"ANO'NG ginagawa mo diyan, binatang hangal?"
"Fuck!" Nalundag sa gulat si Yllac, nilingon ang nagsalita. Si Buddy, ngunguya-nguya pa rin ng manok. "Don't do that, bro."
"Shookt na shookt ka." Ngumisi ito. "Ano na'ng ginagawa ni Rapunzel?"
Sabay silang sumilip sa loob ng kusina. Sa sahig, naka-lotus position ang babaeng weirdo, kandong ang mga pagkaing inihain niya rito. Manok, calamares, tinapay, prutas...pero oranges lang ang ginalaw nito. Hindi pa nga binalatan. Basta na lang kinagat kasama ang balat. Eh di kanda-dura ang babae sa pakla. Binalatan na niya, hinimay, inalisan ng buto bago inabot dito. Pinatakbo niya rin sa kuwarto niya si Buddy para ikuha ng damit ang babae. Bumalik ito na bitbit ang T-shirt niya at sweat pants. Iniabot iyon ni Yllac sa babae. Ikiniling nito ang ulo, tiningnan ang mga hawak niya.
Hindi nito alam kung ano ang mga iyon. O kung paano isusuot. Yllac ended up helping the woman wore his clothes. At hindi iyon madali. Tagaktak na ang pawis niya nang matapos. Isa na yata iyon sa pinakamahirap na nagawa ni Yllac sa tanang buhay.
Hindi naman kasi ako sanay magpabihis. Removing clothes was my expertise.
"Kumakain pa rin?" Napailing-iling si Buddy. "Mamumulubi ka diyan, 'tol. I-surrender mo na sa...saan nga ba? Sa pulis? DSWD? O sa Mandaluyong? Halata. Takas 'yan."
Takas nga ba sa mental ang babae? Para namang hindi ito baliw. There's something in her eyes that told him so. Hindi wild ang mga mata nito. In fact, they looked wise. Clear. Sometimes fierce. Lalo kapag tumatagal ang tingin sa kanya. Parang may atraso talaga siya rito. Nakilala na ba niya dati ang babae? Hindi rin. Sigurado siya. With that remarkable looks... Idagdag pa ang paraan nito ng pagsasalita. Ang lalim ng Tagalog. Sinauna.
May isa pang ipinagtataka si Yllac. Ang boses nito, parang narinig na nga niya. At ang ginamit na pantawag sa kanya kanina. Hangal. The same term the voice from his odd dream used. Ano 'yon? Coincidence?
"Dito ka lang," aniya kay Buddy.
"Oy teka. Huwag kang lumapit basta-basta, 'tol. Mamaya bigla kang sakalin. Dala ka ng panangga."
Obvious, takot si Buddy sa babae. May phobia ito sa mga baliw. Habulin ba naman ng taga ng isang baliw noong paslit pa.
Hindi niya pinansin si Buddy, iniwan niya sa sala at nilapitan ang babae. Nag-angat ito ng tingin mula sa mansanas na tila ini-inspeksiyon nito. And when she saw his face, he saw annoyance in her eyes again. Problema nito sa kanya? Kanina kay Buddy, hindi naman ito ganon tumingin.
"Miss, uh, tapos ka na ba? Kausapin lang sana kita."
"Kinakausap mo na ako," sabi nito. Medyo suplada si Rapunzel.
"Yeah, yeah. I want to know how you got here, Miss."
The annoyed look vanished. Napalitan ng kalituhan. "Ano ang iyong iwinika? Hindi ko naunawaan."
Awokay...
"Paano kang nakapasok dito? Sinigurado ko kasi na naka-lock--nakasarado ang lahat ng pinto at bintana bago ako natulog. Kelan ka pa nandito?" At bakit wala kang damit? Naalala niya ang sinabi nito kanina. Hinahanap sa kanya ang saplot nito. "Taga-saan ka, Miss?"
"Taga-Ilang," sagot nito. "Sa Timog na bahagi, Latian kung tawagin."
"Ilang? Ilang-Ilang street?" sabad ni Buddy na hindi yata nakatiis, sumunod sa kanya. "Latian daw. Baka barangay 'yon. Sounds like. Eh paano ka nga nakapasok, Miss? Saan ka dumaan?"
"Sa lagusan kung saan siya dumaan." Itinuro nito si Yllac.
"Lagusan," usal ni Buddy. "Daanan 'yon, 'di ba? Pintuan, ganoon? Pucha, 'tol, iba ang tinira niyan. Ang lalim talaga managalog."
"Doon ba?" Itinuro niya ang pinto. "Doon ka dumaan?"
Tumango ito. "Sumabay ako sa'yo. Subalit hindi na iyon mahalaga, binatang hangal. Marami akong pinagdaanan upang makarating dito. Malaki ang aking isinakripisyo upang makita ka." Naging fierce na naman ang anyo nito, naging determinado. Tumayo ito at hinayaang mahulog sa sahig ang mga kandong na pagkain. "Nais kong bawiin ang mahalagang bagay na nawala sa akin."
"Ninakawan mo, 'tol? Ano'ng nawala sa'yo, Miss? Ano'ng kinuha nitong kaibigan ko sa'yo?"
"Sige, sakay pa," sabi niya kay Buddy na ngumisi.
"Ang saya, eh. Mas entertaining 'to keysa manood ng football. 'Yon na nga, Miss, ano ang kinuha ng hangal na ito sa'yo."
Hindi nagsalita ang babae. Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanila ni Buddy. Nakikita niya ang pagdududa sa mga mata nito. Tumayo na siya matapos sulyapan ang wall clock sa kusina. Alas nueve na. The woman can't stay one more minute there. Sarado na ang tanggapan ng DSWD ngayon. Pero ang istasyon ng pulis, bukas na bukas.
"Sumama ka sa akin, Miss. Sigurado akong hinahanap ka na sa inyo. Iuuwi na kita."
"Nagsisinungaling ka," anito, siguradong-sigurado. Ngumisi pa. "Hindi mo alam ang lugar na uuwian ko. At hindi ako maaaring bumalik doon. Hanggat hindi mo naibabalik ang nawala sa akin."
"Ano nga kasi 'yon?" Si Buddy, tumayo na rin matapos damputin ang mansanas at kagatan. "Ano ang nawala?"
"Hindi ko maaaring sabihin sa'yo, Binatang Malamya. Hindi ko gusto ang iyong anyo. Ang iyong mga mata, halata kong hinahamak ako, pinagtatawanan. Hindi bukas ang iyong isipan. Wala akong tiwala sa'yo."
Kanda-samid si Buddy sa tabi niya. Tinutop ni Yllac ang bibig, pigil ang sariling tumawa--sa obserbasyon ng babae at sa reaksiyon ni Buddy. Oh god, this is interesting.
"Teka, teka, teka, tinawag akong malamya ng baliw na 'to? At hindi raw ako mapagkakatiwalaan?" Hitsurang aatakehin na ng stroke si Buddy. "'Tol, isuplong mo na sa pulis 'yan. Papatulan ko 'yan."
"Eh di mas baliw ka," natatawa niyang sabi. "Doon ka na nga. Ako na'ng bahala rito."
"At kinampihan mo pa 'yan?"
Binalingan niya ang babae. "Miss, halika na. Sama ka sa akin."
To Yllac's amusement, the woman crossed her arms across her chest and pouted. Dahil sa ginawa nito, napatitig siya sa mga labi nito. Maganda ang shape ng mga iyon. Makipot pero matambok. Matingkad lang nang kaunti ang kulay sa balat nito. And they looked...soft, delectable.
"Hindi ako aalis sa lugar na ito. Hindi ako lilisan sa tabi mo."
"You can't--"
"Ang emble ko, nasa iyo pa ang emble ko."
"Em--huh?"
"Emble. Ang hiyas ko! Nawala ang hiyas ko nang dahil sa'yo."
Anuraw?!
"Hiyas!" Hagalpak si Buddy. "Tol, kinuha mo raw ang hiyas. Virginity ba 'yon? Yaaaks, Yllac, pumatol ka sa baliw?!"