Chereads / My Wife is My Father's Mistress / Chapter 8 - Chapter 7

Chapter 8 - Chapter 7

Elyssa

Pangalawang linggo na ni Ashley sa hospital. Bumuti na rin ang pakiramdam nito kaya puwede na raw naming iuwi kinabukasan. Ang problema, kulang ang perang naipon ko para mabayaran ang gastos nito roon. Nahihiya na rin akong humiram kay Mamang dahil marami na akong utang sa kanya.

Hinaplos ko sa braso si papa dahil magpapaalam ako para pumasok sa Heaven club. Nakadukdok siya sa kama ni Ashley at natutulog.

Naalimpungatan siya at kumurap-kurap na bumaling sa akin.

"A-nak..." mapait akong ngumiti. Alam kong hirap na hirap na rin si papa sa kalagayan niya at kalagayan naming pamilya.

"Pa, aalis na ako para makagawa ako ng paraan nang mailabas na natin dito si Ashley bukas. Baka tanghali na ako makakabalik, kailangan kong humanap ng pera." Malungkot siyang tumango. Muli akong nagpaalam at agad na umalis.

Kailangan kong makapag-isip ng anumang paraan para magkapera. Kung patatagalin ko pa si Ashley sa hospital lalo lamang kaming mababaon sa utang.

Mabilis akong pumara ng tricycle. Saktong si Motmot ang tumigil sa harapan ko. Isang masugid na manliligaw na kahit ilang beses ko ng tinanggihan ay hindi pa rin nagpapatinag at patuloy pa rin sa panunuyo sa akin.

"Ely!" Tawag niya sa akin na malawak ang ngiti. Kita tuloy ang bungal nito sa harapan. Nangingitim ang labi nito dahil sa paninigarilyo. Naninilaw rin ang ngipin nito kaya ewan ko ba kung nagsisipilyo ito. Hindi na man siya masasabing pangit, pero hindi rin naman guwapo. "Sa Club ba punta mo?"

Tumango ako at sumakay na sa kanyang tricycle. Pinaharurut niya agad iyon. Wala pang tatlumpu't minuto ay nakarating na kami sa Club. Alam na kasi niya ang pasikot-sikot na daanan para iwasan ang traffic.

Bumaba na ako at kumukuha ng singkwenta sa pitaka noong pigilan niya ako. Hinawakan niya ang kamay kong dumudukot ng pera. Nasa harapan niya kasi ako.

"Hayaan mo na, libre ko na sa iyo!l," sabi niyang muling ngumiti nang pagkalawak-lawak. Inirapan ko siya.

"Ano ka ba, Mot? Pareho tayong naghahanap buhay kaya magbabayad ako..."

"Alam kong naospital na naman si Ashley kaya hayaan mo na lang. Kailangan mo ng pera para sa kanya!" Muling saad nito na nakapagpalabi sa akin.

Mabait si Motmot. Puwede ko siyang ibigin. Kung antas ng buhay ang pagbabasehan sa makakatuluyan ay tugma kaming dalawa. Bagay na bagay dahil parehong walang-wala sa buhay. Pero kahit papaano ay may pangarap naman ako kaya pipilitin kong makapag-aral at makatapos. Para kahit papaano, mas angat naman kay Mot ang lalaking iibigin ko na hindi ako maaalangan. Mag-aaral muli ako. Natigil lamang talaga ako dahil sa kondisyon ni Ashley. Hindi ko kayang pagsabayin ang mga gastusin. Lalo na at hindi ko maasahan si Papa o si Mama para tustusan anuman sa pangangailangan namin.

"Oh siya, alis na ako nang makarami naman ako ng pasada." Paalam ni Motmot sa akin. Binitiwan na rin nito ang kamay kong kanina pa pala niya hawak.

Nginitian ko lamang siya at nagpasalamat. Nakaalis na siya nang magpasya akong pumasok na sa loob. Pagpihit ko papasok, ang nakangising si Bev ang bumungad sa akin. Nasa bungad ito ng Club. Nakangisi pero nakataas ang isang kilay.

"Boyfriend mo? Bagay kayo!" Palatak niya na may pagkasarkismo ang tono.

Lumingon ako sa aking likod. Hindi kasi ako sigurado kung ako ba ang kinakausap niya kahit sa akin siya nakatingin.

"Ako?" Nakakunot noo kong tanong. Itinuro pa ang aking sarili ng daliri.

Mas lalong tumaas ang kilay niya at napaismid.

"E, sino pa nga ba?" Mataray niyang saad sabay talikod at pakembot-kembot na naglakad papasok.

Ako naman ay nagtatakang sinundan siya ng tingin. Huli na nang mapagtanto ko na si Motmot ang sinasabi niyang boyfriend.

Napabuntong hininga na lamang ako at nagkibit-balikat. Ako na lamang kasi ang nakikita niya lagi. Wala naman akong ginagawang masama. Kahit na alam ko kung saan nanggagaling ang galit niya, dapat ay labas na sana ako roon dahil wala naman akong kinalaman.

Pumasok ako sa staff room at nagbihis na rin ng uniporme bilang waitress.

Kailangan kong pagbutihin para makarami ako ng tip.

Huminga ako ng malalim bago lumabas. Binati ako ng ilang kakilala. Nginitian ko lamang sila at nagkanya-kanya na kami ng diskarte sa mga panauhin sa club.

Laging puno ang Heaven Club. Patok kasi ang bawat pakulo sa bawat araw. Ngayong Lunes, mga babaeng kumakanta at sumasayaw na parang sexbomb dancer ang nagtatanghal.

Mas marami nga lamang talaga ang nag-aabang sa babaeng nakamaskara. Tuwing Martes at Sabado naman ito nagtatanghal.

Habang naglilibot ay iniwasan ko ang pumunta sa private room kung nasaan sina Bev. Alam kong pagti-tripan na naman ako. Hindi mahaba ang pasensiya ko ngayon kaya iiwas na lamang ako sa gulo na maaring gawin niya.

Napasulyap ako sa private room. Ang private room na iyon ay napapaligiran ng salamin, makikita ang nasa labas pero tinted sa loob at hindi makikita kung sino-sino ang mga naroon. Tanging mga mayayamang tao at mga VIP lamang ang nakaka-afford na rentahan ang silid na iyon.

Paalis na ako mula sa pagkakatigil at pagkakasulyap noong isang matandang lalaki ang tumawag sa akin mula sa may pinto. Ayaw ko man, hindi ko siya puwedeng isnabin dahil malalaking tao ang mga ito. Isa sa pinakamahalagang guest sa aming club.

Bantulot akong naglakad papasok dahil pagbungad ko pa lang ay nakairap na si Bev sa akin. Pumikit muna ako bago tuluyang lumapit. Naglagay ako ng tipid na ngiti sa labi.

"Magandang gabi. Ano pong gusto ninyong orderin?" Masigla kong bati at tanong. Nang ang nasa harap ko ay mag-angat ng tingin.

Bigla akong kinabahan at biglang nanuyo ang aking labi. Wala sa sariling binasa ko iyon sa pamamagitan ng dila habang nakapagkit pa rin ang mata ko sa mata ng taong iyon. May katandaan na pero matipuno at guwapo pa rin. Sa buong paligid ay siya lamang ang pawang nakikita ko ngayon. Parang naglaho lahat ng nasa paligid ko.

Napalunok ako dahil parang namagnet ang mata ko sa pagkakatitig dito. Naikuyom ko tuloy ang aking kamao dahil hanggang ngayon ganoon pa rin ang epekto niya sa akin. Ilang taon na ba ang nakakalipas? Hindi ko na mabilang kung ilang taon dahil pilit ko siyang iwinaksi sa alaala ko. Dahil isa siyang pagkakamali sa buhay ko.

Tila nasa loob ako ng masamang panaginip. Palihim kong kinukurot ang aking sarili para magising. Napangiwi ako dahil sa sakit kaya alam kong gising ako. Nagbabalik nga lamang ang isang masamang nakaraan. Naipapaalala ang isang pagkakamali hindi ako tinatantanan.

"Yssa, dalhan mo kami ng specialty ninyo na pulatan at isang bucket ng beer." Agad akong napabaling kay Mr Nievas. Isa sa pinakamatagal ng panauhin namin. Nagpasalamat ako ng lihim dahil nagsalita siya. Kung hindi, baka naitulos na ako sa kinatatayuan.

Tinanguhan ko siya at agad na umalis. Hindi na muling lumingon sa matipuno at guwapong matanda kahit pa nga hindi niya halos alisin ang tingin sa akin.

Agad kong binigay ang order sa loob. May chef kami na nagluluto ng special na pulutan. Ilang sandali lang ay ready na ang order nila kaya naman agad ko iyong dinala. Nakiusap ako sa aking mga kasama na makipagpalit sa akin pero walang may gusto. Napilitan tuloy ako.

Dala ko sa isang kamay ang special sisig at sa kabila naman ang bucket ng beer. Papalapag ko na ang kanilang order nang bigla akong mawalan ng balanse. Nanlaki ang mata ko noong kasama kong bumagsak ang bucket ng beer sa sahig. Ang iba ay nabasag at muntikan ko pang ikinasugat.

"Lalampa-lampa na naman kasi!" Rinig kong bulaslas ni Bev. Namumula ako hindi lamang sa pagkapahiya kundi na rin sa galit. Alam kong pinatid ako ng walang hiyang babaeng higad. Siya lang naman ang nadaanan ko bago ako matumba.

Nagpupuyos ako ng galit kaya naman sa kagustuhan kong tumayo agad hindi ko napansin ang bubog.

"Watch out!" Napalingon ako sa sumigaw pero huli na ang lahat. Bumaon na ang bubog sa kamay ko. Napangiwi ako sa sakit.

Agad akong dinaluhan ng taong iyon. Hinawakan niya ang aking kamay na may sugat. Agad kong hinila dahil sa malakas na kaba. Pinaghalo-halong kaba at galit kay Bev ang nasa sistema ko.

"Do you have first aid kit in here?" nakatutok ang mata nitong tanong sa akin. Wala akong nagawa kundi ang tumingin rin sa mga mata nitong kulay abo. Seryoso ang mga mata nitong nakatitig sa mga mata ko. Puno iyon ng pag-aalala. Napailing tuloy ako kahit alam kong meron sa loob ng staff room.

"Halika gagamutin ko iyan sa kotse. May first aid kit ako roon," sabi nito at nagpatiuna na. Hawak pa rin ang aking palapulsuan at hinila ako. Gustuhin ko mang tumangi, gustuhin ko mang huwag sumama. Gaya ng dati, malakas pa rin ang hatak niya sa akin. Napapasunod pa rin ako.

Nang makalabas kami ay agad niyang hinanap kung saan niya ipinarada ang kanyang sasakyan. Nang makita iyon ay hinila niyang muli ako. Marahan lang ang pagkakahila niya sa kamay ko. Maingat niya akong hila-hila. Binuksan niya ang likuran ng sasakyan.

"Pumasok ka at kukunin ko lang ang kit," malumanay na utos niya. Wala akong nagawa kundi sundin ito. Pumasok ako at nanuot sa aking ilong ang pamilyar na amoy. Ang amoy na kaytagal kong pilit inalis sa sistema ko. Ngayon, bumabalik na naman.

Naupo ako at hindi nagpahalatang apektado. Pinapanood ko siya sa kanyang pagyuko. Nasa compartment sa harapan ang kinukuha niyang kit.

Nang makuha iyon agad niya akong dinaluhan. Inilahad niya ang palad niya sa akin. Nakatitig ako sa mukha niya habang dahan-dahan kong inilapag sa palad niya ang kamay kong may sugat. Nagbadya ang luha sa mga mata ko.

Ineksamina niya iyon. May nakabaon na bubog sa isang sugat. Napapikit ako ng tanggalin niya ang bubog. Napangiwi ako sa naramdamang sakit. Pero may sasakit pa ba sa muling pagkabuhay ng poot sa sistema ko ngayong nasa harap kong muli siya?

"Mas hahapdi pa ito," babala niya bago buhusan ng alcohol ang sugat ko.

Napakagat ako sa labi at tiniis ang hapdi na dulot ng alcohol. At dulot ng nanunumbalik na alaala.

Malakas ang pintig ng puso ko at kabadong-kabado. Hindi ko lang alam kung dahil ba sa sugat o sa presensiya ng matandang lalaking nasa harap ko. Si Lauro.