Chereads / Salamin [BL] / Chapter 7 - Salamin - Chapter 07

Chapter 7 - Salamin - Chapter 07

Hindi na ako umalma pa sa kanya at sumunod na lang ako sa kanya tumungo sa kanyang silid. Nasa ikalawang palapag ang kanyang kuwarto at kinailangan pa naming umakyat sa handan nilang gawa rin sa kahoy na napakaganda ang pagkakagawa. Hindi ko maiwasang tumingin sa aking paligid habang kami ay naglalakad.

Nang buksan ni Randy ang kanyang silid ay bumungad sa akin ang kanyang maluwag na silid. Kulay rust orange ang pintura ng kanyang kuwarto at puti naman ang liston at kisame. May carpet ang sahig ngunit hindi ko napuna maigi ang kulay nito dahil sa medyo malamlam ang liwanag ng ilaw sa kuwarto. Nakakaantok kung tutuusin ang dating ng buong silid. Lubhang maayos ang lahat ng kanyang gamit. Sa gitna ng silid ay nakita ko ang queen size niyang kamang mukhang napakalambot higaan.

"Okay ba?" ang tanong ni Randy sa akin habang kinikilatis ko ang kanyang silid.

"Malaki pa ang silid mo sa buong bahay namin. Namamangha ako kasi ngayon lang ako nakapunta ng ganito kagandang bahay." ang sagot ko.

Isang buong silid sa loob ng kanyang kuwarto ay ang kanyang closet. Marami siyang mga damit at sapatos sa loob na branded at talagang mamahalin ang mga ito. Kumuha siya ng pulang shorts at puting sando na parehong mukhang gamit ng mga atleta sa pagtakbo at ito ang mga inabot niya sa akin.

"Tatakbo ba tayo?? Nike?!!! Mahal nito!! Baka meron ka diyan yung kahit sando at shorts na gusgusin o pinaglumaan mo na yun na lang." ang nasabi ko sa kanya ng makita ang etiketa nito. Tumawa lang siya.

"Ewan ko ba puro ganyan ang pambahay ko eh para direcho ako sa pagpapapawis sa mini gym sa baba. Isa pa, masarap kaya pantulog din yan kaya lang hubad ako matulog eh." ang sagot naman niya habang natatawa pa rin.

Kumuha rin siya ng sandong puti at shorts na tulad ng akin ngunit ang kanya ay kulay itim. Napansin ko rin na kumuha siya ng isang bikini brief na puti.

"Pareho naman tayong lalaki eh.." ang bigla niyang sinabi sabay talikod sa akin.

Hindi siya nag-alinlangan na maghubad ng kanyang natitirang saplot at nagpalit sa aking harapan. Bumungad sa aking harapan ang kanyang makinis matatambok na likuran na gumanda ang hugis dahil sa kanyang pagtakbo marahil sa basketball. Iba ang kulay ng kanyang balat sa bahaging iyon marahil dahil sa iyon lang ang hindi nabibilad sa araw.

Agad akong napatalikod sa kanya upang umiwas ng tingin. Bumilis ang tibok ng aking dibdib sa aking nasaksihan.

"Oh... tol... okay ka lang?" ang kanyang tanong matapos kong maramdaman na lang bigla ang kanyang pagkapit sa aking kanang balikat.

"Ah... Oo... ang ganda talaga ng kuwarto mo no?" ang palusot ko na lang kunwaring pinagmamasdan ko pa rin ang kanyang silid. Tinawanan lang niya ang aking sinabi.

"O... hindi ka pa ba magbibihis? Bihis na!" ang dagdag pa niya.

"Eh.... nahihiya ako eh... hindi ako kasi sanay... um... maghubad sa harap ng ibang tao..." ang sabi ko namang nakayuko sa hiya. Lalo siyang natawa ng mapansin niya ang pamumula ng aking mukha.

"Ganun ba?... Dun muna ako sa kama tatalokod na lang ako..." ang sagot niya at ginawa ang kanyang sinabi.

Nagbihis akong nakaharap sa kanya upang siguraduhing hindi siya lilingon.

"Sabi wag lilingon eh!!" ang sigaw ko nang bigla siyang tumingin sa akin habang ako'y nagaayos ng isusuot kong shorts. Tumawa lang siya ng tumawa sa akin.

"Naghihintay si Alice sa atin. Tara na, baka dumating na rin sila dito." ang yaya niya sa akin matapos kong magbihis at lumapit sa kanya. Tinungo na namin ang kanyang kotse upang lumakad na.

Bubuksan na sana niya ang pintuan nang maalala niyang naiwan pala niya ang kanyang susi sa kanyang silid. Nagmadali na lang siyang binalikan ito ngunit parang ibang Randy na ang aking nakita. Maangas nanaman ang kanyang dating at mayabang ang kanyang mga titig.

Hindi ko na siya kinausap at sumunod na lang ako sa kanya sa loob ng kotse.

Hindi kalayuan ang bahay ni Alice sa bahay nila Randy. Nang makasama na namin siya ay sa bandang likuran na ako ng kotse ni Randy umupo at hinayaan na lang silang naglalaplapan habang mabagal ang pagmamaneho ni Randy pabalik sa kanila.

Nakaputing shirt na bitin lang si Alice at maikling maong na shorts. Kahit simple lang ang kanyang suot ay lumabas lalo ang kanyang angking kagandahan at lalong lumabas ang kanyang magandang hubog dail sa kanyang hapit na kasuotan.

Halos malapit na kaming makarating kina Randy ay tumunog ang kanyang telepono at agad naman niya itong sinagot ng naiinis.

"Pre! Bad timing ka naman eh! Bakit ka napatawag?.... Ganun ba?.... Sige mas maganda nga yun... Punta na kami diyan..." ang narinig lang namin ni Alice habang nakatingin kaming dalawa sa kanya.

"Doon daw tayo sa apartment nila Rodel. Doon na lang daw tayo mag-iinuman babe." ang sabi niya kay Alice sabay halik ulit nito sa labi.

"Ay.. Randy.. pahiram naman ng phone mo sabihan ko lang si inay sa lakad natin." ang pakiusap ko.

"Tsk! Isa ka pa... storbo... oh... heto! Tawagan mo na kung gusto mo." ang naiirita niyang sagot sa akin sabay kuha ng kanyang telepono at ihinagis ito sa aking tabi.

Tulad ng lagi kong gawain ay kay Mariah ako nagpapadala ng text upang sabihan si inay noong kami pa ni Rodel kung di ako uuwi sa amin at palusot ko na lang ay puro tungkol sa pag-aaral ko ang dahilan ng aking di pag-uwi.

Dumaan muna kami sa isang convenience store. Si Randy at Alice lang ang pumasok sa tindahan at nagpaiwan na lang ako sa loob ng kotse dahil wala naman akong alam sa pagpili ng kanilang bibilhin.

Mabilis kaming nakarating sa apartment na dati ko na rin napuntahan noong kami pa ni Rodel. Isang malaking two storey na apartment na may tatlong silid. Madalas namin ginawa ang paglalaro namin ng apoy sa lugar na iyon. Nagbalik man ang mga nakaraang lumipas na ay hindi na ako masyadong apektado kaya't pilit kong ikinubli kung ano man ang lungkot at pait na kumukurot sa akin sa mga oras na iyon.

Bumusina ng ilang beses si Randy at bumukas ang malaking kulay asul na gate nito na nagtatago sa buong ibabang bahagi ng apartment. Si Rodel lang ang nakita naming lumabas upang salubungin kami.

Sabay kaming tatlong lumabas sa kotse ngunit pinauna ko sa paglalakad si Randy at Alice.

"Pare kayo na lang hinihintay namin! Asan na yung dala niyo?" ang salubong ni Rodel kay Randy.

"Nasa likod tol. Patulong ka na lang kay Jasper." ang sagot ni Randy sabay bigay nito ng kanyang susi nang sila'y magkalapit. Hindi na ako nakaalma at hindi rin nakasagot si Rodel.

"Patay tayo jan... ilang layers kaya ng maskara ilalagay ko sa mukha ko maging presko lang ako???" ang tanong ko sa aking sarili.

Naunang pumasok ang dalawa at naiwan kaming dalawa ni Rodel sa labas nagkakailangan.

"Kamusta ka na hon.... este... Jasper?" ang nahihiya niyang tanong sa akin.

"Okay lang. Tulad pa rin ng dati, bahay-school-bahay. Ikaw?" ang sagot ko. Hindi agad nakasagot si Rodel sa akin.

"Ah... okay lang naman. Tulad din ng dati, bahay-school-basketball-bahay. Si Nestor... um... hindi makakapunta ngayon eh." ang sagot naman niyang parang alanganin.

"Hindi ko tinatanong ang tungkol sa jowa mo. Paki ko dun?" ang sigaw ko sa aking sarili.

"Sayang naman. Hindi ko rin gusto sumama dito eh napilitan lang ako kasi may raket lang akong napagkasunduan namin ni Randy sa banda nila. Nasama lang itong inuman na to." ang sagot ko naman.

"Mabuti yun may napagkakakitaan ka para makatulong sa iyo. Isipin mo na lang bonus na ang inuman na ito para sa iyo kahit papano makakapag-unwind ka sa daily routine mo. Maganda rin yang pagsali mo sa banda kasi sayang yang boses mo. Malay mo sumikat ka kahit hindi ang banda niyo." ang sagot naman niyang kumurot sa aking damdamin. Sa matagal na panahon, ngayon ko muli narinig si Rodel na may pakialam sa akin.

"Tara na dalin na natin yung mga inumin." ang sagot ko naman para maiba ang aming pinag-uusapan.

Binuksan na ni Rodel ang likod ng sasakyan at kumuha na ako ng kaya kong bitbitin at naguna nang pumasok sa loob ng aparment.

Sa malaking sala ay naka puwesto na ang lahat. Bente sa mga kasama nila sa basketball na naroon ang ilan ay may mga kasamang nobya na tulad ni Randy at Alice ay medyo malagkit na ang dikitan. Iwas tingin lamang ako sa kanilang mga ginagawa habang ang iba ay masayang nagbibiruan habang nagkukuwentuhan.

"Ayan na mga inumin mga pare! Ang waterboy natin beerboy na!!" ang hiyaw ng isa sa kanila't napatingin ang lahat sa akin. Nayuko akong naglakad tungo sa kusina upang ihanda na ang mga inumin.

"Mga tol! Tulong naman! Meron pa naiwan sa compartment ng kotse ni Randy!" ang narinig kong sinabi ni Rodel sabi niya sa mga nasa sala nang siya ay makapasok. Di nagtagal ay kasama ko na rin siya sa kusina.

"Tulungan kita jan, Jasper. Ilabas mo na lang iton mga tube ice na nasa dalawang supot ako na bahala sa iba nood ka na lang sa akin tulad ng dati." ang wika ni Rodel habang ipinapatong sa mesa ang ilabang boteng dala niya kasama ang dalawang supot ng tube ice na binili nila Randy sa convenience store kanina.

Natigilan naman ako paglalabas sa supot ng mga inumin at pulutang sitsirya na aking dala kanina at ginawa na lang ang sinabi ni Rodel nang hindi umiimik.

"Kumain ka na ba Jasper ng dinner?" ang biglang tanong sa akin ni Rodel habang inaabutan ako ng lalagyan ko ng yelo.

"KRROOOOKKKKK!"

Hindi na ako nakasagot dahil malakas na tunog ng pagkalam ng sikmura ko ang naunang tumugon sa kanyang tanong.

"Hindi ka na kumakain ng maayos? Pinababayaan mo nanaman sarili mo niyan eh." ang naiinis niyang sinabi sa akin.

"Hintayin mo ko bibili lang ako sa labas ng bigas at pwedeng maluto o kaya kahit anong makakain mo. Ano? Magtake-out na lang ba ako?" ang nag-aalala niyang alok sa akin habang nakatitig ang maawain niyang mga matang matagal ko nang di nakikita.

Tila nawala ang aking dila. Hindi ako makasagot at parang sinusuntok ang aking dibdib sa mga ipinakikita niya sa akin.

"Alam ko na. Sige, diyan ka lang. Ikaw na mag-asikaso ng mga inumin nila tapos hintayin mo lang ako dito sandali lang ibibili kita ng makakain mo, ha?" ang sunod niyang sinabi at agad umalis sa aking harapan tumungo palabas.

Hindi ko na napansin ang biglaang pangingilid ng aking mga luha. Naguguluhan ako sa mga nangyayari at sadyang di ako makapaniwala.

"Anong meron? Bakit siya ganon ngayon sa akin? Nasaan si Nestor? Ano nanaman ang gusto ni Rodel mangyari?" ang tanong ko sa aking sariling di ko alam ang mga kasagutan. Mabuti pa ang mga aralin sa paaralan, tila lahat ay kabisado ko na at kung di man ay madali ko lang din itong matatagpuan sa mga aklat na lagi kong kasama at kumakausap sa akin araw-araw.

Nang malapit na akong matapos sa paghahanda ng mga inumin dala pa rin ang kaguluhang iyon sa aking isipan ay dumating sa kusina ang isang team mate nila na pinsan ni Alice at hindi na makahintay sa paglabas ng inumin.

"Tol, matagal pa ba yan? Nauuhaw na kami sa labas." ang nasasabik niyang tinanong sa aking habang sinusulyapan ang aking mga naihanda na.

"Sakto lang tol dating mo! Kailangan ko rin ng tulong medyo marami kasi to." ang sagot ko naman habang inilalabas ang kornik sa isang magkok at itinuturo ng aking mga tingin sa kanya ang mga naghihintay nang bitbitin niya sa sala.

"Ayos! Sige tulungan na kita sa pagdala nito don!.. Nasaan na nga pala yung best friend mo?" ang bigla niyang tanong sa akin nang mapansin niyang hindi ko siya kasama.

"Ah... may binili lang sa labas saglit daw. Salamat ha? Isusunod ko na lang yung iba doon." ang sagot ko sa kanya habang itinatapon na ang mga basura sa isang malaking garbage bag na itim.

Nagmadali itong kumuha ng kanyang madadala at nagsisigaw na bumalik sa sala upang ang iba ay tumulong na sa paghakot. Sabay-sabay kaming bumalik sa sala nang makabalik si Rodel.

"Jasper, tara tulungan mo ulit muna ako sa kusina." ang agad na yaya ni Rodel sa akin nang makapasok sa bahay bitbit ang kanyang pinamili.

"Oy pre! Ang bango niyan ah! Ano ng bogchi yan?" ang wika ng isa sa mga kasamahan niyang nakapuna ng kanyang bitbit na mga supot.

"Magluluto lang ako pare! Main course to! Sige kayo muna diyan magluluto lang muna kami ni best friend saglit. Ako sasagot sa hapunan natin." ang sagot naman niya habang nagpatuloy sa paglalakad. Sumunod na lang akong walang imik kay Rodel tungong kusina.

"Paborito mo itong dala ko! Akala mo nakalimutan ko na ha. Umupo ka na sa hapag at ako na bahala dito." ang sabi niya sa akin sabay tungo siya sa lababo upang kumuha ng dalawang magkok.

Naintriga akong alamin kung ano ang kanyang dinala kaya't pilit kong sinilip sa kanyang tagiliran ang kanyang natatakpang hinahanda. Agad kong naamo'y ang mabangong halimuyak ng goto nang kanyang isalin ito sa magkok. Lalong sumidhi ang gutom na aking nararamdaman dahil dito. Hindi ko mapigilang mapangiti dahil paborito ko talaga ang goto.

"Dyaran!! Ang paborito mong kainin! Dalawang order yan! Kain na!" ang masigla niyang sinabi sa akin matapos niyang humarap sa akin dala ang magkok ng goto habang ang ngiti niya ay abot tenga na hindi ko maintindihan.

Magkahalong ligaya at pait ang aking nadama sa oras na iyon. Hindi ko napansin ang biglaang pagtulo ng aking mga luha.

"S-salamat... R-rodel... p-pero... bakit?... Bakit mo ginawawa ang... mga ganito... sa akin ngayon matapos... matapos..." ang tanong ko sa kanya dahil hindi talaga ako makapaniwala sa mga nangyayari sa amin ni Rodel ngayon.

"Wala lang! Best friend kita di ba?" ang sagot naman niya at ipinatong niya ang magkok sa aking harapan sabay tungo sa refrigerator upang kumuha ng isang bote ng malamig na mineral water na stock nila doon.

Hindi ko napigilan ang pagtangis. Gusto ko na siyang yakapin. Gusto ko na umiyak sa kanyang mga bisig. Gusto kong ihinga lahat ng sakit at hirap na dinanas ko dahil sa kanya. Gusto kong magreklamo. Gusto kong malaman lang niya kung ano pinagdaraanan ko.

"Oh... bakit di mo pa lantakan yan? Kain ka na! Para makainom na rin tayo. Magluluto na ako ng makakain nila doon. Sigurado di naman masyado magkakanin ang mga yun at konting ulam lang lulutuin ko para lang malamanan sikmura nila. Alam mo naman maseselan sa pagkain ang mga yun bukod kay Randy kung may tamang trip siya." ang sinabi niya sa akin nang mapuna niyang nakayuko lang akong nakatitig sa gotong ihinanda niya para sa akin.

Matapos niyang isalang ang sinaing sa rice cooker ay umupo siya sa aking tabi at pinunasan ang aking mga luha gamit ang kanyang kamay.

"Bakit ka umiiyak, Jasper? Ano yung iniisip mo?" ang nagaalala niyang tanong sa akin habang ang mga mata niyang awang awa ay nakatitig sa akinng mga mata.

"S-sorry... may gumugulo lang sa akin..." ang sagot ko at nagsimula nang kumain. Hindi na siya umimik ngunit nanatili lang na nakatitig sa aking at sinusuri ang aking buong mukha.

"Sorry din Jasper. Alam kong grabe ang ginawa ko sa iyo. Alam kong hindi mo ko papatawarin kahit kailan. Bilang kaibigan, gusto kong bumawi sa iyo sa kabila ng lahat. Hindi ako ang tamang lalake para sa iyo. Sa akin ang problema hindi sa iyo. Swerte ng magiging boyfriend mo sa iyo. Alam ko dahil ipinadama mo ang pagmamahal mong lubos sa akin." mautal-utal niyang sinabi sa akin sabay haplos sa aking likuran.

"Friends?" ang sabi niya sa akin sabay abot ng kanyang kamay upang makipagkamay sa akin. Tumango lang ako sa kanya at hindi tumigil sa pagkain.

Natapos akong kumain at inilagay na lang sa lababo ang aking pinagkainan at akma na sanang huhugasan ang mga ito.

"O.. bakit mo huhugasan iyan? Pinapunta ko na si manang dito siya na maglilinis dito at maghuhugas ng mga ikakalat natin ngayong gabi. Hindi ka na nasanay." ang sabi niya nang mapuna niya ako sa aking ginagawa habang tinitignan niya ang kanin sa cooker.

Hindi na ako nakasagot at iniwan na lang ang aking pinagkainan tulad ng kanyang sinabi. Tinungo ko ang sala at umupo sa isang tabi upang manood sa kanila habang paminsan-minsan ay inaabutan ng tagay o inaabutan ng tanong upang maisali ako sa kanilang usapang di ko naman alam o hilig dahil sa ako'y dukha laman.

Hindi ko maiwas panoorin si Randy at si Alice. Napakaganda nilang tignan dalawa. Masaya silang kasama sa usapan ngunit may mga galaw at tingin silang sila lang ang nagkakaintindihan. Hindi namin ni Alice maiwasan na magtawanan tuwin nahuhuli niya akong nakatingin sa kanila.

Nang makaluto si Rodel ay kumukha na ang mga gustong kumain at siya naman ay nakisalo na sa inuman. Sa lahat nga lang ng pwede niyang tabihan ay ako pa ang kanyang napili. Kumportableng kumportable ang kanyang upo sa aking tabi at ang pusisyon niya ay tulad lang din ng dati niyang lagay noong kami pa; nakaakbay sa akin habang nakasandal ako at ang ulo ko ay nakaunan sa kanynag kilikili kung hindi sa kanyang bisig. Wala na akong nagawa.

Matapos kumain ng iba ay nagpaalam na silang umuwi kasama na rin dito ang karamihan sa may mga may nobya hanggang sa kami na lang ni Alice, Randy, at Rodel ang naiwan.

Sabog na kaming apat sa dami ng aming nainom. Nagtatawanan na kami sa lahat ng sasabihin ng bawat isa kahit hindi nakakatawa.

"Pare... alam mo ba yung shorts ni Mike na suot niya kanina? Grabe dati suot niya yun nung inatake siya ng LBM hindi na siya nakaabot sa CR nung nasa bar kami sa Almanza. Dyahe talaga pare dami pa naman naming kasamang chiks nung gabing iyon! Tang ina! Kadiri eh! Para siyang nagkaregla sa puting shorts na iyon nung... AHAHAHHAAH!!! Tapos.. yung mga kasama namin nagsialisan talaga diring-diri sa kanya!!! AHAHAHAHA!! Sabi pa niya bago siya matae... "Miss toilet bowl ka ba?... Natatae kasi ako tuwing nakikita kita.. AHAHAHAH!!" ang kuwento ni Randy sa amin habang kami namang tatlo ay tawa lang din ng tawa sa kanya dahil sinasabayan pa niya ng kaunting pag-arte.

"Naalala ko tuloy si Jun-jun!! Alam mo ba? Ayus din yan! Gumala kami noon sa paligid ng Bilibid kasi may pinopormahan siya doon na chik. Umulan kasi noon tapos medyo maputik at matalahib kasi yung daanan pababa. Pumoporma siya sa babae niya nauna siyang lumakad para alalayan daw niya eh... ayaw nung chik niya kasi nga mas sanay naman yung mga paa daw niya maglakad doon. Si gago, ayun nauna pa rin nagkamali ng yapak dumulas pababa.. malas lang niya yung nalandingan niya hindi pala putik!!! AHAHAHAHA!! Kasi nung pagtayo niya pinagpagpa niya tapos nung lalakad na sana kami nakaamoy kami ng mabaho as in!!! Dun niya napansin yung amoy galing sa likuran niya pala nung hanapin niya. Eh nahawakan na niya. Kadiri talaga, tol!!!" ang kuwento naman ni Rodel sabay inom ng kanyang tagay at inabot ang baso sa akin upang lagyan ko naman iyon para sa aking turn na uminom.

Hindi ako malakas uminom at madali akong malasing. Sa pagkakataong iyon ay hilong-hilo na talaga ako at may natatapon na akong hindi maishoot sa bunganga ng baso. Halos mahulog na rin sa aking mukha ang suot kong salaming tagilid na ang puwesto sa bridge ng ilong ko.Halos di ko na maidilat ng maayos ang aking mata sa sobrang bigat. Sobrang init na rin ng aking pakiramdam at namamanhid na ang karamihan sa aking kalamnan.

"Kaya mo yan Jasper!! Sige pa!!! Isa pa!! Itumba natin lahat yan!! Sayang oh!!" ang sigaw ni Alice habang pumapalakpak na nanonood sa akin.

"H-hindi ko na kaya... mahihimatay yata ako... hindi ko pa naabot ang ganito ka daming alak..." ang sagot kong nanghihina na.

"Weak ka pala Jasper eh! Inom pa!!" ang nanunuyang sinabi naman sa akin ni Randy.

"Mga tol... ituloy na lang natin ito sa kuwarto para direcho tulog na tayo... ano?" ang imbita naman ni Rodel sabay lapit diin niya ng kanyang sarili sa aking tabi at naramdaman kong nabalot na sa aking likurang balakang ang kanyang kanang braso. Humihimas na sa aking tagiliran ang kanyang kamay.

Pilit kong inayos ang aking salamin at napatingin kay Randy na salubong ang mga kilay at nakatitig sa amin habang nakapatong ang kanyang ulo sa malulusog na dibdib ni Alice. Si Alice naman ay singkit na ang mga matang paikot-ikot na pinagmamasdan ang kisame na parang loka-loka habang nilalaro ni Randy ang kanyang mahabang buhok sa kanyang mga daliri.