Chereads / Katok (Knock On Wood) / Chapter 3 - Two

Chapter 3 - Two

Ilang araw na rin akong 'di nakakatulog, hindi dahil nag-aadik ako o kung ano pa man kundi, dahil may mga bagay na nangyayari na hindi ko alam. Hindi ito tumitigil. Sunod-sunod ang pag-flash ng mga scenario sa harap ko. Hindi ko alam kung paano pipigilan o kung mapipigilan nga ba.

Pinilit kong pakalmahin ang sarili sa isang sulok ng kwarto kung saan mariin kong siniksik ang sarili ko habang nakatalungkong nakaupo at pilit dinudukdok ang mukha ko sa tuhod kong pinupuluputan ng mga braso ko. Halos ibaon ko na yung mukha ko sa diin ng pagkakadukdok nito sa mga tuhod ko. Hindi ako gumalaw para wala akong makitang kahit kaunting liwanag. Unti-unti ko nang nararamdaman ang pagtulo ng mga pawis ko mula sa noo ko pababa sa mukha at dinig ang pagpatak nito sa sahig. Mariin kong ipinipikit ang mata ko kasabay ng paghahabol sa hininga ko.

Napasinghap ako nang may narinig akong kalabog na galing sa labas. May mga kakaibang tunog din akong naririnig. Pero wala akong lakas ng loob para sumilip o aninagin man lang ito. Pinipilit kong paniwalain ang sarili kong tunog lang ng pusang tumalon sa yerong bubungan ang narinig ko. Ayaw ko nang mag-isip ng kung ano pa at iniiwasan ko ring iangat ang ulo ko.

Sa dalawang oras na pagkakapako ko sa posisyon na iyon ay hindi sadyang naiangat ko ang ulo ko nang may malakas na kalabog akong narinig. Tunog na parang may kung anong malaking bagay na bumagsak mula sa kalangitan, tunog na nanggaling sa 'di kalayuan. Dala na rin siguro ng gulat kaya naiangat ko ang ulo ko.

Nabalot na ng kuryosidad ang utak ko kaya dahan-dahan akong napatayo habang nanginginig pa ang mga tuhod ko. Pinipigilan ko ang sarili kong tumingin sa bintana at silipin kung ano man ang bagay na sanhi ng malakas na dagundong. Nakayuko ang ulo habang nakatayo ako at nanginginig pa rin ang tuhod. Hindi ko napigilan at nahawi ng kamay ko ang kurtinang tumatabing sa bintana dahilan para makita ko kung ano ang eksana sa labas.

Nakakita ako ng isang asul na ilaw na bumabalot sa buong lugar. Dama ko ang init na nagmumula sa pinanggagalingan ng ilaw habang pinipilit ko pa ring aninagin kung ano ang pinagmumulan ng ilaw na ito. May narinig akong mga kakaibang tunog ng mga nilalang na may pakpak. Maya-maya pa ay nakita kong naglalabasan ang mga malilit na nilalang na may mala-ipis na pakpak at may katawan na parang isang sanggol habang nanlilisik ang mga dilaw na mata na nakahanay na patayo sa gitna ng mga mukha nila.

Isang batalyon nito ang nakita kong papunta sa direksiyon ko dahilan para mapaatras ako hanggang matumba ako sa kinatatayuan ko. Sabay-sabay nilang tinungo ang kinaroroonan ko dahilan para mawasak ang buong pader ng kwarto ko at dinumog nila ang katawan kong nakahandusay sa sahig.

Napasigaw ako nang sabay-sabay nilang kinagat ang iba't-ibang bahagi ng katawan ko dahilan para mapasigaw ako ng malakas. Nakita ko kung paano nila nilantakan ang buong katawan ko na para akong isang usa na nilalapa ng isang kawan ng mga leon. Biglang natigilan ako sa pagsigaw ng butasin ng isa sa kanila ang dibdib ko.

*RESET*

Nakatalungko pa rin ako sa isang sulok habang nakatitig sa kama ko. Pawis na pawis at nanginginig. Dama ko pa rin sa iba't-ibang bahagi ng katawan ko ang mga kagat ng kakaibang mga nilalang na iyon. Mahapdi. Masakit. Para pa rin akong nilalantakan ng mga nilalang na iyon.

Sinubukan kong libangin ang sarili ko bago ako nagkaroon ng lakas ng loob para tumayo at pumunta ng banyo para maghilamos ng mukha. Hindi pa rin nawawala ang pawis ko sa buong katawan. Basang-basa na ang damit ko. Pati na rin ang malaking bahagi ng short ko. Dama ko pa rin ang mga kagat. Di ko alam kung anong nangyayari sa akin. Nakakapanghina. Nakakatakot. Nababaliw na ba ako? Pero walang dahilan para mangyari iyon sa akin. Maayos naman ang lahat. Walang history ng ganon ang pamilya namin. Hindi ako depress o kung ano pa man.

Pagkatapos ko maghilamos ay lumabas ako ng banyo pero natigilan ako sa nakita ko. Pagbukas ko ng pinto ay nakita ko na wala na akong matatapakan. Isang malaking sinkhole ang nasa harap ko at ang naiwan na lang ay ang banyo pero sa 'di ko malamang dahilan ay kusang nagsara ang pintuan ng banyo. Wala na akong ibang pupuntahan.

Sinubukan kong buksan ang pinto ng banyo pero hindi ko magawang mapihit ang doorknob. Naka-lock. Patay. Stranded na ako. Pinihit ko pa ulit ito. Mas marahas. Mas mabilis. Pinilit ko pa ring buksan ang pinto kahit parang wala nang pag-asa para mabuksan pa ito.

Napasandal na lang ang likod ko sa pinto habang unti-unting nawawala ang mga posible ko pang tapakan. Unti-unting bumabagsak ang mga tipak ng semento sa sinkhole at paliit ng paliit ang espasyo na p'wede ko pa sanang yapakan.

Nawawalan na ako ng pag-asa pero kailangan kong makaalis dito. Kaya bumaling ulit ako sa pintuan at sinubukan ko ulit itong buksan. Pero wala pa rin. Nakalock pa rin. Sinubukan kong sirain yung doorknob hanggang sa kumalas pero lalo lang akong hindi nakapasok sa banyo. Nawawalan na ako ng pag-asa at napasalampak na lang ako sa natitirang sahig. Balak ko sanang hantayin na lang na maubos na ang mga p'wede ko pang yapakan pero may narinig akong tunog sa loob ng banyo. Nagkaroon ulit ako ng pag-asa at napatayo at bumaling ulit sa banyo. Kinatok ko ang pinto ng banyo para malaman kung may tao ba sa loob na makatutulong sa akin.

*RESET*

"Anong ginagawa mo dyan?" biglang may boses na nanggagaling sa likod ko. Agad ko itong nilingon at nakita ko ang kapatid ko na nakatayo sa likod ko.

"A-ahhh wala", dahan-dahan akong tumayo sa kinauupuan ko at mabagal na naglakad papuntang mesa at naupo sa upuan na nakapwesto roon.

"Oh ayan" sabay abot niya sa akin ng isang baso na may lamang tubig. "Ano bang ginagawa mo do'n para kang multo", sabay ngisi niya nang makita niyang dahan-dahan ko siyang tiningnan. "Bahala ka na dyan aakyat na ulit ako" bigla siyang tumayo pagkasabi nito at umalis agad sa kinauupuan niya.

Nanatili lang akong nakaupo habang hawak-hawak ko sa dalawang kamay ko ang baso na may tubig at unti-unting nilapit sa labi ko para uminom. Halos isang lagukan ko lang ang tubig at ibinaba ko ulit ang baso sa mesa.

Hindi ako gumalaw pagkatapos kong inumin ang tubig at nakatitig lang ako sa kawalan at pinipilit alisin sa isip ko ang mga nararanasan kong kakaibang bagay. Masyadong malulupit at nakakakilabot ang mga bagay na yon para sa kagaya kong walang lakas ng loob.

- - - - -

Nagising ako nang may bumatok sa akin. Bigla kong napaangat ang ulo ko at nakita ko si Mama na nakatingin sa akin ng masama hawak-hawak ang placemat na ginamit niyang pangbatok sa akin. Kinuskos ko ang mga mata ko at saka sumandal sa upuan. Luminga-linga ako sa paligid at doon ko lang napagtanto na nakatulog na pala ako sa pwesto ko kanina. Teka, anong oras na ba? May pasok pala ako ngayon.

"Ma, anong oras na?" Tanong ko habang nag-uunat at pilit na ginigising ang sarili ko. Kulang na kulang ako sa tulog kaya parang ang bigat ng katawan ko ngayon.

"Oras? Alas-singko y media na, bakit?" tanong niya pabalik pero hindi ako sumagot bagkus ay nanatili lang ang inaantok kong itsura. "Maligo ka na at yung kapatid mo nagbibihis na. Tsaka bakit ka ba dito natulog? May sapak ka na naman ba? Ilang araw ka nang ganyan ha. Nung nakaraan sa hagdanan kita naabutang natutulog tapos nung isang araw nagpa-planking ka don sa may pintuan. Nag-aadik ka ba ha?" Ang aga-aga tumatalak na naman 'tong si mama. Hayaan ko na lang wala ako sa wisyo para makipagtalo ngayong umaga.

Tumayo ako at umakyat sa kwarto ko para kumuha ng bibihisan at tuwalya bago dumiretso sa banyo at naligo. Mabigat ang pakiramdam ko pero kailangan kong pumasok lalo na at malapit na ang exam. Mabilis akong naligo at nagbihis bago bumalik sa pwesto ko sa lamesa at pinilit kumain kahit wala akong gana. Mas okay na yung pilitin kong kumain kesa kamao ni mama yung lamunin ko 'pag hindi ko kinain yung niluto niya para sa almusal.

Kahit naunang makaligo at makapagbihis sa akin yung kapatid ko nauna pa rin akong umalis. Dami pa kasing cheche bureche sa katawan. Hay nako mga babae nga naman. Saka hindi ko na kailangang sabayan iyon dadaanan naman siya ng mga classmate niya maya-maya lang kaya kahit mauna ako ay hindi magagalit iyon.

Paglabas ko ng pinto ay bumungad sa akin yung mukha ng mga kaibigan slash kaklase ko na sina Arthur, medyo matangkad ako dito moreno ang balat at matangos ang ilong medyo malaki yung katawan 'di gaya ko na payatot, at si Leila maputi at halos ka height ko lang nakasalamin, straight ang buhok at slim hindi lang siya masyadong nag-aayos sa sarili pero para sa akin maganda siya.

"Bagal mo naman, Jio, kanina pa kami dito." Sabi ni Arthur habang pinipilit umakbay sa akin pero hindi niya naman magawa kasi iniiwas ko yung katawan ko sa siraulong ito.

"Ano ka ba alam mo namang lamyain 'yang si Jiojan kaya sobrang tagal. Isang ubo na lang 'yan kita mo ba 'yan?" Gumatong pa 'tong babae na ito.

"Porke mga baboy kayo nilalait niyo na naman yung maskulado kong katawan", pabirong sagot ko sa dalawa pero alam kong hindi magpapatalo itong mga ito at hindi nga ako nagkamali.

"Ikaw maskulado? Ano pa ko? Super maskulado?" Sagot ni Arthur sabay flex ng braso para ipakita yung biceps niyang binubo ng sangkatutak na fats.

"Ang sexy ko kaya", sagot naman ni Leila na nakapamewang at akala mo kung sinong modelo eh lamang lang naman sa akin ng isang extra rice na singdami ng sampung sakong bigas.

Tumuloy na kami papuntang school habang walang tigil sa pagtatalo kung sino sa amin ang pinakamaganda ang korte ng katawan kahit alam namin sa mga sarili naming wala ni isa at nagpapalakasan lang kami ng hangin sa katawan kasabay ng mga halakhak na hindi mo mawari kung mga kinakatay na hayop na naglalakad sa kalsada.

Sa kabutihang palad wala akong naramdaman o na-experience na kakaiba habang naglalakad kami papuntang school. Mukhang normal na araw lang naman ito at walang kakaiba. Ito yung gusto kong mangyari at umaasa ako na ganito nga ang mangyayari. Umaasa ako na hindi ko na ulit mararanasan ang nakakatakot na pangyayari na naranasan ko kagabi na dahilan kung bakit malamya at para akong zombie ngayong umaga. Kaso hindi naman lahat ng bagay ay nangyayari ayon sa kagustuhan ng isang tao.

Naupo ako sa pwesto ko. Sa tabi ng bintana sa harapan ng basurahan. Sa pinakalikod na bahagi ng classroom na malamok at marumi. Sa parte kung saan nakatambak yung mga sira nang armchair katabi ng basurahan na puro meryenda ang laman at wala ka man lang makikitang kahit kapiraso ng papel dahil hindi naman mahilig magdala yung mga kaklase ko at kung may magdala man at pumilas ay diretso sa plantbox ang nilukot na papel.

Mahinahon akong tumingin sa labas ng bintana habang nakatitig sa puno ng talisay at umaasang may malaglag na mansanas mula dito. Pero imposible iyong mangyari kaya bumalik ang tingin ko sa loob ng classroom at tiningnan ang bawat isa sa mga kaklase ko habang may kanya-kanyang ginagawa ang bawat isa sa kanila.

Ilalabas ko sana ang notebook ko para tingnan kung wala ba akong nakalimutang gawin na assignment pero sa sandali pa lang na buksan ko ang zipper ng bag ko ay biglang naglabasan ang napakaraming alupihan na mabibilis na gumapang palabas ng bag ko. Napasigaw ako sa nakita ko at napatayo pa pero sa sandaling pag-angat ng pwetan ko sa upuan ay nabalutan na agad ang kalahati kong katawan ng sandamakmak na alupihan na gumagapang pa palibot sa buo kong katawan. Wala na akong ibang nagawa kundi kumislot-kislot at umasang matanggal ang mga insektong ubod ng rami ang paa sa buong katawan ko.

Dinamba ko ang pader para mamatay ang ibang alupihan sa katawan ko at mabawasan man lang ang bilang ng mga insektong gumagapang sa katawan ko. Nagpagulong-gulong din ako sa sahig pinagpag ang buong katawan at halos lahat na yata ng pwedeng gawin para matanggal lang sila sa katawan ko ay ginawa ko na pero habang patuloy kong sinusubukang mawala sila ay mas lalo pa yata silang dumarami at patuloy na binabalot ang buo kong katawan.

Wala na akong ibang nagawa kundi ang manatiling nakatayo habang tinitingnan ko ang paligid ko na tila hindi alintana ng mga tao kung ano ang nangyayari sa akin, parang wala silang pakialam sa kung ano man ang nagaganap. Nanatili akong nakatayo hanggang halos mabalot na ng mga alupihan ang buo kong katawan. Nang sandaling umabot na sa mukha ko ang mga alupihan at halos natatakpan na ang paningin ko ay nakita ko ang bag ko kung saan nanggagaling ang mga alupihang bumabalot sa akin. Napadilat na lang ako hanggang tuluyan nang mabalot ng alupihan ang buo kong katawan dahilan para mablangko ang paningin ko at doon ko unti-unting nararamdaman na pilit na pumapasok sa katawan ko ang mga nilalang na may ubod ng daming paa.

*RESET*

Minulat ko ang mata ko at namalayan ko na lang na nakatitig ako sa bag ko habang mahigpit na hawak ko ang notebook ko na halos mapunit na. Nilapag ko ito sa lamesa sabay napatingin ako sa gawing kaliwa ko nang maramdaman kong may tao sa gilid ko.

"Jio, anong problema mo? Halos 3 minutes din yun ha. Tagal mong tinitigan 'yang bag mo ha. May problema ba?" tanong sa akin ni Leila habang nakatingin siya at nagtataka sa nangyayari sa akin.

"A-ahh wala wala. May naalala lang ako", pilit kong pinakalma ang sarili ko at tinago ang takot ko sa kakaibang pangyayari na iyon. Hindi ko muna siya nilingon at dahan-dahan kong ibinuklat ang notebook ko.

"Nako nako. Sumisikreto ka na ha. Mahirap 'yan", pabiro at tila nagtatampo niyang sabi sa akin. Wala pa akong planong sabihin sa kanila ang mga bagay na nangyayari sa akin hangga't hindi ko pa nasisiguro kung ano ba talaga ito at kung bakit ba ito nangyayari sa akin.

- - - - -

Nung araw na iyon ko unang naramdaman ang mga kakaibang bagay na nangyayari sa akin mga bagay na hiniling kong sana hindi na lang nangyari. Medyo matagal na panahon na para sa akin at halos dalawang taon na mula nung huli itong mangyari sa akin hanggang dumating ang araw na ito.

Hindi pa rin ako makapaniwala na nangyayari na naman sa akin ito at gaya noon ay gusto ko pa ring mawala ito. Ayaw ko na ulit maranasan ang ganitong mga kakaibang bagay. Ayaw ko na ulit mahirapan at masira ang bawat araw na darating sa akin. Hangga't maaari ay sana matapos na agad ito. Para makapamuhay na ako ng normal.

Tiningnan ko ang bracelet na binigay sa akin ni Leila kanina. Kahit hindi naman ako totally naniniwala sa lucky charms ay wala akong magawa kundi umasa na kahit papaano ay may maitutulong ito sakin. Hinawakan ko ito at tinignang mabuti. Maganda yung taste niya. Hindi ko tuloy alam kung charm ba talaga ito o accessory lang.

Dumating ako sa inuupahan kong kwarto at napagawi ang tingin ko sa study table ko kung saan nakalapag ang picture naming tatlo nila Leila at Arthur. Nakaka-miss din pala yung mga good old days kasama yung dalawang iyon. Napapangiti na lang ako kapag naaalala ko yung mga panahong magkakasama pa kami.

Napaupo ako sa kama ko at nagpahinga saglit saka ko inabot ang diary ko at binasa ko ito para maalala ko ang ilang mga bagay na ginawa ko para maiwasang mangyari sa akin ng paulit-ulit ang mga nararanasan kong kakaibang pangyayari. Medyo mahaba-habang gabi ang naghihintay sa akin ngayon pero kailangan kong bunuin ito para sa sarili ko rin.