Chereads / Ang Pag-ibig ni Lester / Chapter 2 - Kabanata 2

Chapter 2 - Kabanata 2

"Anak, Lester. Malapit na ang iyong kaarawan, mag dadalawampu't isang taong gulang ka na. Ika'y lubos ng binata, aba'y kailan ka magdadala ng magandang dilag dito sa ating tahanan?"

Niyakap ng tumatawang si Lester ang inang nagkakape isang hapon ng linggo. Wala siyang trabaho sa bukid o dagat sapagkat araw ng pahinga.

"Si Ina talaga. Wala pa po akong napupusuan Ina. Ang nais ko po ay iyong titibok ng maigi ang aking puso sa dilag na iyon."

"Subalit napakaraming naggagandahang dilag sa ating nayon, ikaw ba'y walang isa mang naiibigan?" kunot-noong tanong ng ina.

Nagkibit balikat si Lester at bumalik sa upuan niya kanina at hinigop ang sariling kape.

"Marahil ay marami ngang magaganda, Ina, subalit hindi po tumitibok ang puso ko sa kanila. Maaaring hindi ko pa natatagpuan ang aking palad Ina."

"Subalit anak, nalalaman mo bang ilan sa mga dilag na iyun ay nagkakagusto saiyo? Sino nga naman ang hindi eh kay gwapong binata ng Lester ko?"

Humalakhak siya sa papuri ng ina subalit hindi maaaring pabulaanan ang wika nito. Sa paglipas ng mga araw ay lalo siyang gumagandang lalaki. Batid niya ang mga dilag na nagkakagusto sa kanya maging ang ilang binatang naiinggit sa kanyang itsura. Sa kanyang pagkakaalam ay may lahing mestizo ang kanyang ama kaya naman kakaiba din ang kakisigan niya.

Marahil ay hindi pa panahon upang umibig siya.

Nobyembre onse, 2000

Dalawampu't-isang taong gulang na si Lester. Nagdaos sila ng maliit na piging upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan. Imbitado ang mga kabinataan at mga kadalagahan sa kanilang nayon. Marami ang handang pagkain at masayang inistima ni Lester ang mga bisita. Masaya ang lahat sa kanyang kaarawan.

Ang hindi maarok ni Lester ay tila baga may kung anong kulang sa kaibutaran ng kanyang puso. Ganuong naroon naman ang magagandang dilag subalit tila may kulang pa rin.

Nag-iinuman at nagkakantahan ang kanyang mga bisita, alas dyes na iyun ng gabi, naisipan ni Lester magpahangin sa papag na kanyang ginawa di kalayuan sa kanilang tahanan. Nais niyang mapag-isa at himayin ang kanyang sistema dahil sa kanyang nararamdaman mula pa kanina.

"Lester."

"Lester."

Nagulat si Lester sa tila bulong na tawag doon mismo sa kanyang tainga. Wala naman siyang nakitang tao sa kanyang paglingon.

"Ako ba'y minamaligno? O minumulto kaya?" Napakurap siya subalit katakatakang wala siyang takot na nararamdaman.

Sa kanyang paglingon sa unahang daan ay naaninag niya ang taong papalapit. May dala itong kung ano. Nakasuot ng puting kamiseta at kupasing maong na pantalon. Salamat sa liwanag ng bilog na buwan, nakilala niya ito.

"Ginoong Lucas! Kayo po ba ay tutungo sa aking piging? Aba'y ginabi na po kayo!" masayang bati ni Lester at patakbong lumapit siya sa matanda.

"Hahaha! Pasensya ka na iho at ako'y nawala sa paghahanap ng iyong tahanan. Hihihi. Nabalitaan ko ang iyong kaarawan kaya naman nagmadali akong gumawa ng regalo para saiyo."

Masayang inabot ni Lester ang dalang basket ng matanda, "Nag-abala pa po kayo Ginoo subalit maraming salamat po!"

Muli, nakita ni Lester ang pagkislap ng tila pilak sa mga mata ng matanda sa pagngiti nito. Ngayon ay tiyak na siya na may kakaiba nga sa mga mata nito!

Tila hinihipnotismong di magawang alisin ni Lester ang titig sa matanda. Napakaganda ng mga mata niya!

"Bakit nga ba andito ka sa labas gayong naroon sa tahanan ang iyong mga bisita?"

Napakurap si Lester sa tanong ng matanda at tila napapasong lumingon siya sa tahanan.

"Siguro po ay marahil darating kayo kaya ganoon." Nilingon niya muli ang matanda, "Marapatin niyo sanang dumulog sa aking piging Ginoong Lucas, at alam niyo po ba, maraming magagandang dilag na naroon. Tiyak luluwa ang iyong mga mata sa kagandahan nila. Haha!"

"Hahahaha! Siyanga!"

Magkasabay silang nagtungo sa kanilang tahanan habang bitbit niya ang basket na may lamang regalo. 'Ano kaya itong regalo ni Ginoong Lucas? Nasasabik na akong Makita!'

Bago pa mag alas-dose ay nagsipag-alisan na ang mga bisita ni Lester na masaya at may baon pang pagkain sapagkat marami naman ang natira.

"Hane, ako'y uuwi na Lester. Maligayang kaarawan saiyo at maraming salamat sa napakasarap na pagkain," masayang paalam ni Ginoong Lucas. Kumaway siya dito ng ito'y umalis.

Noon niya napagtantong wala na ang tila kahungkagan sa kanyang dibdib kanina.

'Ibig bang sabihin ay si Ginoong Lucas ang inaasam kong makita sa aking kaarawan??'

'Pero teka! Sino iyong bumulong sa aking pangalan kaninang ako'y nasa papag?!'

Napalunok si Lester. Napatingin siya sa basket na dala ni Ginoong Lucas. Nilapitan niya ito at bitbit na tinungo niya ang kwarto, subalit tinawag siya ng ina bago pa siya makapasok sa silid.

"Lester, sino iyong napakagwapong bisita mo kanina? Ngayon ko lamang siya nakita. Subalit parang pamilyar ang kanyang itsura. Hindi ko lamang matandaan," wika ng ina na nagpagulat sa kanya.

"Mayroon ba akong bisitang mas gwapo pa sa akin, Ina?" seryoso ang tinig niya.

Kumunot ang noo ng ina, "Aba! Iyong huling dumating na kasama mo kanina. Iyong pinakahuling dumating. Hindi ko nagawang lapitan kanina at naipit ako doon sa kwentuhan nina kumare. Nahiya naman akong umalis."

Makailang beses kumurap si Lester. Napakagwapo? Huling dumating? Hindi ba't si Ginoong Lucas ang huling dumating?

"Wala po ba kayong nakitang matandang kasama ko kanina, Ina?" Naniniguro niyang tanong.

"Ano bang matanda pinagsasabi mo eh puro kasing edad mo ang mga bisita at ilang kumare at kumpare ko? Nalasing ka ata anak. Hane at magpahinga ka na at may trabaho ka pa bukas. Ako ng mag-aayos dito." Pagtataboy nito sa kanya.

"Hindi kaya ikaw ang lasing, Ina?" Naguguluhang tugon ni Lester.

"Buang. Haha. Magpahinga kana nga sa iyong silid. Maligayang kaarawan anak."

Humalik ito sa kanyang pisngi bago siya itinulak papunta sa silid. Nang makapasok, kaagad niyang dinampot ang laman ng basket. Maliit na kahon ang nakapaloob doon, maingat niya itong binuksan at sa pagkagulat ay napanganga siya sa laman niyon!

Gintong kuwintas na may pendant na diyamante! Kumislap ito sa liwanag ng lampara. Kumabog ng malakas ang kanyang dibdib! 'Delikado ako sa magnanakaw nito! Pambihira si Ginoong Lucas, mayaman pala siya?'

Hindi mapakali si Lester. Napakarami niyang iniisip na sari-sari. At mahigpit niyang hawak ang kwintas na nasa leeg sa takot na may humablot noon habang siya ay natutulog.

'Napakahalagang bagay nito sa akin! Pinakamagandang regalong natanggap ko sa buong buhay ko!' at nakatulugan niya ang mga isiping iyun.

"Lester! Lester! Halika dito! Tuturuan kitang gumamit ng palaso."

Tuwang-tuwa ang pitong taong gulang na si Lester na nagtungo sa kaibigang binata. Kasama siya sa bukid ng kanyang ama subalit iniiwan lamang sa kubo at hinahayaan siyang maglaro doon mag-isa. Ang hindi alam ng ama'y mayroon siyang kalaro. Napakagandang lalaki nito, ang pangalan niya ay Ezekiel. Kulay pilak ang mahaba nitong buhok at kulay pilak din ang kanyang mga mata. Hindi niya alam ang tirahan ng kaibigan at doon lamang sila nagkikita sa kabukiran. At sa tuwi-tuwina ay napapatulo ang laway niya dahil sa kagandahang lalake nito.

Naramdaman ni Lester ang pagpahid ni Ezekiel ng panyo sa gilid ng kanyang labi, "Sa tuwina ba ay tutulo talaga ang laway mo sa tuwing ako'y iyong nakikita? Hahaha!"

Nagkamot ng ulo si Lester at nahihiyang ngumiti. Hindi niya mapigilan o mas tamang sabihing hindi niya halos namamalayan ang pagtulo ng laway. Haha.

"Bakit ba kasi ang astig ng iyong datingan? Sa tingin ko pa nga ay isa ka talagang anghel," nakanguso niyang tugon. At hindi mapigilang hinaplos niya ang kulay pilak nitong buhok.

"Hindi ako anghel Lester haha! Hindi mo ba nalalaman na ika'y nagtataglay din ng napakagandang katangian? Bukod sa iyong itsura ay napakabuti din ng iyong puso?"

"Nilalayo mo ang usapan Ezekiel! Kapag ba ika'y nag-asawa, hindi na tayo magkikita? Lalayuan mo na ba ako?"

Nakita ni Lester ang pagsalubong ng mga kilay ng kausap at malalim itong nahulog sa pag-iisip.

"Bakit naiisip mong maaaring hindi na tayo magkita?"

"Sapagkat ayaw kong mangyari iyon kung maaari. Parte ka na ng buhay ko at malulungkot akong tiyak." Isipin pa lamang ay ramdan niya na ang lungkot.

Hinila ni Ezekiel ang maliliit niyang braso at niyakap siya nito, "Kung sakali mang hindi tayo magkita sa hinaharap, tatandaan mong may katapusan iyon at ako'y muling darating sa iyong buhay sa tamang panahon."

"Sa tamang panahon?" tanong ni Lester.

Nagbago ang kapaligiran, isa na siyang binatilyo at nakita niya ang duguang si Ezekiel na nakahandusay sa damuhan! Ilang araw niya na itong hindi nasisilayan. May sugat ito sa ulo at nagdurugo. Nanghihina rin ito at may mga mantsa ng dugo ang puting mahabang damit nito.

Binuhat niya ang ulo ng binata at ipinatong sa kanyang mga hita.

"Ezekiel! Ezekiel! Ano ang nangyari saiyo?! Bakit ika'y duguan??" Takot na takot si Lester at parang magigiba ang dibdib niya sa lakas ng kalabog niyon.

Hinawakan ni Ezekiel ang mga palad ni Lester, "Mangako ka sa akin Lester, anuman ang mangyari ay mag-iingat ka! Babalik ako, babalikan kita Lester! Tandaan mo, akin ka. Akin ka! Pinakaiibig kita Lester!"

"P*tragis Ezekiel! Ano bang pinagsasabi mo? Iiwan mo ba ako? Sinong lapastangan ang may kagagawan nito saiyo? Wawakasan ko ang kanilang buhay!" Puno ng pagkamuhing sambit ni Lester.

"Lester..." Nakita niya ang pagkislap ng diyamanteng kuwintas ni Ezekiel. Kulay pilak iyun kasabay ng pagpatak ng luha mula sa kulay pilak nitong mga mata.

"Iniibig kita Ezekiel. huwag mo akong iiwan!"

Walang humpay siyang umiiyak.

"Ezekiel!"

Pawisang nagising si Lester mula sa pagkakatulog.

Panaginip.

Inuntog niya ang ulo sa pader na kahoy. 'Sino si Ezekiel?!'

Pilit man niyang hagilapin sa kanyang isipan ay hindi niya makuhang alalahanin ang ganuong eksena.

"Panaginip nga lamang ba ang lahat o may nawala sa aking gunita?"

Mababaliw siya sa maraming isipin.