Kalalapit ko pa lang sa pinto ay bigla akong may narinig na kakaibang ingay. Tunog na tila May isang napakabigat na bagay na bumagsak sa sahig. Maririnig din ang tunog na tila ba may tumabig sa drum set kaya naglaglagan ang mga Tom nito. Umalingawngaw ang kakaibang tunog sa buong studio. Sinundan ang malakas na tunog ng isang kakaibang tunog, matinis at garalgal na animoy isang pintong luma na tumutunog sa tuwing bubuksan.
Dahan-dahang ipinihit ko ang ulo ko para tingnan ang pinanggalingan ng tunog at nagulat ako sa bumungad sa akin. Ang matulis na bahagi ng putol na gitara ay nakatusok na sa leeg ni Bryan na ngayon ay nakatirik ang mata at nangingisay. Pilit humahanap ng anumang bagay na maaaring mahawakan upang muling bumalik sa pagkakatayo.
Napaatras ako ng marahan sa nakita ko. Nanginginig ang tuhod ko pababa sa talampakan. Sinusuot ang kakaibang pakiramdam sa bawat laman ko sa katawan. Pakiramdam ko ay babagsak ako sa pangyayaring nakita ko. Mabilis kong pumihit ang doorknob para makalabas at makatakbo.
- - - - -
Dahan-dahan kong idinilat ang mga mata ko kasabay ng mabagal na pag-angat ng ulo ko dahil nakasubsob ang mukha ko sa dalawa kong tuhod. Nakatulog ako sa malamig na sahig ng nakaupo habang yakap-yakap ko ang mga binti ko at nakasubsob ang mukha ko sa mga tuhod ko.
Mahigit isang buwan na akong nakakulong sa lugar na ito. Walang kakilala. Walang makausap. Walang matagpuan, ni matakbuhan man lang. Sa isang masikip at maliit na kwarto na walang ibang daanan ng hangin kundi ang mga maliliit na siwang sa may pintuan. Nakakasakal ang katahimikang hatid ng mga pader nakapalibot sa akin sa maliit na lugar na ito.
Bumukas ang bakal na pintuan na sinundan ng pagpasok ng dalawang lalaki. Agad silang lumapit sa akin saka hinawakan ang mga braso ko at hinatak ako patayo sa kinauupuan ko. Dinala ako palabas ng madilim na silid papunta sa lugar na maraming mga lamesang nakahilera. Pinupuno ang silid ng mga taong nakaupo sa mga nakapwestong upuan kaharap ng mga taong tila walang muwang sa mundo.
Sa isang mahabang lamesa malapit sa bintana ay natanaw ko ang tatlong taong pamilyar sa paningin ko. Hindi ako maaring magkamali, sina Arthur, Leila at Cassandra.
Pinaupo ako ng dalawang lalaking nagdala sa akin sa lugar na ito sa harapan ng tatlo. Sabay-sabay na hingang malalim ang pinakawalan ng tatlo nang sandalling mapaupo ako sa harapan nila. Tanda ito ng hindi magandang pakiramdam nila sa presensiyang dala ko.
"Kamusta ka na, Jio?" Tanong sa akin ni Leila suot ang magkahalong lungkot at pag-aalala sa kaniyang mukha.
Hindi ako sumagot. Marahan ko lang siyang tinignan sa kaniyang mga mata gamit ang nanlilisik kong mga mata na animo'y anumang oras ay handa ko silang saktan. Kita sa ekspresyon nila ang pagkasindak sa ginawa kong pagtingin sa kanila.
Nilinis ni Arthur ang kaniyang lalamunan bago siya magsalita. Sinubukan niyang patayin ang kakaibang pakiramdam sa paligid sa pamamagitan ng isang tanong. "Jio, alam kong naiintindihan mo ang sitwasyon at naniniwala akong wala kang sakit sa utak. Pero, bakit ka nagkukunwaring may sakit sa utak?"
Ngumiti ako ng malawak ngunit hindi ko pa rin sinagot ang tanong niya. Tinitigan ko lang ang mga mata niya nang halos tatlong minuto saka ko mabilis na ipinatong ang kamay ko sa ulo ni Cassandra na alam kong kanina pa nanginginig sa takot sa akin. Agad namang nahawakan ni Arthur ang kamay ko ng mahigpit na parang balak niya itong baliin kahit ano pang gawin ko.
Isang malakas na hampas sa lamesa ang ginawa ko gamit ang kaliwa kong kamay na malaya para gawin ito. Napaatras silang tatlo dahil sa gulat. Kasunod nito ang paghawak sa akin ng dalawang lalaki na siyang nagdala sa akin sa silid na ito at agad nila akong hinatak pabalik sa silid na pinanggalingan ko.
Hindi ko alam kung gabi na ba o umaga dahil walang gaanong liwanag na pumapasok sa kwarto kung nasaan ako. Dama ko ang init at lamig ng temperatura ngunit hindi ito mabisang basehan ng oras. Rinig ko ang sigaw ng mga tao sa ibang mga silid. Mas nakakabingi ang lugar na ito sa panahong nababalot ito ng katahimikan. Mas dama kong nakakulong ako sa tuwing napapadikit ako sa malamig na pader kaya mas pinipili kong maupo sa gitna ng kwartong walang ibang laman kundi ako.
May narinig akong mahinang bulong na nanggagaling sa labas ng kwarto. Pinipigilan ko ang sarili kong lumapit sa pinanggagalingan ng tunog pero habang lumilipas ang oras ay mas lumalakas ang tunog, mas lalong tumitindi ang kuryosidad ko sa kung anong nasa likod ng bakal na pintuan kaya mabilis akong gumapang palapit dito at dahan-dahang sinilip ang maliit na siwang sa pinto.
Nasilaw ang mata ko sa liwanang na nanggagaling sa siwang bago ko naaninag kung anong nasa kabilang banda ng pintuan. Napaatras ako at napabalik sa dati kong pwesto dahil sa nakita ko. Nag-umpisang kapusin ang hininga ko kasunod ng panginginig ng katawan ko. Hindi ko alam kung saan ako titingin. Ilang minuto pa ang lumipas at muli kong narinig ang bulong ngunit sa pagkakataong ito ay mas malapit na sa akin ang boses. Sa mismong tainga ko na nagsasabing "Hindi mo ako matatakasan."