Chereads / Katok (Knock On Wood) / Chapter 13 - Twelve

Chapter 13 - Twelve

"Leila! H'wag kang magpaloko, hindi ako iyang kausap mo", hinugot ko ang lahat ng lakas ko para isagaw ang mga salitang iyon pero mukhang hindi ako naririnig ni Leila. Mukhang dalawa lang kaming nakakaalam kung ano ang mga sinigaw ko para babalaan si Leila.

"Kaya mo pa ba, Jio?", tanong sa akin ni Leila habang inaayos ang mga gamit na ipinanglinis niya ng sahig.

"Kaya ko pa. Ayos lang ako", sagot naman ng isa pang ako.

"Sigurado ka? Kung hindi mo pa kaya sa susunod na lang natin puntahan yung nagbebenta ng charms", madarama ng kahit sino ang pag-aalala sa boses ni Leila.

"Hindi. Pupunta tayo doon. Kailangan nating pumunta doon", nagulat ako sa pamimilit niyang pumunta sa lugar na sinabi ni Leila. Hindi ko inaasahan na itutuloy niya pa rin ang pagpunta kahit na alam niyang maaaring mawala ang kontrol niya sa katawan ko.

"Sige, Jio, ikaw ang bahala. Pero maglinis ka muna ng katawan mo", sabi nito.

"O sige. Mabilis lang 'to"

Tumayo agad ako, o kami, sabay pumuntang banyo para maglinis ng katawan. Tumigil ang katawan ko sa tapat ng salamin sabay inilatag muli sa mukha ko ang nakakikilabot na ngiting iyon. Gaya ng una ay nanghihina pa rin ang tuhod ko sa tuwing makikita ko ang mga ngiting iyon sa sarili kong mukha.

Hindi na nagsalita ang isa ko pang sarili bagkus ay nagpatuloy siya sa paglilinis ng katawan. Ngayon lang ako nakaramdam ng pagkailang sa sarili kong katawan para bagang hindi ko na pagmamay-ari ang katawang taglay ko. Lalo na ngayong alam kong may kahati ako sa paggamit nito. Hindi ako nag-iisa.

Pinilit kong pakalmahin ang sarili ko at sumabay lang sa agos ng mga pangyayari at hintayin ang mga susunod na gagawin ng isa pang ako. Hindi ko alam kung ano talaga ang plano nito ngunit kailangan kong maghanda. Ano pa nga bang magagawa ko kung nakakulong ako sa loob ng sarili kong katawan. Ni hindi ko nga magalaw ni isang daliri ko ngayong nandito lang ako sa loob kahit na nakikita at nararamdaman ko ang ginagawa ng katawan ko sa labas.

Mabilis kaming natapos sa paglilinis ng katawan kaya lumabas na kami sa banyo. Mabilis din kaming nakapagbihis kaya naupo na kami sa isang upuan habang hinahantay na matapos si Leila sa pagliligpit ng mga gamit na ginamit niya sa paglilinis. Agad siyang naglinis ng kamay saka umupo sa upuan sa tapat ko.

"Pasensiya ka na sa abala, Lei"

"Wala iyon, Jio"

"Ano tara na? Alis na tayo?"

"Sige. Kaya mo naman na siguro"

Alam kong may nararamdaman na kakaiba sa akin si Leila ngunit wala siyang lakas ng loob para itanong kaya nagiging normal na lang ang pakikitungo niya sa akin. Kahit na hindi nagbabago ang pakikitungo niya sa akin ay kitang-kita ko sa mga mata niya ang pagtataka sa akin. Kahit papaano ay nagkaroon ako ng pag-asang may isang taong makakapansin ng mas matinding problemang hinaharap ko ngayon higit pa sa mga naunang pangyayari.

Kailangan kong umisip ng paraan para makipag-ugnayan sa kaniya kahit na ganito ang estado ko ngayon. Isang paraan na kahit ang isa pang ako ay hindi mapapansin. Pero sa ngayon kailangan ko lang manatiling kalmado at tahimik at maghantay ng pagkakataong maangking muli ang katawan ko.

Mabilis ang mga pangyayari, habang nag-iisip ako ay namalayan ko na lang na naglalakad na kami ni Leila palabas ng building para puntahan yung taong binabanggit niya. Maaaring makatulong siya sa akin pero maaari rin namang hindi. Anuman ang kahihinatnan ay kailangan naming sumugal. Kailangan naming magkaroon ng pag-asa sa taong iyon.

Umabot din ng halos isang oras ang binyahe namin papunta sa lugar na sinasabi ni Leila. Ni hindi ko nga namalayang nagpalit na kami ng sinakyan mula sa bus, ngayon ay pababa na kami sa isang jeep sa mismong tapat ng pwesto ng taong tinutukoy niya. Nakalatag sa isang maliit na lamesang yari sa kahoy ang iba't ibang uri ng bracelet, kwintas, singsing at mga "pampasuwerte" na maayos na nakasalansan. Mainam kaming tumayo sa harapan ng babaeng nagtitinda ng mga tinuturing ng maraming pampaswerte. Kahit na nakatayo kami ng halos tatlong minuto na sa harapan niya ay hindi man lang niya iniangat ang kaniyang ulo para silipin ang mga taong nakatayo sa harapan niya. Tila hindi niya kami nakikitao mas akmang sabihin na hindi niya kami gustong pansinin kaya nanatili siyang nakayuko at kunwari pang iniaayos ang pagkakapwesto ng mga paninda niya. Doon na nag-umpisang magsalita si Leila para ipaalam sa kanyang may mahalaga kaming dahilan sa pagpunta sa lugar na ito. "Madam nandito na kami. Akala ko ba pinag-usapan na natin ito", malumanay siyang nagsalita ngunit tiningnan lang siya nito bilang tugon.

Tinitigan akoo kaming babaeng nakaupo bago siya nagsalita. "Sigurado ka bang siya ang gusto mong makaharap ko? Baka niloloko ka lang ng paningin mo". Malinaw ang pagkakasabi niya ng mga salitang iyon, higit na malinaw sa sinomang maaari pang magsabi noon. Alam ko iyon, alam naming dalawa ng isa ko pang sarili, pero nanatili kaming walang imik at hinayaan naming sumagot si Leila. Nasa kaniya pa rin naman ang sagot, dito rin namin malalaman kung talagang alam niya ang mga nangyayari pero hindi niya nasabi ang inaasahan naming marinig.

"Siya nga po. Yung sinabi ko sa inyo noong nakaraan", makikita sa mukha niya ang kaunting ilang pati na rin ang takot sa babaeng nakatitig sa amin. Hindi ganoon katalas ang tingin ng babae kay Leila kumpara sa tingin niya sa amin. Tila alam niyang hindi lang iisang lalaki ang nakatayo sa harap niya kundi dalawa kami, nga lang hindi iyon ang makikita mo kung sa labas na anyo ka titingin.

"Sumunod kayo sa akin."

"Sige po."

"Jimboy! Hali ka at ikaw muna ang magbantay ng paninda ko", tawag nito sa bata sa kabilang kanto na naglalako ng sampaguita. Makikita sa payat at itim nitong katawan kung gaano na niya katagal ginagawa ang paglalako ng sampaguita. Agad namang tumawid ang bata sa kalsada para pumuwesto sa lamesa kung saan nakaupo ang babae. "Bantayan mo iyan ha. Kakausapin ko lang itong dalawang ito", mahinahon pa rin kung magsalita ang babae ngunit madadama ng kahit sino ang awtoridad sa boses nito. Tila nakakubli sa mahinahon niyang mga tinig ang isang malakas na nilalang sa kabila ng maayos na hitsura nito.

"Sino ba sila ate Mae? Costumer mo?"

"Parang gano'n. Basta diyan ka muna ha?", agad na lumakad palayo ang babae papasok sa isang eskinita. Wala naman kaming ibang pwedeng gawin kundi ang sumunod sa kung saan man siya patungo. Mahirap malaman kung saan kami papunta lalo na't habang nagpapatuloy kami sa paglalakad ay lalong nagiging madilim ang dinadaanan namin at pasikip pa ng pasikip ang mga daan. Hindi naman na bago sa akin ang mga ganitong bagay dahil hindi naman ako nanggaling sa mayamang pamilya. Pero magkagayunpaman ay hindi ko maalis sa akin ang kakaibang pakiramdam na parang kailangan kong maghanda sa kung ano mang maaaring mangyari sa mga ganitong lugar.

Narating namin ang isang sulok ng eskinitang kanina lang ay binabaybay namin. Ngayon ay nakatayo kami sa pintuang yari sa yero at tagpi-tagping mga kahoy na may kupas na pintura na ginawang palatandaan. Sa hitsura pa lang ng paligid ay malalaman mo nang iilan pa lang ang nakapupunta rito lalo na't tagung-tago ang lugar na ito. Bigla ko na lang narinig ang pagkalansing ng kadena na hawak ng babae na tinawag kanina ng bata sa pangalang Mae. Nagbigay ng kakaibang pakiramdam sa akin ang paraan kung paano tumunog ang kadenang iyon. Kahit na alam kong kumakalansing iyon dahil pinipilit niyang kunin ang kandado na nakakabit dito para mabuksan ang pinto ay hindi ko maalis sa akin ang mabigat na pakiramdam ng mga matang tila ay nagmamasid sa amin kanina pa.

Isang putok... Dalawang putok... Tatlong putok... Apat na putok...

Sunod-sunod kong narinig ang mga putok ng baril na umalingawngaw sa maliit na espasyong kinatatayuan namin ngayon. Inikot ko ang paningin ko sa paligid para hanapin ang pinanggagalingan ng putok. Hindi ko mahanap. Marahil ay hindi nga putok ng baril ang narinig ko. Hindi ko na sana balak pang pansinin iyon pero bigla na lang nanakit ang dibdib ko maging ang iba pang bahagi ng aking katawan. "Nangyari na naman ba? Bakit ngayon pa?". Tanong ko sa sarili ko pero kahit wala akong inaasahang sagot ay may tumugon sa akin.

"Ano pa bang inaasahan mo? Mag-enjoy ka muna habang nag-uusap kami"

"Itigil mo na 'to"

"Para namang pagbibigyan kita"

"Tama na!". Sa maikling panahon ng pag-uusap namin ay naramdaman ko lalo ang pagkagalit niya sa akin. Ni hindi ko masasabing galit lang iyon. Mas matindi pa iyon sa galit, mas malalim, mas nakakatakot. Poot. Pagkamuhi. Pagkasuklam. Hindi maihahambing sa mga salitang ito kung ano ang nararamdaman niya sa akin. Alam ko iyon. Alam ko kung gaano kalalim ang galit niya. Higit sa kahit kanino ako ang dapat makaalam.

Hindi ko inalis ang pansin ko sa labas ng lugar kung nasaan man ako ngayon. Ramdam ko pa rin ang sakit ng pagtagos ng mga bala sa katawan ko ngunit tinitiis kong wag itong indahin at ang pagtuunan ko ng pansin ay ang labas na mundo kung saan ang isa ko pang pagkatao ay kumokontrol sa katawan ko. Kailangan kong bantayan ang mga kilos niya nang sa gayon ay maiwasan ko ang anumang pagkakamalisa pagsasalita man o sa gawa para hindi mapansin ng ibang tao ang pagbabago sa akin. Sa ngayon, wala pa akong balak aminin kung ano ang nangyayari sa akin sa kanino mang tao, lalo na kay Leila. Ayaw kong mag-alala ang iba sa kalagayan ko kaya mas pinipili kong labanan ang mga ito gamit ang sarili kong lakas at walang tulong na galing sa ibang tao.

Pumasok sila sa loob ng pintuan at bumungad sa mga mata ko ang iba't ibang klase ng ilaw, iba-iba ang kulay at hugis ng mga ito, may mga kakaiba ring mga pigura ang nagkalat sa lugar na ito na nagbibigay ng sensasyon na lungga ito ng isang taong may kaalaman sa itim na mahikasa madaling salita, mga mangkukulam. Hindi ganoon kalakas ang liwanag na nanggagaling sa mga ilaw kaya hindi mo makikita ang buong kwarto, tanging ang mga bagay lang na naka-display ang makakapukaw ng pansin mo at wala nang iba. Sa gitna ng kwarto ay may pabilog na lamesa na may mahabang kulay violet na tela na tumataklob sa mismong lamesa, nakapalibot dito ang mga upuang may ukit ng mga hayop tulad ng buwitre, uwak, kambing, paniki, pusa at asopero mas maihahalintulad ito sa lobo kaysa aso. Sa gitna ng lamesa ay may nakapatong na maliit na libro na may nakasulat na kung anong lenggwahe na hindi ko pa nakita noon. Sa libro ay may naka-drawing na araw na may mukha, kalahati lang dito ang araw at ang kalahati ay buwan. Bukod sa mga ito ay wala nang iba pang kapansin-pansin sa buong lugar, itong mga bagay lang ang unang pupukaw sa atensyon ng sinumang papasok sa lugar na ito.

Naupo kaming tatloo apatsa paligid ng lamesa, magkatabi kami ni Leila habang nasa kabilang bahagi naman ng lamesa ang babae na nagdala sa amin sa lugar na ito. Walang nagsasalita at kapwa nagpapalitan ng tingin ang bawat isa sa amin. Ilang beses kong napansin na yumuko si Leila at tumingin sa suot niya na tila ba may inaayos sa sarili saka muling titingin sa babaeng kaharap naminna kung hindi ako nagkakamali ay nagngangalang Mae.

"Ano ba ang talagang pakay niyo sa pagpunta niyo dito?", mahina ang boses ni Mae pero madadama ang mabigat na pakiramdam sa pagsasalita niya pa lang. "Siguro naman importante ang pakay niyo at sinadya niyo pa ako dito. Sana naman hindi niyo sasayangin ang oras ko dahil may negosyo akong kailangang bantayan."

"Ah... Kasi...", hindi makuha ni Leila ang mga salitang gusto niyang sabihin.

"Importante po talaga. Tungkol ito sa akin", nagulat ako sa biglang pagsasalita ng isa ko pang katauhan. Wala akong magawa para pigilan siya sa pangingialam lalo na sa estado ko ngayon. "Alam ko pong may kaunti na kayong kaalaman tungkol sa kalagayan ko. Gusto ko po sanang marinig ang opinyon niyo", wala na akong ibang magagawa kundi ang hintayin ang mga susunod na mangyayari dahil hindi pa rin nawawala ang sakit ng pagtagos ng mga bala sa katawan ko.

"Bago iyon, gusto kong marinig ang buong kwento mo", hindi nagbabago ang ekspresyon sa mukha ni Mae.

"Nagsimula po ito ilang taon na rin ang nakalipas", nag-umpisang magkwento ang isa pang ako sa malumanay na tono. "May pagkakataon po kasing may maiisip ako na mga bagay na masama ngunit posibleng mangyari, maaaring aksidente o krimen, na sa tingin ko po ay pangitain pero kahit gaano katagal ko pa pong maghintay ay hindi nangyayari iyon. Sa isip ko parang totoo. Dama ko yung sakit. Yung paligid. Tuwing gagalaw ako alam ko sa sarili kong gumalaw ako pero bigla na lang akong magigising na nakatulala at nanginginig, minsan pawisan pa, pero hindi pala totoo yung mga nangyari. Lahat nasa isip ko lang. Pero para sa akin nangyari talaga iyon."

"Sinasabi mo na nakakakita ka ng pangitain pero hindi nagkakatotoo?"

"Hindi sa ganoon. Nakaka-experience. Nakaka-experience ako ng mga bagay na parang totoo, pero mamamalayan ko na lang na hindi pala totoo."

"Ahhh. Ibig sabihin naiisip mo lang iyon?"

"Hindi po sa isip lang. Sigurado ako. Nararamdaman ko lahat. Pati yung sakit. Halimbawa, habang nakatulala ako sa kawalan, biglang may tatama sa aking sibat tapos tatagos sa katawan ko. Hindi ko lang iyon basta nakita. Pati yung pagtagos ng sibat sa katawan ko, nararamdaman ko. Yung sakit. Yung hapdi. Yung pagtagas ng dugo. Lahat iyon totoo. Pero bigla na lang akong makakaramdam na parang may naputol na sinulid saka lang ako babalik sa ulirat tapos mamalayan ko na wala na yung sibat, pati yung dugo."

"Kakaiba ang kaso mo."

"Kaso? Iniisip niyo ba na sakit ito? O epekto ng kulam? O may sumpa sa akin? Yun po ba?", kahit hindi lumalabas sa mukha ko ay dama ang galit sa boses ko. Magaling magpanggap ang taong pumalit sa katayuan ko. Alam niya kung paano ako dapat mag-react sa ganitong situwasyon. Gaya ng ginawa niya ay pananatilihin ko ring kalmado ang hitsura ko pero mamamalas sa boses ko ang galit at pagkainis.

"May posibilidad. Kaya ka nga nandito hindi ba? Dahil sa tingin mo ay ganoon din talaga ang nangyayari sa'yo", tanong nito

"Gusto ko lang po malaman ang opinyon mo."

"Gaano kadalas itong nangyayari sa'yo?"

"Gaano kadalas? Palagi. Kada araw. Hindi tumitigil magpakita sa akin yung mga nakakasuka at nakakakilabot na pangyayari hangga't hindi ko kinakatok ang kahoy", mas mataas na kumpara sa normal kong boses ang tunog na nalabas mula sa bibig ko.

"Hindi ko alam kung anong dapat kong maging reaksyon sa kwento mo pero gusto ko ring malaman mo na hindi lang ikaw ang may kakaibang karanasan. Marami sa paligid. Nagkalat. Kahit sino pwedeng magkaroon ng kakaibang karanasan" sa pananalita niya ngayon ay mas lalong tumindi ang bigat na naibibigay niya sa tuwing magsasalita siya. "Hayaan mo rin akong magkuwento bago ako magbigay ng opinyon."

"Sige po."

Binigyan niya kaming dalawa ni Leila ng kakaibang tingin bago siya tumingin sa malayo at nagsalita. "Nagsimula rin akong makaramdamo mas tamang sabihin na makakita ng kakaibang mga bagay noong nasa kalagitnaan ako ng elementarya. Bata pa ako noon at mahilig sa laro, masyado pa akong musmos para sa kakaibang biyaya na binigay sa akin", may panginginig sa boses ni Mae pero hindi siya tumitigil sa pagsasalita. "Matatakutin ako noon. Gaya ng isang tipikal na bata, mabilis akong maniwala sa mga bagay na naririnig ko lang, kahit na walang magandang paliwanag kung bakit nangyayari ang mga bagay na iyon, agad akong naniniwala. Isang araw habang nagbubungkal kami ng lupa sa likod ng building ng school namin, kami ng mga kaklase ko, ako at ang dalawa ko pang kaklase na babae, may nakita akong isang matandang lalaki na nakabihis gaya ng mga janitor sa school", nagsimula nang magtayuan ang balahibo ko sa pakikinig pa lang sa kwento ni Mae. "Habang abala sa pagbubungkal ang dalawa ko pang kasama ay biglang napasigaw ako sa nakita ko. Ang matandang lalaki na janitor sa school kung saan ako nag-aaral ay nakita kong walang ulo. Dahil dito, napasigaw ako ng malakas at napatakbo pabalik ng classroom. Umiiyak ako buong araw na iyon."

"Tapos, ano pong nangyari", sa wakas at narinig ko ring nagsalita si Leila. Halata sa mukha niya na kinikilabutan siya sa kwento at parang mapapasigaw na ng malakas oras na gulatin mo ito.

"Kinabukasan, nabalitaan na lang namin na namatay yung matandang lalaki, nasagaan yung matanda habang pauwi siya", sumandal sa kinauupuan niya si Mae. "Doon ko lang nalaman noong araw rin na iyon na isang pangitain pala na nakita ko siyang walang ulo bago siya maaksidente."

"Nakakatakot. Pero ibig sabihin po ba noon may pagkakahawig kayo ni Jiojan, Madam?"

"Normal na matakot ka. Natatakot tayong mga tao sa mga bagay na kakaiba sa paningin at paniniwala natin. Tungkol naman sa tanong mo, mayroon ngang pagkakahawig pero malaki rin ang pagkakaiba."

"Ano pong ibig niyong sabihin sa 'malaki ang pagkakaiba'?"

"Ang mga nangyayari sa kanya ay nagbibigay sa kanya ng takot habang ang sa akin naman ay nagbibigay sa akin ng mabigat na responsibilidad."

"Responsibilidad? Sa ganoon lang?"

"Oo. Dahil ang nangyayari sa'yo ay pawang mga posibilidad habang ang sa akin ay isang babala. Nakasalalay ang buhay ng tao sa tuwing makikita ko na wala silang ulo", lumakas ang boses niya, may kaunting pagkainis na mababakas sa tono niyang iyon.

"So, sa tingin niyo po anong dahilan at nakikita ko ang mga bagay na ito?", hindi ko inaasahan na itatatanong niya iyon, ng isa pang ako, kay Mae. Tila ba gusto niya ring malaman ang kasagutan, marahil hindi niya rin alam kung bakit nangyayari sa amin ito.

"Kadalasan ay nangyayari ang mga ganitong bagay sa tuwing may tradhedyang naganap sa atin noon. Gaya ng kung paano nagbubukas ang third-eye ay maaaring nangyayari rin ito dahil sa mga naranasan nating trahedya noon.", paliwanag ni Mae.

Bumigat ang dibdib ko sa mga sinabi niya. Pakiramdam ko ay may isang bagay akong nakalimutano mas tamang sabihin na kinalimutan. May isang bagay akong hindi maalalao ayaw maalala. Hindi ako makararamdam ng ganitong bigat sa dibdib ko kung hindi ako guilty sa posibilidad na may trahedyang naganap sa buhay ko na maaaring sanhi ng mga nangyayati ngayon.

Sa gilid ng paningin ko, naaaninag ko ang gulat na reaksiyon ni Leila. Nakatingin lang siya sa lamesa at tila alam niya kung anong maaaring sanhi ng mga nangyayari, siguro pati siya ay gustong ibaon sa limot ang pangyayaring iyon. Lalong sumikip ang dibdib ko, ang kaninang sakit na nararamdaman ko sa pagtagos sa akin ng mga bala ay tinabunan ng mabigat na pakiramdam na dahilan ng pagsikip ng dibdib ko. Mas mahirap itong balewalain kumpara sa pisikal na sakit na dulot ng mga kakaibang pangyayari na nangyari sa akin. Mas nakakatakot pa kaysa sa posibilidad na maaaring totoo ang mga nakikita kong kahindik-hindik na pangyayari. Nagpadagdag pa sa takot na nararamdaman ko ang katotohanan na hindi ko maalala kung ano ang trahedyang naganap noon. May kaunti akong ideya sa kung ano iyon pero hindi ko maalala kung ano ang eksaktong nangyari. Hindi na ako nakapagsalita. Maging ang isa pang ako ay hindi na nagsalita, tila binabasa niya ang nasa isip ko at naghahanap din ng kasagutan.

Sa napakahabang katahimikang iyon nagtapos ang pag-uusap namin ni Mae. Umalis din kaagad kami ni Leila makalipas ang halos kinse minuto ng katahimikan.