TUMUNOG ang cell phone ni Zairah habang naglalakad siya sa gilid ng kalsada pasado alas-otso y medya ng maaga. Dinukot niya sa bulsa ang cell phone saka niya tiningnan kung sino ang caller nito. Naka-rehistro sa screen niya ang pangalan ng kaniyang ina. Madalas na tumatawag ito para kumustahin siya at para na rin humingi sa kaniya ng kaunting pera. Sakto rin kasi ang pagtawag nito dahil kakasahod lang niya kahapon.
"Hello, 'Ma?" sagot niya sa kabilang linya.
"Hello, Zai. Oh, kumusta anak? Papasok ka na ba sa trabaho mo?" tanong ng kaniyang ina.
"Oho. Heto na at naglalakad na ako. Napatawag kayo? May kailangan kayo?" tanong agad niya sa ina. Alam niyang ang kasunod ng kumusta nito ay hihingi na naman ito ng kaunting pera para sa mga kapatid niya ngunit ayos lang naman iyon dahil nakasanayan na niya.
"Zaira, alam kong nakapagpadala ka na ng pera noong nakaraang linggo. Nahihiya nga ako sa'yo dahil wala pang ibinayad ang mga kumukuha sa atin ng mga gulay sa bukid. Nalugi pa dahil nagkaroon daw ng problema. Kami ng tatay mo ay problemado ngayon sa mga gastusin lalo na sa mga kapatid mong nag-aaral pa. Graduating na kasi ang kapatid mong si Nonoy sa high school at kailangan ng pambayad sa graduation fee at kung ano-ano pa. May naitabi ka ba? Pasensiya ka na, Zairah." May halong pagmamakaawa ang boses ng kaniyang ina sa kabilang linya.
"Magkano ho ang kailangan niyo, 'Ma? May naitabi pa naman akong pera," tugon niya. Hindi siya maaaring tumanggi sa ina dahil tanging siya lamang ang inaasahan ng mga ito.
"Mga tatlong libong piso, anak."
"Sige, 'Ma. Uhm, magpapadala ako mamayang tanghali pagka-break ko."
"Maraming salamat, anak! Malaking tulong iyan. Ah, sige at mag-ingat ka riyan. Huwag mong pababayaan ang sarili mo. Kumain ka sa tamang oras," paalala ng kaniyang ina.
"Oho. Sige po at nandito na ako sa gate ng building namin, 'Ma. Papasok na ako."
"Oh, siya, mag-ingat ka."
"Kayo rin po. Ikumusta niyo na lang ako sa mga kapatid ko," tugon niya sabay ibinaba na niya agad ang tawag. Napapailing na lamang siya saka nagpakawala ng buntong-hininga.
Patuloy lamang ang kaniyang paglalakad hanggang sa makarating siya sa lobby ng building kung saan siya nagtatrabaho bilang isang cartoonist. Dalawang taon na siya sa kompanya at sa gabi naman ay part-timer siya bilang waitress sa isang sikat na club sa BGC sa Taguig. Bente-dos pa lang siya noon at pinasok na niya ang iba't ibang trabaho sa Maynila mula noong lumuwas siya mula sa probinsiyang kaniyang pinanggalingan. Tubong taga-Cagayan De Oro siya at hindi siya nagmula sa mayamang pamilya bagamat may malaki silang lupang sinasaka ng kaniyang ama upang pagkakitaan. Pagka-graduate niya sa kursong Fine Arts, lumuwas na agad siya ng Maynila kasama ng pinsan niya. Nangako siyang i-aahon niya sa hirap ang kaniyang pamilya.
Malaki ang kinikita ni Zairah sa pagiging isang cartoonist dahil kontrata ito kada-guhit at halos ng kanilang kliyente ay taga-ibang bansa. Ngunit ang kinikita niya ay hindi pa rin sapat kung tanging siya lamang ang inaasahan sa pamilya niya. Ang pagpapart-time niya lang ang isa sa mga naisip niya upang makadagdag sa lahat ng kaniyang mga gastusin lalo na ngayong bumukod na siya ng kaniyang tinitirhan malapit sa kaniyang pinapasukan.
Bente-otso na siya ngayon at ni minsan ay hindi pa sumagi sa isipan niya ang mag-asawa. Nagkaroon naman siya ng boyfriend noon sa probinsiya ngunit hindi rin naman nagtagal dahil bata pa siya noon at wala pa naman masyadong alam pagdating sa usaping pag-ibig. Nakipaghiwalay din siya dahil priorities niya ang pamilya. May mga nais naman manligaw sa kaniya lalo na mga kasamahan niya sa trabaho ngunit tumanggi na siya sa umpisa pa lang dahil wala siyang planong sagutin ang sino man sa kanila. Oo at ligawin siya. Sino ba namang hindi ma-aatract sa kaniya lalo na at pang-beauty queen ang angkin niyang kagandahan. Nagmana siya sa tatay niyang may lahing kastila. Subalit sa lahat na kastilang lahi, sila lamang ang hindi biniyayaan ng yaman.
Pagdating niya sa pinto ng kanilang opisina ay nag-biometric muna siya bago makapasok. Matapos iyon ay bumukas agad ang pinto at pumasok na siya sa loob. Wala pa ang kanilang receptionist at dire-diretso na siyang tumungo sa kanilang department.
"Good mornimg, Zai!" bati sa kaniya ni Jhen. Isa sa mga calligraphy artist nila at malapit sa kaniya.
"Good morning," ganting-bati niya. Inilapag niya ang kaniyang dala-dalang shoulder bag sa table niya at umupo.
Lumapit sa kaniya ang kaibigan. "Bes, balita ko may night out ang mga kasama natin mamayang gabi. Niyaya nga ako nina Kaori at Angie pero hindi pa ako umo-o. Sasama ka ba?"
Umupo muna siya saka niya hinarap ang kaibigan. "Alam mo naman na may part-time job ako sa club mamaya. Hindi ako pwedeng umabsent dahil biyernes ngayon."
"Iyon na nga. Doon sila mismo pupunta sa pinapasukan mong part-time. Niyaya kasi ni Sheena ang mga boys para doon pumunta at alam mo naman ang isang iyon, may malaking inggit sa'yo."
"Oh, ano naman kung doon ako nagtatrabaho? Marangal ang trabaho ko roon at hindi ako iyong babaeng iniisip mo kahit pa dumaan kami sa ob-gyne test. May sira pala utak ng babaeng iyon," tugon niya sabay napaismid.
"Pinapaalahanan lang kita dahil baka ipahiya ka ng bruhang iyon! Oh, siya. Dito na ako sa puwesto ko at may tatapusin pa akong mga designs."
"Sige," saka niya muling hinarap ang table niya.
Maya-maya pa ay nagsidatingan na ang mga kasama niya. Hindi na lamang din niya pinansin ang sinabi ng kaibigan niya at hinarap ang kaniyang mga naudlot na trabaho kahapon.
TANGHALI na kaya nagmamadali siyang lumabas at nag-out sa biometric. Kailangan niyang magpadala ng pera dahil inaasahan na ito ng kaniyang ina. Naisip niyang mamaya na siya kakain matapos makapagpadala. Mula sa building ng kanilang kompanya, hindi naman kalayuan ang remittance center doon dahil accessible naman ang lugar kung saan siya naroon. Pagdating naman niya isang remittance center ay mahaba ang pila. Makakaabot pa ba ako? Pumasok pa rin siya sa loob at tinanong ang guard kong mabilis ba ang proseso. Nang tumango naman ang guard ay kumuha agad siya ng form at nag-fill up.
Makalipas ang labinlimang minuto, natapos din siya. Naisip niyang sa isang mall na lang siya kakain. Naglakad pa siya papasok sa isang siyudad na halos katulad na ng BGC ang pag-unlad nito. Ang Eastwood City. Habang naglalakad siya ay napuna niya ang isang establishment na kakabukas lang. Isang painting art session na maaaring magpinta ang mga customer nito sa loob ng isang oras. Napatigil pa siya upang tingnan ang mga tao sa loob. Mabilis siyang mahumaling lalo na at patungkol sa arts. Makikita lamang ang mga customer na may art session dahil salamin lamang ang pader nito. Na-engganyo tuloy siyang magpinta ngunit alam niyang mahal iyon. Napailing na lamang siya at saka nagpatuloy maglakad patungo sa Cybermall upang makapagtanghalian.