NASA apartment na sila. Sa magkabilang bahagi ng pinto, sumandal sa kaliwa si Theo, sa kanan si Soto. Nagsensyasan sila. Huminga nang malalim bago sabay na kumatok. Pagkatapos kinakabahang sumandal ulit. Pumikit. Pareho ang hiling na sana si Suzette ang bumungad sa kanila.
"Hoy, ano at hindi pa kayo pumasok?"
Halos sabay silang napayakap sa dalagang may hawak na sepilyo. May rolyo rin ng tuwalya ang ulo nito dahil bagong paligo.
"Saglit, hindi ako makahinga. Umuwi na si Papa, okay? Pinagsabihan ko na. Para naman kasing tanga, dito kayo nakatira tapos kayo ang pinalayas."
Noon sila nakahinga nang maluwag at mabilis bumitiw sa pagkakayakap.
"At bakit pareho kayong may pasa sa mukha? Saan kayo nagpalipas ng gabi? Kumain na ba kayo?"
Hindi sila tinantanan ni Suzette hanggang makapasok sila sa loob kaya naman nagkuwento na rin sila.
"Sa isang kamag-anak ko kami tumuloy, Ate Su. Don't worry hindi ko naman pinabayaan si Soto."
"Hindi ako nag-aaalala ha. Kayo pa! Alam ko namang strong ang relasyong meron kayo. Kita ninyo magkasama pa rin kayong bumalik dito," tudyo ng dalaga.
Nagtinginan muna ang magkasintahan at matapos magtanguan ay sabay nagsabing, "Baka hindi muna kami papasok ngayon, Ate."
"Sige kayo ang bahala." Si Suzette na sumulyap sa wall clock na naroon sa dinning area. Alas otso y media.
"Shocks! Late na pala ako." At noon lang nagmadaling pumasok ng sariling silid.
Silang dalawa naman diretso na rin sa kuwarto. Nagpalit ng pambahay. Nang humiga si Soto, ganoon na rin ang ni Theo.
"Strong daw tayo..." Si Theo na tumatawa pa. Sininghot ang leeg ng nobyong nakatagilid ng higa.
"Naman. Wala akong planong pakawalan ka kahit pa sabihin mong ayaw mo na."
Parang nahaplos ang puso ni Theo sa narinig. Bihirang maging open si Soto sa damdamin nito sa kanya kaya naman para siyang maiiyak. Iba nga lang ang lumabas sa bibig nang ma-realize na wala siyang karapatang magdiwang sa ngayon.
"Pero hindi mo mabibigyan ng apo si Tatang kapag nagpatuloy tayo."
Totoo naman pero biglang napikon sa katotohanang iyon si Soto. "Tangina! Pag-aawayan din ba natin 'to?"
"Hindi ko maiwasan. Habang nandito ako mas nakokonsensiya ako." Mahina ang pagkakasabing iyon ni Theo at para pa ngang napiyok.
"Ano ngayon ang gusto mong palabasin? Akala ko ba okay na!" susog ni Soto at bumangon pa para umibabaw kay Theo. Hinawakan ito sa mukha para masigurong sa kanya lang ang tingin nito.
"Makinig ka, walang magbri-break, Theo. Kung iiwan mo lang din naman ako, hindi kita papayagan sa gusto mo."
"Pero Soto---"
Hinalikan niya si Theo. Ayaw niyang marinig pa ang mga sasabihin nitong negatibo. Tinulungan siya nitong makalimot kaya dapat sa kanya lang ito hanggang sa huli. Makasarili na kung makasarili. Kung kailangan niya itong igapos ay gagawin niya.
Sa naiisip ay mabilis kumilos ang kamay niya. Kumapa-kapa siya sa higaan. May nahawakan nga siyang tela. Nang tingnan ay sando iyong punit-punit at mas pinunit pa niya. Ipinulupot niya iyon sa braso ng kapareha. Hindi naman masyadong mahigpit. Tama lang para masubukan ang gusto niyang isagawa ng mga sandaling iyon.
"S-Saglit! Ano 'to?" bulalas ng nagulat na binata. Naguguluhan marahil sa pagbabago ng ugali ni Soto.
"Plano mo akong iwan di ba?" Nagpatuloy siya. Lumipat siya sa paanan. Itinali niya rin iyon. Ewan niya pero nakakaramdam siya ng kakaibang saya. Walang kalaban-laban si Theo sa itsura nito. At tinitigasan siya sa isiping iyon.
"Soto, hindi... hindi naman sa gano'n. Tanggalin mo na 'to, please."
"Ayoko!" Tumalikod pa siya rito.
"Soto, please. Mag-usap tayo nang maayos. Promise, hindi na ako magiging childish ulit."
Noon na lihim na napangiti si Soto. Kung tutuusin siya nga itong isip-bata sa pinaggagawa niya. Sino bang mag-aakalang aabot siya sa ganito? Mula nang maamin niyang mahal niya na rin si Theo ay gusto na niya ng pangmatagalang relasyon, sa piling nito at wala nang iba pa. Kahit na ang kapalit niyon ay pagsuway sa kagustuhan ng tatay niya.
"Ang sarap mong panoorin," paglinga ay sabi niya rito. Sinundan niya pa iyon ng nakakalokong ngiti.
"Alam mo, ikaw... ikaw!" Si Theo na mabilis nakawala sa pagkakatali. Hinaklit siya nito sa braso at pinaibabawan.
"Theo!"
Siya naman ang tinatali nito. Bakit ba niya laging nakakalimutang pareho silang mahilig gumanti? Kung ano ang ginawa ng isa ay ganoon din ang ibabalik. Hihigitan man o hindi. Pero mas madalas ay nakadepende.
"Tama ka, masarap nga. Kung alam ko lang na gusto mo rin nito... noon pa kita tinalian," excited na sabi ni Theo bago buong pagnanasa siya nitong hinalikan. Dumagan din sa kanya at pinagkiskis ang ibabang bahagi nila.
Paulit-ulit iyon hanggang sabay nilang narating ang rurok. Saka siya pinakawalan ni Theo. Tumabi na ito sa kanya at nakatulog silang magkayakap.
Sa mga sumunod na araw hindi na nila nabanggit pa ang tungkol sa mga alalahanin nila. Naging kampante na si Soto. Lalo pa't tuwing hapon siyang sinusundo ng nobyo. Sabay silang uuwi sakay ng motorsiklo nito. Wala na siyang naging balita kay Clare. Huminto na ito sa pangungulit. Ang pinsan niyang si Reynold ay nalaman na lang niyang bumalik na ng Japan. Ang tatay naman niya, hindi na bumisita pa.
Nagpatuloy ang maayos na relasyon sa pagitan nila ni Theo. Hindi niya alam kung dahil ba sa nakakahalata na ang Management sa kanila basta isang araw ay inilipat siya ni Sir Tim sa Southbound. Natuto tuloy siyang gumising nang maaga. Dahil kung hindi, sa ibang paraan siya gigisingin ng kasintahan. At kapag nawalan ng kontrol, nahahantong iyon sa pagkahuli nila sa trabaho.
"Ay hala, ba't late na naman kayo?" pagkapasok ng lobby ay puna ng maganda nilang receptionist na si Karina.
Walang sumagot isa man sa kanila pero siniko niya pa rin si Theo. Tumatawa lang itong ginulo ang buhok niya.
"Sabi sa 'yo, huwag ka nang humirit, e!" paninisi niya nang makasakay na silang elevator.
"Hayaan mo na, exercise din 'yon... masarap pa," maloko nitong sabing sinundan pa ng ungol.
Nag-init ang pisngi niya dahil doon. Minsan talaga hindi niya kinakaya ang mga banat ni Theo. Hindi na yata siya masasanay. Kaya para patas gumaganti rin siya.
"I love you."
Nagtakip ng mukha ang pinamulahang si Theo. Hindi na ito umimik pero pagkarating nila ng ikawalong palapag, hinatak siya nito sa isang tabi. Ipinantakip pa ang bag sa mukha nila at saka siya nito ninakawan ng halik.
"I love you more."
Muntik na siyang mawalan ng balanse. Mabuti na lang at maagap siyang inalalayan ng kasintahan. Muli na naman siya nitong hinalikan pero itinulak na niya. Baka kung saan na naman kasi sila mapunta.
"Makita tayo sa CCTV."
Bumungisngis si Theo. "Ang cute mo kasi," at pagkatapos tinungo na nito ang locker room.
Siya naman napahawak na lang sa labi at sumunod na rin dito.