March 16, 2017
9:43 pm
Dear Diary,
D, patay na talaga sila. Patay na sila. Ayokong maniwala pero nakita ko mga bangkay nila. Kitang-kita ng dalawa kong mata 'yung mga mukha nilang mapuputla at yung mga kamay nilang kulay lila. Grabe yung panginginig ng katawan ko noong mga oras na 'yon. Sumasakit din ang lalamunan ko, parang anong oras tutulo luha ko. Hindi ko magawang magsalita at gumalaw man lang. Nakatitig lang ako sa nakahilata nilang mga bangkay. Dugo, dugo ang nakikita ko sa mga kumot na nakatakip sa kanila. Madikit, mabigat, at pulang-pula ang mga kumot na 'yon. Kahit 'di ko kayang silipin ang mga bangkay, pinilit ko parin kasi umaasa akong nagkakamali lang silang mga Espinosa. Umaasa akong buhay pa sila at makakasama ko pa sila. Pero wala, sila talaga. Silang-sila. At hanggang ngayon hindi ako makapaniwala. Tumutulo ang luha ko at medyo nahihirapan akong huminga habang nagsusulat nito, D. Nanginginig pa rin ang mga kamay ko kaya mas lalong pumangit ang sulat ko. Lamig na lamig ako ngayon kahit hindi gaano kalakas ang aircon sa kwarto ko.
Nakajacket na ako pero nilalamig pa rin ako. Gusto ko ng yakap ni mama, halik sa noo ni papa, pambabatok ni kuya, `yong ingay ni bunso, at pananampal ni ate. Gusto ko 'yon ngayon na. Pero hindi naman lahat ng gusto ko masusunod eh. Wala, wala akong magagawa. Sabihin na natin, D, na yumaman ako sa isang pitik at limpak-limpak na ang pera. Pero mababalik ba ng perang iyon ang buhay ng pamilya ko?
Alam mo, D. Habang sinusulat ko 'to, tumutulo ang luha ko at nanginginig ang mga kamay ko kaya mas lalong pumangit ang sulat kamay ko. Medyo nahihirapan akong huminga dahil sa pag-iyak pero pinipilit ko parin na magsulat. Ito lang kasi ang alam kong pampagaan ng loob. Ito lang at wala nang iba. Gusto ko ng comfort mula sa ibang tao kaya hinihiling ko nalang sana na naandito si Sage. Gusto ko ring icomfort ang sarili ko pero hindi ko magawa. 'Di ko kaya, D. Tanging diary, unan, at kumot lang ang magagamit ko pampagaan ng loob…