NAGISING na si Soto. Ginalaw-galaw pa niya ang kamay at nang ma-realize na wala roon ang selpon ay agad siyang napabalikwas. Kung anong oras na at kung nakauwi na ba si Theo ay iyon lang ang tanging gumugulo sa isip niya. Napatakip pa siya ng mata nang masilaw sa liwanag na nagmumula sa bintana. Umaga na.
Sumulyap siya sa kabilang side ng higaan. Nakaayos na ang puwesto dapat ng kasintahan. Tumayo na siya para ayusin naman ang kanya. Sa upuang naroon sa tabi ay nakita niya ang hinahanap. Nang mapansin ang nakaipit na papel ay binasa ang laman niyon.
Soto, may work ako ngayon. Babawi na lang ako sa sunod. Love you.
Naging maganda ang mood niya dahil doon. Inayos at nilinis pa niya ang buong kuwarto. Inipon ang labahin sa palanggana at pagkatapos tinungo ang banyo. Doon siya maglalaba. Siyempre, ibinabad niya muna para makapag-almusal siya.
Sumapit ang tanghali at nakapagsampay na siya. Doon iyon sa maliit nilang veranda karugtong ng sala. Tamang-tama dahil maaraw talaga sa parteng iyon. Bibihira naman talaga niyang gawin ang ganito. Inaasa niya noon sa nakakatandang kapatid na si Suzette ang lahat halos. Nang maging nobyo lang niya si Theo saka siya natutong magkusa. Ewan niya, basta ang gusto niya ay suklian lahat ng pagmamahal ng binata. Iyon nga lang, nakakatikim siya ng panunudyo ng ate niya.
"Parang housewife Toto, ah!" anitong kakauwi lang galing trabaho. Half-day kasi ang dalaga minsan.
"Kumain ka na lang diyan, Ate. Nagluto akong sweet chicken adobo." Natutunan niya rin iyon kay Theo. Minsan ginagaya lang niya ang napapanood sa social media. Mabuti at maayos naman ang resulta. Hindi nga lang perfect kagaya ng luto ng kapatid.
"Naks! Sure! Sure!"
Pagkatapos kumain ng kapatid. Tinungo nito ang veranda at inayos ang pagkaka-hang ng mga damit. Nilagyan pa iyon ng sipit. Nagmasid lang siya at napagtantong marami pa siyang dapat matutunan. Pagbalik ng kapatid yumakap siya rito.
"Salamat Ate!"
Noon niya narinig ang paghikbi ng kapatid. "Hindi. Hindi. Feeling ko nga wala na akong pakinabang, e. Kasi hindi na ako ang gumagawa ng mga ito sa 'yo. Nag-aaral ka nang maging independent. Parang bubukod ka na at iiwan mo na ako," emosiyonal nitong sabing yumakap na rin.
"Hindi, Ate. Dito lang ako, kami ni Theo. Wala akong planong umalis dito maliban na lang kung mag-aasawa ka na." Tinapik-tapik pa niya ang likuran nito.
"Oo nga pala, pero... pero kasi nangako ako kay Mama na hindi kita ipapamigay."
Natawa na siya. Minsan clingy rin ang ate niya. "Gusto mo, Ate pasyal tayo? Hindi ko pa pati nawi-withdraw iyong last month na sahod ko."
"Sige, sige. Daan din tayo sa Pet Shop na binibilhan ni Theodore ng cat food."
Sa napagdesisyunan ay pareho silang naghanda ng sarili. Bonding nila ngayong magkapatid na bibihirang mangyari kaya susulitin nila.
Sa tulong ng dalang packaging ng pagkaing para sa mga pusa ay narating nila ang bukana ng Southbound. Bago sa paningin nila ang mga tindahang naroon katabi ng dati nilang tinitirhan kung saan una niya nakilala ang batang version ni Theo. Nag-init tuloy ang pisngi niya sa alaala.
Mula naman doon mga dalawang bahay rin ang pagitan bago ang apartment na dati rin nilang tinitirhan at iyon ay bago sila bumukod na magkapatid. Natatanaw pa nga niya ang ama sa labas ng terasa. Gusto niya sanang kumaway pero tumalikod na lang siya. Saktong lumabas na rin ang Ate Suzette niyang may bitbit na plastic bag. Nabili na nito ang pakay.
"Punta ba tayo kay Papa?" usisa ni Suzette tapos tumanaw rin sa kaninang tinitignan niya.
"Huwag muna sa ngayon, Ate." Ayos na kanya na hanggang tanaw lang muna. Hindi niya kasi alam kung paano haharapin ang tatay niya matapos nang huling engkuwentro nila. Tatlong buwan na rin ang lumipas pero wala pa rin siyang lakas ng loob.
"Ikaw ang bahala. Tara, sa grocery store naman tayo!"
Kaunti lang naman ang pinamili nila kaya hindi mabigat bitbitin. Turo nang turo lang ang kapatid kung sila pupunta. Food trip din ang hilig nito pero tikim lang sila tapos lipat na naman sa iba.
May nadaanan pa silang Music Shop at wala siyang alinlangan bumili ng ukelele. Usisa lang nang usisa si Suzette kung para kanino at siyempre sinabi niya ang totoo, ang kuwento sa likod ng music instrument na iyon.
Sa kakalakad narating na nila ang South Filinvest, ang 39-storey condominium kung saan sila nagtatrabaho ng kanyang nobyong si Theo.
"Talagang kahit kasama mo ang Ate hindi mawala-wala si Theodore sa isip mo, ano?" pabirong sabi ni Suzette na nakatingala sa mataas na gusali.
"Hintayin natin siya, Ate?" Para siyang humihingi ng permiso. Alas kuwatro na rin naman sa suot niyang pambisig na relo. Aabangan na lang nila ang binata sa isang tabi roon.
"Sure, para libre sakay na rin." Tumawa pa ang pumayag na dalaga.
Umusog sila nang kaunti para matanaw nila ang paglabas ni Theo. Sa isiping masusurpresa ito ay mabilis pumunit ang ngiti niya sa labi. Pero wala sa hinagap niyang siya itong magugulat. May kasabay itong babae nang lumabas at kahit pa naka-side view ay alam niyang si Desiree iyon.
"O, ayan na pala si Theodore, e..."
Pinigil niya ang ate niyang balak na sanang tumawid. Nang luminga ito sa kanya ay saka niya inilingan.
"Mauna na lang tayo, Ate."
"Ha? Bakit? At sino 'yong babae?"
"Katrabaho namin at ang sabi niya makikipagpalit ito ng schedule tapos iyon pala... tangina!" himutok niya habang naglalakad sila nang mabilis papuntang sakayan. Galit siya at hindi niya iyon magawang itago.
"Balikan kaya natin nang makaladkad ko ang kabit niya."
Kabit?
Lalo lang sumama ang loob niya sa suhestiyon ng ate niya. Ayaw iyong tanggapin ng sistema niya. At kung sa pangalawang pagkakataon ay mabibigo na naman siya, hindi na niya alam.
"Sige, Ate... bumalik tayo."
Hindi na nila nagawang bumalik dahil ang mismong nakasakay na binata sa motor nito ang huminto sa tapat nila.
"Sabi na nga ba at hindi ako namamalik-mata." Inabot pa ng nakangiting si Theo ang helmet nito kay Soto. "Sakay na kayo." Tinapik pa ang upuan sa likuran nito.
Nagtinginan lang silang magkapatid at pagkatapos parehong nagpara ng taxi.
"S-saglit, Ate Su... bakit ganyan kayo? Anong kasalanan ko?" Napababa na si Theo sa motorsiklo nito.
"Heh! Palit daw ng schedule. Doon ka sa kabit mo. Hindi ka na welcome sa bahay mula ngayon." Hinila na ni Suzette ang braso ng nakababatang kapatid. "Tara na, Toto. Huwag na tayong mag-aksaya ng oras sa lalaking 'yan."
Pero maagap na nahawakan ni Theo ang kabilang braso ni Soto. "Stay here! Hindi ka puwedeng umuwi hangga't hindi tayo nagkakaliwanagan," at sa abot nang makakaya ay nilakasan niya ang boses. "Oo, pumayag akong makipagpalit kay Desiree dahil nakiusap siya kahapon pero hindi ko inaasahang papasok din naman pala siya."
"Tapos?" walang-buhay na sabi ni Soto matapos luminga sa nobyo.
"Umamin siyang gusto niya ako kaya ginawa niya 'yon pero sinabi ko sa kanya ang tungkol sa atin. Ayaw niyang maniwala at hanggang uwian sunod siya nang sunod. Kung alam mo lang kung gaano ang pagsisikap kong iwasan siya."
Napatakip na ng mukha si Suzette sa kahihiyan dahil sa love confession ni Theo para sa kapatid niya. Dumarami na rin kasi ang nakikiusyuso, may kumakantiyaw pang nang paulit-ulit na "Patawarin mo na."
Nang wala pa ring mangyaring pagkakaayos sa pagitan ng dalawa ay siya na mismo ang tumulak kay Soto papunta kay Theo.
"Magbati na kayo. Mauuna na akong umuwi." Kinuha pa niya ang bitbit ni Soto bago muling nagsalita, "Theodore, ikaw nang bahala sa kapatid ko ha." Kumindat pa siya at bumalik na sa pagpara ng taxi.
Ang mga iyon ay hindi nakaligtas sa paningin ng nasa isang tabi lang na si Desiree. Ayaw pa rin nitong maniwala.
"Wala, e. Gumawa na rin ako ng paraan pero sa huli hindi ako pinili."
Napalinga siya sa nagsalita at napabulalas, "Miss Clare? Oy, ikaw nga! Nag-resign ka na raw? Sa'n ka na lumipat?"
"Diyan na ako sa bagong tayong resto bar at shift ko mamayang gabi." Inginuso pa nito ang tinutukoy na nasa kaliwa lang nito. "Gusto mong masubukan ang alak namin?"
At wala nang kontra-kontrang sumunod sa dating Admin Assistant.