ALAS DOS NG hapon ang conference kaya thirty minutes before the scheduled time ay sunod-sunod na nagsidatingan ang mga panauhin. Naihanda niya na rin lahat ng mga kakailanganing documents sa meeting.
Wala pa ang magkakapatid na lalakeng Lenares. Habang hinihintay ang mga ito ay nanatili muna siya sa cubicle niya.
Makalipas ang ilang minuto ay nakita niyang paparating sina Calvin, Klein, Giorgio, Armani at Dexter. Isa-isang bumati sa kanya ang apat. Ngunit si Dexter, hindi man lang siya nito nagawang tingnan. Dumeretso lamang ito patungo sa conference room.
Napakibit balikat siya. Nang tawagin siya ni Vhivian ay kinuha niya ang record book at ballpen. Sabay na silang pumasok sa conference room.
Habang nangyayari ang meeting ay panay ang pagsulyap niya sa kinauupuan ni Dexter. Nakasandal ito sa sandalan ng inuupuang swivel chair. Nakatuon ang pansin ng lahat sa powerpoint presentation na ipinapakita ni Vhivian maliban dito. Abala ito sa paglalaro ng lapis na hawak-hawak nito.
Nakaupo siya sa likurang bahagi ng conference room. Hawak-hawak ang record book at ballpen, hindi siya sigurado kung ano ba ang siyang isusulat niya. Nawawala siya sa konsentrasyon.
Nanatili siyang nakatingin kay Dexter. Mukhang malalim ang iniisip nito.
Sino? Si Amber? Iyon ang kauna-unahang bagay na sumagi sa isipan niya. Malamang maayos na ang lahat sa pagitan ng dalawa. Kaya ba hindi na siya nito napapansin? Para bang hindi na siya nag-e-exist rito.
Bumuntong hininga siya ng mahina. Pagkuwa'y itinuon na lamang ang pansin sa mga kaganapan sa loob ng silid na iyon.
Pagkatapos ng mahigit isa at kalahating oras ay natapos rin ang meeting. Isa-isa ng nagsilabasan ang mga ito. Nanatili siyang nakatayo malapit sa nakabukas na pintuan. Nang mapadaan ang mga ito ay ningitian siya, maliban ulit kay Dexter. Hindi siya nito tiningnan. Derederetso lamang ang paglalakad nito palabas ng conference room hanggang makalabas ng department.
Aaminin niya, hindi maganda ang resulta ng mga nangyayaring ito sa kanila. Lalong-lalo na para sa kanya. Gusto niyang kausapin siya nito, pansinin man lang. Gusto niyang kinukulit siya nito tulad ng dati. Pero iba na ang lahat ngayon. Wala na siyang kailangang asahan pa mula rito.
At ang ganoong sitwasyon ay nagtagal ng ilang araw. Halos hindi niya na nakikita si Dexter sa kompanya. Kapag may pinapapirmahan siya rito ay idinadaan niya na kay Alexa. At kapag may urgent meeting na pinapatawag si Vhivian, iyon at iyon pa rin. Para bang hindi siya nito nakikita. Palagi na lamang siya nitong nilalampasan.
Tuwing hapon ay napapatingin siya sa main door ng department nila. Nagbabasakaling nasa labas ito at hininhintay siya. Ngunit kahit anino man lang nito ay hindi niya na nasisilayan. No more texts and calls, nothing at all.
Well, this is how life goes. Nabuhay ako ng mahigit dalawampu't dalawang taon noong hindi pa kita nakikilala. At kakayanin ko ngayong wala ka na.
Isang araw niyan ay bigla siyang pinatawag ni Vhivian sa hindi malamang dahilan. Kinabahan siya dahil sa nakikita niya ay galit ito at hindi mapakali.
"Tumawag ka sa opisina ni Dexter ngayon, " anito habang abala sa paghahalungkat ng mga papeles na nagkalat sa mesa nito. Para bang may hinahanap ito. "Sabihin mo na kung wala na siyang balak trabahuin ang mga proyektong pinanghahawakan niya ay magresign na siya!"
Napaawang ang mga labing napatingin lamang siya sa galit na babae.
"For the love of God, mukhang gusto niyang talikuran tayo ng maraming clients at magkaroon ng kaliwa't kanan na penalty."
"Y-Yes, Ma'am."
Natatarantang lumabas siya ng opisina ni Vhivian at bumalik sa cubicle niya. Agad siyang tumawag sa HR Department. Agad na sinagot ni Alexa ang telepono.
"HR Office, good morning."
"Alexa," sambit niya sa pangalan nito. "Si Danelle 'to."
"Hmmm, hi! Ano maipaglilingkod ko sa maganda kong office friend?"
Napahagikhik siya. "Nagwawala kasi ang boss ko," aniya at bahagyang hininaan ang boses. "Nandiyan ba ang boss mo?"
"Naku, two days ng absent sa trabaho si Sir Dexter. Hindi mo ba alam?"
Dalawang araw ng absent? At bakit? "H-Hindi, eh. Bakit?"
"Sick leave, Danelle. Hindi ko na nga alam kung ano ang gagawin ko. Sobrang dami ng tumatawag rito sa office at hinahanap siya. Sumasakit na ang ulo ko."
"S-Sige, salamat. Sasabihin ko na lang kay Ma'am Vhivian."
"Okay."
Hindi niya maiwasang mabahala. May sakit si Dexter. At nag-iisa lamang ito sa mga sandaling ito.
Pumasok siya sa opisina ni Vhivian. "Ma'am, wala po si Mr.Lenares," aniya.
Kunot noong tiningnan siya nito. "What do you mean, wala?"
"Absent siya sa trabaho mula pa kahapon. Nag-sick leave daw po sabi ni Alexa."
Inihinto ni Vhivian ang ginagawa. Pagkuway nagpakawala ng isang buntong hininga. "Hindi man lang niya ako nagawang tawagan," anito.
Maging ito ay hindi rin alam ang tungkol sa kalagayan ng kapatid.
"I swear, mamamatay ako sa stress." Natapik nito ang noo. "Puntahan mo si Alexa. Sabihin mo na kailangan ko ang lahat ng mga documents ng bidders of last week's bid opening. Ako na ang magtatrabaho. Kasi kung hihintayin ko ng kapatid ko, aabutin tayo ng siyam-siyam nito."
"Y-Yes, Ma'am."
"At dumaan ka na rin ng Procurement Office. Sabihin ko sa BAC Secretariat na i-email sa akin ang lahat ng drafts ng minutes at bid evaluations ng nakaraang bidding activities."
"Yes, Ma'am." Tumalikod na siya. At bago siya nakapuntang pintuan ay tinawag siya nito ulit.
"Danelle, wait."
Agad niyang nilingon ito. "Yes?"
"May problema ba kayong dalawa ni Dexter? I'm sorry kung nakikialam ako kaya lang may napapansin ako sa inyo nitong mga nagdaang araw."
Marahan niyang nakagat ang pang-ibabang labi. "M-May hindi lang pagkakaunawaan," aniya.
Napatango ito. "Well, that explains why. Maging trabaho niya ay naaapektuhan."
Hindi siya nakapagsalita. Apektado ba ito sa kung ano ang mga nangyayari sa kanila ngayon? Imposible!
"Hindi mo alam na may sakit siya?"
"Hindi po," sabi pa niya. "M-Matagal na rin kaming hindi nakakapag-usap na dalawa."
"I see." Muli ay napatango-tango ito. "Sana lang maayos niyo na ang problema ninyong dalawa."
Ngumiti lamang siya at umalis na. Sa isip niya, wala na sigurong paraan at dahilan para magkaayos sila. It's better this way. Iyong may distansiya sila sa isa't isa.
For better or for worse? Hindi siya sigurado.
Agad niya ng ginawa ang inutos sa kanya ni Vhivian. Matapos niyang dumaan sa HR Department ay dumeretso siyang Procurement Office. At ng masigurong nagawa niya na lahat ay saka siya bumalik ng opisina at ibinagay lahat kay Vhivian ang mga hinihingi nito.
Inatasan siya nito na gawin ang ilang minutes ng mga nagdaang bidding activities. Ilan doon ay natapos ng i-finalize kaya kukunti na lamang ang tatrabahuin niya. At kahit masyadong abala ay hindi niya pa rin maialis sa isipan si Dexter.
Alas singko trenta na ng lumabas siya ng opisina. Nakita niya si Max sa labas ng building, nakatayo malapit sa kotse.
"Hi, Max," agad niyang bati rito.
"Hello." Pinagbuksan siya nito ng pinto. Pagkasakay siya ay agad nitong isinara iyon.
"Kumusta?" tanong niya rito ng makaupo ito sa driver's seat.
"I'm good. How was your day?"
"Just fine," aniya lang.
Pinaandar nito ang sasakyan at pinatakbo na paalis. Mag-iisang buwan na rin si Max at ang mga kasama nito sa pagbabantay sa kanya. And it's good to know na ligtas siya dahil sa mga ito.
"May sakit si Dexter, " sabi niya rito.
"Yes," sabi naman nito.
Napatingin siya rito. "Alam mo?"
"Nabanggit niya sa akin. Kaya gusto niyang bantayan kita ng maigi lalo na at wala siya."
Napabuntong hininga siya. Hindi niya maintindihan ang drama nito. Kung iisiping mabuti hindi na nito kailangang pabantayan pa siya. At bakit ba concern pa rin ito sa kanya gayong nagbalik na muli sa buhay nito si Amber?
"Nakita mo si Dexter at Amber na nag-uusap noong gabing iyon, Danelle?"
Alam niyang tinutukoy nito ang gabi noong birthday party ni Wilfredo Lenares. "Oo," pagtatapat niya. At kung tutuusin hindi lang naman simpleng pag-uusap ang naganap noong gabing iyon. Bigla ay naalala niya ang eksenang naganap. Hinding-hindi niya makakalimutan kung paano nito nagawang halikan si Amber. Pakiramdam niya ay nilulunod ng husto ang puso niya sa kaganapang iyon.
"So, nakilala mo na si Amber?"
"Just by name," aniya. "Naikwento sa akin ni Ma'am Vhivian ang tungkol sa kanila ni Dexter dati at nabanggit niya ang pangalan nito." Pero naalala niya ang unang pagkikita nila nito sa kompanya. "At nagkita na rin kami dati."
"Really? Where? When?"
"Noong magkaroon ng birthday celebration ni Engr. Lenares sa kompanya. Noong araw ding iyon. Papunta akong opisina ni Dexter that afternoon ng makasalubong ko si Amber. At sa tingin ko, galing siyang opisina ni Dexter."
"Oh. Wala man lang sinabi sayo si Dexter? "
"Walang dahilan para sabihin niya sa akin ang mga ginagawa niya, Max."
Narinig niya ang pagbuntong hininga nito. "Iniisip mo ba na hanggang ngayon ay mahal pa rin ni Dexter si Amber? "
"I can't think of anything else, Max. Iyon naman kasi ang nakikita at nararamdaman ko."
Hindi na kumibo pa si Max. Itinuon na lamang nito ang paningin sa kalsada. Siya naman ay tumingin sa labas ng bintana ng sasakyan. Tama na ang mga narinig niya mula sa pag-uusap na iyon ni Dexter at ng ina nito. At tama na rin ang mga nakita niya na nangyari rito at kay Amber para masiguro niyang wala siyang puwang sa puso nito.
*** *** ***
"PWEDE BA TAYONG dumaan sa unit ni Dexter, Max?" tanong niya kay Max. "Aalamin ko lang ang kalagayan niya."
"You still care for him," anito.
Bahagya siyang natawa. Well, simply because she loves him. Hindi naman nawawala iyon sa kabila ng lahat ng mga nangyari.
"Walang problema, " sabi nito. "I'll drop you there."
"Gusto ko ring ipaalam sa kanya ang tungkol sa pag-alis ko." Nitong isang gabi ay napagdesisyonan niyang ituloy ang pag-alis. Pupunta siya sa ina niya sa America.
"Aalis saan?" Nabigla ito.
"Magbabakasyon lang. Pupunta ako sa Mama ko sa America. Matagal-tagal ko na rin siyang hindi nakakasama. At gusto ko ring makapag-isip ng maayos habang nandoon ako."
"At para makalimot?"
Hindi siya agad nakasagot. "I don't know, Max," sabi niya. "Saka ko lang siguro mahahanap ang totoong dahilan kapag nandoon na ako."
"Naiintindihan kita, Danelle. Hindi rin naman kita masisisi. Kung sa palagay mo makakabuti sayo ang paglayo, go for it."
Pagdating nila ng condominium ay kinabahan siya. Hindi niya alam kung tama nga ba na pumunta siya rito. Pero gusto niya lang talagang makita ito at masiguro ang kalagayan.
"Hihintayin kita rito?" tanong nito pagkababa nila ng sasakyan. Ipinarada nito ang kotse sa harapan lamang ng condominium.
"Hindi ako magtatagal, " sabi niya.
"Okay. Hindi na ako papasok sa loob. "
Habang papasok siya ng gusali ay hindi pa rin mapanatag ang loob niya. Hindi niya alam kung bakit kailangan niyang makaramdam ng tensiyon sa kaloob-looban niya. Hindi pa siya handa na harapin ito.
Bahala na.
Habang nasa elevator siya paakyat sa unit nito sa sixth floor ay panay silip niya sa cellphone niya. Nagbabasakaling may mensahe siya mula rito. Ngunit wala. Napabuntong hininga na lamang siya. Ipinagdarasal niya na lang na sana maging maayos at maganda ang takbo ng pag-uusap nilang ito.
Paglapag ng elevator sa sixth floor ay napahinga siya ng malalim. Pagbukas ng pinto ay nangangatog ang mga tuhod na humakbang siya palabas. Natatanaw niya ang unit nito. At hindi pa man lang siya nakakalapit ay bumukas ang pinto. At ganoon na lamang ang pagkabigla niya ng makitang lumabas si Amber at kasunod na lumabas ay si Dexter.
Natigilan siya. Parang napako ang mga paa niya sa kinatatayuan. Nanatili ang tingin niya kay Amber na noon ay nakangiting napatingin sa kanya.
Ano ang ginagawa niya rito? tanong sa isip niya. Agad niyang inilipat ang tingin kay Dexter na nasa likuran lamang nito, gulat na gulat ng makita siya. Hindi siya sigurado sa kung ano ba ang hetsura niyang nakikita nito. Hindi niya alam kung tatakbo ba siya paalis. Pero iisang bagay lamang ang sigurado siya, nahihirapan siya sa paggalaw.
Namamanhid ang mga tuhod niya, nanlalamig ang buo niyang katawan, at masikip na masikip ang dibdib niya. At pakiramdam niya ay maiiyak na siya sa mga sandaling ito. Kung bakit ba kasi naisipan niyang daanan pa ito?
Kumilos si Dexter. Lumabas na ito ng tuluyan at nilampasan si Amber. Humakbang ito papalapit sa kanya at agad siyang hinawakan sa kamay.
"Wow!" Humakbang papalapit sa kanila si Amber. "How sweet. So, this is how things work now, huh? Siya ba ang dahilan kung bakit mo na ako ipinagtutulakan?"
"Just leave, Amber," sabi ni Dexter, in a gentle tone.
Hinila siya nito patungong pintuan. Bahagya siya nitong itinulak papasok sa loob at bago pa man tuluyang maisara ni Dexter ang pinto ay nagawa niyang lingunin si Amber. Nanlilisik ang mga matang nakatitig ito sa kanya.
"Where's Max?" tanong nito sa kanya.
"H-He's outside. H-Hindi na rin naman ako magtatagal. I guess, I should leave now."
"No." Kinuha nito ang cellphone na nasa center table ng living room. "Stay."
Sa sandaling ito ay dapat wala na siya sa lugar na ito. Pero bakit siya nakikinig rito ngayon?
Tinawagan nito si Max. "You can go now, Max," sabi nito. "Danelle will stay. Thanks."
Matapos ibaba ang cellphone ay binalingan siya nito. "Why are you here?"
"N-Nalaman ko kasi kay Alexa ang dahilan kung bakit hindi ka pumapasok sa trabaho. N-Naisipan ko na daanan ka para kumustahin." Napayuko siya. At ngayon ay nagpapaliwanag siya.
"Danelle..."
"I-I can't take this anymore." Hindi na niya napigilan pa ang sariling mapaiyak. "I have to go."
Humakbang siya patungong pinto ngunit agad siyang napigilan nito. Buong lakas na hinila siya nito at niyakap ng mahigpit.
"I'm sorry," sambit nito.
Nagpumiglas siya. Ngunit ayaw siya nitong pakawalan. Hanggang naramdaman niyang nawalan na siya ng lakas at hinayaan na lamang ito sa pagyakap sa kanya.
"Why, Dexter? Why?" Napahagulhol siya ng iyak. "Alam mo kung gaano kita kamahal pero bakit hinahayaan ko na mangyari 'to?"
"I'm sorry, Danelle. Hindi ko balak na masaktan ka. At wala akong intensiyon na saktan ka."
Itinulak niya na ito. Nagkaroon na siya ng pagkakataong dumistansiya rito. "Hindi balak? Walang intensiyon? So, ano ang maitatawag mo sa mga ginagawa mo sa akin? Ano ba talaga ako sayo, Dexter?"
Isinuklay nito ang mga daliri sa buhok.
"Mahal mo pa rin siyang talaga, 'no?"
"Bahagi na ng nakaraan ko si Amber, Danelle. At wala na akong balak papasokin siyang muli sa buhay ko."
"Sinungaling ka. Kung totoong wala ka ng pagtingin sa kanya, hindi kana dapat nakikipagkita pa sa kanya."
"I need to. Dahil gusto kong hingin ang eksplinasyon niya kung bakit kailangan niya akong iwanan noon. Hinintay ko ang pagkakataon na magkita kaming muli. Hindi dahil sa umaasa akong magiging maayos pa ang lahat sa amin. Matagal ko ng tinanggap na wala ng chance maging maayos ang lahat. Gusto ko lang ipaalam sa kanya na kaya ko pa ring ipagpatuloy ang buhay ko kahit wala na siya.
"Hindi naging madali para sa akin na kalimutan ang lahat. Hindi lang naging madali para sa akin na tanggapin ang sakit. Kaya ganoon ang takot ko na magmahal muli. But when I met you, Danelle, believe me, you changed everything. Hindi ko alam kung ano ang ginawa mo pero ang alam ko, binago mo ang lahat sa buhay ko."
"But why can't you love me? Mahirap ba akong mahalin?"
"I am, Danelle! Damn it, I do love you. I am loving you!"
Napanganga siya habang tiningnan ito. Tama ba iyong narinig niya? Nasundan niya ito ng tingin ng tumugo itong living room. Pabagsak na umupo ito sa mahabang sofa. Hinilot-hilot nito ang ulo.
Nakalimutan niya, may sakit pala ito. Kibit balikat na nilapitan niya ito. "Kung magtatapat ng nararamdaman kailangan ba talagang sumisigaw?"
Nagtaas ito ng ulo upang matingnan siya. Ngumiti ito. "Sit," sabi nito sa kanya.
Ngunit parang hindi niya ito narinig. Nanatili lamang siyang nakatayo.
Hinawakan nito ang kamay niya at hinila siya paupo sa tabi nito. "Look, I'm sorry." Sumandal ito. "Naging magulo ang lahat dahil sa akin. Dahil hindi ko nagawang siguradohin agad kung ano man ang nararamdaman ko para sayo."
"Kailan pa? Kailan mo pa nalaman?"
"Na mahal na kita?"
Tumango siya.
"Matagal na marahil, Danelle. Pilit ko lang kinukumbinse ang sarili ko na hindi ako dapat nagmamahal. But you're just too different."
Kumunot ang noo niya.
"In a sense na nahihirapan akong pigilan ang nararamdaman ko sa tuwing kasama kita. Bawat galaw mo, maliit man o malaki, nagsilbing malakas na temptasyon sa puso at isipan ko. You're unique and that's what makes you so special."
Parang gumaan ang bigat ng nararamdaman niya sa nalaman. "But she's beautiful, " aniya. "And sexy." Nakikita niya naman iyon. At hindi maiwasang makaramdam siya ng insecurity rito.
"I know. But I don't care. You are more beautiful and more sexy to me now."
Napayuko siya. Pinamulahan siya ng mukha. Napapansin na siya nito.
"Why are you here again?"
"Para bisitahin ka. At para sana magpaalam sayo."
Nagsalubong ang mga kilay nito. "What do you mean?"
"Balak ko na puntahan at bisitahin si Mama sa America. Para sana, makapag-isip na rin doon. Para sana mahanap ang sarili ko."
"What?!?" Napatayo ito.
"Well---"
"You can't leave, Danelle." Lumakad-lakad ito paroo't parito. "You can't just leave me."
Tumayo siya. "Sandali lang. Pakinggan mo muna ako, pwede?"
Huminto ito.
"Kung hindi mo pa inamin ngayon ang totoo malamang itutuloy ko ang pag-alis ko. Lalo pa at nakita ko si Amber rito kanina. Bakit nga ba siya nandito?"
"Hindi ko naman alam na pupunta siya rito. Ayaw niya akong tigilan. Gusto niyang magkabalikan kami. Pero hindi na mangyayari iyon."
"Why?"
"Dahil nga bahagi na lamang siya ng nakaraan ko na kailangang kalimutan. Ikaw na ang mahalaga para sa akin ngayon, Danelle. At hindi na ako ma---" Bigla itong bumagsak paupo.
Natatarantang nilapitan niya ito. "Are you okay?"
"I'm not feeling well."
Dinama niya ito sa noo at leeg. Parang napaso siya sa init nito. Napabuntong hininga siya. "Tayo na sa kwarto mo," sabi niya.
"Pwedeng pass muna tayo ngayon? I swear, sobrang namiss kita pero mukhang wala ako sa mood tonight."
Hindi niya alam kung nagbibiro lamang ito o hindi. Pinaikot niya ang mga mata at marahang hinampas ito sa braso. "May dinaramdam na nga, nagloloko pa." Inalalayan niya ito sa pagtayo. "Kailangan mong magpahinga."
Sinamahan niya ito hanggang sa kwarto nito. Nararamdaman niya ang init sa katawan nito. Pinahiga niya ito sa kama. Pagkuway tinakpan ng kumot ang katawan nito. "Uminom ka na ba ng gamot?" tanong niya.
"Two hours ago," sabi nito. "Or more. I'm not sure."
"It's okay."
Nakita niya ang thermometer na nasa ibabaw ng bed side table. Kinuha niya iyon upang kunan ito ng body temperature. Nasa thirty nine point five tumama iyon. Mataas ang lagnat nito.
Lumabas siya ng kwarto at tumungong kusina. Nagpakulo siya ng tubig. Naghanap siya ng mapaglalagyan ng tubig. Pagkaraan ng ilang minuto, dala ang isang pinaglagyan ng pinakulong tubig ay bumalik siya sa kwarto ni Dexter.
Natutulog na ito. Inilagay niya ang dala sa ibabaw ng bedside table. Tumungo siyang banyo at kumuha ng malinis na bimpo. Lumabas na siya at binalikan ito. Dahan-dahan, naupo siya sa gilid ng kama. Ibinabad niya ang bimpo sa tubig. Piniga niya iyon at marahang inilagay sa noo ni Dexter.
Pinagmasdan niya ito. Medyo mahaba na ang balbas nito sa mukha. Pero magpaganoon pa man ay nanatili pa rin ang kagwapohan nito. Muli ay dinama niya ito sa leeg. Mainit pa rin. Mamaya ay aalamin niya na naman ang temperatura nito.
Tumayo na siya. Hahayaan niya na muna itong makapagpahinga. Lumabas siya ng kwarto nito. Naisipan niyang igawa ito ng chicken soup. Kailangan nitong kumain kahit kaunti bago muling uminom ng gamot.
Habang abala sa pagluluto ay naisipan niyang tawagan ang ina.
"Hi sweetheart." Masaya ito sa pagtawag niya.
"Hi, Ma. Kumusta?"
"I'm good. Ikaw? Kumusta na diyan?"
"Doing fine. Tumawag ako to let you know na, hindi ko na muna itutuloy ang pagpunta riyan."
"You changed your mind? Why? Naayos niyo na ba ni Dexter ang problema ninyo?"
"We're getting there."
Bumuntong hininga ito. "Okay. Pero sana magawa mo pa ring dalawin kami rito."
"I will. Don't worry."
"I missed you, Danelle."
"I missed you, too."
Hindi na niya pinahaba pa ang usapan. Mauubos na ang load niya. Mahal pa naman kapag long distance call. Habang hinihintay na Maputo ang pagkain ay naisipan niyang maglibot-libot muna sa buong bahay. Ilang beses na rin siya rito sa unit ni Dexter pero hindi siya nagkaroon ng panahong libutin at tingnan ang kabuuan nito.
Parehong nasa ibaba ang kwarto ni Dexter at ang kwartong tinutuluyan niya dati. Sa ikalawang palapag, iisang kwarto pa lamang ang napasok niya. Ang kwarto kung saan nangyari ang make over na iyon sa kanya ni Maydhen. May limang silid na nandoon. Ang apat ay hindi niya pa nakikita.
Inisa-isa niya ang bawat silid. Apat ay nakasara. Sinubukan niyang buksan ang nasa dulong bahagi. Nakabukas iyon. Pumasok siya sa loob. Nanatiling nakabukas ang ilaw.
This is Dexter's library. May kalakihan ang silid. At sa nakikita niya ngayon, hindi lang ito basta-bastang library. Sa isang bahagi ng silid ay may isang malaking flat screen television. Makikita roon ang bawat sulok ng bahay kung saan may surveillance cameras.
Oh my God! Hindi siya makapaniwala. Minumonitor rin pala nito ang bahay nito. Ngayon niya lang nalaman ang tungkol sa bagay na ito. Nakakabilib ang seguridad ng lalakeng ito.
Inilibot niya pa ang paningin. Tumungo siya sa working table nito. Napakaraming papeles na nagkalat roon. Alam niyang ang ilan rito ay sa trabaho nito sa opisina na hanggang ngayon ay hindi pa rin nito natatapos. He is really a busy man.
Napasilip siya sa relos niya. Mag-aalas otso na ng gabi. Mukhang kinakailangan niya na itong balikan upang matingnan muli. Nilisan niya na ang silid na iyon at tumungong kusina para tingnan ang niluluto. Nang masigurong luto na ito ay dumeretso na siya sa kwarto ni Dexter.
He's still sleeping. Nilapitan niya ito. Kinuha niya ang bimpo na nasa noo nito. Dinama niyang muli ito. Mainit pa rin. Kinuha niya ang thermometer para makasiguro. It's thirty eight now.
Napabuntong hininga siya. Marahan, niyugyog niya ito sa balikat nito. "Dexter?"
Umungol lamang ito.
"Gising," aniya.
Iminulat na nito ang mga mata. Tiningnan siya nito.
"Kumain ka muna bago uminom uli ng gamot," sabi niya.
"Wala akong gana," sabi nito.
"Pilitin mo." Kumuha siya ng t-shirt sa closet nito. "Kailangang magkalaman iyang sikmura mo."
Nilapitan niya ito. Naupo siya sa gilid ng kama. Hinila niya ito patayo. Hinubad niya ang damit nitong basing-basa sa pawis at binihisan ito.
"It's useless, Danelle," anito at nahigang muli. "Isusuka ko lang ang kakainin ko."
"Pinagluto kita. Kahit kaunti lang. Para makainom ka na ng gamot."
"Pwede akong uminom ng gamot kahit hindi pa ako kumakain. Don't worry, okay? Safe ang gamot ko."
"Sabi ng doktor?"
"Sabi ni John Lloyd Cruz."
Napangiwi siya at napatingin na lamang rito. Bumangon ito at sumandal sa headboard ng kama. Inabot nito ang gamot at baso ng tubig. Inimom nito ang gamot.
"Kakain ako kapag nagutom na ako," sabi nito pagkatapos.
Tumayo siya.
"Please don't leave," pigil nito sa kanya.
"For heaven's sake, Dexter, I'm not going anywhere. Aalisin ko lang ang mga 'to rito." Itinuro niya ang mga nasa bedside table.
"Just leave them." Hinila siya nito paupo. "I just want you here beside me."
Napakibit balikat na lamang siya. Tiningnan niya ito. Sobrang dami pa ting katanungan ang bumabagabag sa kanya ngayon.
"Kung may gusto kang itanong, go ahead." And here he goes. Bigla na lamang nababasa ang nasa isipan niya.
Napabuntong hininga siya. "You mean it?" tanong niya. "Iyong mga sinabi mo kanina?"
"Hindi ka naniniwala?"
"Bigla-bigla lang kasi." Napayuko siya.
"Totoo ang lahat ng mga sinabi ko, Danelle. At hindi kita pipiliting paniwalaan ako."
Napakagat labi siya.
"And please stop biting your lip. It's a destruction to me. Baka hindi ako makapagpigil makain ko iyan."
Kinabahan naman agad siya. But some part of her nagsasabing gusto niya rin na gawin nito iyon sa kanya. Pwede niyang gawing saksi ang mundo sa sobrang pananabik niya rito.
Napakamot siya sa ulo niya. Nagpatuloy siya sa pagsasalita. "W-Why did you kissed her?"
Nakita niya ang bahagyang pagtaas ng kilay nito.
"You kissed her that night. N-Nakita ko kayo." Sumikip ang dibdib niya.
"Kaya ba panay drama mo ng gabing iyon dahil nakita mo kaming dalawang nag-uusap?"
"Drama?" Isang mapait na ngiti ang kumawala sa mga labi niya. "Matatawag mo bang drama lang iyon? Oo nakita ko kayo at nakita kita na hinalikan siya at narinig ko kung ano ang mga sinabi mo sa kanya. Tamang-tama lang para malaman ko na hindi mo pa siya nakakalimutan. Kaya hindi mo ako masisisi kung pinagdududahan ko ang mga sinabi mo sa akin lately."
"Alright. Nakita mo ang pangyayaring iyon at hindi ko itatanggi."
Maiiyak na naman yata siya. "Why?"
"That was just a goodbye kiss, Danelle. Walang ibang kahulugan iyon."
"Walang kahulugan para sayo pero para sa akin meron. At kung maggu-goodbye kiss kailangan bang ganoon? You even told her she's your life and you can't live without her."
"That was before, Danelle. And I told you, you are all that matter to me now."
Tiningnan niya ito ng deretso sa mga mata. Bakit ba nahihirapan siyang paniwalaan ito? "Narinig ko rin ang pag-uusap ninyo ng Mama mo sa tv room," pagtatapat niya.
"Lahat ba narinig mo?"
Napalunok siya. "N-Not all."
"Ang pag-uusap na iyon namin ni Amber, narinig mo rin ba lahat?"
Umiling-iling siya. "P-Pero sapat na ang mga narinig ko para mapatunayang hindi ko siya kayang palitan diyan sa puso mo."
"Oh my!" Natupok nito ang noo. Pagkuway tumawa. "That explains why?"
Kumunot ang noo niya.
"Kung makikinig ka lang rin sa usapan ng iba, lubos-lubusin mo na. So it's your fault."
"My fault?" Pinanlakihan niya ito ng mga mata. Hindi siya makapaniwalang sinisisi pa siya nito ngayon. "Unbelievable! "
Naiinis na tumayo siya at tumungong balcony ng kwarto. Agad namang sumunod sa kanya si Dexter.
"Yes, it's your fault kasi react ka ng react, hindi mo naman pala alam ang buong pangyayari," sabi pa nito. "Kung tinapos mo sana lahat, hindi tayo aabot sa ganito, Danelle."
"Whatever!" Pinagkrus niya ang mga kamay at tumingin sa may di kalayuan.
"Hey!" Pinihit siya nito paharap rito.
Hindi niya ito tiningnan. Iniyuko niya lang ang ulo.
Hinawakan nito ang baba niya at inangat nito ang mukha niya upang magkatinginan sila. "Forget about Amber, okay?," anito. "Ikaw na ang importante sa buhay ko ngayon. At hindi ko alam ang gagawin kapag nawala ka pa. Ang hindi ka makasama at makausap kahit segundo lang, parang mababaliw na ako. Akala mo siguro ayos lang sa akin ang pag-iwas mo? No, Danelle. Mabigat na mabigat ang loob ko ang mga araw na iyon. Iniisip ko na marahil wala ng pag-asang maaayos pa natin ang lahat.
"Hindi ako makapagtrabaho ng maayos. Hindi ako makatulog dahil ikaw ang palaging laman ng isip ko. Palagi kang bumabagabag sa isipan ko. At hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko noong araw na nakita kitang may kasamang iba."