March 11, 2017
10:43 pm
Dear Diary,
Grabe yung nangyari kanina, D. Grabe. Hindi ko maipaliwanag eh, kaya ikukwento ko nalang.
Gumising ako at napansing tahimik ang paligid. Hindi puwedeng tahimik lang kasi napakaingay ng bunso. Tumayo ako at lumabas ng kwarto. Nakita kong walang tao at bigla nalang ako nakaramdam ng kung ano man. Parang may mali.
May mali nga. Kahapon pa wala sila mama at hanggang ngayon ay wala parin sila. Ano bang nangyayari? Prank ba 'to? O baka naaksidente sila? Ewan ko. Sobrang sama ng kutob ko. Sa sobrang sama, hindi ako makalma at hinihingal ako.
D, kanina, pilit kong kinukumbinsi yung sarili ko nab aka umuwi sila tapos umalis uli. Oo, baka ganoon na nga. Pero mas umibabaw yung kutob kong may mali. Ni hindi nag-iwan si mama ng almusal ko. Grade 7 na ako, D, pero ginagawa parin akong baby ng mga magulang ko. Nagluluto si mama palagi ng almusal ko kahit nakahiga pa ako sa kama. Mag-iiwan sila ng sulat kapag aalis sila.
Naisip ko tuloy, baka chinat nila ako? Hindi ko nga lang nakita. Kaya, D, dali-dali kong hinanap ang cp kong basag dahil binasag ni mama kasi nga galit siya. Mahalagang paalala muna, D, 'pag galit ang mama, itago ang selpon. So ayun na nga, D, inopen ko agad ang messenger ko at tiningnan kung sino mga nagmessage.
Kinabahan ako nang matindi at nagsimula na namang mag-overthink nung nakitang wala silang message. Ano bang nangyayari? OA lang ako, D, 'di ba? Oo, OA lang ako. Umalis lang sila at babalik din. Hindi puwedeng hindi sila bumalik dahil recognition na namin mamaya. Kailangan ko munang kumalma.
Dahil nga walang iniwang almusal si mama, binuksan ko ang ref at tiningnan kung anong pwedeng iluto. Badtrip nga lang kase argh! WALANG ULAM. Kailangan ko na namang gastusin ang pera ko. Kaya ayon, bumaba ako dala-dala ang pera at flies para makaligo ako pagkatapos.
Ff tayo, D. Mga 3 ng hapon, wala padin sila. No updates parin hanggang noong mga oras na iyon. Siyempre nag-ayos na ako para sa recognition namin. Para pag-uwi nila dito, sila nalang magbihis. Naghintay pa ako ng ilang oras habang umaasang uuwi sila.
Hanggang sa umabot na ng alas siete. Wala pa rin sila. Wala akong pera kaya namoblema ako non, D. Nakita ko yung kahoy na alkansiya namin. Mahirap buksan kaya napilitan akong sirain iyon gamit ang hammer. Natuwa ako nung nakakita ko ng pera. Siguro umabot iyon ng mga 6,000 pataas. Pagkatapos, kinuha ko ang invitation, wallet, at panyo ko saka pumunta na ng school.
D, para akong binagsakan ng langit at lupa nang makita ko ang mga schoolmates ko na kasama ang mga magulang nila. Ako lang kase mag-isa. Walang magulang, walang kapatid na kasama. Kahit relatives, wala. Naandito yung pinsan ko, schoolmate ko siya, pero hindi naman ako ganoon kaclose sa kanila kaya 'wag nalang. Nakakahiya naman din kasi, D.
Pumila na ako habang dala parin ang hiya. Ganito pala yung pakiramdam , D, na magrerecognition kang walang kasama. Yung mga parents naman ng mga kaklase ko, tinatanong ako kung nasaan ang nanay at tatay ko. Sobrang nahihiya ako at ayokong mapahiya pa kaya nagsinungaling ako at sinabing may inaasikaso lang. Busy sila ngayon kaya siguro mahuhuli sila.
Nagsimula ang ceremony, nang turn ko nang maglakad, parang pakiramdam ko ay nasa akin ang tingin ng lahat dahil ako lang mag-isa at hindi kasama ang magulang sa paglakad. Nang makapunta ako sa pwesto, tinanong ako ng adviser ko kung nasaan ang parents ko. Sinabi kong mahuhuli sila dahil may inaasikaso. Tumango lang siya at naniwala naman sa kasinungalingan ko.
Matapos ang opening, hindi parin ako tinantanan ng hiya. Tanong nang tanong sa akin mga kaklase ko kung bakit wala akong kasamang parents. Ganun padin ang response ko, busy sila kahit hindi naman talaga. Noong tinatanong kung anong ginagawa, sinabi kong hindi ko alam. Sinabi kong hindi naman ako nakikialam sa trabaho nila kaya hindi ko alam.
D, sobrang nakakapanghina ng loob. Nginig na nginig na kamay ko at utal-utal na ako magsalita. Pinilit kong pakal,ahin ang sarili ko hanggat kaya. Sinubukan kong magfocus sa ceremony. Mahirap ituon ang atensyon ko sa iba dahil kahit saan ako lumingon, naaalala ko parin ang sitwasyon ko ngayon. Lumilingon padin ako sa likod dahil umaasa akong dadating sila. Susuotan pa ako ni papa ng medal.
Turn na ng section namin. Inuna ang may honors. Doon ako mas kinabahan dahil mapapahiya lang ako sa maraming tao. Sumama ako sa mga pumila at tinanong ako ng teacher ko kung nasaan na daw mommy ko or daddy ko. Ganun parin ang sagot ko. Walang iba. Dinahilan ko trabaho nila kahit ang totoo, kahapon pa sila nawawala.
Turn ko nang umakyat sa stage, si Mr. Serrano, na adviser namin ang sumama sa akin paakyat sa stage.
"Third Honorable Mention, Marcella Zabielski. Congratulations!" Iyan ang naalala kong sabi ni Mrs. Arce bago kami umakyat ni sir sa stage. Si sir ang nagsuot sa akin ng medal. Nakahinga ako nang maluwag dahil doon.
Ff, D. Pinapaakyat na naman ako sa stage. Wala parin sila mama. Nanghina na masyado loob ko noong mga panahong iyon pero hindi ba dapat masaya ako kasi may award ako? 'Yun ang tinatak ko sa isipan ko. May award ako at tapos na ako ng Grade 7, iyon ang mahalaga.
"Best in Math, Marcella Zabielski!"
"Best in Araling Panlipunan, Marcella Zabielski!"
Iyan lang ang naipon ko ngayong recognition. Natapos nalang ang ceremony, hindi parin sila dumating.
First time, first time kong maranasan ito. May mga pagkakataon pa nga noon na late kami sa ceremony pero atleast naandyan sila diba? Kesa ngayon, adviser ko ang nagsuot ng medal sa akin. May medal nga, hindi ko naman sila kasama.
D, natandaan ko tuloy pangako ni papa sa akin. 'Pag may honors ako, ako na daw bahala kung saan ko gusto kumain. Hindi na bale kung mahal basta gift na daw iyon sa akin. Worth it naman daw. Ngayon, nasaan si papa? Nasaan sila? D, wala sila. Hindi ko sila kasama. Imbis na maging masaya ako ngayon, anlungkot. Masakit tapos nakakahiya. Grabe talaga.
Lumabas ako ng gate at may nakabangga ako. Lalaki siya at sa tingin ko, D, kasing-edad ko lang siya. Gwapo siya ah. Bago lang sa paningin ko ang mukha niya kaya paniguradong hindi ito nag-aaral sa school namin.
Siyempre masungit siya kaya may pa are you blind are you blind siya. Baka siya mismo ang bulag, siya itong nakatingin sa harapan at kita namang hindi ako nakatingin. Nakakainis lang ang mga taong ganoon. Dahil nga wala ako sa wisyo nung time na 'yon, D, nag-sorry ako. Englishero ang lalaking 'yon kaya heto yung natandaan kong sinabi niya. "Next time, don't be stupid. Watch your steps, young lady."
Kung ako, young lady, ano siya? Gurang?
To be honest, D, hindi ako nabadtrip nung una dahil nga binagsak ako sa impyerno. Ngayong naandito na ako sa bahay at inaalala iyon, saka lang ako nabadtrip. May pastupid-stupid pa siyang nalalaman. Young lady pa nga, so siya? Gurang.
Gurang, gurang, gurang. 'Yan tatawagin ko sakanya kapag nagkita kami. Matutulog na ako. Goodnight again, D. Kahit papaano ay napagaan ang loob ko.