Hindi ako makagalaw. Mamaos-maos na boses ng professor namin sa chemistry ang tumawag sa akin, si Mr. Pelayo. May kahiligan din siya sa paglalaro ng basketball at madalas kung wala ang lalakeng professor sa PE ay siya ang pumapalit sa mga laban ng basketball kahit katuwaan pa ito. Lagi akong pinagdidiskitahan nito.
Minsanan na kaming nagdebate sa kanyang klase dahil sa isang complex composition ng acrystalline bacteriochlorophyll-protein. Hindi ko sinasandyang ipahiya siya sa harap ng aking mga kamag-aral. Bilang ganti niya sa akin ay ginawa niya akong scorer na hindi naman masama dahil sa pagkakataong iyon ay doon ako napuna ni Rodel ngunit hindi na sa pagkakataong ito.
Marahan akong tumalikod palayo sa gate ng campus upang harapin siya. Hinila ko ang mabibigat kong mga paang tila gusto nang kumaripas ng takbo palabas. Hindi ako makatingin kaya't sa sahig na lang ako tumitig habang naglalakad patungo sa kanya.
Dinig kong nagkakainitan na sa laro dahil nagkakantiyawan na ang mga nanonood.
"Bilisan mo Gil! Ikaw ang scorer ngayon. Kailangan kong bantayan ang mga naglalaro medyo dikitan na ang laban nila." ang pautos na sigaw ni sir Pelayo habang inaabot and clipboard na hawak niya.
"Kung makautos eh kala mo may makukuha ako sa ipinagagawa niya. Kung di lang ako babawian ng kumag na ito sa grades ko di ako papaalipin sa gagong ito eh." ang bulong ko sa aking sarili.
Abot tanaw ko ang court at sa mga oras na makalapit ako sa kumag kong propesor ay nakatalikod sa amin ang mga naglalaro.
Kinuha ko ang clipboard at inalis ang nakaipit na ballpen dito bago pa ako umupo sa kanto ng bleechers na pinakamalapit sa akin. Halos hindi ako makanood sa mga naglalaro kahit mukhang maganda ang laban. Iniiwasan ko kasing makita ako ni Rodel at baka makaisip pa siya ng isyu sa aking paglitaw sa paligid niya.
Habang nasa ganoon akong lagay at patuloy ang lahat sa kanilang ginagawa. Nagulat ako nang may bigla akong narinig na sigawan sa mga nanonood na tila ba nabigla silang lahat. Agad akong napatingin sa court at nakita kong nakahiga sa sahig si Rodel at pinaliligiran ng kanyang mga kasama sa court. Lubos akong nabahala sa kalagayan niya at gusto ko na siyang lapitan ngunit napansin kong nakalapit na si Nestor sa kanya na nanonood din ng laro nila.
Wala na rin naman dahilan upang lapitan ko siya. Baka masamain pa niya ang gagawin ko at pati na ang aking pag-aalala.
"Jasper! I-abot mo yang yelo diyan sa ice box sa tabi mo!" ang narinig ko na lang sa nakaharap na sa akin na si Mr. Pelayo at nakaturo sa akin habang halos kita na sa kanyang suot na barong na uniporme ang basa niyang kilikili.
"Naku! Patay na! Bakit ako nanaman! Talaga itong matandang hukuban na ito." ang sabi ko sa aking sarili sabay lingon sa aking tabi upang kumuha ng yelo mula sa ice box.
Agad kong ibinaba ang iba kong mga dala matapos kumukha ng isang buong yelong nakaplastic pa at tumakbo palapit sa feeling na feeling kong propesor at inabot sa kanya ang aking dala.
"Bakit sa akin mo ibibigay iyan? Ako ba gagamit niyan? Dalin mo nga kay Salvador iyan! Ang tanga-tanga mo talaga!" ang hirit niya sa akin na hindi ko na lan pinansin.
Mabilis ang tibok ng aking dibdib sa magkahalong pag-aalala kay Rodel at sa aking sarili. Tila binuhusan ako ng malamig na tubig nang makalapit ako sa mga manlalaro at makitang kalong ni Nestor si Rodel sa kanyang mga bisig habang ito ay nakahigang hinihima ang kanyang namumulang noo.
"Ano tinatanga-tanga mo diyan? Akin na yang yelo! Nauntog na nga yung tao mo pa agad ibigay yan!" ang hindi ko napansing nakatingin na pala sa aking si Nestor habang nakaabot ang kanyang kamay sa aking hawak.
Agad ko itong inabot sa kanya at tumalikod upang agad na tumakbo pabalik sa aking upuan. Hindi ko mapigilang umiyak. Hindi ko magawang alagaan na si Rodel. Parang may malaking pader na nakaharang sa aming dalawa. Awang-awa ako sa lagay niya ngunit kahit paano ay maluwag akong nakahinga dahil nauntog lang pala siya at natumba marahil.
Nang makaupo ako sa aking upuan ay agad kong kinuha ang clipboard at ballpen at niyuko itong kunwari ay may isinusulat ako dito ngunit gusto ko lang itago ang aking pagtangis.
Please play this music while reading this part:
Tila bumabalik lahat ng nakaraan namin ni Rodel. Sa tuwing natatapilok siya agad ako ang lumalapit sa kanya upang ito'y hilutin. Kapag nauuhaw siya ay naabantay akong hawak ang isang plastik ng malamig na tubig upang ipainom ito sa kanya. Tuwing natatapos ang laro niya ay ako ang unang-una niyang nilalapitan at niyayakap ng mahigpit sa kanilang pagkapanalo.
Umuuwi kami noon at lahat ng pagkakataon ay nakikita ko ang sigla o lungkot sa mukha niya matapos ang kanyang mga laban.
Ako ang lagi niyang kinakausap tungkol sa laro kasama na rin ang mga reklamo niya sa ibang manlalaro. Hindi man ako masyado makasunod pilit ko namang pinakikinggan lahat ng sinasabi niya habang nasa loob kami ng kotse niya.
Hindi ko malilimutan ang masigla niyang diwa tuwing nananalo sila sa laro. Lagi niya akong sinasabihan ng "I love you Jasper" ng paulit-ulit at biglaan kahit wala ito sa aming pinaguusapan.
Maya't mayang halik at pagpapayakap niya habang nagmamaneho ang sabay niyang panglalambing sa aking sa sobrang ligaya niya.
Ngunit wala na ang lahat ng mga iyon ngayon. Parang panaginip lamang ang lahat ng iyon para sa akin. Isang kahapon na dapat ko nang kalimutan at pasalamatan dahil minsan ay naranasan kong magmahal at naranasan ko ang pagmamahal ni Rodel.
"Pagmamahal ni Rodel?... Minahal ba talaga niya ako?..." ang tanong ko sa aking sarili habang patagong pinupunasan ang aking mga luha.
Nagpatuloy ang kanilang laban at ako naman ay nagpatuloy lang din sa panonood habang umiiyak ng patago. Tila lahat ng nangyayari ngayon ay parang nakaraang naulit lang ngunit hindi na ako ang kanyang iniirog.
Makalipas ang ilang agawan ng bola, tulad ng aking inaasahan, ang team ni Rodel nanaman ang nanalo sa laban. Kitang kita ko ang masiglang mukha ni Rodel na napaharap sa akin at ang mga mata niya ay napatingin. Nahuli niya akong tinitignan siyan. Isang irap lang ang ibinalik niya sa akin sabay tingin siya kay Nestor na nasa kabilang dulo lang ng bleecher kung saan ako nakaupo. Hindi na ako ang sasalo ng sigla ni Rodel. Hindi na ako ang lalapitan niya sa sobrang saya niya.
Kitang kita ko ang pagtakbong tinungo ng dalawa sa isa't-isa na parehong may abot tengang ngiti sa mga mukha. Ang sakit-sakit sa dibdib na panoorin sila. Parang gusto kong isaksak ang hawak kong ballpen sa aking dibdib maalis lang ang sakit na sugat na dinulot ni Rodel sa akin.
Palihim ko silang sinundan ng tingin habang ang masayang magsing-irog ay tumungo sa kinaupuan ni Nestor kanina.
Huling-huli ng mata ko ang panakaw nilang lambingan, ang patago nilang hawakan at pisilan ng mga kamay, ang pag-akbay ni Rodel kay Nestor na may sabay na higpit na idinikit ang katawan ni Nestor sa kanya na tila ba isang pasimpleng pagyakap. Hinding hindi ako magkakamali sa mga kilos ni Rodel na mga iyon kay Nestor. Ang saya ni Nestor ay ang ligayang dati ay sa akin. Ngunit, ang dating sa akin ay hindi na at masaya na si Rodel sa bago niyang kasama.
"Sino ba ako? Wala na. Hindi na ako. Para saan pa na nandito ako ngayon? Hindi na ako kailangan ni Rodel. Gusto ko na lang siyang kalimutan. Sana kasing dali lang ng pagkalimot niya sa akin kahit noong kami pa. Mahal kita Rodel at kaligayahan mo lang ang nais ko pero hindi ko inaasahan na tulad ng sabi ni Mariah ay kailangan kong masaktan para sa kaligayahan mo kapalit ng sarili kong kaligayahan." ang aking wika habang patuloy akong lumuluhang nakatingin sa kanila.
Napuna ako ni Nestor nang mapalingon siya sa banda kung saan ako nakaupo at isang walang awang mga tingin lang ang nakita ko sa kanyang mga titig sabay tawa matapos biglang kausapin nito si Rodel. Hindi lumingon si Rodel sa akin at tumawa lang din sa kanyang narinig kay Nestor. Halatang ako na ang pinag-uusapan nila.
Bumalik sa akin ang ginawa kanina ni Rodel sa aking paninigaw nang magkabunguan kami sa lobby. Halos hindi ko na nakita ang nagmahal na Rodel sa akin noon. Para na lang siyang isang katawan na pinalitan ang kaluluwang lubos na nagmahal sa akin.
Dati ay sobrang alaga siya sa akin. Ayaw niya akong madapuan man lang ng lamok habang nanonood ako sa kanya. Ayaw niyang pinapawisan ako, makita lang niyang kumintab ang ilong o noo ko ay agad niya itong pinupunasan ng kanyang panyong may Clinique Happy. Tinuring niya akong isang prinsesa sa piling niya na nitong huli lang ay kinuha na niya at ibinigay na sa iba.
"Bro, bakit ka umiiyak? Di ba best friend mo si Salvador?" ang tanong sa akin ng isang maamong boses ng binata na nasa aking gilid.
Agad kong pinunasan ang aking luha at inayos ang aking sarili. Nahiya ako sa nakahuli sa aking pagtangis kaya't hindi ko siya matignan kung sino siya.
"Ah... wala ito... napuwing lang ako at medyo masakit na kasi mata ko sa puyat." ang palusot kong sinabi sa kumakausap sa aking habang nakayukong pinipindutan ng aking panyo ang aking mga mata.
"Sigurado ka?" ang tanong naman niya.
Napatingin na ako sa kanya at nagulat akong makitang nasaharapan ko na si Randy. Namumula ang kanyang balat at halata sa kanyang mukha at leeg ang tagaktak nang namuong mga butil ng pawis. Mamasa-masa na rin ang medyo magulo na niyang buhok ngunit sa kabila nito ay napuna ko ang kagandahang lalaki ni Randy ngunit pilit sumagi sa akin isipan na may kakaiba talaga sa kanya kaysa sa kaninang umagang nakita ko siya. Masyadong maamo ang aura niya di tulad kanina na napakasuplado ng kanynag dating at maangas ang asta.
"Ay ikaw pala yan... sorry hindi kita agad nakilala." ang sagot ko sa kanyang paiwas sa kanyang tanong habang madaling pinupunasan ang aking pisngi habang nakatingin sa kanya.
"Kilala mo na ako?" ang gulat niyang itinanong sa akin sabay bitiw ng matamis na mga ngiti sa akin.
"Oo naman... diba boyfriend ka ni Alice? Kaninang umaga tayo pormal na nagkakilala diba?" ang nagtataka kong itinanong sa kanya. Kumunot lang ang kanyang noo habang nanatili ang kanyang ngiti. Marahil ay napaisip siya sa aking sinabi na ako naman ay nagtaka.
"Ah... ikaw nga pala si ano... um... sorry ha? Nakakahiya... hindi ko naitanong kanina pangalan mo nung papunta kayo ni Alice sa music room." ang sagot niya sa aking halata sa kanyang mukha na hindi niya naalala ang aking pangalan sabay abot ng kanyang kamay sa akin upang makipagkamayan.
Nakapagtataka talaga ang ikikinilos niya. Wala na akong nagawa kung hindi ang makipagkamay din sa
kanya.
"Nagapanggap ba ito kanina sa harap ni Alice?" ang tanong ko sa aking sarili ngunit masyado pang maaga upang masabi ko ito dahil di ko siya gaano kakilala.
"Ako nga pala si Andrew Tiongson... ano ulit pangalan mo? Madalas kitang nakikita dito sa court kasama ni Salvador pero lagi kayo agad umaalis ni Salvador eh." ang pakilala niya sa akin sabay ngiti muli ng matamis at nakakaloko.
"Andrew? Alam ko Randy pangalan nitong kupal na 'to eh. Nagtitrip yata tong kumag na to. Sabog ka ba sa droga? Ulianin pa yata, pati sariling pangalan nakalimutan. Sa music room mo lang ako nakita?..." agad kong bulong sa aking sarili sa aking naoobserbahan sa kanya.
"Jasper... Jasper Gil... b..b..best friend ko si Rodel... diba best friends din kayo pero magkaibang sides tayo ng tropahan niya eh." ang sagot ko naman sa kanya na muntik nang madulas sabihin na boyfriend ko si Rodel. Last week yun, hindi na ngayon.
Napatingin siya kay Rodel at tinignan din niya si Nestor na may pagtatakang mga titig sa mga ito.
"Sige, hindi na kita aabalahin baka gusto mo na puntahan si Salvador." ang sabi niya sa akin nang ako na ay lingunin niya.
"Ah... hindi... uuwi na ako... may gagawin pa ako bukas para sa class namin bukas ng girlfriend mo." ang sagot ko sa kanya sabay inayos ang aking gamit.
Tumayo ako upang isuot ang aking bag habang siya naman ay nanatili lang na nasa aking harapan at pinanonood ako.
"Anong meron?" ang tanong ko sa aking sarili nang magsalubong ang aming mga titig. Agad kong inalis ang aking mga tingin sa kanyang mga mata at ibinaling ito sa iba.
"Pakibigay na lang ito kay sir Pelayo. Salamat!" ang paalam ko sa kanyang sinabayan ko na rin ng pakiusap habang inaabot sa kanya ang clipboard at ballpen na agad naman niyang kukunin na sana sa akin.
Napakapit siya sa kamay kong nakahawak sa aking ibibigay sa kanya. Kahit maugat ang kanyang mga kamay ay labis naman ang lambot nito. Bigla akong binalutan ng hiya sa hindi ko malamang kadahilanan. Napalingon ako sa dako kung nasaan si Rodel at Nestor at nakita silang nakatingin na pala sa amin. Kitang kita nilang dalawa ang magkahawak namin mga kamay ni Randy.
Agad akong napabitiw kaya nahulog ang clipboard. Sabay namin sanang pupulutin ito ni Randy nang bigla kaming nagkahiyaan.
Agad akong umalis na tumatakbo tungo sa gate palabas ng paaralan ng marinig kong tinatawag ako ni Randy ng sabay ng kanyang mga paang patakbong tila gusto akong habulin.
Hindi ako lumingon at binilisan ko lalo ang aking pagtakbo. Nang makalayo na ako sa dalawa ay bumalik na ako sa normal na paglalakad. Ang sakit ng dibdib ko, hindi pa rin nawawala. Mas lalong humapdi ang aking damdamin. Nagbabalik ang aking alala-ala kasama si Rodel.
Sa mismong kalsada sa gilid ng pader ng aming paaralan kung saan na ako naroon ng mga oras na iyon ay pilit kong kinakalimutan ang lahat. Sa di kalayuan ay tanaw ko ang posteng iniilawan ang isang matandang nagtitinda ng fishball na katabi ng isang matandang babae na may bilao namang may laman na paninda niyang mga yosi at kendi.
Madalas kaming dumaan muna ni Rodel sa tindero ng fishball bago niya ako ihatid sa kanto ng compound namin sakay ng kanynag kotse.
Naalala ko ang makukulit naming sandali habang kaming dalawa ay pasimpleng nagsusubuan ng fishballs na ikinatuwa naman ng dalawang nagtitinda na kami ay pagmasdan sa aming ginagawa. Isang buwan pa lang kami noon nang matusok ko ng di sinasadya ang sarili kong daliri sa matulis na stick ng fishball. Pilit ko kasing pinagsisiksik ang fishballs na natihog ko na gamit ang aking daliri upang mabakante pa ang dulo nito at para makatusok pa muli sa mga nakalutang na piniprito pa lang ni manong.
Ang kundisyon kasi ni Rodel sa akin noon kapag nililibre niya ako ng fishball ay kailangang matapatan ko ang dami ng fishballs na natutuhog niya bago niya ako tuhugin sa kotse niya.
Nang matusok ko ang aking hintuturo ay agad niya itong hinawakan at isinubo upang sipsipin ang duong lumabas dito. Habang ginagawa niya iyon ay nakataas ang kanyang kilay na tila inaamo ang isang bata. Napatitig ang ako sa kanyang mga mapupungay at nangungusap na mga matang punong puno ng pag-ibig para asa akin.
Hinalikan niya ang aking natuskok na daliri nang matapos niya itong sipsipin. Napangiti lang ako sa ginawa ngunit sa mga oras na iyon ay lubos na nahulog ang loob ko sa kanya.
"Ganoon ka kahalaga sa akin, bahagi ka ng buhay ko. Hindi pwedeng pumatak ang dugo mo dahil bahagi ko rin ito kaya sinipsip ko mula sa sugat mo. Ganoon kita ka mahal. Lahat ng sa iyo ay akin at ganoon din ako sa iyo. Iisa tayo, Jasper." ang sinabi niya sa akin habang nanatiling nakatitig ang mga mata niyang nakakakatunaw kung tumingin.
Iyon ang aking mga ginugunita habang ako ay naglalakad na pauwi.
Hindi ko mapigilan ang panginginig ng aking mga tuhod. Nanlalambot na ako habang ako'y papalapit sa mga nagtitinda.
"Jiho, fishball?" ang alok ng tindero. Yumuko lang akong hindi siya tinitignan upang itago ang aking mga matang pigil sa pagluha.
"Pasensiya na kuya. Hindi muna ngayon. Saka na lang po." ang sagot ko sa kanya halata ang panginginig ng aking boses.
"Nasaan na yung kasama mo? Bakit ikaw lang mag-isa ngayon?" ang tanong ng matandang babae na nagtitinda bago ko pa sila malampasan. Natigilan ako sa kanyang mga tanong.
"Nasa loob pa po inang. Maaga pa pasok ko bukas hindi ko na po siya mahihintay." ang sagot ko sa kanya na hindi man lang siya nililingon.
Habang patuloy naman ako sa paglalakad ay narinig ko ang tunog ng makina ng koste na papalapit hanggang sa tumapat ito sa akin.
Nilingon ko ito at nakita si Randy at ang kanyang matamis na ngiti na nakadungaw sa bintana.
"Uy! Randy!" ang pilit kunwari na nagulat siyang nakita.
"Jasper, sakay ka na! Hatid na kita sa inyo... at please... Andrew ang itawag mo sa akin. Ayoko kasi ng Randy." ang alok niyang natatawa sabay bukas ng pintuan ng kotse na nasa kabilang banda lang niya.