Chereads / Katok (Knock On Wood) / Chapter 14 - Thirteen

Chapter 14 - Thirteen

Habang naglalakad kami ni Leila pabalik sa aprtment ko ay paulit-ulit na natakbo sa isip ko ang sinabi ni Mae sa amin. Pareho pero may pagkakaiba, ganyan ang paghahambing niya sa mga nangyayari sa aming dalawa. Sa mga bagay na hindi maipaliwanag. Mga bagay na bihira maranasan ng mga tao na nararanasan namin.

Kakaiba ba kami? Natatangi? Espesyal? Ano ang tawag sa amin? Bakit kami pa ang nagkaroon ng ganitong kakayahankung matatawag mang kakayahan ang mga nangyayaring ito. Anong dahilan? Gusto kong hanapin ang sagot pero wala pa ring napasok sa utak ko na sagot. Wala akong maisip.

"Walang paliwanag." Umalingawngaw ang boses ng isa pang ako. "Walang dapat ibigay na paliwanag. Nangyari sa iyo ito dahil nandito ako. Gano'n lang kasimple." Sa pagkakataong ito ay nakaramdam ako ng kakaibang sensasyon mula sa mga salitang sinabi niya. Tila may nakatagong mensahe sa bawat salita na kailangan kong alamin.

"Anong ibig mong sabihin?" Nagkaroon ako ng lakas ng loob para magtanong. "Ipaliwanag mo sa akin."

"Nandito ako kaya nangyari sa iyo ito. Yun lang." Malinaw ang pagkakasabi niya nito ngunit hindi ko maintindihan kung ano ang ibig niyang sabihinkung ano ang kahulugan nito.

"A-ano?" Mahina kong sabi na ginantihan niya lang ng isang ungot.

Umikot ang paligid ko, lumalabo ang lahat ng bagay, nag-iiba ang hitsura ng mga tao sa paligid. Sa kaunting paggalaw lang na gagawin ko ay naramdaman ko ang mabagal na pagkawala ng sarili kong lakas, nanghihina ako. Sinusubukan kong alisin ang atensiyon ko sa mga bagay sa paligid at binabaling ito sa aking sarili nang sa gayon ay malaman ko ang totoong nangyayari sa akin.

Iniangat ko ang ulo ko na agad ko rin namang pinagsisihan. Tumambad sa paningin ko ang ibang mundo. May pagkakahawig sa mundong ginagalawan ng katawan ko ngunit mas nakakikilabot ang hitsura ng mundong ito kung nasaan ako ngayon. Nagkalat ang mga taong may kakaibang wangis. Mga taong nabubulok ang iba't ibang parte ng katawan, mga batang may mukha ng daga, mga taong butiki na kinakain ang sarili nitong mga buntot. Kakaiba sa pakiramdam ang lugar na ito dahil tila nakita ko na ito noon, hindi ko lang alam kung saan, hindi ko lang matandaan kung saan.

Naglakad ako sa isang kanto kung saan may nanggagaling na mga kakaibang ingay habang mayroong naagos na dugo sa kalsada. Mapagkakamalian nang sapa ng dugo ang lugar na iyon sa sobrang dami ng dugong nagkalat na talagang babasa sa buo mong talampakan oras na madampi mo ito rito. Iniangat ko ang aking paningin sa pinanggagalingan ng mga kakaiba at malalakas na ingay na siya namang naging dahilan para bumagsak ako sa kinatatayuan ko. Tumambad sa akin ang mga napakatatabang tao na nakasuot ng kulay bughaw na uniporme na nakasabit sa mga bakal na kalawit, nakatusok sa mga bibig nila ang mga bakal na kalawit animo'y mga baboy ang mga ito na anumang oras ay maaari nang katayin. Puno ng hiwa ang mga katawan ng mga ito at may natagas na dugo mula sa mga bibig nila, ang iba pa ay may tapyas ang ilang bahagi ng katawan na tila kinuhaan ng kaunting laman dahilan para lumitaw ang ilang mga buto sa katawan nila. Sa kanila nanggagaling ang mga tunog, mga hiyaw ng mga taong namimilipit sa sakit, mga hiyaw ng mga taong humihingi ng tulong. Sa gitna ng kumpol ng mga lalaking iyon ay may isang lobo na may kung anong parasitiko ang nakakulong, isang maliit at kulay apdo na nilalang na nakabalot sa tila gomang supot na bilog. Ang mga eksenang ito na tumambad sa aking paningin ang naging dahilan ng pagbaliktad ng sikmura ko. Sigurado akong sinumang tao ang makakita sa eksenang ito ay hindi makakayang sikmurain ang nakakasukang pangyayaring ito.

*RESET*

Nagising ako pasado ala-una ng madaling araw na pawis na pawis at naghahabol ng hininga. Agad akong tumakbo papunta ng banyo para sumuka, hanggang ngayon ay sariwa pa sa isip ko ang nakakakilabot na eksenang iyon tungkol sa mga matatabang lalaki sa asul na uniporme. Sa sobrang nakakasuka ng pangyayaring iyon ay idinuwal ko ang lahat ng laman ng sikmura ko hanggang sa puro tubig na lang ang lumalabas.

Napaupo ako sa sahig ng banyo at isinandal ko ang kaliwang bahagi ng ulo ko sa pader malapit sa akin. Hanggang sa pagkakataong ito ay naghahabol pa rin ako ng hininga. Hinihingal pa rin ako sa mga nasaksihan ng mga mata ko. Kahit na inaantok pa ay hindi ko magawang isara ang talukap ngmata ko dahil sa tuwing isasara ko ito ay bumabalik sa akin ang mga bagay na naging dahilan ng pagsuka ko. Naubusan na ko ng lakas. Pakiramdam ko anumang oras ay babagsak na ang katawan ko. Gusto ko nang mawala ang mga bagay na bigla-biglang nangyayari sa harapan ko.

Napalingon ako dahil may narinig akong tunog na tila may pumihit sa doorknob ng banyo ko. Tahimik lang akong nakatitig dito habang hinihintay kung may magbubukas ba ng pinto. Nakiramdam ako sa paligid, pinananatiling alerto ang katawan at madiin na tumkngin sa doorknob na parang matatanggal na sa papalakas na pagpihit ng sinumang nasa labas. Kasunod nito ay ilang malalakas na katok ang ginawa ng taong nasa labas bago sumigaw na agad ikinapanatag ng loob ko.

"Jio! Nandiyan ka ba?" Malakas na sabi ni Arthur kaya agad akong tumayo para buksan ang pintuan.

"I-ikaw pala Art." Matamlay kong sabi.

"Oh anong nangyari sa'yo?"

"Wala, wala. Bakit ka nandito?" Tanong ko sa kaniya.

Mariin siyang tumingin sa mukha ko bago niya sinagot ang tanong ko. "Tinawagan ako ni Leila. Bigla ka daw nawalan ng malay habang paakyat kayo dito sa apartment mo. Mabuti na lang daw at may tumulong sa kanyang ipasok ka dito." Sagot nito. "Nga pala. Ito, binigay niya sa akin." Dugtong nito sabay abot sa akin ng susi na ginamit niya para makapasok sa apartment ko.

"Salamat, Art. Ayos na 'ko h'wag kang mag-alala. Medyo gumaan na pakiramdam ko kasi nakasuka na 'ko."

"Eh nandito na rin lang ako dito na ako matutulog."

"Ikaw bahala."

Agad akong bumalik sa kwarto ko at nahiga sa kama ko habang si Arthur naman ay naghahanda ng matutulugan niya sa sahig. Mabuti na lang at may sobra akong comforter na pwede niyang isapin sa sahig para matulugan. Kailan ba yung huling beses na nag-overnight sa kwarto ko si Arthur? Hindi ko na maalala. Matagal na kaming magkaibigan pero matagal na rin kaming hindi nagkakasama mula nang nag-graduate kami noong college.

Habang hinahantay ko siyang matapos na maglatag ng matutulugan niya ay tahimik lang akong nakatitig sa kisame. Dama ko pa rin ang sakit ng sikmura ko mula sa pagsuka. Pakiramdam ko ay namaga na ang loob ng tyan ko. Medyo natuyo na rin ang pawis na kanina ay bumabalot sa buo kong katawan. Medyo nanlalabo pa ang paningin ko hindi ko matukoy kung dahil ba sa sama ng pakiramdam ko o dahil kagigising ko pa lang.

"Art, kung sakaling may magbago sa mga kilos ko ikaw na munang bahala kay Leila." Hindi ko na namalayan na bigla lang akong nagsalita. Alam ko kung anong ibig kong sabihin sa mga salitang sinabi ko. "Hindi ko muna ipapaliwanag kung bakit pero sana gawin mo iyon." Dugtong ko pa rito. Malamang ay hindi rin naiintindihan ni Arthur kung anong nais kong ipahiwatig. Gusto kong ipaliwanag sa kanya ang mga tumitindi pang mga pangyayari na nagaganap sa akin pero alam ko ring hindi ito ang tamang panahon. Kailangan kong tumiyempo, kailangan din na mapansin ni Arthur ang kaunting pagbabago sa kilos ko bago niya malaman ang katotohanan. "Kung maaari lagi kang sumama tuwing malalaman mong may pupuntahan kami." Pagtatapos ko sa mga sinabi ko.

"May koneksiyon ba yan sa mga nakikita mo?" Tanging tanong lang ang ginawa niya. Mabilis makabasa ng sitwasyon si Arthur dahil na rin siguro sa matagal na niya akong kilala kaya alam niyang may mali kapag nagsalita na ako ng gaya ng ganitong mga bagay. Sa maraming pagkakataon ay nailigtas ako ni Arthur dahil sa ugali niyang ito. Masasabing malayo talaga ang agwat ng mga pag-iisip namin. Madalas ay nagsasanhi ako ng gulo dahil sa padalos-dalos kong pananalita habang siya naman ay maingat sa mga galaw at sa unang tingin niya pa lang sa sitwasyon ay madali niyang mahihinuha kung anong nangyari. Sa ganitong mga pagkakataon ko siya hinahangaan.

"Oo. Meron."

"Edi sige. Gagawin ko yan. Sa ngayon, kailangan ko lang mag-obserba 'di ba?" Tumingin siya sa akin na may mga seryosong mga mata, hindi siya humihingi ng permiso kundi sinasabi niya sa akin na gagawin niya ang lahat para maging maayos ang mga bagay.

"Salamat, Art." Baling ko sa kanya.

"Oh siya, matulog na tayo." Sabi nito bago tumayo at pinatay ang ilaw saka humiga sa nilatag niyang comforter.

Nanatili akong nakatitig sa kisame habang pilit na inaaliw ang sarili ko para makabalik ulit sa pagtulog. Nanatili akong nakahilata ng maayos. Nakalapat ang likod sa kama, marahang nakalatag ang dalawa kong braso at mga binti sa higaan. May mga pagkakataong nakakaramdam ako ng pangangati sa iba't ibang bahagi ng katawan ko ngunit pinipili kong hindi ito pansinin dahil sa ayaw kong umalis sa komportableng pwestong kinalalagyan ko ngayon. Mahigit dalawampung minuto rin akong nanatili sa ganitong kalagayan nang biglang makaramdam ako ng bigat sa dibdib ko na dahilan para mahirapan ako sa paghinga na tila nilubog ako sa tubig. Sumikip ang dibdib ko at nakaramdam ako ng init sa mukha ko na parang hinilamusan ako ng maligamgam na tubig mula sa leeg paakyat sa bumbunan ko. Ilang saglit ang lumipas at nakita ko na lang ang sarili ko sa napakadilim na lugar na may kulay puting sahig na tanging pinagmumulan ng kaunting liwanag.

"Bakit ka nandito?" Isang pamilyar na boses ang narinig ko sa likuran ko. Kilalang-kilala ko na kung sino ang nagmamay-ari ng boses na ito. Wala na sigurong ibang tao na talagang nagbigay sa akin ng takot kundi ang taong ito. Sino ba namang hindi matatakot sa taong kilalang-kilala ka, isang taong alal lahat ng tinatago mo, isang taong hindi mo matatakasan, isang taong kahit lubos mong kinamumuhian ay hindi mo gugustuhing mawala.

Nilingon ko ang pinanggagalingan ng boses at nakita ko ang isa ko pang sarili na nakaupo sa sahig. Gaya ng dati ay mayroon pa rin itong malamig na tingin na punong-puno ng galit sa akin at nakakatakot na mga ngiti na humahati sa ibaba at itaas na parte ng mukha nito. "P-paanong..." Hindi ko magawang ituloy ang sasabihin ko dahil sa sobrang takot at pagtataka. Paano nga ba ako napunta sa lugar na ito.

"Hindi mo rin alam kung paano ka napunta rito?" Nawala ang ngiti sa mukha nito at bumalik sa pagtikom ang mga labi nito habang dahan-dahang tumatayo mula sa pagkakaupo niya sa sahig. "Nandito ka na rin lang, lilibangin na kita." Dahan-dahan itong lumapit sa akin. Sa kada paghakbang niya palapit ay sa akin ay siya namang pag-atras ko mula sa kinatatayuan ko. "Anong problema? Maglalaro lang tayo." Mas bumilis ang paghakbang niya kaya binilisan ko rin ang pag-atras ko dahilan para mapatid ko ang sarili ko at bumagsak ako sa sahig.

"Lumayo ka!" Sigaw ko habang pagapang na umaatras.

"Nawala na ba ang pagkalalaki mo at ganyan na lang ang takot mo sa akin? Kailan mo ba matututuhang harapin ang takot mo?" Tanong nito pagkatapos niyang tumigil sa harapan ko. "Lagi na lang bang ako ang haharap sa mga bagay na kinatatakutan mong mangyari?" Wala akong masagot sa mga tanong niya. Sa isang banda ay tama ang mga sinabi niya. Wala akong lakas ng loob na harapin ang mga bagay na kinatatakutan ko kaya kailangan ko siya pero sa loob ko ay gusto ko rin siyang mawala dahil siya ang pinakakinatatakutan ko.

Mabilis siyang gumalaw na ulit papalapit sa akin saka sinunggaban ako sa aking kwelyo dahilan para hindi na ako makalayo sa kanya. Malakas niya akong hinatak papatayo kaya nagtapat ang mga mukha naming dalawa. Mata sa mata, nakita ko ang apoy sa mga mata niya (hindi ito lagablab ng damdamin kundi tunay na apoy na nagmumula sa mga mata niya). Hindi ako ang taong ito, hindi siya ang iba kong katauhan, malayo sa pagiging tao ang kayarian niya, isa siyang demonyo, demonyong nananahan sa kaloob-looban ko na ngayon ay naghihimagsik laban sa akin para makuha ang buo kong pagkatao.

Nabalot ng takot ang buo kong katawan. Hindi ako makagalaw na tila nakalubog ako sa ilalim na lupa na tanging ang ulo ko lang ang nakalitaw. Nakakaramdam ako ng panlalamig sa mga kamay at binti ko na hindi ko alam kung papaano mawawala. Gusto kong tumakas mula sa kamay ng taong ito. Lalo pang tumindi ang takot ko nang ilapit niya ang mukha niya sa mukha ko. Pakiramdam ko ay unti-unti niyang nilalamon ang buo kong pagkatao sa paraan pa lang ng pagtitig niya sa akin.

"Jio! Gising, Jio!" Umalingawngaw sa buong lugar ang boses ni Arthur. Mahina lang ito ngunit malinaw na malinaw sa akin at walang duda na galing nga kay Arthur ang boses na iyon. Sinubukan kong sumagot sa tinig niya pero walang nalabas na tunog mula sa mga labi ko. "Jio! Jio! Gising!" Lalong lumakas ang boses niya hanggang sa makaramdam ako ng mahinang pagyanig. Nag-umpisa na rin akong makaaninag ng liwanag mula sa iba't ibang direksyon. Ilang saglit pa at namalayan ko na lang ang sarili kong biglang napaupo sa kama ko.

"A-anong nangyari?" Tanong ko kay Arthur.

"Binabangungot ka, Jio." Napatingin ako kay Arthur at nakita ko ang mukha niyang basang-basa sa pawis at namumutla.

"G-ganoon ba?" Sabi ko rito saka muling inalis ang tingin ko sa kanya.

"Akala ko mamamatay ka na, Jio. Tumitirik na yang mata mo." Dugtong pa nito saka muling ibinagsak ang katawan niya sa higaan niya.

"Kaya ka pala namumutla." Pabiro kong sabi na sinundan ko pa ng pagngisi. Hindi ko alam kung paano ako magpapasalamat kay Arthur. Kahit na kung iisipin ay maliit na bagay lang ang ginawa niya para sa akinyun ay ang paggising niya sa akinay niligtas niya pa rin ang buhay ko.

"Matulog ka na nga lang ulit." Inis na sabi nito saka tinakluban ng kumot ang buong katawan niya.

"Oo na. Salamat." Sagot ko saka ako muling humiga at muling tumitig sa kisame. Hindi ako makakatulog ulit sa lagay na ito. Mas malaki ang tyansang hindi na ako matutulog hanggang sa umaga. Sino ba namang tao ang komportableng matulog kung alam niyang muntik na siyang mamatay noong gabing iyon? Mas pipiliin ko na lang na padaanin ang gabi na nakatitig sa kisame kaysa muling bumalik sa pagtulog.

Habang nakatitig sa kisame ay pinakikiramdaman ko kung tulog na si Arthur. Alam kong gaya ko ay hindi rin siya mapakali matapos niyang masaksihan ang mga nangyari. Hindi madaling ipikit ang mata kung alam mong may posibilidad na hindi ka na mamamatay ka. Hindi rin madaling ipikit ang mata kung may nakita kang taong muntik nang mamatay sa harapan mo. Hindi nga ba madali o takot lang kami? Siguro nga takot lang kami. Dahil wala namang pwedeng pumigil sa tao kundi ang takot. Hindi ako gumagawa ng mga bagay na walang kasiguraduhan dahil takot akong may mawala sa aking mahalagang bagay. Hindi ako nakikipag-away ng walang dahilan dahil takot akong sa huli ay ako ang dehado. Hindi ko magawang ipikit ang mata ko ngayon dahil takot ako na baka hindi ko na ulit ito maidilat. Takot ang pumipigil sa akin.

Akala ko noon ay mapayapa ang paligid kapag gabi, hindi pala palaging ganoon. May mga gabi rin pa lang nababalot ng takot ang tao gaya ngayon. Kamakailan ko lang rin nalaman na ang iba sa mga katrabaho ko ay sa gabi inilalabas ang mga saloobin nilainiiyak nila ang mga problema, nagpapakalasinh para makalimot sa sakit. Hindi pala porke hindi kasing-ingay ng umaga ang gabi ay payapa na ito. Hindi sa lakas ng tunog masusukat ang katahimikan. Minsan mas maingay pa ang mga bagay na hindi natin naririnig dahil ito ang bumubulabog sa kalooban natin dahilan para marindi tayo, dahian para hindi tayo makatulog, dahilan para hindi tayo mapakali. Mas hindi natin ito naiko-convert sa tunog mas hindi tayo nito patutulugin.

Habang nakatingin ako sa kisame ay nakadama ako ng init sa mukh ko. Medyo bumigat din ang pakiramdam ko na tila ba may nakapatong sa dibdib kong kung anong mabigat na bagay. Napansin ko na lang na basa na ang unan na lumapat sa kaliwang tainga ko. Hindi ko namalayan na tumulo na ang luha ko. Napakainit nito. Hindi ko alam kung saan nanggaling o kung anong damdamin ang naging sanhi para lumuha ako ng ganito. Ganito na ba katindi ang takot ko sa mga nangyayari? Ayaw ko na sanang isipin ang mga bagay na iyon pero binabagabag ako nito hanggang sa kalooban ko. Hindi ko rin magagawang kalimutan ang mga bagay na ito kung hindi pa rin natigil ang mga kakaibang nangyayari.

Itinaas ko ang kamay ko sa tapat ng mukha ko na tila ba inaabot ko ang kisame. Naglagay ako ng espasyo sa gitna ng hintuturo at hinlalato ko kung saan ko sinisilip ang kisame. Madilim ang paligid ngunit dahil sa kaunting ilaw na nanggagaling sa bintna ay naaaninag ko pa rin ang kisame. Natawa ako sa sarili ko at nasabi ko na lang sa isip ko na "ano bang ginagawa ko?" habang nakangiti ako ng bahagya.

Ilang beses kong sinubukan na bumalik sa pagtulog pero hindi ko talaga kaya. Nanatili akong gising hanggang sa tumilaok ang manok. Bumalikwas ako mula sa pagkakahiga nang marinig ko ang ikalawang beses na tumilaok ang manok saka ako pumunta sa sala at doon na ako nagpalipas ng oras hanggang sa sumikat ang araw.