"Kahit ano?!" ang nanunubok niyang tanong akin. Natuyo ang aking lalamunan at hirap akong lumunok ng laway matapos marinig ang kanyang nasambit.
"O-oo." ang sagot ko sa kanya bagama't di ako sigurado sa aking sarili.
"Study muna tayo. Pag-iisipan ko ang ipapagawa ko sa iyo mamaya." ang sagot niya sa akin ngunit seryoso pa rin ang kanyang tono at mga tingin.
Inabot ni Randy ang isang aklat at tumungo sa ibabaw ng kama upang dumapa. Ipinatong niya ang kanyang hawak na aklat sa kanyang harapan at nangalumbaba.
Sumunod na lang akong ginaya ang kanyang ginawa at nang tignan ko ang kanyang aklat ay napuna kong "Alice In Wonderland" ang binabasa niya.
"Akala ko ba mag-aaral tayo? Bakit yan ang binabasa mo?" ang tanong ko at akmang kukunin na sana ang aklat upang itabi ngunit pilit niyang binawi ito mula sa akin.
"Ano ba? Next time na yang librong iyan." ang pagpupulitit ko sa kanya habang patuloy na nakikipagagawan.
"Eh sa gusto kong basahin may magagawa ka ba?" ang sagot niya sabay kabig ng malakas at naalis sa aking kamay ang libro.
"Uuwi na lang ako." sabay bangon sa kanyang higaan ngunit inabot niya ang aking braso upang ako'y mapigilan.
"Baka nakakalimot ka. Para tanggapin ko 'sorry' mo gagawin mo lahat ng ipapagawa ko sa iyo." ang sabi niyang di ko mahindian dahil isang seryosong tingin ang aking nakita.
"A-ano?"
"Dito ka matutulog. May angal ka?" panunubok niya.
"W-wala. Mabuti na rin siguro kasi naglalasing si Mariah at boyfriend niya sa bahay. Hindi ako makakatulog sa bahay." ang napilitan kong sang-ayon sa kanyang utos.
"Bumalik ka na dito sa tabi ko. Magbasa muna tayo ng favorite book ko." dagdag niya habang isang nakakakalokong ngiti ang ipinakita niya sa akin. Hindi na ako nakapagsalita at sa takot ay nagsimula na akong manginig.
"Sana nandito si Rodel. Ano kaya nakain nitong si mokong na ito? Parang sinasapian lang." sa kaba ay nasabi ko sa aking sarili habang dahan-dahang dumapa muli sa tabi ni Randy. Sinimulan akong pawisan ng malamig sa matinding kaba.
"Basa!" ang utos niyang may halong pambibiro na sa kanyang tono na nagpaalis sa aking kaba. Inayos ko ang aking salamin at kinuha mula sa kanyang mga kamay ang aklat.
"Dito na agad tayo sa part na ito magsisimula? Ayaw mo sa pinaka-umpisa?" tanong ko matapos kong mapunang halos nasa gitang bahagi na ang aking babasahin sa kanya.
"May angal?" ang pabiro't maangas niyang tanong.
"W-Wala. Timang ka talaga Randy." ang sagot ko sa kanya.
"Andrew!" ang sigaw niyang parang nagtatampo.
"Oo na Andres."
"Loko ka ha. Gagawin mo pa akong katipunero." ang pikon ngunit malambing niyang sagot.
Humalakhak lang akong parang kontrabida at ibinalik ang aking tingin sa basahin at nagsimula sa pagbabasa.
The caterpillar looked at Alice and removed the hookah out of its mouth and asked her in a sleepy voice.
'Who are you' said the caterpillar.
This was not a nice way of starting a conversation with Alice…
"Andrew!! Hindi Alice! Gusto ko Andrew sasabihin mo sa story hindi Alice." ang sabat ni Randy sa aking pagbabasa na parang batang nangungulit. Tinignan ko siya na salubong ang aking mga kilay sa inis.
"Gago ka ha. Sumbong kita sa girlfriend mo. Sige, Andrew na sasabihin ko hindi na Alice. Dapat, Andrew in Wonderland na lang sana ang title ng book na 'to." sagot ko sa kanyang nambibiro at ibinalik ang aking atensiyon muli sa aklat matapos makita ang isang matamis niyang ngiti sa aking mga sinabi.
Andrew replied, 'I hardly know, sir, at least I know who I was when I woke up this morning but I think it may have been changed a few times after that.'
'What do you mean? Explain yourself!' sternly replied by the caterpillar.
'I can't explain myself, sir, because I'm not myself you see.' said Andrew.
'I don't see.' the caterpillar said.
'I can not put it clearly, I'm afraid. For I can't understand it myself to begin with, and being so many different sizes a day is very confusing.' Andrew politely replied.
'It is not.' the caterpillar replied.
'Well, perhaps when you turn into chrysalis you will someday. You know, and then after that you'll turn into a butterfly. I think you should feel a little queer for that, won't you?'
'Not a bit.' the caterpillar said.
'Well, perhaps your feelings may be different but it would feel very queer to me.'
'You! Who are you?' the caterpillar said contemptuously.
'I think you ought to tell me who you are, first!' Andrew said to the caterpillar.
'Why?' asked the caterpillar.
Nilingon ko si Randy sa aking tabi at napuna na kanina pa pala siya sa akin nakatitig at abot tenga ang ngiti.
"Ano nginigniti mo diyan? Aliw na aliw ka ha? Mukha ba akong palabas para kilatisin mo ng ganyan?" ang pang-asar ko.
"Wala. May masama ba kung titigan kita ng ganyan?"
"Nawiwirduhan lang ako."
"Tama na nga yan. Eto. Isang pagsubok ko sa iyo." ang sagot niya sabay bangon sa kama upang kumuha ng ballpen at papel sa ibabaw ng kanyang computer table at agad na bumalik sa aking tabi upang magsulat habang nakadapa. Ito ang mga letrang kanyang sinulat na hindi ko maintindihan:
"NLuNnoSNaMWaKaRNYKSGtDEnATaSiMiyuNgAgAMonUKKodLaaayaoiAnrw"
"Ano yan?" habang iniisip ko kung ano ang kanyang mga sinulat sa isang papel. Inabot niya sa akin ito sabay ngiti ng nakakaloko.
"Matalino ka naman di ba? Makakabuo ka ng salita sa mga letrang iyan pero para malaman mo kung ano ang ibig kong sabihin ay kailangan mong ayusin ang lahat ng iyan sa tamang pagkakasunod-sunod." ang pagsubok niya sa akin.
"Andrew, hindi ako manghuhula."
"Pwes, pati panghuhula subukan mo na rin ngayon." sabay himas niya sa aking balikat.
"Naalala mo nung nasa kotse ko tayo tapos may deal tayo pero umayaw ka rin? Sabi ko sa tamang panahon sasabihin ko rin? Ngayon na yung tamang panahon pero gusto ko pagigihan mo muna sagutin yan dahil yan ang dahilan kung bakit ko gustong itatawag mo sa akin." ang dagdag niya. Hindi ko maiwasang maging seryoso sa kanyang pagsubok. Salubong ang aking mga kilay at sinusubukan kong intindihin kung ano ang ibigsabihin ng mga letra sa papel.
"Assignment mo na lang iyan. Kantahan na lang tayo." ang sinabi niya sa akin matapos ang isang saglit. Bumangon si Randy sa kama at nagmamadaling binuksan ang pintuan ng kanyang silid at nagsisigaw ng malakas.
"Manang! Dalin mo nga dito sa room ko yung keyboards! Dali!" ang utos niyang umalingawngaw yata sa buong laki ng kanilang pamamahay.
Sinarado niya ang pinto matapos marinig ang mahinang sagot ng katulong at nakangising nakatingin sa akin habang naglalakad pabalik sa aking tabi habang ako nama'y hindi pa rin natigil sa paghanap ng mensahe na nasa likod ng mga letra.
"Tama na yan! Halika nga dito!" ang sabi ni Randy at binalot niya ang kanyang mga bisig sa aking baywang upang ako'y buhatin mula sa aking pagkakadapa sa kama.
"Ano ba Andrew! Pwede mo naman ako sabihan na bumangon na lang eh!" ang nainis kong sabi sa kanya habang pilit na inaalis ang kanyang braso.
Gumulong kami sa ibabaw ng kanyang kama at pilit niyang pumaibabaw sa akin at ipinako ang aking mga kamay sa kama upang hindi na ako makalaban pa. Nakakaloko ang tawa ni Randy sa mga sandaling iyon habang nakatingin siya sa akin na walang magawa upang kumawala.
"Ano ba?! Ang kulit mo! Kala ko ba kakanta tayo bakit ganito?!" ang naiinis kong tanong sa kanya. Hindi siya sumagot at ngumiti lang habang ako'y kanyang pinagmamasdan.
"Sana may kapatid akong tulad mo. Masarap pala may kakulitan." ang sabi niya matapos ang isang saglit. Natigil ako sa kanyang sinabi at napaisip. Tama marahil si Randy, masarap siguro ang may kapatid.
"Oo nga no? Pero siguro kung mas masarap kung mas nakakatandang kapatid siguro. Gusto ko ako inaalagaan." ang sagot ko sa kanya.
"Ako gusto ko bunsong kapatid na lalaki. Gusto ko may inaalagaan pero ayoko yung baby pa para nakakalaro ko. Matagal ko na pangarap yun." ang wika niya.
"Eh di umampon kayo. Ang yaman niyo tao lang di niyo kayang bilhin?" sabay tawa ako ng malakas.
"Ayaw nila mommy at daddy na gumawa pa ng baby. Isa pa, sino mag-aalaga sa kaniya kung umampon nga magulang ko? Para saan pa kung magkakaroon ako ng kapatid kung pumayag naman sila eh tumatanda naman ako. Hindi ko siya makakakulitan ng ganito." ang walang kaalam-alam na sinabi sa akin ni Randy.
"Kung magkakaroon ka ng kapatid sigurado hindi mo rin makakasundo. Di bagay sa iyo na may kapatid. Kung may kapatid ka, sigurado pareho kayo ng ugali at lagi kayo magkakaaway." ang sabi ko sa kanya't bigla akong napatigil nang may mapansin ako sa aming usapan.
"Wala kang kapatid talaga? Akala ko noon may kakambal ka." ang wika ko.
"Wala ha. Ikaw ba kinukulit ko ngayon kung may kapatid ako? Tulad din ng sabi mo, kung may kapatid ako malamang di ko kasundo." ang sagot niya.
Nanaig ang katahimikan sa aming dalawa habang hindi pa rin kami umaalis sa aming pusisyon sa kanyang kama.
"Wala? Eh sino si Randy? Sino si Andrew? Sino si Simon?" ang tanong ko sa aking sarili.
"Ano iniisip mo?" ang tanong niya nang mapansin ang aking mukhang halata na malalim ang aking iniisip.
"Wala. Iniisip ko lang kung ano kakantahin natin." ang palusot ko.
"Ako muna kakanta. Relax ka lang." ang sagot niya sabay pakawala ng aking isang kamay na hindi ko naman napansin. Mabilis niya itong tinungo sa aking tiyan at pinaulanan ako ng kiliti.
Pilit kong kumulot habang tumatawa ng malakas sa tindi ng pangingiliti ni Randy. Sadyang malakas siya kaya't nagawa niyang pigilan ako. Inupuan niya ako sa aking tibtib at nagpatuloy sa pangingiliti sa aking tiyan.
Marahang hinahampas ko siya ng paulit-ulit sa kanyang puwit at nang mapuna niya ito ay agad niya akong nilingon habang may pilyong ngiti ang kanyang mga labi. Tila alam ko na kung ano ang kanyang nasa isip sa mga oras na iyo.
"Putang ina! Huwag mong gagawin yang nasa isip mo!" ang babala ko sa kanya.
"Galing mo talaga! Pero, sorry!" ang nakangiting sagot niya sa akin sabay pakawala ng nakakasulasok na hangin at nagpatuloy sa kanyang pangingiliti.
Hindi ko na napigilang malanghap ang lahat ng kanyang pinakawalan sa katatawa at di rin ako makaalis sapagkat hindi pa rin niya ako pinakakawalan. Bagaman masuka-suka na ako sa baho ng kanyang utot sa isang banda ay nakaramdam ako ng saya sa mga sandaling iyon.
Tumigil muli si Randy sa pangingiliti at lumingon muli sa akin.
"Tama na… mamamatay ako sa baho ng utot mo." nanghihina na ako kahit medyo natatawa pa rin sa natitirang kiliti na naiwan ng mga daliri ni Randy sa aking tiyan. ang pilyong ngiti ni Randy ay di pa rin nawawala sa kanyang mukha nang siya'y lumingon sa akin muli.
"Ano sabi mo? Gusto mo pa? Swerte mo 'tol meron kakambal yan!" ang sigaw niya sabay pakawala ulit ng matunog na utot sa aking dibdib. Ramdam ko ang pagdapo ng mainit at mabahong hangin tungo sa aking mukha.
"Putang ina! Ang baho!!!!! Sheeeeeeet!!!! Torture!!! Kuya tama na!!!! Kuya!!!!!" ang sigaw kong nagmamakaawa at napatigil si Randy sa kanyang ginagawa. Lumingon siya sa akin muli at nakita ko ang pagabigla sa kanyang mukha.
"Ano tawag mo sa akin? Ulitin mo nga, Jasper?" ang seryosong tanong niya habang nananatili siya sa kanyang lagay.
"W-wala! Sabi ko pakawalan mo na ko!" ang palusot ko nang mapuna sa sarili ang aking mga sinabi. Nadala ako marahil ng aming kulitan na ngayon ko lang naranasan.
"Tinawag ko siyang kuya." ang nahihiya kong wika sa aking sarili.
"Weh! May tawag ka sa akin eh!" ang pangungulit niya.
Lumundag siya ng marahan upang tumalbog sa aking dibdib ang kanyang puwitan. Hirap ngunit pilit akong dumaing sa sakit dala ng bigat ni Randy sa aking dibdib.
"Sige na! Ano yung tawag mo sa akin." ang parang batang pangungulit pa rin niya.
"K-kuya?!" ang nahihiya kong sagot sa kanya.
"Kuya… Gusto mo kong maging kapatid?" ang tanong niyang sabik na marinig ang aking sasagutin matapos umalis sa pagkakaupo niya sa ibabaw ng aking dibdib. Agad siyang humiga ng patagilid sa aking tabi habang ako nama'y nakatitig sa kisame nilalasap ang ginhawa na nawalan ng mabigat sa aking dibdib habang hinahabol ang aking hininga.
Tatlong katok sa nakasaradong pintuan ang umagaw ng aming pansin.
"Sir Simon?" ang panawag ng isang may edad na babae sa labas ng silid.
"Sir Simon?" ang tanong ko sa aking sarili matapos marinig ang tawag kay Randy ng manang.
"Pasok!" utos ni Randy sabay bangon sa sa kama upang salubungin ang katulong.
Pumasok ang maliit, may katabaan, at may edad na katulong na nakaputing uniform bitbit ang keyboards na aking gamit na nakalagay sa studio ni Randy. May pagkakahawig siya sa itsura at postura ni Eugene Domingo.
Agad na kinuha ni Randy sa kanya ang Korg na walang stand. Nakapatong dito ang adaptor nito sa ibabaw.
"Salamat po! Tulog na po kayo, gabi na." ang magalang na sinabi ni Randy sa katulong.
"Sige po, sir. Salamat! Magandang gabi rin po." ang paalam niya at isinara ang ipinto ng silid para kay Randy.
Habang pinanonood si Randy sa pag-aayos ng keyboard sa sahig sa paanan ng kama kung saan niya ito ipinatong. Hindi maalis sa aking isip ang pangalang "Simon".
Umupo ako sa ibabaw ng kama at pinanood siya sa kanyang ginagawa.
"Andrew… bakit Simon tawag sa iyo ni manang?" ang tanong ko sa kanya habang siya'y nakatalikod sa akin. Napatigil siya't nanahimik sandali.
"Sagutin mo yung puzzle na binigay ko sa iyo. Don't ask manang or I'll get mad at you." ang seryosong sagot niya sa akin.
"Anyways…" dagdag niya sabay bukas sa keyboard at pinindot ang teklado nitong nakabuo ng intro ng isang pamilyar na tugtugin.
Lumingon siya sa akin at ngumiti.
"Tara, come here bunso. Let's play the some songs." ang malambing na imbita niya sa akin. Bagama't lutang pa rin ako sa gumugulo sa aking isipan ay tumungo na ako sa kanyang tabi.
"Galit ka pa rin ba sa akin?" tanong ko.
"Hindi na. Pero susunod ka sa mga iuutos sa iyo ni kuya ha? Bukas, magbabasketball tayo para naman hindi ka lalampa-lampsa sa P.E.." ang sagot niya at muling tinugtog ang keyboards habang pinanonood ko ang kanyang mga daliring naglalaro sa teklado.
"Marunong ka pala may keyboards eh." ang marka ko sa kanya.
"Sa atin ikaw lang din naman ang marunong magkeyboards. Gusto mo mag-gitara?" ang tanong niya habang patuloy sa pagtugtog.
"Inaayawan ako ng gitara sa choir noon eh." ang sagot ko.
"Crazy Over You?" ang tanong ko sa kanya.
"Tanga ka ba? Tinutugtog ko na nga eh. Kanta!" ang sagot niya sabay gulo ng aking buhok.
Agad ko itong inayos at napatingin sa kanya. Nakita ko sa mga mata ni Randy na masaya siya ngunit hindi ko mawaglit ang katotohanang nagungungusap ang kanyang mga mata.