Dear Diary,
Tinanong ko na si mama tungkol sa crush tas sabi niya saken bawal daw ako nun. Aral muna raw ako bago ako magkacrush. Eh ang gwapo ni Troy eh, ang puti niya tas singkit pa siya. Kinakain ng balat niya yung mata niya kapag ngumingiti siya pero kahit ganon crush ko pa rin siya.
Bukas papasok ulit ako sa They Care Center, sinabihan ko na si mama na wag akong iiwan tas sabi niya, "Sige". Hindi naman ata ako tatraydurin ni mama diba? 'Yong iba ko kasing classmates naghihintay mama nila sa labas. Gusto ko rin na ganon si mama
Karugtong
Pasensya ka na diary ha? Naiwanan kita dito sa kwarto. Pinatulog na ako ni mama kagabi kaya di na kita natapos tas kaninang umaga naman pinapamadali kami ni mama para sa school. Kumain kami ng sinangag tas itlog tas si papa ko naman tulog pa rin galing kasi siyang work.
Pero naiinis ako kay mama, sabi niya di niya ako iiwanan pero di ko na siya nakita sa labas na naghihintay sakin. Tingin ako ng tingin sa bintana tapos pero wala siya. Pinagalitan tuloy ako ni teacher kasi tinawag niya ako para makasagot kaya lang hinahanap ko pa nun si mama kasi akala ko nagtatago lang dun sa likod ng school.
Pero napaiyak na ako non kasi ang sama ng tingin sakin ni teacher. Bat siya ganon? Di naman inaano tas nagagalit sakin. Ayaw ko na tuloy mag-kinder dahil sa kanya. Di na lang ako papasok sa school bukas kasi pinapagalitan niya ako pag hinahanap ko si mama. Sinusumbong ko naman siya kay mama pero ang sabi niya lang sakin, "Dapat makinig ka lang kay teacher, wag mo akong alalahanin".
Paanong di ko siya iisipin eh nag-promise siya sa akin na hindi ako iiwan sa school. Kanina nga walang sumundo sa akin, di pa niya ako sinundo! Sabi niya ayos lang daw na umuwi ako mag-isa, pero bakit niya sinusundo lagi dati kapatid ko? Tas sa akin okay lang na mag-isa?
Pinagalitan na nga ako ni teacher, iniwan niya pa ako tas naghihintay ako sa kanya sa school kasi 'yong kaklase ko sobrang yabang porke susunduin siya ng mama niya. Tinanong kasi niya ako kung nasan mama ko sabi ko, "Padating na". Tas 'yong tingin niya parang maarte na ewan kaya nayabangan ako sa kanya nong di siya nagpaalam sa akin nung sunduin na siya ng mama niya.
Kinausap niya ako tas di niya ako lilingunin para magpaalam? Diba kapag kinausap ka ng kaklase mo ay friends na dapat kayo? Wala akong makausap sa mga kaklase ko. 'Yong mga tingin nila parang may iba, nakakainis tuloy.
Hay. Babye na diary, pinapatulog na ako ni mama.