Chereads / My Wife is My Father's Mistress / Chapter 2 - Chapter 1

Chapter 2 - Chapter 1

Elyssa POV * may consist brutal words*

Papasok ako ngayon sa squatter area kung saan kami nakatira. Tagpi-tagping mga bahay ang nadadaanan ko. Lubak ang daan at may mga nagkalat na basura. Hindi ko matanto kung anong amoy ang umaalingasaw. Naghalo-halo na kasi iyon.

Ganito ang pamumuhay na meron ako. Pamumuhay na kahit ilang beses kong gustong ibahin ay walang nangyayari. Para akong pinaparusahan dahil kahit anong kayod ko, kahit anong sipag at tiyaga ko, nakalugmok pa rin ako sa hirap. Gusto ko iyong takasan pero may mga taong nakakapit sa paa ko at pilit akong pinipigilan. Sabagay, hindi ko sila kayang takbuhan at taguan. Ikamamatay ko muna bago ko sila abandonahin at iwanan.

Malapit na ako sa bahay at kagagaling lamang sa trabaho nang makasalubong ko ang ilang mga kabataan at kalalakihang nagtatakbuhan. Nagsisigawan at naghahabulan pa ang mga ito. Ang iba ay nakangisi at nagtatawanan habang nakatingin sa akin.

Bumungad sa aking paningin ang binatilyong si Ariel na humahangos palapit sa akin. Isa siya sa mga batang kalye na binibigyan ko ng pagkain paminsan-minsan. Napakadungis nito at walang tsinelas na suot. May uhog pa sa ilong na ipinahid muna sa maruming damit bago ako kausapin.

"Ang nanay mo ate Elyssa, lasing at binubugbog na naman ang tatay mo!" Pagbabalita niyang hinihingal. Nakatukod ang isang kamay sa tuhod habang ang isa ay nakaturo kung saan ang bahay namin.

Kinabahan ako at natakot kaya agad akong napatakbo para makauwi. Halos liparin ko na yata ang pagitan ko at ang aming tirahan.

Nagpupuyos ako sa galit nang maaktuhan ko ang aking ina na akmang sasampalin si papa. Sa likod ni papa ay ang limang taong gulang kong kapatid. Palinga-linga lamang si papa habang hindi alam kung ano ang gagawin para pigilan si mama. Baldado na ang kalahati ng kanyang katawan dahil na-stroke ito ilang taon na ang nakakaraan. Naapektuhan ang kanyang isip at ang katawan. Hindi na niya kayang magtrabaho kaya laging pinag-iinitan ng aking ina.

Wala akong inaksayang panahon at tinakbo ko si mama. Malakas ko siyang itinulak bago pa man dumapo ang kamay niya kay papa. Si papa na gulo ang buhok at may dugo sa labi. May rumaragasang luha sa mata habang hinahayaan lang niyang saktan siya ng ina kong walang hiya!

Oo, walang hiya ang nanay ko. Wala siyang kuwentang ina kahit noon pa. Isa siyang pabayang ina at asawa.

"Punyeta! sinong..." napatigil si mama nang bumaling siya sa gawi ko. Matalim ko siyang tinitigan. Ganoon din siya sa akin. "Puta! Ito pa lang walang hiya mong anak ang malakas ang loob para labanan ako!" singhal niya at napaismid pa.

Sinulyapan ko si papa na payat ang pangangatawan at halos buto na dahil sa kapabayaan niya. Nanginginig ito sa takot. Sumisikip ang dibdib ko dahil sa kanyang sitwasyon.

Nang muling susugod si Mama ay iniamba ko sa kanya ang malaking kahoy na pinulot ko kanina bago pa man makarating sa bahay. Napaatras siya ng bahagya at naibaba ang kamay na nakaamba para sampalin ako.

"Sige, subukan mo. Tignan natin kung hindi mabasag iyang bungo mo!" banta ko kay mama habang malalim at sunod-sunod ang paghugot ko ng hininga. Pilit pinapatigas ang loob ko. Pinipilit kong hindi magpakita ng kahinaan dito kahit pa nga sobra na ang panginginig ng aking katawan.

"Punyeta kang babae ka! ang lakas din naman ng apog mo para labanan ako!" Muli niyang bulyaw pero hindi tinangkang sumugod. Alam niyang kaya ko siyang saktan. Dumura siya sa harapan ko. "Anak lang kita, walang hiya ka! Wala kang respeto. Sana hindi na lang kita binuhay!" Muli niyang sumbat. Paulit-ulit na lang sa tuwing nalalasing siya o kaya'y galit. Hindi na ako nasasaktan sa mga salita niyang iyon. Naging manhid na ako. Sawang-sawa na akong marinig iyon mula sa kanya. Hindi na ako kayang paiyakin ng mga salita niyang iyon dahil sa totoo lang, baon na baon na iyon sa puso ko. Pinamanhid na nito ang pagkatao ko.

Nanggagalaiti ako sa galit. Galit na meron na lang ako para sa ina ko.

"Sana nga! Kesa naman ganitong buhay ang meron kami sa kamay mo! Nakakapagod! nakakasawa!" Sigaw ko sa kanya. Wala na akong natitirang respeto sa nanay ko. Sagad na sagad na ako. Isa siyang walang kuwentang ina. Kaya wala rin kuwenta ang buhay ko! Buhay naming mag-aama. Sarili lang niya ang iniisip. Ang kamunduhan ng pera at laman ang sinasamba niya.

"Putang-ina mo! wala kang utang na loob!" sigaw niya pabalik at sumugod muli sa akin. Inihampas ko sa kanya ang kahoy. Tinamaan ko siya sa braso kaya lalo niya akong minura habang napapaatras. Narinig kong napasigaw si papa sa ginawa ko. Agad niya akong niyakap mula sa likod.

"Anak, t-ta-ma na," pautal-utal na pigil niya sa akin. Hirap magsalita.

Napapikit ako. Heto na naman si papa. Pilit na naman niya akong pinipigilan at ipagtatanggol ang walang hiya kong ina. Kahit bugbog-sarado na siya rito sige pa rin siya sa pagpapakamartir. Dinamay pa kaming mga anak niya. Masisisi ko ba si papa? Ginawa niya kasing mundo niya si mama kahit noong maayos pa ang lagay niya. Kay mama niya pinaikot ang kanyang buhay.

Dahil sa pagyakap ni papa at sa pagkakapikit ko. Hindi ko namalayan si mama na nakalapit sa akin. Isang malakas na sampal ang tumama sa aking mukha. Parang nabingi ako sa lakas ng sampal, naibaling ang mukha ko sa kanan. Alam kong pulang-pula ang mukha ko at bumakat ang mga daliri ni mama sa pisngi ko.

Masakit iyon pero wala nang sasakit pa na walang ginagawa si papa para maipagtanggol ang sarili niya o maipagtanggol man lang kami. Hindi na masakit ang pisikal na pang-aabuso, mas masakit pa rin ang bagay na alam mong kaya naman gawin, kaya ka namang ipagtanggol pero mas pinipili nitong manahimik. Pinipiling hayaan ang nanay ko kahit halos mapatay na niya kami. Mahinang tao si papa kahit noon pa.

Mahigpit ang hawak ko sa kahoy habang muling ibinaling ang mukha ko sa harap ni mama. Nginisian ko siya na parang nadedemonyo.

"Kulang pa, hindi pa basag ang mukha ko. Lakasan mo pa. Kulang pa ang sampal, suntok o tadyak na binibigay mo sa akin." Binato ko sa kanya ang kahoy. "Gamitin mo iyan, patayin mo na lang ako!" Matapang kong hamon kay mama. Si papa ay pumapalahaw na naman ng iyak na nagmamakaawa kay mama. "Patayin mo na lang ako! Wakasan mo na lang ang paunti-unti mong pagpapahirap sa akin! Patayin mo na lang ako kesa araw-araw mong ipinamumukha sa akin ang kasalanang hindi ko naman ginusto!" Hiyaw ko kay mama. Galit at hinanakit na lang ang nararamdaman ko. Ni hindi ko na nga magawang umiyak pa. Nagdilim pa lalo ang mukha ni mama na matalim ang titig sa akin.

"Gagawin mo pa akong kriminal! Magpatiwakal ka kung iyan ang gusto mo! Patayin mo na lang ang sarili mo!" Saad niya at umatras paalis. Pasuray-suray na naglakad palayo.

Alam kong kagagaling na naman niya sa pasugalan kasama ang iba't ibang barkada. Mapababae man o lalaki. Hindi ko na nga alam kung alak lang ba talaga ang tinitira nila.

Simula noon ay mabisyo na talaga si mama. Kahit wala naman talaga kaming pera ay mas inuuna pa niya ang sarili kesa sa kumakalam naming sikmura. Nagpapakahirap ang aking ama para ibigay ang kapritso ng aking ina. Kahit iniiputan na si papa sa ulo ay nagbubulag-bulagan ito. Ganoon niya kamahal si mama. Ganoon siya katanga.

Napahawak ako sa aking dibdib. Napakabigat, halos hindi na ako makahinga sa bigat. Gusto kong pumalahaw ng iyak. Gusto kong magsisigaw! Pero wala! Pati luha ay sinukuan na ako!

Inilibot ko ang mga mata ko sa mga taong nanonood at nakikiusyoso. May mga nakangisi at nagbubulong-bulungan pa. Ginawang tsismis ang buhay namin.

Wala namang ginagawa para umawat kahit alam nilang halos mapatay na ni mama si papa. Nanonood lang sila at walang pakialam! Nasisiyahan pa yata na may libreng sine na napapanood.

"Ano'ng tinitingin-tingin ninyo?" Bulyaw ko sa kanilang lahat. "Tapos na ang drama. Magsilayas na kayo rito!" Muli kong sigaw. Sa kanila ko naibaling ang galit ko.

Hinarap ko si papa. Nanginginig ang kamay niyang nakabaluktot at hinawakan ang mukha kong nangangapal dahil sa sampal.

"A-nak," tawag niya sa akin habang umiiyak na naman. Walang emosyon ang mukha kong ngumiti, hindi ko kailangan ipakita na mahina ako.

"Okay lang ba kayo?" Tanong kong ineksamina ang buo niyang katawan. Alam kong sanay na siya sa bugbog ni mama. Kahit naman hindi siya okay, sasabihin niyang oo.

"Ate?" Isang munting tinig ang nagpabaling sa amin ni papa sa gilid. Naroon pa rin ang kapatid ko at nakasiksik na sa may mga sako ng panggatong.

Nanginginig ang katawan kong nilapitan siya. Kapagdaka'y lumuhod ako at niyakap siya. Alam kong hindi siya hinayaan ni papa na mapagbuhatan ng kamay ni mama. Pero malaki pa rin ang takot kong isang araw, masaktan ito ni mama. Masaktan niya ang walang kamuwang-muwang na bata sa realidad ng aming pamumuhay. Kahit kailan kasi ay hindi niya tanggap ang kapatid ko.

Kinapa ni Ashley ang mukha ko. Kinapa niya ang ilong ko, mga mata, bibig at ang pisngi ko. Hinayaan ko siya kahit masakit ang parteng nahahawakan niya.

Bulag si Ashley kaya kailangan niyang kapain kung sino ang nasa harap niya. Kahit pa nabobosesan naman niya kami.

"Ate!" Mabining ngiti ang namutawi sa kanyang labi. Napakagat ako sa aking labi dahil nagpipigil akong maiyak. Masakit sa loob kong nakikita siyang ganito. Pero napakalakas ng loob ni Ashley. Kahit sa madilim niyang mundo, isa siyang masayahin at matatag na bata. Hindi gaya ko na halos sukuan na ang mundong kasing dilim ng paligid ng isang bulag. Hindi ako malakas. Sumusuko ako kaya nakakagawa ako ng desisyong pinagsisihin ko hanggang ngayon. Isang maling desisyong hinahabol-habol pa rin ako. Nakaraang kahit gusto kong kalimutan ay nahihirapan ako.

Binuhat ko si Ashley at ipinasok siya sa barong-barong naming bahay. Sumunod si papa sa akin kahit paika-ikang maglakad. Pagbungad ko pa lamang sa loob ay tumambad na ang basag at wasak naming kasangkapan.

Dahan-dahan akong naglakad at umiwas sa anumang nakakasugat na bagay. Maingat kong ibinaba si Ashley sa hagdan na kahoy.

"Diyan ka lang at huwag kang gagalaw, maglilinis lang ang ate," bilin ko. Tinulungan ko si papa para makaupo ng maayos sa upuang kahoy.

Habang pakiramdam ko ginugupo ako ng isang mabigat na alalahanin. Kung bakit naging ganito kamiserable ang buhay namin. Kung bakit ganoon na lamang ang galit ni mama sa mundo. Kung bakit lahat kami ay nakatali sa isang nakaraan.

Masamang nakaraan na pilit kong tinatakbuhan at kinakalimutan.