"ANO bang okasyon sa inyo at bigla kang nag-invite?" tanong ni Jason kay Daniel kinagabihan habang abala na sila paglilinis ng library.
Ilang minuto nalang at matatapos na ang oras ng kanilang trabaho. Katulad ng nakalipas na mga araw, magkasabay sila ni Daniel sa pag-uwi. At sanay na siya na palagi itong nakakasama.
Sabado kinabukasan at dahil nga sa hiningi niya kay Daniel na tulungan siya nito na mapaglapit sina Jenny at Jason ay iyon ang naisip gawin ng binata.
"Wala naman, wala kasi akong kasama. Nasa Cebu ang kapatid ko kaya naisip ko para hindi ako ma-bore invite ko nalang kayo sa bahay para makapag bonding tayo," paliwanag ni Daniel.
"Ah ganoon ba? Eh nasabihan mo na ba si Jenny, Ara?" si Jason sa kaniya.
Mula sa pagpupunas ng mga mesa ay tumango si Ara sa tanong na iyon ni Jason.
"Nasabi ko na sa kanya pero hindi pa daw siya sigurado kasi maraming trabaho sa bakery nila bukas.
Kaya naisip ko, ano kaya kung ipagpaalam mo siya sa nanay niya?" suhestiyon ni Ara.
Nakita niyang sandaling nag-isip si Jason sa sinabi niyang iyon na nagawa pang ihinto ang ginagawang pagma-mop.
"Sige ako na ang bahala," pagkuwan ay sagot nito.
"Thanks! Naku kailangan din kasi ni Jenny ang mag-unwind at lumabas paminsan-minsan. Ipagpaalam mo nalang siya sa nanay niya para walang problema," hindi pa man ay kinikilig na si Ara para kay Jenny.
Tumango si Jason. "Oo na, alam ko naman na iyon ang gusto mo, ang makasama siya. Huwag kang magalala isasama ko siya bukas," paniniyak pa nito na ngiting-ngiti.
*****
"HAPPY?" si Daniel iyon nang pareho na silang nasa loob ng kotse nito sa parking lot ng kanilang university.
Malapad ang pagkakangiti niya nilingon si Daniel. "Sobrang happy," sagot niyang magkakasunod pang tumango.
Tumawa ng mahina si Daniel saka ini-start ang engine. "Mabuti naman kung ganoon, kasi gusto ko palagi kang masaya. Importante ka sa akin eh," anito pa bago pinatakbo ang kotse.
Napasinghap ng mahina si Ara sa sinabing iyon ni Daniel.
Hindi man siya nito tinitingnan habang sinasabi nito ang mga salitang iyon ay iba parin ang naging epekto sa kaniya at hindi niya maunawaan kung bakit at kung para saan ang nararamdaman niyang iyon.
Ilang sandaling nakiraan sa kanila ang katahimikan. Sa lakas ng kabog ng dibdib niya nang mga sandaling iyon pakiramdam ni Ara ay parang kahit magsalita siya ay hindi parin iyon maririnig ni Daniel. Kaya sa kagustuhang papayapain ang damdamin niya at emosyon ay naisipan ng dalaga na ibaling sa labas ng bintana ang kaniyang paningin dahilan kaya hindi niya napansin ang sumunod na ginawa ni Daniel.
Marahas ang singhap na kumawala sa bibig niya nang maramdaman niya ang mainit na palad ni Daniel hawak ang kamay niya.
"Bakit parang balisa ka? Okay ka lang ba?" tanong ng binata na sandali siyang sinulyapan bago ibinalik ang paningin sa daan.
"H-Huh?" si Ara na pinanginigan pa ng tinig.
Nang mga sandaling iyon ay ramdam na ramdam niya ang malakas na boltahe ng kuryente na naghahatid sa katawan niya ng magkakahalong pakiramdam na hindi niya kayang pangalanan.
Nang bitiwan ni Daniel ang kamay niya na inihawak nito sa kambiyo ng kotse.
Bahagyang nakaramdam ng marahil dalawang porsiyento ng relief si Ara sa ginawing iyon ni Daniel na pagbitiw sa kaniyang kamay. Pero aminin man niya o hindi, alam niyang ang natitirang malaking porsiyento ng pakiramdam niya ay mas apektado sa feeling na parang may nawala sa kaniya na hindi niya maunawaan.
Kaya naman hindi na siya nagtaka nang muling hawakan ni Daniel ang kamay niya ay nakaramdam naman siya ng lihim na pasasalamat. Dahil sa kabila ng kaba na pirming kumakabog ang dibdib niya habang hawak ng binata ang kamay niya ay nasa puso naman niya ang katotoohanan na masaya siya at kumpleto.
"I should tell you," si Daniel makalipas ang ilang sandali ng pananahimik.
"What?"tanong niya saka nilingon ang binata.
Ngumiti si Daniel kasabay ng sandaling paglingon nito sa kanya bago muling ibinalik ang paningin sa kalsada.
"I like the feel and warmth of your hand," anitong hindi man siya nilingon pero nagawa paring iparamdam sa kaniya kung gaano katotoo sa kalooban nito ang sinabi nito.
Ganoon din naman ako. Hindi ko lang masabi pero kapag nasa tabi kita nararamdaman ko na safe ako. At nagagawa mong iparamdam iyon sa akin kahit sa simpleng holding hands lang na ganito.
*****
"SIMPLENG bonding lang po, huwag po kayong mag-alala kasama namin sina Jason at Jenny, yung dalawa pa naming kaibigan," paniniyak pa ni Ara kinagabihan sa Tatay niya habang naghuhugas siya ng mga pinagkainan nila.
"Walang problema sa akin iyon anak. May tiwala naman ako sayo. Sa nanay mo nagpasabi kana ba?" tanong nito saka inubos ng tuliyan ang tea sa tasa nito.
Noon nakangiting tinuyo ni Ara ang kamay niya gamit ang punasan ng kamay.
"Opo tay, pumayag na po siya. Thank you po talaga."
Tumango lang si Anselmo. "Sige na magpapahinga na ako."
"Good night po."
*****
"OH, nandito na pala sila!" si Ara na masayang sinalubong sina Jason at Jenny na nang mga sandaling iyon ay bumababa pa lamang ng traysikel.
"Wow Daniel ang laki naman pala ng bahay ninyo,"si Jenny iyon nang patuluyin niya ang mga ito sa sala.
"Salamat," aniyang sinulyapan si Ara na ngiting-ngiti.
"Oo nga pala nagdala ako ng egg pie galing sa bakery namin. Best seller namin iyan," si Jenny ulit na iniabot kay Ara ang dala nitong pie.
Sa isip ni Daniel. Iba ang naging kahulugan para sa kaniya ng ginawing iyon ni Ara. Sa paningin niya, para itong may bahay na nag-aasikaso sa mga bisita. Lalo na ng yayain ng dalaga sa komedor ang dalawa para doon kumain ng meryenda na inihanda naman ni Salyn para sa kanila.
Naging masaya ang buong araw na iyon. Hindi lang dahil kumpleto ang barkada nila kundi dahil narin sa katotohanan na kasama niya si Ara. Hapon nang magpaalam sina Jason at Jenny na aalis na.
"Ihatid mo si Jenny ah?" iyon ang mahigpit na bilin ni Ara kay Jason nang ihatid nila sa labas ng gate ang dalawa.
"Okay lang ako, kaya lang umuwi ng mag-isa," ang natatawang winika ni Jenny kay Ara.
Noon naman umiling si Jason. "Hindi na, ihahatid na kita para sure ako na safe kang makakauwi," sagot nito.
Sa pagkakataong iyon ay kusang napalingon si Daniel kay Ara. Kaya naman kitang-kita niya ang pagpunit ng isang napakagandang ngiti sa mga labi nito. Halatang natuwa ito sa isinagot ni Jason. At halata rin na mahal na mahal nito si Jenny kaya masaya ito para sa kaibigan nila.
Habang tumatagal ay lubusan niyang nakikilala si Ara. At iyon ang nagiging dahilan kaya mas lalong lumalalim ang nararamdaman niya para rito.
Katulad nga ng sinabi niya noon kay Ara. Nagka-nobya na siya at marami na. Kaya hindi na bago sa kaniya ang ganitong pakiramdam. Alam niya na nahuhulog na siya ng husto sa dalaga. At kung may bago man sa lahat ng nararanasan niya ngayon, iyon ay ang katiyakan na nararamdaman niya na hindi na siya magmamahal nang mas higit pa sa mayroon siya ngayon para kay Ara.
Siguro dahil iyon sa feeling na panatag siya at ang kalooban niya.
Pakiramdam niya at home siya. Parang wala siyang kailangang itago dahil kahit pa makita nito maging ang pinaka hindi maganda niyang katangian, tiwala siya na hindi siya huhusgahan ni Ara. Dahil tanggap siya nito sa kung ano siya.