AT SA pagpikit na iyon ni Yllac, ilang metro sa kanan, ilang hakbang mula sa putikan--kumunoy--ay sumibol sa kadiliman ang dalawang malamyos na liwanag.
Taas-baba sa ere, kumakanan-kumakaliwa...bawat kilos ay naglalabas ng tila makikinang na pulbos. Mangasul-ngasul na lila, kasing kulay ng liwanag mismo.
Tumawid ang dalawang liwanag sa kumunoy, atras-abante na, animo'y naghihilahan. Bumilis ang galaw ng isa, sumunod ang ikalawa at dumikit sa nauna. Nagsanib ang dalawang liwanag subalit nagkahiwalay rin agad. Tumilapon sa magkabilang direksiyon ang mga liwanag--ang isa'y tumama sa katawan ng punong mangga.
At ang isa, tumibugsok patungo sa lupa...at bumagsak sa isang masansang at malapot na likido. Mabilis na napangalanan ng liwanag ang amoy.
Sacra.
Sagradong pulang likido mula sa katawan ng mga...
Lumakas ang ningas ng liwanag. Pagkatapos ay umangat sa ere. At mula sa munting liwanag, isang tinig ang nagmula.
"Tao! Isang tao ang narito!"