Elyssa
Nakatungo ako habang pinaglalaruan ang mga daliri at nakikinig sa sermon ni Mamang. Naririndi na ako sa kakasermon niya. Paulit-ulit din lang naman ang mga sinasabi niya. Sa bawat punta ko sa kanyang opisina ay iisa lamang ang laman ng sermon niya sa akin.
"Elyssa, kung gusto mong tumagal bilang waitress dito dapat marunong kang makisama. Marunong mong sayawan ang mga customer! Hindi iyong napapaaway ka lagi. Hindi ko kayang protektahan lagi ang mga trabahador ko rito..."
Napangiwi siya at napabuga ng hangin dahilan para tampalin nito ang mesa gamit ang kamay. Halata yatang hindi ako nakikinig sa kanya. Paano naman kasi, memoryado ko na ang bawat katagang binabanggit niya. Pumapasok na nga lamang sa isang teynga ko at lumalabas sa kabila.
"Elyssa! Hindi na ako nagbibiro. Mawawalan ka talaga ng trabaho kapag nagpatuloy pa ito. Kung hindi lang sa kapatid mo..."
Napataas ako ng tingin sa kanya at tumitig kaya tumahimik si Mamang.
"Elyssa, alam mo naman na..."
"Wala ka na bang sasabihin Mamang? Kung wala na, puwede na ba akong umalis. Kailangan kong matapos agad sa trabaho. Kailangan kong ibilhan si Ashley ng gamot kaya kailangan kong umuwi agad," ika kong kinuha ang apron na isinabit ko sa upuan bago siya magsalita.
Napabuga siya ng hangin at tumalikod sa akin. Narinig ko ang pagbukas at pagsara ng kanyang drawer. Pagharap niya ay may inabot na siya sa aking isang libong piso.
Umiling ako para tanggihan iyon pero lumapit na siya sa akin, kinuha ang kamay ko at pilit isiniksik ang pera sa nakatikom kong kamay.
"Mamang..."
"Kunin mo, para kay Ashley." Malamlam ang mga mata niyang sabi. Tipid na nangiti at tinapik ako sa balikat. "Oh siya, magtrabaho ka na. Umiwas sa gulo!" paalala nito bago ko pa man maisara ang pinto.
Wala sa huwisyong naglakad ako sa madilim na corridor. Tumulo ang luha ko habang mahigpit na hawak ang perang bigay ni Mamang. Napatigil ako at hinayaang tumulo ang luha. Napasandig ako sa dingding at doon ibinuhos ang lahat ng sakit sa pag-iyak.
Buti na lamang madilim at malayo sa mga tao. Kahit pa humikbi ako walang makakakita at makakarinig sa akin.
Ang sakit-sakit at ang bigat sa dibdib habang naaalala ko si Ashley. Bukod kasi sa bulag ito, nasa hospital na naman dahil sa nahihirapang huminga. May butas ito sa puso at nangangailangan siya ng isang operasyon. Kaya nga todo ako sa pagkayod para maisalba ang inosenteng bata. Mahal na mahal ko ang kapatid ko para pabayaan lang. Hindi ko hahayaang may mangyari sa kanyang masama. Kahit ikamatay ko pa ang pagkayod nang pagkayod sa trabaho, titiisin ko lahat maka-ipon lang ng malaking halaga para sa kanya.
Ako na lamang ang inaasahan niya para madugtungan ang buhay na pinagkaloob sa kanya ng Maykapal.
Akala ko walang makakakita sa akin. Pero nang mapahikbi akong muli ay may biglang nag-abot sa akin ng isang panyo. Inaninag ko ang bulto ng taong nakatayo sa harapan ko. Sa tindig pa lang at taas nito alam ko na kung sino. Bagaman hindi ko kilala ang pangalan ng lalaki, may pakiramdam na ako kung sino ito.
"Salamat," matipid kong saad sabay abot ng panyong nakalahad sa harap ko. Pinunasan ko ang luha at hindi ko maiwasang masamyo ang mabangong amoy ng panyo nito.
Bangong mamahalin. Sabagay ang club namin ay hindi basta-basta. Malalaking tao at mayayaman ang mga nakapasok at ekslusibo lamang sa mga nakarehistro sa club. Parang piputsugin ito sa labas pero kapag nasa loob na ay makikita ang pagiging sosyalin. Mula sa inumin, sa mga palamuti hanggang sa mga babaeng nagpapateybol at mga babaeng nagpapabayad. Hanggang sa amin na mga waitress. May mga test rin kaming ginagawa buwan-buwan lalo na sa mga nagpapakama sa customer.
"Sorry kung naistorbo kita. Nawawala yata kasi ako. Hinahanap ko ang washroom 'nyo." Ang mababa at baritonong boses nito ay tila lumamutak sa aking sikmura. Napakaguwapong pakinggan na kahit nakapikit ako at magsalita ito ay alam kong guwapo.
Madilim ang paligid pero naaninag ko ang nakangiti nitong mukha.
"Nawawala ka nga, sa dulo doon dapat kumaliwa ka," saad kong itinuro kung saan ito galing.
Humalakhak ito at napakamot sa ulo.
"Ah!" Napatango-tango ito at muling humalakhak. "Tuloy, naistorbo ko ang moment mo. Napagalitan ka ba?" Kaswal lang na tanong nito sa akin. Hindi ako nagsalita dahil ayaw kong magkuwento. Hindi ko siya kilala kaya mas nanaisin kong tumahimik kahit pa nga nakita niya ako sa ganitong sitwasyon.
"Salamat sa panyo. Regular guest ka ba rito? Ibabalik ko na lamang pagkatapos kong labhan." Inilagay ko sa aking bulsa ang panyo. At naglakad na patungo sa club.
Humabol siya sa akin at sumabay sa paglalakad. Tahimik namin binaybay ang madilim na corridor na tanging ang ilaw sa loob ng club ang naging tanglaw.
Nang magliwanag na ay humarap ako sa kanya.
"Doon ang banyo." Tinuro ko ang gawing kaliwa. "Salamat uli," sabi kong tinalikuran na siya.
"Sandali."
Napapitlag ako sa paghawak niya sa kamay ko at pagpigil sa akin. Tila ba may kuryenteng dumaloy sa buo kong katawan. Agad kong hinila ang aking kamay. Dahilan ng gulat niya sa mukha at pagka-alis ng ngiti niya sa labi.
"Sorry, I don't mean to hold..."
"May tatanungin ka ba?" putol ko sa sasabihin niya. "Magtatrabaho na kasi ako," dagdag ko para hindi naman siya masyadong mapahiya sa ginawa ko. Baka akala niya pinandidirihan ko siya.
Pilit na nangiti ito at muling napakamot sa batok. Pinagmasdan ko siyang mabuti. Ngayong maliwanag na, mas lalo pala siyang guwapo. Kahit tipid ang ngiti niya halata ang maliit at bilog nitong biloy sa magkabilang pisngi. Medyo pangahan ito. Makapal ang kilay pero nababagay sa mapupungay niyang itim na mata. Maganda rin ang hubog ng katawan nito. Mukhang alaga sa gym. Nasa saktong parte kasi ang muscles nito.
"Huwag na!" Kapagdaka'y pag-atras nito sa sasabihin. Itinaas pa ang dalawang kamay na parang sumusuko na lang at ayaw ng magtanong.
Napataas ako ng kilay.
"Sabihin mo na. Mahirap iyan kapag hindi mo nailabas. Baka lumabas sa ibang parte ng katawan mo dahil pinigilan mo." pagbibiro ko para pagaanin ang usapan.
Napakunot noo ito sa akin. Hindi nakuha ang ibig sabihin ng biro na sinabi ko.
"Baka mautot ka kapag pinigilan mo." Ngumiti ako. "Tanungin mo na baka kasi mautot rin ako kakaisip kung ano ang gusto mong sabihin," sabi kong tinitigan ang mata niya.
Ngumiti siya, ngayon ay hindi na pilit. Lalo tuloy lumabas ang biloy niya.
"Hmmm, mahirap mautot lalo na at nakikitira lang ako sa kaibigan ko," ika nitong natatawa na.
"A..."
Hindi ko naituloy ang sasabihin ko nang bigla niya akong hinila palapit sa katawan niya. Halos hindi ako makahinga sa naramdamang kaba. Ang lakas ng pintig ng puso ko.
Hindi ko alam bakit ako nagkakaganito. Napatingala ako sa kanyang mukha. Nakatingin siya sa gawi kung saan ako naroon kanina. Ibinaling ko ang tingin ko roon.
May lasing na lalaking pasuray-suray. Nasa gitna kasi kami nag-uusap kaya siguro hinila niya ako para hindi mabangga.
Agad akong humiwalay sa kanya at umayos ng tayo. Alam kong namumula na ang pisngi ko dahil sa nangyari. Nilaro ko ang aking daliri para pakalmahin ang sarili.
"Sorry..."
"Ayos lang," sabi kong muling tumingin sa kanya. Nakatitig siya sa akin at para bang tinatantiya kung magtatanong pa ba.
Tumikhim ito at nag-alis ng bara sa lalamunan.
"T-he mask... ahmmm! K-kilala mo ba iyong babaeng nakamaskara?"
Hindi ako agad nakaimik sa tanong niya. Natawa ako ng lihim sa sarili.
Akala ko may pag-asa ako sa isang ito. Isa rin pala sa nahumaling sa babaeng nakamaskara.
Nginitian ko siya.
"Hindi eh,"tipid kong sagot tsaka iniwanan na siyang nakatayo doon.
Naisip kong iba talaga ang karisma ng babaeng nakamaskara. Napalabi akong nagbalik sa trabaho.