Nagpatuloy ang mga araw sa nakakapagod na pagtatrabaho sa bukid at karagatan. Ang ipinagpapasalamat ni Lester ay ang walang delubyong nangyari sa nayon makalipas ang ilang buwan mula ng magkaroon ng milagrong mga isda sa dalampasigan. Sa kanyang palagay ay naging mabait lamang ang taga-bantay ng karagatan kaya sila ay pinagpala.
Nang araw na iyun ay mayroon siyang kinuhang ilang kanayon upang magtrabaho sa kanilang bukid. Panahon iyon ng anihan ng mais at napakarami niyon. Kasabay din ang pag-ani ng mga kamoteng naglalakihan. Sadyang napakalulusog ng kanyang pananim at tiyak na marami siyang kikitain sa bayan!
"Ginoong Lester, ano ang iyong sekreto sa malulusog mong pananim? Sa tanang buhay ko ng pagtatanim ay hindi pa nagkaroon ng halos ganitong perpektong ani, halos wala kang makitang isa mang may pinsala!" bulalas ni Berto na may pagkamangha habang hinahagod ng tingin ang mga aning mais na nakatambak malapit sa kubo. Tinapunan din nito ng tingin ang tambak ng malulusog na kamote sa katabi.
"Hindi ko alam ang katugunan saiyong katanungan Ginoong Berto. Ginagawa ko lamang ay araw-araw na pag-aalaga sa pananim. Tinitiyak na walang mga peste sa paligid nito. At normal na masagana ang kalupaan na isa kong pinagpapasalamat!" nakangiting tugon niya.
Hindi man makapaniwala ay tumango na lamang ang kausap.
"Ginoong Lester! Tignan mo itong natamaan ng aking punyal habang nangangamote!" Patakbong lumapit kay Lester ang isa pang tauhan na si Selo. May dala-dala itong tila maliit na maruming... garapon?
Inabot ni Lester ang bagay at pinakatitigan. May kung anong dumaang eksena sa kanyang balintataw.
"Ito ang lalagyanan ko ng aking inumin Lester! Nililok ko sa garapong ito ang iyong pangalan. Dala-dala ko ito saan man pumaroon. Ang halaga nito ay kasinghalaga mo!" masayang wika ni Ezekiel na halos maningkit ang mga nagkikislapang mata dahil sa pagkakangiti.
"Ginoong Lester! Baka kayamanan ang laman niyan!" wika pa ni Selo.
Umusyuso din si Berto sa hawak niyang garapon. Pinilit niyang ikalma ang kanyang puso at ngumiti sa mga trabahador.
"Naaalala ko, ito ay inuman ng aking ama noong siya ay nabubuhay pa. Hindi ito kayamanan na katumbas ng maraming salapi subalit kayamanan ito sa aking pagkatao," mahinahon niyang tugon at hinaplos ang maruming garapon.
"Ahhh! Aming nauunawaan Ginoong Lester. Kung ganun ay dapat mo iyang itago at ipakita saiyong ina bilang pag-alala sa yumao mong ama." Umantanda ito at umusal ng panalangin sa pumanaw.
Tumango siya at ipinasok sa dala niyang bag na sako ang garapon.
Nahulog siyang muli sa pag-iisip ng bumalik ang mga tauhan sa kanilang trabaho.
"Ezekiel..."
"Kung ganun ay pilas nga iyun ng aking nakaraan at hindi panaginip lamang..."
Tumigil siya sa kakaparoo't parito at tumingala sa maaliwalas na kalangitan. Dakong alas tres na iyun ng hapon.
"Ano ang mga sekretong nawala at bakit nawala ang iyong alaala?"
Pumikit siya ng mariin at pilit hinagilap sa kanyang isipan ang itsura ni Ezekiel. Napakagandang lalaki, mahaba ang kulay pilak na buhok at may kulay pilak ding mga mata. Nakasuot ng mahabang abuhing damit na may mga espesyal na mga ukit. Nakangiti ito sa kanya subalit...
Dinakot ni Lester ang kanyang dibdib. Mahapdi, tila baga dinudurog at pinupunit. Nakita niya ang luhang pumatak sa mga pilak na mata ni Ezekiel.
"Lester! Pinakaiibig kita! Noon at kailanman!"
Marahas na lumingon si Lester. Naroon na naman ang malamyos na tinig na bumulong sa kanya subalit mag-isa lamang siyang nakatayo roon.
"Ezekiel...Hindi ko lubos na maunawaan at matandaan, subalit kung ikaw ay parte ng aking pagkatao, nararapat lamang na ako'y iyong paliwanagan," bulong ni Lester sa hangin.
At naramdaman niya ang malamig na hangin na tila baga yumakap sa kanya mula sa likuran. Wala na siyang tinig na narinig pa. Naging palagay ang kanyang kalooban sa yapos na iyun.
Ang pakiramdam ng yakap na iyon, sa wari niya'y kinasasabikan ng kanyang katawan.
Kinaumagahan, masayang namili si Lester ng kanilang pangangailangang mag-ina. Napakalaki ng kanyang kinita sa halos limampung sako ng mais at kamote! Naroon siya sa bayan at doon niya ibinenta ang kanilang ani.
May hila-hila siyang lalagyanan ng pinamimili sa malaking tindahan ng masalubong niya si Ginoong Lucas.
"Aba! Ika'y naririto Ginoong Lucas!" bati ni Lester.
Nasilayan niyang muli ang ngiti nito kasabay ng pagkislap ng kulay pilak na mga mata. 'Saan niya nga ba iyon nakita?'
"Ohh Lester iho! Mukhang marami ang iyong pinamimili," puna ng matanda sa kanyang dala-dalahan.
"Ahh opo Ginoong Lucas. Marami po akong kinita sa aning kamote at mais. Aha!"
Dumako ang tingin niya sa mga boteng alak na nakahilera sa estante sa bandang kaliwa niya. Tinuro niya ang mga ito at lumingon sa matanda at nagtanong, "Masarap daw ang mga alak na iyan, gusto mo po bang makipag-inuman sa akin, Ginoo? Tamang-tama at araw naman ng pahinga bukas."
Tumaas ang isang kilay ng matanda, sa tantiya niya ay hindi ito sang-ayun sa kanyang pag-inum subalit, "Siya sige, walang kaso sa akin, subalit ang gusto kong pulutan ay iyung ginataang manok na may maraming luya at sili," nakangiti na nitong sambit.
Lumaki ang mga mata ni Lester pati butas ng ilong. Nalaglag din ang kanyang panga!
"Iyon ay aking paborito, Ginoong Lucas! Hahaha! Sige sige, ako'y magluluto ng ginataang manok upang matikman mo ang pinakamasarap na manok sa buong buhay mo!"
Humalakhak ang matanda. "Huwag mo akong bibiguin, Lester. Dapat lamang na masarap ang iyong luto hane."
Malawak ang ngiting tinapik ni Lester ang balikat ng matanda, "Magtiwala ka lolo!" At kinindatan niya ito.
Nasilayan niyang muli ang mga kislap ng kulay pilak na mga mata nito. At lumapit ito sa estante, kumuha ng tatlong bote ng alak at nilagay sa kanyang lalagyanan. Hindi niya magawang alisin ang mga mata sa matanda. Kung pakatitignang maigi, mukhang napakakisig nito noong kanyang kabataan.
"Ayan, magkita tayong muli, Lester. Magdadala din ako ng sinampalukang baboy, tiyak na magugustuhan mo iyun." At kumaway itong papalayo.
Isipin pa lamang ay naglalaway na siya. Sa tuwing nagluluto ng sinampalukang baboy ang kanyang ina, sigurado siyang napakasarap niyon subalit tila may kulang na hindi niya matukoy. Ni minsan ay wala siyang binanggit sa ina.
Masayang pinagpatuloy ni Lester ang pamimili at magiliw na nagkatay ng tatlong alagang manok pagdating ng bahay. Para sa kanya, espesyal ang darating na panauhin.
Habang nakasalang ang nilalagang manok ay masayang nagwalis ng buong kabahayan si Lester. Ayaw niyang may masabi si Ginoong Lucas sa kanya. Nais niyang makita nito kung gaano sila kasinop sa kanilang tahanan.
"Ohh anak! May darating ba tayong bisita iho?" nagtatakang tanong ng ina habang tinitignan ang ginagawa niyang paglilinis.
"Opo, Ina! Inimbitahan ko si Ginoong Lucas upang mag-inuman. Magdadala daw siya ng sinampalukang baboy! Alam mo naman na gustong-gusto ko iyon!"
Masayang-masaya ang kanyang ina, "Salamat naman at marunong ka ng makipagkaibigan anak."
Nagkamot siya ng ulo, "Tahimik lamang po ako Ina subalit hindi ibig sabihin ay wala akong kaibigan..?"
"Hindi nga ba? Ang kaibigan ay iyong dinadala sa tahanan o paminsan ay kasa-kasama sa mga lakad. Ni isa ay wala kang ganuon maliban noong kabataan mo pa."
Kumunot ang kanyang noo. Kasabay ng pagkalabog ng kanyang dibdib.
"Kaibigan noong aking kabataan, Ina? Bakit wala po akong matandaan?"
Napakurap ang ina at napaisip ng malalim.
"Teka nga, sa tanda ko ay mayroon ka ngang kaibigan noon, pero hindi ko rin lubos matandaan." Hinagod nito ang sariling sentido at pumikit, "Malabo ang aking alaala. Bakit ganoon?"
Tahimik na pinagmasdan ni Lester ang inang pilit hinahagilap sa isipan ang alaalang sa wari niya'y katulad sa kanya, naglaho din.
'Si Ezekiel kaya ang tinutukoy ni ina?'
Nagpatuloy na lamang siya sa paglilinis at paggayak sa kanilang tahanan.
Dakong alas-sais ng gabi ng dumating ang bisita. Nakasuot ng puting kamiseta ang matanda at itim na pantalon. Naka sandalyas din ito at malinis tignan kahit sa kanyang edad. Sa tantiya ay nasa animnapung taong gulang na ito. Ubanin ang maiksing buhok at may maaliwalas na mukha. May bitbit itong basket na may kaldero sa loob.
"Ginoong Lucas! Aha ika'y naririto na!" Tumakbo siya upang kunin dito ang basket, "Pumasok po kayo upang makilala niyo rin ang aking ina."
Nagtuloy-tuloy si Lester sa kusina at hindi niya na nasilayan ang halos mawalang-kulay na ina ng masilayan ang bisita!
'Huwag kang mag-alala, Ginang. Wala akong balak kuhanin ang iyong anak, hindi pa iyun panahon at sumusunod ako sa ating kasunduan, subalit ako ay ako pa rin at pag-aari ko siya anuman ang iyung gawin. Ayaw ko lamang mapunta siya sa iba kagaya ng iyong kagustuhan. Hindi ako makakapayag!'
Marahas na lumingon si Lester sa matanda subalit nakangiti lamang ito sa inang nakatalikod sa kanya. Wala itong sinasabing anu pa man.
"Kaninong tinig iyon? Nababaliw na ba ako? Bakit may mga naririnig akong tinig?" hindi mapigilang ibulong ni Lester.
Nagsandok siya sa dalawang malalim na mangkok, isang ginataang manok at isang sinampalukang baboy. Kumalam ang sikmura niya. Amoy pa lamang ay natitiyak niya ng masarap ang nakahain. Maingat niya itong dinala sa mesang pag iinuman nila ng bisita doon sa munting salas nila. Nakaupo na ang matanda at tahimik ang inang nakaupo din sa katapat nito. Nakatingin lamang sa matanda.
"Haha, Ina! Nais ko pong ipakilala saiyo si Ginoong Lucas. Kaibigan ko po siya," masayang pagpapakilala ni Lester.
Tumayo ang matanda at lumapit sa kanyang ina, inilahad nito ang mga palad, "Ikinagagalak ko ho kayong makilala Ginang. Ngayon ay lubos kong nauunawaan kung saan nagmana ng kakisigan si Lester!"
Namula siya sa papuri ng huli subalit...
Namalikmata ba siya o nanginginig nga ang kamay ng kanyang ina ng iabot nito ang palad sa matanda? Saglit lamang iyon at tila napapasong hinilang muli ng ina ang mga kamay.
May umusbong na kung ano sa kanyang damdamin, 'hindi kaya may nakaraan sila ni Ina? Dating kasintahan kaya?'
Kumapit siya sa kanyang dibdib at mariing hinaplos iyun. Naramdaman niya ang tila malamig na bakal na humamig sa kanyang puso. Mahapdi at makirot.
"Ayos ka lamang ba Lester? May masakit ba saiyo?"
Nakita niya ang nag-aalalang tingin ni Ginoong Lucas na ngayon ay nasa kanya na ang atensiyon at wala sa ina.
"Ahhh!" Pilit siyang ngumiti, "Ayos lamang po ako Ginoong Lucas."
Dinampot niya ang kubyertos at tinikman ang dala nitong sinampalukang baboy. Tumikim siya muli. Isa pa. Isa pa.
"Napakasarap nito, Ginoong Lucas!"
Ang lasang hinahanap-hanap niya sa luto ng ina!
Tila nakahinga ng maluwag ang matanda matapos marinig ang kanyang komento.
"Sadyang sinarapan ko iyan para saiyo Lester!" nakangiti nitong bigkas.
'Alam kong ibig mo ang aking luto at masaya akong naipagluto kang muli.'
Hindi inaalis ni Lester ang tingin sa matanda subalit natitiyak niyang tinig nito ang kanyang narinig. Ang nakapagtataka ay wala itong sinambit na ganuon.
Yumuko siya at sumandok muli ng sabaw at nahulog sa pag-iisip.
'Nababaliw ba talaga ako o nakakarinig nga ako ng mga tinig. Telepathy? Hindi ba't sa sinehan lamang iyon nagkakatotoo?'
Nagpanggap na walang anumang saloobin si Lester at magiliw na nagtagay ng inumin para sa bisita at sa ina. Subalit pilit niyang kinunsentra ang isipan.
Pailalim niyang tinignan ang tahimik na ina. Ang katahimikan nito ay tiyak niyang hindi pangkaraniwan.
"Masyado pang bata si Lester, bakit nagbalik ka ngayon Ezekiel! Huwag mong kukuhanin ang aking anak parang awa mo na!"
At tama nga ang kanyang hinala, naririnig niya ang mga iniisip nito. Tahimik siyang uminum ng kanyang parte at tinagayan ang matanda. 'Ezekiel...'
Tinignan niya ang maaliwalas na mukha ng matanda ng ito'y magsalita sa kanya, "Salamat Lester. Masaya ako sapagkat sa totoo lamang ay matagal tagal na akong hindi nakakatikim ng alak! Haha!"
"Siyanga Ginoo?" magiliw niyang tugon at nasilayan niyang muli ang kislap ng pilak sa mga mata nito. Nakakahipnotismo. Nais niyang hawakan ang mga matang iyun.
'Anuman ang mga dahilan, ano man ang mga lihim, tutuklasin ko iyun!' Buo ang loob na naisip ni Lester.
Narinig niyang muli ang tinig sa isipan ni Ginoong Lucas, "Lubos ang aking kasiyahan, sa muli ay nagkasama tayong muli kahit na nga sa ganitong paraan lamang. Sa tamang panahon Lester..."
Bumuga siya ng hangin at tumitig sa matanda, "Ginoo, maaari mo ba akong isama saiyong tahanan kung kailan maaari? Nais ko ring makilala ang iyong kaanak."
Nakita niya ang paglunok nito ng laway matapos ay umiling, "Hindi ngayon Lester. Subalit masaya ako kung papayagan mong palagiang bumisita dito saiyo."
Ahh sobra ang kasiyahan niya! Makikita niya itong muli, "Anumang oras niyo po naisin, walang problema sa akin!"
Tumayo siya at dala ang mangkok ng ginataang manok na nagtungo siya sa kusina. Wala na iyung laman at masaya siyang nagustuhan iyun ng bisita.
"Ilang panahon kong inasam na matikmang muli ang iyong luto Lester. Sobra ang aking kasiyahan."
Malawak ang ngiting nagsandok si Lester matapos marinig ang iniisip ng matanda.
Pabalik na siya sa salas ng mapatingin siya sa salaming nakasabit sa dingding. May naalala siyang kuwento noong paslit pa siya.
"Ang salamin ay tila mata ng iyong kaluluwa. Walang maitatago dito. Ang mga mapagbalatkayo ay hindi makakapagsinungaling sa isang salamin. Anumang kaanyuan niya sa iyong panlabas na mata ay hindi maitatago sa salamin."
Kumakabog ang dibdib na inilapag niya ang mangkok sa mesita at nagtungo siya sa harap ng salamin. Tinignan niya ang kanyang mukha upang masigurong makisig siya sa mga mata ni Ginoong Lucas.
Napatingin siya sa gawi ng matanda sa salamin at nagsalubong ang kanilang mga tingin.
Nalaglag ang kanyang puso. Nanlamig din ang kanyang pakiramdam ng ngumiti sa kanya ang pamilyar na pigura!
Mahabang kulay pilak na buhok, at may disenyo sa magkabilang itaas ng tainga. Gintong tila mga maliliit na dahon na umiipit sa buhok nito. Mahabang damit na abuhin na may mga espesyal na ukit na kulay ginto. At higit sa lahat ay ang kulay pilak na mga mata. Hindi rin ito matanda. Sa tantiya niya ay edad trenta lamang ito. Nakaupo sa kanilang salas at may basong tangan na may lamang alak.
Ang itsura nito ay ang eksaktong itsura ni Ezekiel sa kanyang panaginip at gunita.
Iyon ang itsura ng kanyang bisitang matanda doon sa salamin!
Ipinilig ni Lester ang kanyang ulo. Malakas ang tibok ng puso niyang bumalik siya sa upuan at tahimik na uminom.
'Mag-aantay ako sa sinasabi mong tamang panahon. Huwag ka lamang lalayong muli.' Piping dalangin ni Lester.
Marami mang katanungan, batid niyang hindi pa iyon napapanahon. Masiglang nakipagkuwentuhan siya sa bisita hanggang inabot na ito ng hatinggabi. Hindi niya ipinahalatang mayroon na siyang nalalaman.
Pagkaalis ng matanda, nagmadaling nagtungo si Lester sa kusina at hinalungkat ang basket na pinaglagyan niya ng garapon kumakailan. Patakbong dinala niya ito sa lababo at hinugasan.
Halos manginig ang tuhod niya matapos lumitaw ang makinis na balat ng garapon. Puti ang kulay nito at may nakaukit na kulay asul, 'LESTER'. Tila nakatagpo siya ng kayamanan. Masinop niya itong pinunasan at dinala sa kanyang silid-tulugan. Dala na rin ng espiritu ng alak, mabilis siyang nakatulog kapagdaka.