Chereads / Katok (Knock On Wood) / Chapter 10 - Nine

Chapter 10 - Nine

Nakatayo ako sa banyo, sa may lababo kaharap ng salamin, may nakataklob na tuwalya sa buong mukha ko. Iniiwasan ko pa ring makita ang repleksiyon ko sa kahit anong bagay na magpapakita nito sa akin. Kahit na iniisip ko pa lang ang makikita ko ay nanginginig na ang tuhod ko. Sino ba namang tao ang gugustuhing makita ang sarili niyang mukha nang bangkay na galit na galit na nakatingin sa kanya? Wala. Maging ako man. Ayaw kong makita ulit iyon.

Huminga ako ng malalim at mahigpit na hinawakan ang isang dulo ng tuwalya. Inihahanda ko anh sarili ko sa anumang maaari kong makita. Ilang hingang malalim pa ang nagawa ko bago ko tuluyang nahatak ang tuwalya paalis sa buong ulo ko.

Natutula ako ng panandalian at napangiti. Normal na hitsura ko ang nakita ko. Bukod sa malaking eyebags at konting kulubot na lumitaw ay wala nang kakaiba sa hitsura ko ngayon. Siguro ay tama nga si Arthur. Maaari ring tama si Leila. Alinman doon ang katotohanan ay ako mismo ang makakaalam at kailangang humanap ng solusyon.

Agad kong hinilamusan ang mukha ko at pagkatapos ay nagsepilyo ako. Lumabas ako sa banyo para maghanda ng sarili kong agahan bago ako maligo. Medyo natuwa ako sa nangyari ngayong umaga pero hindi pa rin ako dapat makampante kailangang maging handa sa anupamang dapat paghandaan.

Pagkatapos ko mag-agahan ay naligo agad ako. Pagkatapos ay nagbihis. Pagkatapos ay inihanda ang mga gamit ko para pumasok. Pagkatapos ay chineck ko ang lahat. Kaso biglang may tumawag.

"Hello", sinagot ko ang tawag dahil hindi ko masyadong kilala kung sino si "Unknown Number".

"Ako ito si Mr.Garcia. Pinaliwanag na sa akin kahapon ng company physician yung nangyari. Ako na nag-ayos ng papel mo. Naka-leave ka ngayong araw pero pakitapos pa rin ng presentation na pinapagawa ko. Hahantayin ko hanggang midnight. Salamat", sunod-sunod na sabi ng manager ko sabay biglang baba ng tawag. Hindi na ako nagkaroon pa ng pagkakataon na makasagot. Napakamot na lang ako at hinubad lahat ng suot ko maliban sa boxer shorts.

Handa pa naman na akong pumasok sabay tumawag. Okay na iyon kaysa nakaalis na ako saka tumawag, mas bad trip 'yon. Buti na lang less hassle kahit nakabihis na ako. Sabagay pwede ko pa namang suotin bukas ito.

Naupo na lang ako sa kama ko bitbit ang laptop ko. Binuksan ang bentilador at tinutok sa akin. Nagsimula akong gawing muli ang presentation na hindi ko natapos kahapon dahil sa kakaibang nangyari. Mabuti na lang at na-save ito bago pa ako atakihin kahapon.

Tanghali na nang mapansin ko ang isang message sa akin ni Leila. Humihingi lang sorry about sa nangyari kagabi. Hindi ko alam kung dapat ba siyang mag-sorry. Kung tutuusin naging affected lang ako masyado. Wala siyang kasalanan.

Hindi ko alam kung anong isasagot ko kaya hindi ako sumagot. Mas mabuti na iyon kaysa mali pa ang masabi ko at maging dahilan pa ng mas hindi pagkakaintindihan naming dalawa.

Lumipas ang buong umaga. Sumapit ang tanghali nang walang ibang nangyayari. Lumipas ang tanghalian na busog ang tiyan ko. Sumapit ang alas-dos ng hapon na walang kakaibang nangyayari pero hanggang doon lang nagtagal ang kapayapaan.

May narinig akong mahihinang sigawan mula sa labas ng unit ko. Pilit kong pinapakinggang mabuti kung ano ang sinisigaw ng mga tao sa labas. Mukhang hindi galing sa malayo ang mga sigawan pero maninipis at mahihina ang mga boses na naririnig ko. Ilang saglit pa ay may paunti-unting usok na pumapasok mula sa ibabang siwang ng pintuan ko.

Dahan-dahan akong lumapit sa pinto at dinikit ang tenga ko para kumpirmahin kung may tao nga sa labas. Mukhang may nasusunog pero napakahina naman yata ng mga sigawan para doon. Pinihit ko ang doorknob at dahan-dahang binuksan ang pinto pero pagkabukas ko pa lang ay tumalsik agad ako pabalik sa loob ng apartment unit ko.

Sa harap ko ay nakita ko ang mga ulap na nasa harapan ko. Hindi para usok kundi ulap ang napasok sa siwang ng pinto ko. Muli akong pumwesto sa pinto at tinignan ang labas habang pahigpit na nakakapit sa gilid ng pinto.

Naangat ang unit ko papunta sa kalawakan. Ito ang dahilan kaya maninipis lang na boses ang naririnig ko. Nanginig na ang tuhod ko sa sobrang lula at panipis na ng panipis ang hangin na kaya kong langhapin. Bumibigat na sa dibdib ang bawat paghinga. Parang masusunog ang baga ko bawat pagkakataong susubukan kong huminga.

Ilang sandali pa at nagsimula na akong lumutang. Nawala na ang gravity. Naging malamig na ang pakiramdam ko sa paligid. Lalong naging manipis ang hangin o mas angkop sabihing wala nang hangin sa kung nasaan man ako ngayon. Nararamdaman ko na ang unti-unting pagyeyelo ng iba't ibang bahagi ng katawan ko. Nagpatuloy lang ang ganoong pangyayari hanggang mawalan ako ng malay.

*RESET*

Bumalik ako sa ulirat na nakaupo sa may sahig kaharap ang pinto. Nakahawak ako sa pisngi ko habang nakaupo at nakatitig sa pinto. Luminga-linga ako para siguruhin kung nasaan ako. Nang makumpirma ko na nasa apartment pa rin ako ay agad akong tumayo at bumalik sa kwarto ko. Nakita king nakalapag na sa sahig ang laptop.

Dali-dali ko itong nilapitan para i-check kung may sira ba o wala. Sa kabutihang palad, may kaunting gasgas lang ito sa may bandang gilid. Pinulot ko ito at pinatong sa kama bago umupo at huminga ng malalim.

Handa na sana akong ituloy ang paggawa ko ng presentation nang biglang sumikip ang dibdib ko. Nakaramdam din ako ng paghapdi sa iba't ibang bahagi ng katawan ko. Napayuko ako at naghabol ng hininga.

Lalong tumindi ang paghapdi at pagkirot ng iba't ibang bahagi ng katawan ko. Napatingin ako sa mga parteng ito at may nakikita akong mga bukol na namumuo at gumagalaw na parang may kung anong gustong lumabas mula rito.

Halos maputol ang litid ko sa lakas ng pagkakasigaw ko nang makita kong may lumabas na kamay sa balikat ko na naging dahilan ng pagkapunit ng balat ko. Mapayat, mahahaba ang daliri, matutulis ang kuko, at parang naagnas na ang mga kamay na lumabas sa katawan ko.

Lumakas lalo ang pagsigaw ko sa sakit at hapdi nang nag-umpisang halukayin ng ibang mga kamay ang tiyan ko. Ibinaon ng mga ito ang mga kuko nila sa tiyan ko at sinubukang punitin ang mga balat at laman sa tiyan ko. Pilit nilang binubutas ang kalamnan ko, dinudurog ng kanilang mga matatalas na kuko ang mga laman at lamang loob na mahawakan nila. Ang mga nadurog na bahagi ay iniitsa nila palabas ng katawan ko.

Halos mapaos na ako sa kakasigaw at kakahiyaw. Tila walang nakakarinig sa mga malalakas na pagbuga ko ng mga hindi maintindihang salita. Puro "tulong" at "tama na" ang sinisigaw ko pero hindi ko mabigkas ng maayos dahil sa sobrang sakit ng ginagawa nila sa akin.

Tuluyang nabutas ang kalamnan ko. Kita ko na ang sahig na kinahihigaan ko sa pagtingin ko palang sa tiyan ko. Nagkalat sa paligid ang mga durog na laman at lamang-loob pati na ang mga dugong sumirit mula sa katawan ko. Mahinang paghinga na lang ang kayang kong gawin. Halos naubos na ang lakas ko sa pagsigaw pa lang.

Humawak ang mga kamay sa mga braso, mga binti at maging sa ulo ko. Sinubukan nila itong hatakin papasok sa butas sa tiyan ko. Hindi nila ito nagawa sa unang subok pa lamang. Hindi sila tumigil hanggang makalimang ulit nilang sinubukan. Narinig ko na lang ang malulutong na pagkabali ng mga braso at binti ko. Hindi ko na ito maramdaman, namanhid na ang buo kong katawan.

Namalayan ko na lang na durog na pati ang mga buto sa mga braso at mga binti ko. Nagsimula na ulit silang hatakin ang mga ito papasok ng butas sa tiyan ko. Kasabay ng pagpilit nilang ipasok ang mga binti at braso ko sa butas sa kalamnan ko ay ang paghatak nila sa ulo ko papasok din sa butas sa tiyan ko.

*RESET*

Nagising ako ng nakatulala habang nakadukdok ang mukha ko sa sahig at ang mga kamay ko ay nasa likuran ko. Umupo ako at muling naghabol ng hininga. Masikip ang dibdib ko hindi ko maisara ang bibig ko at hindi ako makapagsalita. Pakiramdam ko ay naroon pa rin ang diwa ko sa kahindik-hindik na pangyayaring iyon.

Pinilit kong abutin ang kahoy na aparador at kinatok ang kamao ko doon. Nanatili akong nakasalampak sa sahig at nakatulala sa kawalan. Binabalik ko ang hanging nawala sa akin. Pilit naghahabol ng hininga. Pilit binabawi ang lakas.

Nahihilo ako sa mga nangyayari. Parang nawawala na ako sa sarili ko. Tulad nang isang robot na ubos na ang baterya ay wala na akong lakas para gumawa ng kahit ano pang mga bagay. Wala na akong lakas para gumalaw. Ang tangi ko na lang kayang gawin ay tumulala. Masyado na akong napagod sa mga nangyayari sa akin.

Biglang uminit ang pakiramdam ko. Nag-umpisang mamuo ang mga butil ng pawis sa mukha ko. Malalaki at malamig sa balat ngunit kakaibang init ang nararamdaman ko sa loob ko na parang tinutupok ng apoy ang kaloob-looban ko.

Sinubukan kong tumayo kahit na sobrang hina na ng mga tuhod ko. Sobrang hina na kahit sa simpleng pagtayo ay hirap na hirap na ako. Nanginginig ang mga tuhod ko habang pinipilit kong ituwid ang mga ito para maitayo ko ang sarili ko.

Napagtagumpayan ko ang simpleng pagtayo, ngayon ang problema ko ay kung paano ako makakapaglakad papalapit sa bentilador na halos dalawang metro ang layo sa akin. Malapit na distansiya pero sobrang layo na nito para sa kalagayan ko ngayon.

Dahan-dahan at maingat kong inihakbang ang mga nanginginig kong mga binti na halos bumigay na dahil sa panginginig. Naihakbang ko ang mga binti ko ng makailang beses, halos abot-kamay ko na ang bentilador. Ilang hakbang pa papunta rito. Kaunti na lang. Malapit na. At tuluyan ko nang nabot ang bentilador na agad kong binuksan.

Hindi na ako bumalik sa dati kong puwesto at doon na ako naupo sa harapan ng bentilador. Hinubad ko ang suot kong t-shirt at ito ang ipinangpunas ko sa pawis na bumalot sa buo kong katawan. Binawi ko ang lakas ko sa harap ng bentilador habang nakasabit sa balikat ko ang t shirt ko na basang-basa sa pawis at pwede nang pigain.

Matagal-tagal din akong nakaupo sa harapan ng bentilador at hinahantay na tumigil sa pagtagaktak ang pawis ko. Makailang ulit kong pinunas sa katawan ko ang t-shirt para tumigil sa pagtagas ang pawis ko. Tuluyang tumigil ang pagtagaktak ng pawis ko, nawala ang mga butil ng pawis na lumitaw sa bawat sulok ng katawan ko. Nawala rin ang pagkahilo ko at panginginig ng tuhod. Bumalik na sa dati ang lakas ko.

Agad akong tumayo at kumuha ng tubig para ma-rehydrate ang katawan ko bago ako kumuha ng pamalit na damit at pumasok sa banyo para maligo. Isinabit ko sa bakal ang mga damit at tuwalya ko. Bago ako nagsimulang umikot-ikot sa banyo na parang may hinahanap na kahit ako ay hindi sigurado kung ano iyon.

Binuksan ko ang gripo at nagsimulang sumalok sa balde ng tubig. Nang sandaling binuhos ko ang tubig sa ulo ko pababa sa buong katawan ay may narinig akong kakaibang tunog. Tunog na parang may bumubulong sa tainga ko. Mahina at hindi malinaw ang mga salitang binabanggit ng boses na bumubulong sa akin.

Nagpatuloy lang ako sa pagbuhos at nagsimulang sabunan ang katawan ko. Habang patuloy ako sa pagligo ay patuloy ring nabulong sa akin ang boses na iyon. Narinig ko na ito noon. Hindi ko lang maalala kung saan. Sa trabaho? Sa School? Sa mga kaibigan? Wala akong ideya pero napakapamilyar ng boses para mapagkamalian kong sa ibang lugar ko ito narinig.

Nagmadali akong maligo at agad tinapos ito. Kinuha ko ang tuwalyang nakasabit at itinapis ito sa ibabang parte ng katawan ko. Kinuha ko rin sa pagkakasampay ang mga damit ko. Dali-dali kong ibinaling anh sarili ko papalabas ng banyo para mabigyan ng katahimikan ang boses na bumubulong sa akin. Napatigil ako habang papalabas ako ng pinto ng banyo at napatingin sa salamin sa may lababo.

Nanlaki ang mata ko sa nakita ko sa salamin. Nakangiti na naman siya sa akin. Nanlilisik na naman ang mga mata niya. Sa kanya nanggagaling ang boses na bumubulong sa akin kanina pa. Habang patagal ng patagal ang titig ko sa kanya ay palakas naman ng palakas ang boses niyang paulit-ulit ang sinasabi sa tainga ko.

"Ako naman", paulit-ulit at palakas ng palakas na banggit niya habang nanlilisik ang mata at nakangiti ng todo. Nakakakilabot pa rin ang kulay ng balat at talas ng tingin niya sa akin. Napasandal ako sa pinto dahil sa sobrang takot.

Pumikit siya saglit na ipinagtaka ko pero patuloy ko lang siyang tinitigan. Hindi ko inalis ang tingin ko sa kanya para ihanda ang sarili sa anuman ang gagawin niya. Napasinghap ako nang dumilat siya at biglang tumalon papalabas ng salamin habang nakabuka ng todo ang bibig at tila lalamunin ako ng buo. Nadulas ako sa sobrang takot dahilan para tumama ang ulo ko sa doorknor at mawalan ako ng malay.

Nagising ako nang marinig ko ang tunog ng gripo na nakabukas. Nakita ko ang pag-agos ng dugo sa sahig ng banyo na ikinagulat ko. Saan nanggaling ang dugong iyon? Sinubukan kong umikot para hanapin ang pinanggagalingan ng dugo pero hindi ko makontrol ang paggalaw ng katawan ko.

Nag-umpisang maglakad ang katawan ko pero hindi ko pa rin alam kung bakit nagalaw ito nang hindi ko man lang alam kung ako ba ang nakontrol o may ibang nagpapagalaw sa akin. Tila isa akong puppet na hindi kayang igalaw ang sariling katawan at nasunod lang sa may hawak dito.

Tumapat ang katawan ko sa salamin at hunarap dito. Ngayon nakita ko ang hitsura ko na wala namang masyadong pinagbago. Nakatayo lang ako sa harap ng salamin, walang reaksyon, nakatitig lang sa sarili ko.

Napansin ko ang kaunting dugo na natulo mula sa likurang bahagi ng ulo ko pababa sa batok at leeg ko. Hindi naman ganoon kadami ngunit nakakabahala pa rin ang pagtagas nito. Dahilan siguro ng pagbagsak ko kanina at pagtama ng ulo ko sa doorknob.

Itinuon ko ang atensiyon ko sa mukha kong unti-unti nang nangiti. Palaki ng palaki ang paggalaw ng labi ko hanggang sa mapangiti ito ng todo na labis kong kinabigla. Nabalot ako ng takot. Hindi ko alam kung totoo ba ito o nanaginip lang ako. Paano nangyaring hindi ko maigalaw ang katawan ko at ang kinatatakutan kong bahagi ng sarili ko ang nagpapagalaw sa katawan ko?

Wala akong magawa kundi ang matakot. Wala akong lakas para lumaban at gumawa ng anuman. Gusto kong bawiin ang katawan ko ngunit wala akong magawa sa kalagayan ko ngayon.

"Salamat sa pagpapahiram ng katawan mo, Jiojan", biglang nagsalita ang sarili ko habang nakangiti ng todo sa salamin. Nakakakilabot ang paraan niya ng pagngiti. Lalo akong kinilabutan. Paano ako tatakas? Saan ako pupunta? Sino ang tatakbuhan ko kung ang gusto kong takasan ay ang sarili ko mismo?