Chereads / Katok (Knock On Wood) / Chapter 9 - Eight

Chapter 9 - Eight

Isang linggo na ang lumipas mula noong huling beses kong nakita si Leila. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya ibinabalik ang diary ko pero hindi ko muna siya kinulit dahil alam kong busy siya sa trabaho niya. Hinayaan ko lang na mapasakanya muna ang diary ko at hinantay ko na lang na siya ang tumawag sa akin para ibalik ang diary ko.

Kahapon lang habang nagmamadali akong pumasok ay aksidenteng nahulog sa bag ko ang isa kong notebook. Iyon ang notebook na kinakitaan ko ng iilang drawing na kakaiba. Nagtaka ako kung paano iyon napunta sa bag ko gayong hindi ko naman inilagay iyon kasama ng ilang libro. Hindi rin ako sigurado kung aksidente ko ngang nailagay iyon sa bag ko kaya iniisip ko pa rin kung paano iyon napunta sa bag ko.

Mula kahapon ay hindi ko ginalaw iyon. Hindi ko binuklat para basahin o silipin man lamang. Nakapatong lang ito sa isang estante kasama ng mga lumang magazine at diyaryo na naipon na rito. Hindi ko iyon ginalaw dahil baka mangyari na naman ang nangyari noong nakaraang linggo na kinatatakot ko.

Habang lutang ang isip ko ngayon sa kakaisip tungkol sa notebook na iyon at sa diary ko ay hindi ko na namalayang breaktime na pala. Nakatulala lang ako sa computer ko habang pilit inaayos ang isang slide para sa presentation namin sa susunod na araw. Tinapik ako ng isa kong katrabaho dahilan para bumalik ang isip ko sa kasalukuyan.

"P're breaktime na. Sipag mo naman diyan", pabirong sabi nito sabay diretso labas ng office.

"Oo p're, susunod ako", sagot ko sabay nag-unat bago tuluyang tumayo.

Tumingin ako sa orasan bago ako naglakad papalabas pero napatigil ako bago pa man ako tuluyang makalabas ng opisina. Nilingon ko ang buong opisina at nilakbay ang tingin ko paikot dito. Ako na lang pala ang tao dito. Muli kong hinarap ang pinto at pupunta na sana sa labas pero may kakaibang nangyari pagkabukas ko ng pinto.

Napaatras ako nang makita ko ang labas ng opisina. Nakita ko sa harapan ko ang isang malawak na lupain. Walang tao, walang puno kundi puro tipak ng malalaking bato na nakakalat sa buong lupain. Isinara ko ang pinto. Namamalik-mata lang siguro ako. Humawak muli ng mahigpit ang kamay ko sa doorknob at naghanda para buksan muli ang pinto.

Pagpihit ko pa lamang ng doorknob ay biglang may nalaglag na baga sa braso ko dahilan para mapaso ako at mahila ko pabalik ang kamay ko. Ilang saglit pa at nakikita kong natutuklap ang pader na tila may nakabalot na papel na unti-unting nagbabaga at natutuklap dito. Ilang saglit pa at lumakas ang pagbabaga ng pader at tuluyang naging apoy.

Gumapang ang apoy sa buong opisina hanggang sa mabalot na nito ang buong lugar. Naiwan na lamang ang isang malaking bilog na hindi pa natutupok at nasa gitna ako nito. Napako ang mga paa ko sa kinatatayuan ko at hindi na ako gumalaw. Umikot na lang ang paningin ko sa nakapaligid sa aking apoy.

Muling gumapang ang apoy at bumuo ng pentagram habang nasa gitna pa rin ako. Pinilit kong palakasin ang loob ko. Humina bigla ang apoy na nasa buong silid pati na rin ang pentagram kung saan nakatayo ako sa gitna. Ilang saglit pa at umusbong pataas ang apoy na bumubuo sa pentagram at nagtagpo sa gitna ang apoy sa bawat point ng pentagram at binalot ako mula sa ulo pababa sa buo kong katawan.

Dama ko sa buong katawan ko ang init ngunit unti-unti akong binabalot nito. Pinapadama sa akin ng apoy ang unti-unting pagkatupok. Pakiramdam ko ay kumukulo ang mga likido sa buong katawan ko dahilan para magbukol-bukol ang iba't ibang bahagi ng katawan ko. Napuno ng mga bukol ang katawan ko na bunga ng pagkulo ng mga likido sa loob at isa-isang pumutok. Napahiyaw ako sa sakit hanggang sa tuluyan na akong tupukin ng apoy.

*RESET*

Namalayan ko na lang na nakasandal ang ulo ko sa pader habang pawis na pawis ako. Lumingon muli ako sa buong opisina at wala pa ring tao. Lumapit ako sa isang cubicle at kinatok ang kahoy na partition bago ako lumabas sa opisina.

Nakaramdam ako ng pananakit ng tiyan kaya imbis na kumain ng lunch ay dumiretso ako sa banyo para magbawas. Dumiretso ako sa isang cubicle pagkapasok ng banyo at doon naupo. Halos labinlimang minuto rin akong naupo pero walang nalabas at patuloy lang sa pagtagaktak ang pawis ko. Nagdesisyon na akong lumabas at maghilamos at bumili ng gamot para sa sakit ng tiyan.

Inaayos ko ang pantalon ko habang papunta ako sa lababo. Nakarating ako doon at inaayos ko pa rin ang pantalon ko. Binuksan ko ang gripo. Pagkatapos kong ayusin ang pantalon ko ay naghilamos ako para linisin ang pawis na bumalot sa mukha ko. Halos maligo na ako sa butil-butil na pawis at umaagos pa ang iba sa mukha ko.

Napaatras ako nang iangat ko ang mukha ko para tignan ang sarili sa salamin. Nakita ko ang isa pang ako na nakatingin sa akin. Tila nasa loob siya ng salamin. Gaya noong mga una naming pagtatagpo ay nakangiti siya. Nanlilisik ang mata at namumutla na tila wala nang dugo at matagal na nakababad sa tubig.

Tumakbo ako palabas ng banyo at bumalik sa opisina at umupo sa pwesto ko doon. Nakaupo lang ako at pilit na dinukdok ang mukha sa mesa. Nananakit pa rin ang sikmura ko pero mas nangingibabaw ang takot sa loob ko. Tumulo ulit ang namumuo kong pawis at nanginginig ang buo kong katawan.

Nararamdaman kong bumabaliktad ang sikmura ko kaya hinagilap ko kaagad ang trashbin ko sa ilalim ng desk at doon ako sumuka. Puro tubig at malapot. Mabaho ang amoy. Malangsa ang tubig na lumabas sa bibig ko.

Sumandal ako sa upuan ko at tumingala para mapigilan ang pagduwal ko. Naliligo pa rin ako sa pawis. Malamig ang pakiramdam ko at naikot ang paningin ko. Mabigat ang ulo ko at nananakit din. Pakiramdam ko ay babagsak ako anumang oras.

Kinuha ko ang tumbler ko sa gilid na bahagi ng desk ko. Agad akong uminom ng tubig para maibsan ang sama ng pakiramdam ko habang pilit na pinapakalma ang sarili at naghahabol ng hininga. Unti-unting bumibigat ang paningin ko kasabay ng pamamanhid ng katawan ko at pagsikip ng sikmura ko.

May narinig akong tunog na parang may taong papasok sa office nang bigla na lang akong bumagsak at unti-unting nagdilim ang paningin ko. Sinusubukan kong idilat ang mata kong unti-unti nang bumabagsak hanggang sa may marinig akong mga taong nagsisigawan sa paligid ko bago ako tuluyang mawalan ng malay.

- - - - -

Nagising ako na nakahiga sa isang kama sa company clinic. Agad akong umupo at inikot ang paningin ko sa buong silid pero wala akong nakitang ibang tao. Ipinuwesto ko ang mga binti ko sa gilid ng kama at hinanap ang sapatos ko sa baba. Nang makita ko ang sapatos ko ay agad ko itong isinuot at tumayo na agad.

Mabagal akong naglakad papunta sa pintuan nang biglang may pumasok na babae. Natigilan ako at napatitig sa babaeng nasa harapan ko. Isang morenang babae na medyo mapayat at nasa 30-40 ang edad. Medyo wavy ang buhok at hindi gaanong matangkad na matalas ang tingin.

"Gising ka na pala. Mag-file ka ng leave bago ka umuwi. Mukhang kailangan mo ng pahinga", saad nito habang may inaayos sa desk niya nang hindi man lang lumilingon sa direksiyon kung nasaan ako.

"A-ah salamat po", sagot ko bago lumabas ng clinic at bumalik sa office para kunin ang mga naiwan kong gamit doon.

Pagkarating ko sa office ay nakita ko ang iba't ibang reaksyon ng mga katrabaho ko. May nagulat, may napatanong, may mukhang naaawa at may mukhang nag-aalala. Nginitian ko silang lahat bago ako dumiretso sa pwesto ko at inayos ang ilan kong mga gamit.

Agad akong lumabas ng office at mabagal na naglakad sa lobby dahil dama ko pa rin ang bigat ng pakiramdam ko. Nakatingin lang ako sa sahig at iniiwasang lumingon sa kahit sinong makakasalubong ko.

Nakalabas ako ng building nang hindi man lang idinadampi ang mata ko sa kahit sinong makasalubong ko. Nanatili akong nakayuko at mabagal na naglalakad. Hawak ko ng mahigpit ang strap ng bag ko. Patuloy lang ako sa mabagal na paglalakad hanggang sa may marinig akong malakas na busina na nagpagulat sa akin dahilan para mapalingon ako sa kalsada.

Tumigil ang isang sasakyan sa tapat ko. Itim na van na tinted ang mga bintana kaya hindi ko makita kung sino ang nasa loob. Natigilan ako at napaatras hindi dahil sa pagtigil ng sasakyan sa tapat ko kundi dahil sa nakita ko sa tinyed na bintana ng sasakyan na iyon. Ang reflection ko.

Napatakbo ako sa takot at ibinuhos ang buo kong lakas para mabilis na makaalis sa lugar na iyon. Kailangan kong makatakas. Kailangan kong makalayo. Kailangan kong magtago.

Malayo-layo na ang narating ko dahil sa pagtakbo ko ng mabilis. Tumigil ako para magpahinga. Pangalawang beses na iyon ngayong araw. Pangalawang beses na nakita ko ang sarili ko sa salamin. Nakita ko ang repleksiyon kong iyon. Isang ako na ayaw kong makita pero pilit lumalabas.

Matapos kong makapagpahinga ay muli akong naglakad. Ngayon hindi lang ang tingin ng mga tao ang iniiwasan ko. Pati na rin ang mga salamin. Lahat ng bagay na magbibigay ng repleksiyon ko. Kailangan kong umiwas.

Binabalot pa rin ako ng takot at masama pa rin ang pakiramdam ko pero mas pinili kong maglakad pauwi kahit may kalayuan ang bahay ko para umiwas sa mga tao na maaari kong makasalamuha. Isa na rin na dahilan ang pag-iwas ko sa mga salamin.

Inabot din ng halos dalawang oras bago ako nakauwi sa apartment unit ko. Dumiretso ako sa kusina para kumuha ng maiinom at dinala ko ang isang one liter bottle ng tubig sa kama ko at doon ko ito ininom. Hindi na ako umalis ng kama ko pagkatapos noon.

Gaya ng maraming gabi noon na nakakaranas ako ng mga kakaibang bagay, nakatalungko ako habang nakatitig sa kawalan. Hindi ako gumagalaw sa pwesto ko at pinagpapawisan lang habang hinihintay na dalawin ako ng antok at mawala ang pagkabalisa ko.

Halos kalahating oras pa akong nanatili sa pwesto kong iyon bago ko marinig na may kumakatok sa pinto. Hindi ako sumagot o gumawa ng ingay para umalis kaagad ang taong nakatok. Tumahimik ang paligid kaya akala ko ay umalis na ito pero biglang may kumatok na ulit.

"Jio!?", dinig kong boses ng isang babae sa labas ng apartment unit ko.

Agad akong tumayo at tumungo sa pinto nang marinig ko ang pamilyar na boses. Binuksan ko kaagad ang pinto at tama nga ako ng hinala kung sino ang nakatok sa pinto ko. Si Leila, pero mayroon akong hindi inaasahang bisita na hindi ko na ikinagulat, si Arthur.

"Pwede ba kaming pumasok?", tanong ni Leila na sinagot ko ng tango.

"Bakit kayo napagawi dito?", tanong ko habang papasok kami ng unit ko at habang nililinis ko ang makita kong kalat sa harapan ko.

"Hindi naman mainit dito Jio ah. Bakit pawis na pawis ka?", tanong ni Arthur habang nakatingin sa akin na parang ang weird ko.

"Ahhh oo nga! Tinakbuhan mo kami kanina! Para kang takot na takot sa amin. Anong akala mo, kidnapper kami?", mabilis at sunod-sunod na sabi ni Leila sa iba't ibang tinis at lakas.

"Ahh eh kasi ano e, usal ko habang umiiwas ng tingin sa kanila.

"Umupo kayo. Huwag kayong mahiya", biglang pasok ni Arthur sa usapan habang nakaupo siya sa sofa ko na makikita pagpasok pa lang ng unit.

"Oo nga, Lei. Umupo muna tayo saka ko ikukwento. Gusto niyo ng juice?", saad ko habang ibinababa ang bitbit kong tubig.

"Tinatanong pa ba yan? Samahan mo na ng pambara", singit ulit ni Arthur para pagaanin ang usapan.

Agad akong pumunta sa kusina at naghanda ng mga ihahain ko sa mga bisita ko. Pinapakalma ko pa rin ang sarili ko. Pilit itinatago ang pagkabalisa sa dalawa. Pagkabalik ko ay nanatili akong nakayuko at umiiwas ng tingin sa dalawa. Animo'y nakapako ang aking mata sa ibaba at hindi ko maitaas ang aking mukha para harapin sila.

"Jio, may problema ba? Kanina ka pa weird. Mula pa noong tinakbuhan mo kami doon sa kalsada", tanong ni Leila habang patuloy na sinusubukang tignan ako ng mata sa mata.

"Masama lang pakiramdam ko. Bakit ba kayo napadalaw?", tanong ko habang nakatitig sa baso sa harapan ko.

"Dinala lang namin itong diary mo. Kung hindi ka tumakbo kanina edi sana hindi na kami pumunta dito", mabilis na sagot ni Leila.

"Salamat", sagot ko na naging dahilan para mabalot ng katahimikan ang buong silid.

Dama ko ang pagpapalitan ng tingin ng dalawa sa harap ko habang pabalik-balik ang mga sulyap nila sa akin na tila nagtatanungan sila sa kung anong nangyayari. Maaari ring nagtuturuan sila sa kung sinong kakausap sa akin pero bago pa man may magsalita ulit ay inunahan ko na ang sinuman sa kanila.

"Nakikita ko ang repleksiyon ko sa salamin", siguro mali ang pagkakasabi ko kaya humagalpak ng tawa ang dalawa.

"Talaga namang makikita mo ang repleksiyon mo sa salamin. Sino bang hindi?", sagot ni Arthur habang tumatawa at hinahampas pa ang armrest ng sofa.

"Joke ba yun Jio? Tanga-tangahan?", srcastic na usal ni Leila.

"Hindi. I mean, nakikita ko sarili ko pero hindi ako. Parang demon version", pagpapaliwanag ko n unti-unting nagpatigil sa tawanan ng dalawa.

"Sige, seryoso na. Ipaliwanag mo", mahinahong saad ni Leila.

"Pag natingin ako sa salamin ibang repleksiyon ko yung nakikita ko. Yun yung dahilan kung bakit ako tumakbo kanina. Nakita ko sa bintana ng van yung demon version ko", mabilis na pagpapaliwanag ko sa kanila.

"Kelan nag-umpisa ito, Jio?", tanong ni Arthur habang nakatitig sa akin.

"Ngayong araw lang. Mga tanghali", sagot ko.

"Hindi. Hindi. Hindi. I mean, anong nagtrigger ng ganitong event? May naiisip ka?", tanong niyang muli na naging dahilan para mapaisip din ako.

"Kanina kasi nagbanyo ako tapos nakita ko na lang sa salamin yung ganoon kong hitsura", sagot ko.

"Bago iyon may nangyari pa?", muli niyang tanong.

"Ah... May nakita na naman akong pangitain tapos noong kumatok ako sa partition ng office dumiretso akong C.R. para maghilamos tapos ayun na", maingat kong pagpapaliwanag sa kanya.

Pagkatapos noon ay naging tahimik na ang lahat. Nagpalitan kaming tatlo ng tingin. Walang nagsasalita at pawang nakikiramdam ang bawat isa sa amin sa kung sino ang mauunang magsalita sa aming tatlo. Huling sulyap pa sa isa't isa at sabay-sabay kaming nagsalita.

"Baka..", saad ni Arthur.

"Siguro...", usal ni Leila.

"Ano sa tingi...", putol na sabi ko at muling nabalot ng katahimikan ang silid na hindi ko hinayaang magtagal kaya dinugtungan ko agad ang sinabi ko. "Sige. Mauna ka na, Art. Ano sa tingin mo?", sabi ko sabay baling ng tanong kay Arthur.

"Hindi kasi baka mali. Pero naisip ko lang. Hindi kaya yan yung consequences ng pagkatok mo?", agad na sagot nito sabay tingin sa akin. "Ewan ko kung bakit ngayon lang nangyari sa'yo yan. These past years naman walang ganyang backfire na nangyayari. Ewan. Opinyon ko lang naman iyon", pagpapaliwanag nito.

"Hindi ko rin alam eh. Pero mula nung bumalik yung ganitong pangyayari sa akin. Siguro tantiya ko maka-limang beses ko nang napanaginipan yung sarili kong ganon", bawi ko sa sinabi ni Arthur.

"Ikaw, Lei? Ano sa tingin mo?", binaling ni Arthur ang tanong kay Leila para maghanap ng iba pang kasagutan. Medyo malalim ang pag-iisip niya kumpara noon. Mas mabilis na siya mag-isip ng posibilidad. Mas naging maingat na rin siya sa pagbibigay ng opinyon. Marahil sa hindi magandang tugon ko sa kanya noon.

"Naisip ko lang naman baka may nagmumulto sa iyo. Kasi di ba may dark past yung banda niyo nila Lanz?", maingat na sabi at dahan-dahang bigkas ni Leila. Diretso ang tanong niya pero iniiwasan niyang ma-offend ako sa kahit anong paraan. Dama ko sa hina at pagkanginig ng boses niya.

Napangisi ako dahilan para bumigat ang pakiramdam sa buong silid at muling mabalot ng mas malalim na katahimikan ang buong lugar. Pero hindi tulad kanina, wala nang nagpapalitan ng tingin. Bawat isa sa amin ay umiiwas na sa sulyap ng bawat isa. Naging "awkward" na ang sitwasyon. Nakaramdam na kami ng distansiya sa isa't isa.

Pagkatapos noon ay wala nang nangahas na magsalita pang muli. Halos kalahating oras na naging tahimik ang buong lugar. Dahil sa mahabang katahimikan nagpasya na lang si Arthur na magpaalam na at isinama na niya si Leila sa pag-uwi. Hindi na ako nag-abala pang ihatid sila palabas at nanatili akong nakaupo sa pwesto ko at tumititig sa kawalan.

Naging mas malalim ang gabi, lumipas ang maraming oras, nanatili akong nakaupo sa sofa, nakatitig sa kawalan at pilit isinisiksik sa utak ko ang mga posibilidad. Napatingin ako sa screen ng cellphone ko. Nakita ko ang mata ko, nanlilisik sa akin dahilan para mapatayo ako.

Tumakbo ako pabalik sa kwarto ko at binigyan ng pwesto ang sarili ko sa maliit na espasyo sa pagitan ng kama at ng aparador. Nakaupo ako doon habang nakadukdok ang mukha sa mga tuhod na yakap-yakap ko. Sa ganoong puwesto na ako inabutan ng antok at nakatulog.