Chereads / Katok (Knock On Wood) / Chapter 2 - One

Chapter 2 - One

Marahan kong hinigop ang in-order kong iced coffee para maibsan ang init na nararamdaman ko habang chini-check ko kung may message na ba siya sa akin. Makailang beses na rin akong tumingin sa oras. Kinse minuto pa lang ang lumilipas pero pakiramdam ko ay ilang oras na akong naghihintay na dumating siya. Ano ba kasing dahilan at natatagalan siyang makapunta dito?

Maaliwalas ang panahon ngayon. Maraming mga tao at sasakyang paroo't parito sa harapan ko. Isang normal na araw lang kung tutuusin. Matiyaga akong naghintay sa labas ng isang coffee shop para kitain ang isang kaibigan. May ibibigay raw kasi siya sa akin na isang importanteng bagay. Nakaupo lang ako pero pinagpapawisan ako. Hindi ko kasi alam kung anong nangyayari sa akin nitong mga nakaraan. Kung ano-ano na lang iniisip ko. Hindi naman ako ganito dati.

Pinunasan ko muna ng panyo ang mukha ko para pigilang tumulo ang butil ng pawis na bumababa mula sa noo ko. Daig ko pa ang nasa sauna sa dami ng pawis na lumalabas sa katawan ko, sa tingin ko nga ay kaya na nitong pumuno ng isang timba.

Sinubukan kong tumingin sa ibang direksyon at maghanap ng magandang tanawin para malibang ang sarili ko. Sumandal rin ako sa kahoy na upuan at inilagay ang kamay ko sa bakal na arm rest nito. Huminga ako ng malalim. Panandaliang pumikit ng mariin. Dinama ang paligid sabay dumilat ulit.

Pagdilat ko ay nagmasid ako sa paligid. Tumingin ako sa kalsada sa harapan ko. Limang metro lang ang layo ko mula sa mismong kalsada. Sa kabilang dako ay may nakatayong matanda at mga estudyante na papatawid sa pedestrian lane at hinahantay ang senyas ng enforcer na nagmamando para tumawid sila.

Binaybay ng tingin ko ang kalsada at nakita ko sa di kalayuan ay may intersection. May mga sasakyang nakatigil habang hinahantay ang green light. May ilang segundo pa ang nalalabi bago lumipat mula pula papuntang berde ang stoplight.

7...6...5...4...3...2...1... At naging green na nga ang ilaw sa stoplight. Nag-vibrate bigla ang cellphone ko at napalingon ako dito. Nagtext na yung kaibigan ko, mukhang papunta na siya at malapit na sa kinaroroonan ko. Maya-maya pa ay may narinig akong mga taong nagsisigawan.

Napatingin ulit ako sa kalsada at inalam ko kung bakit may mga taong nagsisigawan. Napatingin ulit ako sa gawi ng intersection at nakita ko ang isang 16 wheeler container truck na mabilis na tumataob at gumugulong ang container van nito papunta sa direksyon ko.

Napatayo ako at biglang kong nakita ang head part ng truck na mabilis na rumaragasa papunta sa direksiyon ng matanda at ng mga estudyante. Halos lumuwa ang mata ko nang makita ko kung paano inararo ng truck ang mga pedestrian sa kabilang parte ng kalsada.

Masyadong nabaling ang atensyon ko doon at muntik ko nang makalimutan na papunta pala sa akin ang container van ng truck. Walang malay sana akong madadaganan nito kung hindi ako hinatak ng isang babae pero sa pagkakataong hatakin niya ako ay huli na ang lahat.

Namalayan ko nalang ang sarili kong nakahiga sa kalsada katabi ng babaeng humatak sa akin kani-kanina. Nakadapa siya at walang malay. Bali-bali na ang mga braso niya at halos puro dugo nalang ang nakikita ko sa katawan niya.

Sinubukan kong umupo para sana mahila ko man lang ang babae sa gilid at humingi ng tulong pero ito na yata ang pinakapangit na desisyon na ginawa ko.

Pag-upo ko ay napasigaw na lang ako sa nakita ko. Nakalabas ang bituka ko, wala na akong mga binti at tuloy-tuloy lang sa pagsirit ang dugo na nanggagaling sa tyan ko.

*RESET*

"Sir? Sir? Sir, ayos lang po ba kayo?" dinig kong tanong ng lalaki sa gilid ko. Staff ng coffee shop at nakayukong tinitingnan ang kalagayan ko.

"A-ahh ayos lang ako. Pahingi na lang muna ng tubig", mahina kong sabi at di ko alam kung bakit pawis na pawis ako.

"Sige po, sir, wait lang po", tugon niya sabay alis sa gilid ko at patakbong pumasok ulit sa coffee shop.

Pinunasan ko ang pawis ko sabay sinubukan ko muling ibaybay ang tingin ko sa paligid. Sa pagkakataong ito ay wala na ang matanda o kahit isang estudyante sa paligid. Medyo nakahinga ako ng maluwag at tumingin muna saglit sa cellphone ko kung may message na ba sa akin ang kaibigan ko.

"Sir, ito na po yung tubig niyo. Sure kayo sir, okay lang talaga kayo?" tanong ulit ng staff sa akin at tinugon ko lang siya ng ngiti at tango.

Nang makaalis na ulit ang staff ay pinilit kong pakalmahin ang sarili ko. Hindi katulad kanina ay mas maayos na ang kalagayan ko ngayon kaya muli kong nilibot ang paningin ko sa paligid.

Ilang minuto ring naging tahimik ang paligid. Naging mas kalmado na rin ako 'di gaya kanina na halos hindi na ako makahinga dahil sa kaba sa mga nangyayari.

Maya-maya pa ay napagawi ang tingin ko sa may harapan ko kung saan may bangko sa di kalayuan. Kakaparada lang ng isang armoured van na may nakatayong dalawang sundalo at nakabantay.

Umiwas ako ng tingin nang makita kong gumawi sa akin ang tingin ng isa sa mga bantay ng armoured van.

Nang bumalik ang tingin ko sa kanya ay nakatutok na ang dala niyang armalite sa akin. Sa hindi ko malamang dahilan ay bigla niya itong pinaputok kaya napayuko ako at nagulat ako nang may humatak na naman sa likod ko.

Nilingon ko kung sinong humatak sa akin at nakita ko na naman ang babaeng humatak rin sa akin kanina noong may truck na gumulong dito sa kalsada.

Tiningnan ko ulit ang lalaking bumaril sa akin. Wala na siya doon. San siya nagpunta?

Luminga-linga ako para hanapin kung saan nagpunta ang lalaki nang biglang may malakas na pagsabog na gumulat sa akin sa mismong harapan ko. Napatilapon ako at humampas ang buong katawan ko sa pader.

Pagdilat ko ay pagapang akong naghanap ng pwedeng taguan pero hindi ako makaalis sa pwesto ko. Kahit kinakabahan ay tiningnan ko kung may tama ba ako sa kahit anong parte ng katawan ko. Napapikit na lang ako nang mariin nang makita kong wala na ang isa kong paa at kailangan kong hatakin ng mas maigi pa ang katawan ko.

Pinilit kong inangat ang itaas na bahagi ng katawan ko at hinatak ang sarili ko papasok sa isang convenience store kasunod ng coffee shop kung saan ako galing. Napahinto ako nang mabangga ang ulo ko sa isang bagay.

Dahan-dahan kong iniangat ang paningin ko para tingnan kung saan bumangga ang ulo ko pero dapat pala hindi ko na ginawa yon.

Nakita ko ang lalaking bumaril sa akin kanina na nakatayo sa harapan ko ang nakatingin sa akin habang nakatingala naman ako sa kanya. Wala na bang imamalas yung buhay ko?

Unang putok, tumama sa pisngi ko; napangiwi ako sa kakaibang sakit. Pangalawang putok, tumama sa balikat ko; napasigaw pa ako. Tumama ang pangatlong bala sa noo ko at tuluyan nang nagblangko ang paningin ko.

*RESET*

Nagri-ring ang cellphone ko may tumatawag yata. Tumingin ako dito at sinagot ko ang tawag.

"N-nasaan ka na ba? Kanina pa ako nandito. Anong oras ka makakarating?" mabilis at sunod-sunod na tanong ko sa tumawag sa akin. Oo, siya yung kikitain ko sana ngayon.

"Malapit na ako medyo traffic lang dito eh. Pero malapit na ako promise", sagot niya sa tanong ko pero hindi ko narinig yung gusto kong sagot.

"Five minutes. Bilisan mo kundi aalis na ako", sabi ko sa kanya habang madiin kong pinapahid sa mukha ko ang panyong dala ko.

"Hala grabe naman 'yan. Ten minutes, nandiyan na ako tatakbuhin ko na lang", mabilis niyang sagot sabay end call.

Kita mo nga naman ang galing sa negosasyon. Hindi na ako binigyan ng pagkakataong sumagot at magbigay ng palugit. Pero 'di ako papayag na mautakan niya ako.

Nag-set ako ng timer. Ten minutes. Para siguradong walang dayaan. Kailangan niyang bilisan bago pa may mangyari na namang hindi inaasahan at di ko na mapigilan ang sarili ko dito.

Hindi na ako tumingin sa paligid at tumitig na lang ako sa timer sa harapan ko. Hindi ko na pinapansin ng nangyayari sa paligid at patuloy lang sa pagtitig at mahinang pagbibilang kasabay ng pagtakbo ng oras.

Nine minutes and fifteen seconds. Kaya ko pa ba? Sana kayanin ko pa. Walang tigil sa pagtulo ang pawis ko kaya maya't maya rin ako ng punas dito. Pwede nang pigain yung panyo. Eight minutes and twenty-three seconds. Matagal pa ba?

Napalingon ako nang biglang may kumalabit sa balikat ko. Paglingon ko ay hindi na ako nagkaroon ng pagkakataon para kilalanin kung sino ang kumalabit sa akin dahil hinampas na nito ng matigas na bagay ang mukha ko dahilan para mawalan ako ng malay sa sandaling panahon.

Sinubukan kong idilat ang mata ko. Pagdilat ko ay nasa isang van na ako kasama ng tatlong lalaki at isang babae. Yung isang lalaki ay nagda-drive at katabi niya yung babae habang yung dalawang lalaki ay katabi ko.

Nakatali na ang mga kamay ko at nakabusal ng panyo ang bibig ay may nakapulupot pang duct tape dito. Ano bang kailangan nitong mga ito? Wala akong pera para kidnap-in. Kung yun yung pakay nila pero mukhang hindi.

Naglabas ng kutsilyo ang isa sa mga lalaki at ang isa naman ay may hawak na stainless na lalagyan at ziplock bag. Akala ko bata lang yung ginaganito pati pala kaming nasa 20's yung age ay target din.

Nadama ko ang grabeng sakit nang ibaon sa tiyan ko ang kutsilyo at hinatak pababa dahilan para magkaroon ng sugat na malaki sa gitna ng tiyan ko. Hinawa niya pa ang magkabilang dulo nito ng pahiga para makabuo ng mala-letter 'H' na nakahiga sa tiyan ko.

Gustong humiyaw at sumigaw ng sobrang lakas dahil sa matinding sakit na nararamdaman ko pero hindi ko magawa dahil sa busal sa bibig ko. Wala akong ibang nagawa kundi umiyak ng todo. Lalong tumindi ang sakit ng hatakin nila palabas ang mga lamang-loob ko dahilan para mangisay ang katawan ko sa sobrang sakit kaya hinawakan ako ng mariin ng lalaki sa kaliwa ko at pinilit na idiin ako para hindi gumalaw.

Ngumiti sa mukha ko ang lalaking may hawak ng kutsilyo sabay hawak sa baba ko at pinatingala ako. Napadilat ng todo ang mata nang naramdaman ko ang pagtarak ng patalim sa leeg ko at dahan-dahan itong naglakbay pahalang sa leeg ko.

*RESET*

Halos nakasubsob na ang mukha ko sa lamesa nang bumalik ang ulirat ko. Two minutes and thirteen seconds. Yun na lang ang natira sa oras na nasa cellphone ko.

Lalong lumala ang pagtulo ng pawis ko kaya patuloy lang ako sa pagpunas nito. Sumandal ako sa upuan at napakatok nalang ako sa kahoy na parte nito habang humihinga ng malalim.

Ilang saglit pa at dumating na ang hinihintay kong tao. Isang babae na maputi at halos ka-height ko lang. Nakasalamin, straight ang buhok at slim. Hindi lang siya masyadong nag-aayos sa sarili pero para sa akin maganda siya. Siya si Leila, isa sa mga tumulong sa akin noon nang may mangyari ring ganito sa akin.

One minute and seven seconds. Mas maaga sa inaasahan.

Umupo siya sa harap ko at natatawang tumingin sa akin. Kinuha niya ang cellphone sabay pinindot ang 'stop' button sa timer na sinet ko.

"Ayaw mo talagang magpatalo. Talagang nag-set ka pa ng timer para eksaktong ten minutes ka lang maghahantay", nakangiting sabi niya sabay kumuha ng tissue sa bag niya at pinunasan ang pawis niya. Kumuha pa siya ng kaunti at dinikit sa noo ko.

"S-salamat", mahinang sabi ko at pinunasan ang pawis ko.

"Bakit ba pawis na pawis ka diyan? May nangyari ba?" tanong niya habang nagpupunas ng pawis.

"Nangyari na naman yun", mahinang sabi ko sa kanya.

"Yon? Meaning yung nangyari sayo dati? Weh?" tanong niya at tango lang ang tangi kong nasagot.

Ilang sandali ring tumahimik ang paligid sabay tumingin siya sa akin at pinuwesto niya ang dalawang braso sa lamesa at nilapit ang katawan niya sa direksiyon ko.

"Kumatok ka na? Iyan oh. Kahoy 'yang upuan ha. Don't tell me hindi mo naisip 'yon?" tanong niya sa akin pero hindi ko alam kung paano sagutin ang mga tanong na iyon.

"Uhh late ko na naisip. Nakatatlong beses na bago ko nagawa", sagot ko sabay ngiti ng pilit na naging dahilan yata para lalo siyang ma-badtrip.

"Bakit ka nakangiti? Kala ko ba hindi magagandang bagay ang nae-experience mo 'pag nangyayari iyon?" tanong niya sabay may kinuha sa bag niya.

"Hindi nga maganda. S-sorry", sagot ko sabay yuko para umiwas ng tingin sa kanya.

"Oh heto. Sana makatulong. Lucky charm 'yan. Pero hindi ko alam kung para saan. Nabili ko lang 'yan do'n sa bangketa tapos no'ng nagtanong ako sa ale 'yan daw bilhin ko. Effective daw", sabi nito habang inaabot sa akin yung bracelet na parang wala namang kakaiba. Sana nga makatulong.

Sinuot ko yung bracelet pero wala akong naramdaman na kakaiba dito. Wala pa siguro sa ngayon. O wala talaga. Ano man ang sagot, malalaman ko iyon sa mga susunod na araw.