Date: June 6, 2020
Time: 11:00 P.M.
Chris' POV
Nakahiga lang ako sa buhangin ng Kanaway beach at nakatingin ako sa madilim na kalangitan. Habang tinitingnan ko ang mga bituin at ang buwan na nagbibigay liwanag sa aking paningin, ay siya namang paghampas ng napakalamig na alon sa aking mga paa.
Napakatahimik at payapa ang tunog ng mga alon sa aking pakiramdam, ngunit sa kabila nito, ay may napakalalim na kalungkutan ang bumabalot sa aking puso't isipan.
Naalala ko na naman ang mga narinig ko sa usapan nila papa at Jin. Alam ko na may hindi magandang mangayayari noong araw na 'yun, dahil sabi nga nila na kapag masaya ka daw, may kapalit itong kalungkutan.
Chris' Flashback
Date: May 26, 2020
Hinding hindi ko makakalimutan ang umaga na ako at si Jin lang ang magkatabi habang magkayakap kaming dalawa sa aking kama.
Binibilang ko lamang ang buong oras na kasama ko siya at hinihiling nasa sana'y hindi ako tumigil sa pagbibilang ng oras, dahil sa oras na tumigil ako, alam ko na aalis na siya.
Hindi ako natulog sa buong oras na kasama ko si Jin at kayakap sa kama. Hindi ko kaya na gumising na wala na siya sa tabi ko.
5:45:57
'Yan ang huling bilang ko sa oras pagkatayo ni Jin sa kama ko at humiwalay sa pagkakayakap sa akin. Gusto ko sana maging makasarili at hindi na siya paalisin sa tabi ko, ngunit naalala ko na hindi ko hawak ang mundo niya, bagamat hawak niya ang sa akin.
Nagkunwari lang akong tulong hanggang sa lumabas na siya sa aking kwarto. Ngunit pagkalabas niya, bigla ako nakaramdam ng "uneasiness" sa aking sarili. Para bang may mangyayaring hindi maganda at hindi mapakali ang utak at puso ko.
Limang minuto pa lang ang nakalipas nang tumayo ako sa aking kama at lumabas upang sundan si Jin. Pababa pa lang ako ng hagdan patungo sa living room, ngunit naririnig ko na sumisigaw si papa.
Sa puntong iyon, alam ko na nagkita na silang dalawa ni Jin at alam ko na may hindi magandang mangyayari. Tumungo ako sa pintuan ng aming dining area ngunit hindi ako pumasok o nagpakita at nagtatago lamang ako sa labas para pakinggan ang pinag-uusapan ni Jin at ni papa.
Kabado ako at sobrang bilis ng tibok ng aking puso habang pinapakinggan ko ang pag-uusap nila, dahil dumating na ang araw na kinatatakutan ko.
"Hindi mo magugustuhan ang gagawin ko, Mr. Jin. Hindi mo kilala kung sinong kaharap mo at kung anong kaya kong gawin! Kung gusto mo na walang mangyaring masama kay Chris, lumayo ka sa kanya." narinig ko na sinabi ni papa.
"Hindi ko na alam ang gagawin ko! Jin, patawarin mo ko. Ayaw kong umabot sa ganito. Hindi ko hahayaan na may masamang mangyari sa'yo. 'Wag ka mag alala, ako ang gagawa ng paraan. Hindi ka na mahihirapan."
"Mr. Jill, ihatid niyo na si Mr. Jin sa bahay nila. Siguraduhin niyong hindi na siya makakabalik ng bahay ko." narinig ko ulit na nagsalita si papa.
"Wag po kayo mag-alala Mr. A. Hindi ko na po lalapitan si Chris. Pero isa lang po ang sasabihin ko. 'Wag niyo po hayaan na si Chris ang lumayo sa inyo. Ikaw na lang po ang mayroon siya, pero pakiramdam niya wala na din siyang tatay. Ayokong maramdaman ni Chris 'yung pakiramdam ng walang magulang. 'Wag niyo pong hayaan na maramdaman 'yun ni Chris habang nandito pa kayo." narinig ko na sinabi ni Jin.
Nang marinig ko ang sinabi ni Jin, dito na nagsimulang tumulo ang mga luha ko. Sobra akong nasaktan dahil ayaw kong lumayo si Jin sa akin. At ang pinakadumurog sa puso ko, ay ang marinig ko galing sa kanya na lalayuan niya na ako.
Pero iniintindi ko ang sitwasyon ni Jin. Alam ko na mas makakabuti ito para sa kanya. Tuloy tuloy pa rin ang aking pagluha, ngunit pinipilit ko na 'wag gumawa ng kahit anong ingay dahil ayoko na malaman ni Jin na narinig ko ang usapan nila.
"Umalis ka sa harap ko!" patuloy na sinabi ni papa kay Jin.
Nang marinig ko ang pag-urong ng upuan, tumakbo ako agad at nagtago sa katabing room ng dining area upang hindi ako makita ni Jin.
Pagkaalis nina Jin at Mr. Jill, tumungo ako sa dining area upang komprontahin si papa. Maluha-luha pa ang aking mga mata nang hinarap ko siya sa dining area at tinitingnan niya lamang ako—walang emosyon o walang bahid ng kahit anong pag-aalala.
Gusto kong magalit sa kanya pero hindi ko magawa, dahil sa likod ng lahat ng ginagawa niya sa akin, ay mahal na mahal ko pa rin si papa dahil siya na lamang ang mayroon ako. Ayoko dumating sa punto na kahit nand'yan pa siya ay pakiramdam ko na binalewala ko na siya sa buhay ko, dahil ang bilin sa akin ni mama, kahit anong mangyari, 'wag na 'wag kong iiwanan si papa.
Nakatingin lang sa akin si papa ng diretso at hindi nagsasalita. Pakiramdam ko ay hinihintay niya ako na maunang magsalita, kaya ginawa ko na ang nais ko.
"Papa! Bakit mo ginawa kay Jin 'yun? Ano bang ginawa niyang masama sa'yo!"
"Ginagawa ko lang 'to para sa'yo, Chris. Para sa pamilya natin." sinabi sa akin ni papa habang nakikita ko sa mga mata niya na nagtitimpi siya sa galit.
"Hindi ko maintindihan! Bakit kailangang lumayo ni Jin? Hindi mo ba alam, dahil sa kanya, mas naging masaya ako? Dahil sa kanya, nawala 'yung lungkot na hindi na maalis sa sarili ko! Bakit mo ginagawa sa akin 'to? Bakit mo ginagawa sa kanya 'to?"
Hindi ko na napigilan ang sarili ko at nataasan ko ng boses si papa sa unang pagkakataon nang dahil sa labis na pagmamahal ko para kay Jin.
"Dahil..."
"Dahil ano, papa? Sabihin mo, ipaintindi mo sa akin."
"Dahil ayoko na masaktan ka, Chris. Bandang huli, ikaw ang matatalo. Ikaw ang malulunod sa nararamdaman mo."
"Pa! Hindi 'to laban! Hindi 'to business!"
Tumayo si papa sa kanyang upuan at lumapit sa akin. Nakita ko na pinipigilan niya ang kanyang sarili na sumabog sa galit at kitang kita ko ito sa kanyang mga kamao na nanginginig na.
"Hindi mo alam ang sinasabi mo, Chris! Masisira ako, masisira tayo! Masisira ang pamilya natin! At lalong lalo na, masisira ang sarili mo, Chris. Lumayo ka sa kanya!"
"Ipaintindi mo sa akin kung bakit? Anong kinalaman ni Jin doon? Dahil ba pareho kaming lalaki? Kasi hindi siya galing sa isang kilalang pamilya? Wala siyang magulang? Kasalanan niya ba lahat iyon?"
Biglang nanlaki ang mga mata ni papa at damang dama ko ang galit sa kanyang puso. Nakikita ko na hinahawakan niya na ang kanyang dibdib at pakiramdam ko ay naninikip rin ito.
"Nahihiya ka ba? Hindi mo ba inakala na sa isang lalaki ako magkakagusto? Pasensya ka na papa, pero hindi ako ang inaasahan mong anak."
"Basta! Tapos ang usapan! Lumayo ka sa kanya! Ipapadala kita sa ibang bansa kung kinakailangan para lang malayo ka sa kanya!"
"Oo! Lalayo talaga ako! Hinding hindi mo na ko makikita! Para hindi ka na mahirapan! Para hindi mo na ko ikahiya!"
Hindi ko na hinayaan pang magsalita si papa dahil ayoko na makarinig ng mga masasakit na salita galing sa kanya. Umalis na ako agad sa dining area at dumiretso sa aking kwarto.
Kinuha ko ang aking bag at nagimpake. Dinala ko ang mahahalagang gamit at pagkatapos ay umalis na ako ng aming bahay na hindi napapansin ng lahat.
Gusto kong lumayo at hindi na magpakita sa lahat. Natatakot na ako sa mga susunod na mangyayari at natatakot na ako sa pwedeng ikapahamak ni Jin dahil sa aking pagiging makasarili.
Bumiyahe ako patungong Kanaway Island, dala dala ang lungkot na maaaring hindi na kami magkita ni Jin. Habang nasa byahe ako, ay nag send ako sa kanya ng isang cryptic message.
Jin, nakauwi ka na ba? KAmusta ka na? NAkauWi ka bA ng maaYos? sana hindi ka na nahihirapan at hindi ka na din mahihirapan.
Ikaw na ang bahala, Jin. Kung maintindihan mo man ang message sa likod nito, sana sa huling beses ay makita kita. Sana makita ko ang mga ngiti mo ulit, ng isa pang beses.
End of Flashback
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .
Hindi ko inakala na 'yung mga kinakatakutan ko, nangyayari na. Akala ko hindi ko na kailangan pang isipin dahil masaya na ako, masaya na ako sa nangyayari sa amin ni Jin.
Sarili ko lang iniisip ko, hindi ko naisip ang magiging kalagayan ni Jin.
Nang marinig ko ang sinabi ni papa kay Jin na 'wag nang magpakita o lumapit sa akin, ang sakit lang sa puso.
Hindi ko ata kaya na lumayo siya sa akin. Hindi ko kaya na makita siyang hindi ako nilalapitan o kausapin man lang kapag kasama ko siya. Mas gugustuhin ko pa na ako na lang ang lumayo para hindi ko maranasan 'yung sakit na parang hangin lang ako sa kanyang paningin.
Lalayo ako. Malayong malayo sa lahat. Pupunta ako sa lugar na wala nang mananakit sa akin.
Oo tama, sa paraang 'to, hindi na mahihirapan si Jin. Mas mapapadali para sa kanya ang lahat, at hindi niya na kailangan pang isipin ang kanyang sarili na mapapahamak pati na rin ang nga kinatatakot niya sa aming dalawa.
Pero nandito pa rin sa puso ko na sana dumating si Jin, na sana puntahan niya ako. Pero baka sundin niya si papa. Tingin ko, hindi niya rin gugustuhin na mapahamak siya o ako.
Nakatingin lang ako sa maliwanag na buwan at hinihiling sa Diyos na bigyan ako ng isang sign.
Isang sign na sa paggising ko at si Jin ang pinaka-una kong tao na makikita, ay tatapangan ko ang aking loob at titiisin ko ang lahat, makasama lang siya ng walang ibang iniisip at ikinatatakot.
Nakakatawa lang kasi hindi ko inakala na darating ako sa punto ng buhay ko na to na kailangan mamili.
Bakit?
Bakit kailangan ko mamili?
Hindi ba pwedeng maging masaya na lang ako?
Hindi ba pwedeng gusto ko lang naman magmahal?
Pero bakit hindi pwede?
Kasi ba parehas kaming lalaki ni Jin? Kasi ba magkaiba kami ng estado?
Hindi ko maintindihan, kailangan mo ba ng estado o kailangan ba na lalaki at babae lang ang pwedeng magmahalan?
Dati, sabi ko, masaya na ko na makita si Jin kung makita niya man ang para sa kanya, pero nagbago ang pananaw ko sa pagdaan ng mga araw. Hindi ko alam kung bakit, pero parang hindi ko na ata kaya makita si Jin na maging masaya sa iba.
Selfish na ba ko pag gano'n?
Mama, tulungan mo ko mag isip. Nahihirapan ako. Hindi ko na alam kung anong gagawin ko.
Bigla na lang nagsimula tumulo ang mga luha ko habang pinagmamasdan ang kalangitan dahil sa bigat ng nararamdaman ko.
Sana nandito ka pa, mama. Kung nandito ka, alam ko hindi mo pipigilan ang nararamdaman ko para kay Jin. Ikaw ang nagsabi sa akin na sa pagmamahal, walang pinipiling kasarian at walang pinipiling estado.
Natatandaan ko, ang sabi mo sa akin na paglaki ko, mamahalin mo ang taong mamahalin ko. Pero bakit iba kayo ni papa, bakit gano'n si papa? Bakit pilit niya ko nilalayo kay Jin?
Malamang hindi na siguro ako hinahanap ni Jin. Mas mabuti na kaya 'yun para sa kanya?
Pero paano ako? Mas mapapantag ba ang loob ko na wala si Jin sa tabi ko para sa kapakanan namin?
Pero bakit sobrang lungkot ko?
Bakit ang bigat bigat ng dinadala ko? Bakit parang tinutusok ang puso ko.
Ganito ba talaga ang magmahal? Laging may kapalit?
Mama, kaya ba nawala ka din, kasi nagmahal ka?
Gusto ko na lang gumising isang araw na wala na akong problema. Gusto ko na lang tapusin ang lahat. Mas maaayos siguro ang lahat ng problema ko sa ganoong paraan. Para ang lungkot na nararamdaman ko ay maibsan.
Pumikit na lamang ako at pinakiramdaman ang simoy ng malamig na hangin na humahaplos sa aking katawan. Pinapakinggan lang ang tunog ng mga alon at habang naririnig ang mahinang tugtugin sa paligid.
Making yourself
trying to find the peace.
In this lonely night,
which I would want to cease…
Tomorrow might be
a good place to come and see.
I'd like a dream
to be with you at sea…
At habang naririnig ko ang tugtuging ito sa malayo, unti-unting bumuhos ang patak ng ulan sa katawan ko, na para bang sumasabay ang langit at umiiyak rin para sa nararamdaman ko ngayon.
Sa bawat patak ng ulan na nararamdaman ko, ay tuloy-tuloy ang pagluha ng aking mga mata. Nakikita ko ang pagbagsak ng patak ng ulan sa liwanag ng buwan na lalong dumagdag sa aking kalungkutan.
Sa tuwing nakikita ko ang patak ng ulan sa liwanag, ay kalungkutan ang aking nararamdaman.
Nakahiga lang ako at hindi gumagalaw, umiiyak, walang kasama, mag-isa at hindi na alam ang gagawin.
Pakiramdam ko ay nasa dulo na ako ng daan at isang hakbang ko na lamang ay mahuhulog na ako sa isang bangin na walang katapusan. Kung titingin ako sa likod, naghihintay sa akin ang isang magulong daan. Kung titingin naman ako sa kaliwa't kanan, isang malalim na bangin rin ang naghihintay sa akin. Babalik ba ako sa magulong daan, o kailangan ko nang humukbang at umusad?
Tila, gusto ko nang humakbang para matapos na ang lahat. Pero sa tuwing pipikit ako, ay may naalala ako. Naalala ko na pinipigilan ako ni Jin na umalis at mawala, kaya nahihirapan at nalilito ako.
Habang papalakas nang papalakas ang pagpatak ng ulan, hindi ako umalis sa aking hinihigaan at hinahayaan ko lang ang aking sarili na maramdaman ang lamig na bumabalot sa gabing ito.
Dahil sa lamig, nanginginig na ang aking katawan, ngunit nilalabanan ko ito. Sa isip ko ay napapagod na ako, pero ang katawan ko ay pilit pa rin na lumalaban na tila ayaw sumuko nito.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .
Date: June 7, 2020
Time: 5:00 A.M.
Tumigil na ang pagpatak ng ulan at hindi pa rin ako nakakatulog. Pakiramdam ko ay sobrang lalim na ng aking mga mata at namumugto na ito sa kakaiyak.
Gusto ko pa umiyak nang umiyak, pero wala ng luha na lumalabas sa aking mga mata kahit pilitin pa ito.
Napangisi na lang ako at tumingin sa langit kung saan pababa na ang ang buwan at paakyat na ang araw sa paningin ko.
Dahan-dahan akong tumayo, ngunit nanghihina at nanginginig na ang aking katawan. Nang makatayo na ako ng maayos, huminga ako ng malalim at pinagmasdan ang bukang-liwayway— maaaring ang pinakahuling bukang liwayway na makikita at masisilayan ko.
Pumikit ako at ngumiti, iniiwan ang lahat ng mabigat na bagahe na hindi ko na kailangan, upang maging magaan ang aking pakiramdam.
Nagsimula na akong maglakad at nararamdaman ko na ang buhangin na tumutusok sa aking mga paa.
Muli kong iminulat ang aking mga mata upang masilayan ang ganda ng mundo, kahit sa kabila nito'y punong puno ng kalupitan.
Naramdaman ko na ang malamig na tubig ng dagat na kumakapit sa aking mga paa, ngunit hindi ko na iniinda ang lamig na ito, dahil wala na akong maramdaman. Pakiramdam ko ay manhid na manhid na ako mentally at physically.
Tuloy tuloy lang ako sa aking paglalakad at dire-diretso sa aking dinadaanan papunta sa kawalan hanggang sa wala na akong matapakang lupa.
Pagkatapak ko ng isa pang beses, ay wala na akong maramdaman na lupa at puro tubig na lamang.
Tumingala ako sa langit habang umiiyak.
Hindi ako masaya.
Hindi ko alam kung bakit ko ito ginagawa sa sarili ko.
Pero habang nakatingala ako sa langit at unti-unti nang lumulubog ang katawan ko sa tubig, ay pinilit kong ngumiti.
Gusto ko man lang na masisilayan ako ng langit na nakangiti bago ako tuluyang lamunin ng dagat sa kawalan.
Wala na.
Buong katawan ko na ang kinuha ng dagat habang ako'y nakatingala pa rin sa langit at inaabot ito.
May makikita kaya akong liwanag sa ilalim ng dagat?
Unti-unti ay nauubusan na ako ng hininga at ilang sandali na lamang ay mawawala na ang liwanag sa aking paningin at babalutin na ito ng kadiliman—kadiliman na maaaring hindi ko na matakasan.
Hindi ko na kaya at kaunting segundo na lang, ay alam kong katapusan ko na.
Sa huling segundo na pagbilang ko, ay nakarinig pa ako ng isang boses.
Isang boses na tila tinatawag ang pangalan ko.
Isang tinig na kailanman ay hindi ko makakalimutan sa buong buhay ko.
Sa huling pagkakataon, bago ako mawalan ng malay, ang boses ni Jin ang narinig ko at tinatawag ang pangalan ko.
Kahit na nasa ilalim na ako ng dagat, alam ko na may mga luha pang tumutulo sa aking mga mata.
Salamat, Jin, at pinasaya mo ako. Sorry, dahil alam ko na hindi mo ito gustong mangyari.
Wala nang pumapasok sa aking isip. Nakadilat pa rin ako at nakatingala sa langit habang patuloy na bumababa ang aking katawan sa malalim na dagat.
Unti-unti nang pumipikit ang aking mga mata, hudyat na mawawalan na ako ng malay.
Ngunit bago pumikit, may nakita akong isang kamay.
Kamay ba ito ng Diyos na hinihila ako paakyat muli?
At nang mahakawan na ng kamay ng Diyos ang ang mga kamay ko, ay tuluyan na akong nawalan ng malay.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .
Time: 6:00 P.M.
Biglang nagkamalay si Chris dahil sa mainit na hangin na nararamdaman niya sa kanyang mukha. Isang mainit na hininga ng isang tao ang dumadampi sa mga kanyang pisngi.
Marahan niyang minulat ang kanyang mga mata at nakita niya na nasa isang kwarto siya. Una niyang nakita ang bintana na nasa harap niya, at nasilayan ang view ng araw na papalubog at ang buwan na papaakyat pa lang.
Tumingin siya sa lugar kung saan nanggangaling ang mainit na hangin na dumadampi sa kanyang pisngi, at nakita niya ang mukha ni Jin na natutulog sa tabi niya na mahimbing at nakayakap sa dibdib niya.
Nang makita niya si Jin na natutulog sa kanyang tabi, hindi na niya napigilan na umiyak at humagulgol.
Nagising si Jin dahil sa pag-iyak ni Chris. Niyakap niya lang si Chris at inilapit ang mukha nito sa kanyang dibdib.
"Iiyak mo lang, Chris, nandito na ako sa tabi mo." binulong ni Jin kay Chris habang pinapatahan niya ito sa pag-iyak.
Hinawakan ni Chris ang mga braso ni Jin at hinihigpitan ito na para bang ayaw niya na itong pakawalan. Naalala niya ang kanyang hininging sign na kung si Jin ang pinakaunang tao na makikita, ay titiisin niya ang lahat maging maayos lang at walang kinatatakutan.
Habang magkayakap sina Jin at Chris, dahan dahang bumukas ang pinto ng kwarto at sumilip si Jon. Nakita niya ang dalawa na magkayakap at napansin niya rin na umiiyak si Chris, kaya hinayaan niya ang dalawa at hindi na muna pumasok sa loob ng kwarto.
Nang nahimasmasan na si Chris, tinanong niya si Jin habang isinasandal niya pa rin ang kanyang mukha sa dibdib nito.
"Paano mo nalaman na nandito ako?" tanong ni Chris
"Ikaw nagdala sa akin dito, Chris." bulong ni Jin.
"Akala ko hindi na kita makikita." nalulungkot na sinabi ni Chris.
"Bakit mo naman naisip na gawin 'yun, Chris? Kung hindi kita naabutan, tingin mo matutuwa ako?" Biglang nalungkot si Jin at hinigpitan niya ang yakap kay Chris.
Hindi makapagsalita si Chris at tumulo na naman ang kanyang luha sa mga namumugtong mata niya.
"Sabi ko sa'yo wag kang aalis." bulong ni Jin.
"Hindi ko kasi kaya na hindi mo ko kausapin at lapitan. Narinig ko kasi usapan niyo ni papa."
"'Yun ba ang dahilan kung bakit ikaw 'yung lumayo? Akala mo ba susundin ko talaga siya?" tanong ni Jin at tila natatawan siya kay Chris.
"Hindi mo ba siya susundin? Hindi ka ba natatakot?"
"Natatakot, oo, pero hindi ibig sabihin na gagawin ko 'yung gusto niya. Sinabi ko lang sa kanya na lalayuan kita para mapalagay ang loob niya. Kaso, alam mo Chris, narealize ko na—" napatigil si Jin sa kanyang nais sabihin dahil tinakpan ni Chris ang kanyang bibig.
"'Wag mo muna sabihin, Jin. Ayoko muna malaman kung ano 'yung gusto mo sabihin. Ayoko sabihin mo na hanggang kapatid lang ang tingin mo sa akin. Ayaw ko na marinig na manggaling sa'yo 'yun at sinasabi mo sa akin ng harapan. Hindi ko pa kaya, sorry. "
Hindi na tinuloy ni Jin ang kanyang nais sabihin at ngumiti na lang siya habang tinatakpan ni Chris ang kanyang bibig. Kinuha niya ang kamay nito na nagtatakip sa kanyang bibig at inilipat ito sa kanyang pisngi, at dinadama ang lambot at init ng kamay nito.
"Sige, sa susunod ko na lang sasabihin 'pag tingin ko handa na rin ako." bulong ni Jin.
"Jin, pwede bang dito na lang tayo? Pwede bang iwanan na lang natin silang lahat? Tayong dalawa na lang at 'wag na natin silang isipin." pakiusap ni Chris.
Nagulat at nagtaka si Jin sa sinabi ni Chris, "Bakit mo naisip 'yan? Ayaw mo na ba kasama 'yung mga kaibigan natin?"
"Gusto ko na ikaw na lang ang kasama ko..."
"Hindi pwede, Chris. Kailangan natin bumalik. Aayusin natin lahat ng magkasama. Kapag ayos na lahat, tsaka tayo bumalik dito."
"Napapagod na ko, Jin. Pwede bang yakapin mo lang ako?" pakiusap ni Chris.
Nginitian ni Jin si Chris at hinigpitan niya ang yakap dito hanggang sa makatulog na ulit silang dalawa.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .
Nasa labas si Jon at nasa tabing dagat, nakaupo sa tabi ng bonfire na kanyang ginawa at umiinom ng beer habang malalim ang iniisip at nakatingin sa kalangitan na punong puno ng bituin.
Natatakot na siya sa mga kasalukuyang nangyayari. Naisip niya na kung hindi nila naabutan si Chris sa tamang oras, ay maagang mawawala ito at ibig sabihin ay hindi siya nagtagumpay sa kanyang mission.
"Chris, tatagan mo lang ang loob mo. Hintayin mo ko, gusto kita ulit makita sa oras natin. 'Wag ka munang susuko ngayon, kasi ako, hindi ako susuko." sinabi ni Jon sa kanyang sarili habang nakatingala sa kalangitan.
Habang umiinom siya ng beer, biglang may umupo sa kanyang tabi at pagkatingin niya, nakita niya si Chris na kagigising lamang.
"Sir Jon, pwede bang tumabi muna ako sa'yo saglit?" tanong ni Chris
Nagulat si Jon ngunit pumayag na rin siya sa kagustuhan ni Chris na umupo sa tabi niya. Umiinom lang siya ng beer at nakatingin sa dagat, habang si Chris ay nakatingin sa mga bituin at buwan sa langit.
"Kamusta ka na Chris? Kamusta na 'yung pakiramdam mo?" biglang tinanong ni Jon.
"Hindi pa ko okay, hindi ko alam. Naguguluhan ako sa mga desisyon ko." sagot ni Chris
"Gano'n naman talaga, magulo sa una pero sa kalaunan maliliwanagan ka rin." sagot ni Jon habang nakatingin siya kay Chris at nakangiti.
Biglang napasandal si Chris sa braso ni Jon na siyang ikinagulat nito.
Gusto sanang tanggalin ni Jon ang ulo ni Chris na nakasandal sa kanyang braso, ngunit sa isang banda ay ayaw niya, dahil gusto niya maramdaman ang init ng katawan ni Chris.
Para kay Jon, hinding hindi niya na ulit gustong maramdaman ang malamig na katawan ni Chris. Sapat na ang isang beses na naramdaman niya ito sa hospital at nakitang wala ng malay at hindi gumagalaw.
"Hangga't may oras at pagkakataon, gusto kong maramdaman ang init ng katawan mo. Pasensya ka na Chris, kung hindi kita nagawang iligtas noon." nasa isip ni Jon habang tinitingnan niya si Chris.
"Pakiramdam ko, si Jin din ang katabi ko. 'Yung init ng katawan niya, parehas na parehas kay Jin." nasa isip ni Chris habang nakasandal siya sa braso ni Jon.
"Sir Jon, sino ka po ba talaga?" biglang tanong ni Chris.
Nagulat si Jon sa tanong ni Chris at medyo nabulunan habang umiinom ng beer.
"Ha?" natatawa na tanong ni Jon, "Anong sino ako? Kapatid ako ni Jin." sagot ni Jon.
"Hindi ko alam, pero sa tuwing kasama kasi kita, pakiramdam ko iisang tao lang kayo ni Jin. Isa pa, hindi ko sinasadya na makita sa phone mo na may ibang date at year na nakalagay at may—"
Naputol ang dapat na sasabihin ni Chris tungkol sa nakita niyang voice message sa phone ni Jon, nang hinawakan nito ang ulo niya at hinaplos ang buhok.
"'Wag mo na alamin kung sino ako. Ang mahalaga, at lagi mong tatandaan, 'wag kang susuko, Chris. Lumaban ka at 'wag ka nang matakot. Tandaan mo, may kasama ka lagi at may taong naghihintay sa'yo sa hinaharap." nakangiti na sinabi ni Jon habang nakatingin sa langit at patulo na ang kanyang mga luha, ngunit pinipigilan niya ang pagbagsak nito.
Habang hinahaplos ni Jon ang buhok ni Chris, napagtanto ni Chris na hindi siya nagkakamali sa kanyang pakiramdaman—ang kamay na humahaplos sa kanya ay mga kamay ni Jin sa kanyang isip.
Kapag nakapikit siya, mas nararamdaman niya ang paghaplos ni Jon sa kanyang buhok, at parehas na parehas ito ng paraan kung paano haplusin ni Jin ang kanyang buhok.
Kahit wala pang kasiguraduhan ang kanyang naiisip at hindi niya alam kung tama ba ang kanyang hinala, "Alam ko imposible, pero kung ikaw man si Jin galing sa ibang oras, maraming salamat at hindi mo ako pinapabayaan. Siguro, hindi ko na kailangan pa malaman ang totoo tungkol sa kung ikaw nga ba si Jin talaga o hindi. Basta, masaya ako na nandito ka sa tabi ko." nasa isip ni Chris.
Habang hinahaplos ni Jon ang buhok ni Chris, ay may nagtanggal ng kanyang kamay. Tinanggal ni Jin ang kamay niya sa ulo ni Chris.
Nagulat si Jon nang makita niya si Jin dahil hindi ito natutuwa sa kanya.
Seryoso ang mukha ni Jin at hindi ang typical na naaasar lang siya kay Jon kapag naglolokohan sila, ngunit seryosong galit at may halong selos.
"Chris, pwede ko bang kausapin si 'Kuya Jon' saglit?" biglang sinabi ni Jin na medyo naiinis ang tono.
Tumango lang si Chris habang nakatingin sa dagat at hindi na nag salita pa.
Hinawakan ni Jon ang ulo ni Chris at dahan dahan itong inilayo mula sa pagkakasandal sa kanyang braso, at tumayo na siya pagkatapos.
Lumayo silang dalawa sa pwesto ni Chris upang hindi nito marinig ang kanilang pag-uusapan.
"Anong problema mo? Anong ginagawa mo!" tanong ni Jin.
"Huh? Anong sinasabi mo?" nagtataka na tanong ni Jon.
"Bakit mo ginagawa kay Chris 'yun? Hindi ka niya kilala! Ibang tao ang pagkakakilala niya sa'yo!" naiinis na sinabi ni Jin.
"Hindi ko alam, hindi ko mapigilan. Sorry!"
"Hindi na siya 'yung Chris na kilala mo, Okay? Ibang Chris na siya! Parehas lang sila ng mukha at katawan, pero magkaibang oras!" nainis na sagot ni Jin.
"Ibig mo bang sabihin, magkaiba tayo?" tanong ni Jon.
"Oo! Hindi tayo parehas! Magkaiba tayo ng oras! Tsaka, bakit ba nandito ka pa sa oras namin? Kailan ka ba babalik sa tunay mong oras! Ginugulo mo lang lahat eh! Pati 'yung feelings ni Chris, guguluhin mo lang!" napasigaw si Jin sa inis.
Huminga muna nang malalim si Jon at nagpaliwanag, "Kaya ako nandito, dahil sa mission ko. Sinabi ko sa'yo aalis ako 'pag tapos na."
"Wala ka namang ginagawa! Nasa bahay ka lang naman! Bumalik ka na nga sa oras mo! Kung may mali ka man na nagawa, ako na ang magbabago para sa'yo! Umalis ka na!" naiinis na sagot ni Jin.
Ayaw ni Jon na masira ang tiwala ni Jin sa kanya, kaya naman ay mahinahon niya pa rin itong kinakausap.
"Bakit ka ba biglang naiinis? Dahil ba kay Chris? Kasi hinawakan ko siya? Kasi nakita mong nakasandal siya sa akin? Bakit? Kayo na ba? Mahal mo na ba?" tanong ni Jon.
Hindi makasagot si Jin. Hindi niya alam kung anong totoong nararamdaman niya para kay Chris hanggang ngayon.
"Hindi ko alam! Hindi ko alam kung ano ba 'tong nararamdaman ko! Naiinis ako! Naiinis ako sa sarili ko! Hindi ko alam bakit ako nagseselos sa inyong dalawa. Hindi ko alam kung bakit gusto ko lagi siyang kasama. Hindi ko alam kung kapatid lang ba ang turing ko sa kanya o—"
Hindi matuloy ni Jin ang salitang hindi niya masabi sa kanyang mga bibig, kaya ang matandang Jin na ang nagtuloy para sa kanya.
"O kung mahal mo si Chris? Ako ang magsasabi sa'yo, oo mahal ko si Chris. Minahal ko siya at mamahalin habambuhay. Iyan ang sagot sa tanong mo, sa nalilito mong pakiramdam. Mahal mo si Chris. Hindi kapatid ang turing mo sa kanya. Mahal natin si Chris, hindi tayo magkaiba. Iisa lang tayo. Magkaiba man tayo ng oras, pero hindi ibig sabihin na magkaibang tao tayo. Sabay nating iligtas si Chris, Jin. Pakiusap, kailangan tayong dalawa ni Chris." paliwanag ni Jon.
Hindi na makapagsalita si Jin sa kanyang narinig. Ang mga sagot na hindi niya masabi ay ang matanda niyang sarili ang sumagot para sa nalilito niyang nararamdaman.
Pakiramdam niya, ito ang mga sagot na nakatago sa puso niya na ayaw niyang ilabas dahil hindi niya pa maamin sa kanyang sarili kung kapatid lang ba talaga si Chris sa paningin niya o kung mahal niya na ba talaga. Nailabas na ang mga sagot na hindi niya maamin sa kanyang sarili noon.
Dahil sa sinabi ni Jon, napagtanto niya ang nararamdaman para kay Chris ay hindi lang bilang isang kapatid, kung hindi mahal niya na talaga ito... matagal na, sarili niya lang ang pumipigil.
Kinuha ni Jin ang isang kamay ni Jon at hinawakan ito.
"Sorry, sorry sa nasabi ko, hindi ko sinasadya. Nagselos kasi ako noong makita ko kayo ni Chris." nahihiyang sinabi ni Jin, ngunit bigla nagbago ang kanyang isip. "Sabay natin ililigtas si Chris. Hindi ko man alam 'yung mission mo dito, pero tulungan mo kami ni Chris. Kung sa tingin mo nawawala na kami parehas sa tamang landas, tulungan mo kaming ibalik sa tamang daan namin." Tiningnan ni Jin ng masinsinan si Jon na nasa harap niya at pagkatapos ay umalis na siya at pinuntahan si Chris sa tabi nito.
Umupo si Jin sa tabi ni Chris at kasabay nito ay sinandalan siya ni Chris sa braso.
Sabay nilang pinapakiramdaman ang pagdampi ng napakalamig na simoy ng hangin sa mga katawan nila, hinayaan lang ang kanilang mga sarili at hinihintay na lang na sumapit ang umaga.
"Chris, pwede bang bukas, bumalik na ulit tayo sa tunay na mundo natin?" pakiusap ni Jin.
"Natatakot ako... natatakot ako kay papa." pag-aalala ni Chris.
Habang nakatingin sa dagat si Jin, ay pinilit niya ulit si Chris na bumalik sa kanilang bahay.
"Walang gagawin sa'yo ang papa mo. Tiwala ako na hindi ka niya ipapahamak. Tsaka isa pa, nandoon din si Mr. Jill. Nagaalala na din siya para sa'yo at lahat ng nasa bahay ninyo. Ang tagal ka na nila hinahanap. Pati sila Ms. Jade, lalo na si Sir Mike, marami ka na raw naiwan na tasks. Pati sina Luna, tanong nang tanong sa akin kung nasaan ka daw." tiningnan ni Jin si Chris at tinanong muli, "Pwede bang bumalik na tayo?"
Tiningnan ni Chris si Jin at niyakap niya ito, "Kung babalik tayo, pangako mo na tatatagan mo ang sarili mo at 'wag kang matatakot kay papa?"
"Sus! 'Yun lang ba? Dalawa kami makakalaban niya, ako tsaka si Kuya Jon!" pabirong sinabi ni Jin.
"Okay lang ba bumalik tayo 'pag sikat ng araw?" pakiusap ni Chris.
"Oo naman!" nakangiting sagot ni Jin.
"Pwede din bang dito lang tayo? 'Wag muna tayo umalis? 'Wag muna tayo maglayo hanggang sa matapos ang gabi?" pakiusap muli ni Chris.
"Oo Chris, dito lang tayo, hanggang sa sumikat ang araw. Magkatabi lang tayo, dito ka lang sa tabi ko."
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .
Date: June 8, 2020
Time: 9:30 A.M.
P
agkapasok ni Jin sa Operations room, sa pintuan pa lang ay natanaw na niya na agad si Chris na nakaupo sa pwesto nito.
Labis ang tuwa niya nang makita niya si Chris na pumasok na sa office, kaya naman nilapitan niya ito agad para kausapin.
"Chris, buti pumasok ka na. Marami-rami kang gagawin ngayon. Gusto mo ba tulungan kita?" pabiro na sinabi ni Jin.
"Okay lang ako Jin. Kaya ko 'to! Kasalanan ko din naman na nagabsent ako ng halos 2 weeks. Baka pagalitan nila ako." nag-aalala na sinabi ni Chris.
"Hindi ka nila papagalitan. Kami ni Ms. Jade ang bahala sa'yo!"
Kakarating lang din ni Jade sa office at nang makita niya si Chris na pumasok na at nakaupo na sa pwesto nito, ay nilapitan niya ito at agad na niyakap.
"Chris! Saan ka ba nanggaling? Alam mo ba, feeling ko isa akong nanay na nawalan ng anak? Gano'n! Ikaw talaga! Naiinis ako sa'yo! Pero love na love kita, Chris! Saan ka ba nanggaling? Pinag-alala mo ko!" naiiyak na sinabi ni Jade.
"Sorry po, Ms. Jade, pinag-alala ko po kayo. Hindi na po mauulit. Sorry po talaga, may mga ipapagawa po ba kayo sa akin? Tatapusin ko po lahat." sagot ni Chris.
"Wala kaming papagawa sa'yo Chris. Mag relax ka lang d'yan okay? Wala kang gagawin! D'yan ka lang sa upuan mo! Itatali kita kung kinakailangan!" pabiro ni Jade.
"Ako din, Ms. Jade, sang-ayon ako d'yan! Itali natin 'to si Chris ng hindi makawala!" hirit ni Jin.
Sa hindi inaasahan, biglang umiyak si Chris at ikinagulat ito ng dalawa.
"Huy Chris, bakit ka umiiyak? Inaway ka ba nito ni Jin? Sabihin mo sa akin, ako babatok dito!" pabirong sinabi ni Jade habang niyayakap niya si Chris at naiiyak na din siya.
"Hindi po, masaya lang po ako, Ms. Jade. Sorry po and thank you po sa lahat." sagot ni Chris habang pinupunasan ang kanyang mga luha.
"Ano ba 'to, ba't ka nagpapasalamat. Ano parang hindi na tayo magkikita bukas ah?" pabiro na sinabi ni Jade.
Medyo natunugan ni Jin ang tono ni Chris, tila may pahiwatig ito. Hindi niya pa alam kung tama ang hinala niya, ngunit pinabayaan niya na muna ito at hindi inisip na baka mawala na naman si Chris at umalis ito.
Buong magdamag ay magkasama lang si Jin at Chris at walang oras na sinayang. Mula lunch hanggang sa matapos ang kanilang shift.
Niyaya ni Chris si Jin na kumain sa Jinny's bago sila umuwi.
"Jin, pwede bang mag dinner tayo sa Jinny's? Namiss ko lang kasi yung pagkain doon." tanong ni Chris.
"Sige ba! Ako din eh, namiss ko 'yung food doon. kaya lang wala na si Julian doon, wala ng kakanta para sa atin." pabirong sinabi ni Jin.
Nang makarating na sila sa Jinny's, umupo sila sa table kung saan doon sila unang beses kumain.
Nang maka-order na sila, tinanong ni Chris kung gusto ba ni Jin ng beer ngunit tumanggi ito. Masayang nagku-kwentuhan si Jin at Chris at pinag-uusapan nila ang mga panahon na hindi pa sila noon gaanong close at mga iba pang encounters nila sa isa't isa.
"Chris alam mo ba noong unang beses kita nakilala, alam mo bang ayaw kitang kausapin no'n" sinabi ni Jin.
"Bakit naman? Mukha ba kong masungit?" nakangiting tanong ni Chris.
"Kasi baka mamaya sungitan mo ko. Kasi baka ayaw mo sa mga katulad ko na magugulo! Isa pa, 'pag hindi ka nakangiti, mukha kang suplado. Pag 'di mo ko kasama, 'wag ka ngingiti ah?" pabirong sagot ni Jin at tila natatawa siya.
"Hala! Hindi naman Jin, nakakatuwa nga noong kinausap mo ko nung unang beses. Kasi hindi mo ko kinakausap, akala ko ayaw mo talaga ako kausapin kasi baka mabored ka lang sa akin. Tsaka wala tayong pag-uusapan." paliwanag ni Chris.
"Nakakatawa 'no? Haha kung ano ano iniisip natin sa isa't isa, pero mali mali naman mga impression natin. Ang tagal din nating hindi nag-uusap, pero halos lagi tayo magkasama. Kung hindi dahil kay Rjay, di kita makikilala eh" hirit ni Jin.
"Akala ko nga hindi kita magiging kaibigan. As in wala sa isip ko na magiging close talaga tayo, Jin. Tapos noong niyaya mo ko na uminom kila Luna? Nakakatuwa kasi first time ko talaga uminom ng alak! Hindi pa ko umiinom kahit kailan, at nakakatuwa pala 'yung pakiramdam, ang gaan, kaya siguro mahilig ka sa alak?" kwento ni Chris habang tinatawan niya si Jin.
"Dahil d'yan, achievement unlocked! Kasi nakatagal ka noon, tsaka Tequila pa ah? Kailan kaya mauulit 'yung gano'n? Yung sama sama tayo ulit. Gusto mo ba mag set ulit ako?" tanong ni Jin.
"Sige! Ikaw ang bahala mag set, Jin, hihintayin ko 'yun. Tapos, Tequila ulit 'yung inumin natin ha? Sa tingin ko mas makakatagal na ko ngayon." confident na sinabi ni Chris.
"Siguraduhin mo Chris, na makakatagal ka ah? Ay may hindi pala ako sinabi sa'yo. Ikukwento ko sa'yo 'to, pero nahihiya ako, pero sige sasabihin ko na. 'Wag ka magagalit sa akin ah?" biglang naalala ni Jin ang little encounter niya kay Chris na hindi niya makakalimutan.
"Ano 'yun? Hindi ako magagalit, basta ikaw." medyo nag-aalala si Chris sa sasabihin ni Jin.
"Naalala mo noong uminom tayo sa amin, 'yung natanggap tayo lahat sa interview? Tapos sabi mo mag CR ka?"
"Oo, bakit?"
"Sorry Chris, kasi sabi mo na ako ang magbukas ng zipper mo!" Biglang tumawa si Jin ng malakas, "Nakita ko tuloy si Chris Jr.!" natatawang kinwento ni Jin.
Namula naman sa hiya si Chris, at napayuko dahil nahiya siya sa nakita ni Jin ang kanyang tinatago.
"Wag ka mag-alala Chris, 'wag ka mahiya. Mas mahihiya ako kung matalo mo ko doon. Kaya sorry talaga kung nakita ko, hindi ko sinasadya. Ikaw kasi eh! Pero hindi ko hinawakan ah? Baka sabihin mo hinawakan ko!" pabirong sinabi ni Jin.
Hiyang hiya pa rin si Chris, ngunit para maiba ang attention ay nagkwento siya ng ibang topic.
"Ay oo nga pala, Jin, kamusta na si Bullet? Okay pa ba siya?" tanong ni Chris.
"Oo, lumalaki na nga agad si Bullet. Tapos, 'yung balahibo niya, mas nagiging makalat! Pero okay lang naman, basta si Bullet."
Ngumiti lamang si Chris kay Jin, at bigla silang nilapitan ni Jinny sa kanilang table.
"Ms. Jinny! Good evening po!" nakangiting bati ni Jin.
"Good evening din sa'yo, Jin. Ay oo nga pala, itong kaibigan mo, si Chris, nag request sa akin. Kakanta daw kasi siya. Nakaset-up na ung stage, pwede na siya kumanta."
Nagulat at natuwa si Jin kay Chris, "Wow! Nagpe-presenta ka na Chris ah? Mukhang napapahilig ka na sa pagkanta ah!"
Nahiya na naman si Chris at napayuko. Pinatayo na siya ni Jin at sinamahan na rin siya ni Jinny papunta sa stage para kumanta.
Umupo si Chris sa tapat ng keyboard habang nakatingin sa kanya ang ibang mg tao sa resto bar.
Si Jin naman sa malayo ay nakatingin lang kay Chris at nakangiti.
Nang makapwesto na si Chris, ay nagsalita na siya sa mic.
"Magandang gabi po sa inyong lahat, sa lahat ng nandito sa Jinny's Resto bar, ang kakantahin ko ay para sa isang tao na thankful ako na nakilala ko. Para sa'yo 'to."
Bago kumanta ay pinalakpakan na ng mga tao si Chris.
Pinapanood ni Jin si Chris, at tila proud na proud siya dito.
"Gan'yan nga, Chris. Masaya ako na nakikita kang gan'yan. Na hindi na nahihiya at pinapakita na ang sarili sa harap ng maraming tao. Natutuwa ako sa'yo, Chris, ang laki na ng ipinagbago mo." bulong ni Jin sa kanyang sarili habang nakangiti niyang pinagmamasdan si Chris sa stage.
Nagsimula na si Chris patugtugin ang keyboard habang si Jin ay naka focus lang ang tingin sa kanya at wala ng iba.
Title: Until We Sleep
Composer: Gonzo

Making yourself
trying to find the peace.
In this lonely night
which I would want to cease…
Tomorrow might be
a good place to come and see.
I'd like a dream,
to be with you at sea…
I love the moon,
that watches over us.
Remember the sun,
that slowly comes up too soon…
together, we'll watch it,
until we sleep...
The sound of the night
is so warm and calm.
I can see the stars
that lights up the darkest night…
Forever I'll pray
that you won't go away
I'll hold your hand
and never let go again…
Pagkatapos ni Chris kumanta, tumalikod siya ng kaunti at pinunasan ang luha sa kanyang mga mata. Naiiyak siya habang kumakanta ngunit pinipigilan niya lamang ito.
Pinalakpakan siya ulit ng mga tao pagkatapos niya na kumanta at natutuwa silang lahat sa kanyang boses.
Bumalik na si Chris sa kanyang pwesto pagkatapos, habang si Jin naman ay hindi nagsasalita at nakatingin lamang sa kanya na nakangiti.
Si Chris naman ay natatawa dahil naiilang siya sa tingin sa kanya ni Jin. Nahihiya siya ngunit hinayaan niya na lang tingnan siya nito.
"Tara na Jin? Umuwi na tayo? Maaga pa tayo bukas."
Nagyaya na umuwi si Chris at sumangayon si Jin.
"Tinawagan mo na ba si Mr. Jill para sunduin ka?" tanong ni Jin.
"Umm, pwede bang samahan mo ko umuwi?" pakiusap ni Chris.
Pumayag si Jin at pagkatapos ay umalis na sila sa Jinny's Resto Bar.
Habang papauwi sila at naglalakad, nag-uusap lamang sila at nagkkwentuhan habang pinagmamasdan ni Chris ang ilaw sa mga paligid.
"Chris, sorry ah? Nirecord ko yung kanta mo kanina. Gagawin kong pampatulog." hirit ni Jin.
"Hala! Nakakahiya, Jin!"
"'Wag ka nga mahiya! Ang ganda ganda ng boses mo tapos nahihiya ka pa? So anong tawag mo sa boses ko? Mas pangit?" pabiro na sinabi ni Jin.
Habang nagbibiruan sila, biglang may tumulong patak ng ulan sa forehead ni Jin.
"Uulan? Naramdaman mo ba Chris?"
"Mukha nga na uulan." masayang sinabi ni Chris.
"Okay lang ba sa'yo?" tanong ni Jin.
Nagtaka si Chris kung ano ang ibig sabihin ni Jin.
Hindi umalis si Jin sa pwesto niya at hinintay lumakas ang pag patak ng ulan.
"Jin, lumalakas na yung ulan. Wala tayong payong" nag-aalala na sinabi ni Chris.
Biglang hinubad ni Jin ang kanyang suot na t-shirt at nilagay niya ito sa ulo ni Chris gaya ng dati.
"Jin, okay lang ako. Baka magkasakit ka ulit." nag aalala na sinabi ni Chris.
"Okay lang, Chris. May gusto sana akong hilingin sa'yo."
"Ano yun, Jin?"
"Pwede ba na isayaw kita ngayon gabi?"
Nakatayo lang si Jin sa harap ni Chris na nakangiti habang nararamdaman ang bawat patak ng ulan.
Kinuha ni Jin ang kanyang phone at binuksan ang recorder niya. Inilagay niya sa kinanta kanina ni Chris nung nasa stage siya sa Jinny's at pinatugtog ito.
Inabot ni Jin ang kanang kamay niya kay Chris na nagpapahiwatig na niyayaya niya ito na mag sayaw.
Hinawakan naman ni Chris ang kamay ni Jin at patuloy lang silang nakatitig sa isa't isa.
Habang nasa ilalim ng mga bituin at buwan, at habang pumapatak ang ulan ay isinayaw ni Jin si Chris.
Nakangiti lang silang dalawa sa isa't isa habang nagsasayaw sila, magkahawak at wala ng ibang pinapansin at tila silang dalawa lang ang gumagalaw sa mundong ito.
Niyakap ni Jin si Chris ng mahigpit habang umiikot sila ng marahan.
Para kay Chris at Jin, ito ang gabing hinding hindi nila makakalimutan.
"Hindi ko man masabi sa'yo 'yung nararamdaman ko ng harapan, Chris, gusto ko maramdaman 'to sa yakap ko. Mahal kita, Chris, sigurado na ako. Bigyan mo lang ako ng oras para palakasin ang loob ko na aminin sa'yo. Sa ngayon, ganito muna. Hayaan ko muna tayong dalawa na maging masaya." nasa isip ni Jin.
Habang magkayakap silang dalawa, hindi na napigilan ni Jin ang kanyang sarili. Masaya ang pakiramdam niya, at tila palakas ng palakas ang pagtibok ng kanyang puso.
Tumigil sila sandali sa pag ikot, at biglang hinawakan ni Jin ang mga pisngi ni Chris at tinitigan niya ito sa mga mata.
Nakatitig lang din si Chris sa mga mata ni Jin kahit na tumatama sa kanya ang mga patak ng ulan at napapapikit siya.
Ngumiti si Jin habang nakatingin sa mga mata ni Chris at habang hinahawakan niya ang mga pisngi nito.
"Chris, 'wag ka magugulat sa gagawin kong 'to."
"Ano 'yun, Jin?"
"Pwede ba kitang... halikan?"
Tumingin lang si Chris sa mga mata ni Jin, at ngumiti ito, nagpapahiwatig na pumapayag siya sa gusto ni Jin.
Dahan-dahang inilapit ni Jin ang kanyang mukha kay Chris. Nang sobrang lapit na ang kanilang mga mukha sa isa't isa, ay pumikit si Chris, dahil alam niya na ang susunod na mangyayari at hinayaan niya si Jin na gawin ito sa kanya.
Huminga ng malalim si Jin bago niya gawin ang nais kay Chris, at pagkatapos, dahan dahan niyang inilapit ang kanyang mga labi hanggang sa dumampi ito sa mga malalambot at mapulang labi ni Chris.
Hinayaan na lang nila ang kanilang mga katawan na gumalaw ng kusa. Hinalikan na ni Jin si Chris na tila punong puno ito ng pagmamahal.
Unang beses na makakahalik ni Jin, at ang taong ito ay si Chris pa. Kaya naman ay dahan dahan niyang hinalikan ang mga labi ni Chris at tila dinadama niya ang lambot ng labi nito.
Dahil dito, napakapit ng mahigpit si Chris sa baywang ni Jin, at hinayaan niya lang ang kanyang sarili na maramdam kakaibang warmth na bumabalot sa kanyang katawan kahit napakalamig ng gabi at ang halik ni Jin na matagal na niyang hinihintay at inaasam.
"Pasensya ka na Chris, hindi ko na din mapigilan sarili ko. Ang tagal ko ng gusto talagang mahalikan ang mga labi mo. Ang init at ang lambot. Salamat at hinayaan mo kong gawin 'to, kahit na hindi ko pa naaamin sa'yo 'yung tunay kong nararamdaman. Mahal kita, Chris." nasa isip ni Jin habang patuloy na nakadampi ang mga labi niya kay Chris.
Para kay Chris, ang halik ni Jin, hindi niya alam na ganito ang pakiramdam na mahalikan ng isang tao na mahal na mahal niya ng lubusan. Napakinit sa pakiramdam at nararamdaman niya ang init ng hininga ni Jin na dumadampi sa kanyang mukha.
Tila ayaw niya nang tumigil sa paghalik at pagyakap sa kanya ni Jin at ayaw niya na rin na bumitaw pa. Para sa kanya, ay baka lagi niya na itong hanap-hanapin dahil sa napakalambot ng pagkakahalik sa kanya nito.
Hindi inakala ni Chris na ang gabing ito, ang gabi na ipinaramdam sa kanya ni Jin ang pagmamahal nito bagamat hindi nito sinasabi ang mga salitang "Mahal kita" ng harapan.
"Thank you Jin, Hindi ko alam kung kakayanin ko pa ang mga susunod na mangyayari, pero 'wag ka sanang susuko, Jin. Ayaw ko man matapos ito, ngunit alam ko na may hangganan din ito. Kapag nangyari 'yun, wag mo kong kakalimutan, 'wag mong kakalimutan ang gabing ito. Dahil ako, hinding hindi ko 'to makakalimutan sa lahat. Kung panaginip man ito, ayaw ko na lang gumising sa panaginip na 'to." nasa isip ni Chris, "Hanggang sa muli… mahal ko."
End of Chapter 22