng tingin.

"Oh sige mukhang okay ka na, babalik na kami sa baba", biglang sabi ni Klaire at hinatak niyang palabas si Lanz.

Hinatak ni Leila ang kamay ko pagkalabas pa lang nila Klaire at Lanz. Nagulat ako kaya hinatak ko pabalik yung kamay ko. Dahilan para mahatak at masira ang bracelet na binigay niya sa akin bilang lucky charm.

"Ay sorry Jio", mahinang sabi ni Leila.

"Hindi, ayos lang. Ako yung dapat mag-sorry. Binigay mo pa man din ito sa akin", napayuko na lang ako at dinampot ang sirang bracelet. "Sayang naman ito", at siniyasat ko kung pwede pang ayusin ang nasirang bracelet.

"Kumatok ka na ba?", itinuro niya ang study table ko.

"Hindi pa", agad naman akong tumayo at dumako sa study table ko sabay katok dito at naupo sa upuan na nakalagay sa tabi nito.

Nilapag ko ang bracelet sa lamesa kasama ng relo at ng maliit na bag na dala ko. Inilabas ko mula sa bag ang diary ko at tinignan si leila.

"Buti nahanap mo pa yan", sabi niya habang salitang tinitignan ang mukha ko at ang diary na hawak-hawak ko.

"Oo. Halos tatlong araw ko na ito binabasa", sagot ko at dagliang binuksan ang diary na hawak ko.

"Patingin nga", sabay lahad ng kamay niya sa harapan ko at binigay ko rin naman agad ang diary ko sa kanya.

Sinubsob ko ang ulo ko sa study table habang hinahayaan ko lang siyang basahin ang diary ko. Nakiramdam lang ako sa kanya habang pinananatili ang sariling nakasubsob sa mesa at mahinang nakanta para libangin ng kaunti ang sarili. Napatayo kami nang bigla kaming may narinig na malakas na tunog.