MULI nanaman siyang naapektuhan ng sinabing iyon ng binata lalo't dama niyang totoong panghihinayang ang kalakip ng sinabi nito. Pinilit niyang gawing normal ang tinig at nagtagumpay naman siya.
"Eh wala naman akong party nun, wala kasi kaming pera" hindi niya tinitingnan si Dave pero sa sulok ng kanyang mga mata alam niyang nakatitig ito sa kanya. At iyon ang isa pang dahilan kung bakit minabuti niyang magbaba ng tingin.
"Ganyan kaba talagang makipag-usap? Iwas-tingin?" nabigla siya sa tanong na iyon ng binata kaya taka siyang napatitig rito.
Nakita niya ang amusement sa mukha ni Dave. "A-Anong iwas-tingin?" kunwari'y hindi niya alam ang tinutukoy nito.
"Kakaiba ka talaga, kaya gustong-gusto kita eh!" anitong ngiting-ngiti.
Hindi niya napigilan ang paglapad ng kanyang ngiti sa sinabing iyon ng binata. Habang sa puso niya ay ang pinaghalong-kilig at nerbiyos.
"H-Hindi ako ang babaeng magugustuhan mo Dave, kaya huwag mo akong bolahin okay?" sabi lang niya iyon. Dahil ang totoo gustong-gusto niyang sabihin sa binatang pareho lang sila ng nararamdaman.
Noon siya tinawanan ng binata at saka hinawakan ng kanang kamay nito ang kaliwang kamay niya. Itinaas iyon, inikot siya at ang ending ng ayos nila? Yakap siya ni Dave mula sa kanyang likuran.
Nagpatuloy sila sa marahang pagsasayaw. Ang awkward lang ng ayos nila pero talagang nanghihina ang mga tuhod niya. Lalo nang maramdaman ang hininga ng binata sa kanyang tainga.
"Anong sinabi mo Miss, pakiulit nga po?" bulong ng binata sa kanyang tainga kaya siya napasinghap.
Nilinga niya si Dave saka mabilis ring nagbawi ng tingin nang makita ang distansya ng mukha nito sa kanya.
"A-Ang sabi ko, hindi ako ang babaeng magugustuhan mo" sagot niya sa isang pinatatag na tinig.
Nangalatak si Dave. "Hindi totoo iyon, nagustuhan nga kita eh" walang gatol nitong sabi.
Nang muli niyang balingan ang binata ay napuna niyang seryoso ito. Hindi narin ito kumikilos sa kinatatayuan pero nanatiling nakayakap sa kanya. Ilang sandaling nakiraan sa kanila ang katahimikan. At nang marahil hindi makatiis ay si Dave ang nagdesisyong bumasag niyon.
"Ang ngiti mo, ang tawa mo, ang mga kamay mo, ang lahat ng tungkol sayo gusto ko. Kaya huwag na huwag mong iisipin na hindi kita magugustuhan kasi gustong-gusto kita Audace, gustong-gusto kita" anitong pinagdiinan pa ang huling tinuran.
"D-Dave?"
"Hindi ko alam kung anong tawag sa nararamdaman kong ito. Hindi ako makatulog, napupuyat ako kakaisip sayo, gusto ko palagi kitang nakakasama. Hindi ako mapakali kapag hindi kita nakakausap kahit sa phone lang. At paggising ko ang mukha mo ang una kong nakikita, kahit wala ka sa tabi ko. Parang may picture kana na naka-preserve sa isipan ko" naumid ang dila niya sa lahat ng narinig."kung alam mo lang, na sana pwedeng nung pinanganak ka magkasama na tayo para sa lahat ng espesyal na okasyon at masasakit na araw ng buhay mo andun ako, gagawin ko."
Iba ang naging dating sa kanya ng sinabing iyon ng binata. At kung ang puso niya ang susundin niya, pakiwari niya ay parang ibig niyang umiyak dahil sa kakaibang tuwang inihatid niyon sa damdamin niya.
Kaya naman nang naramdaman niyang mas humigpit ang pagkakayakap sa kanya ni Dave ay hindi siya nagprotesta. Gusto niya ang mga bisig ng binata, so bakit niya gagawin iyon?
"PASENSIYA kana hija wala na akong ibang mapakisuyuan" ani Glenda sa kanya.
"Okay lang po Ma'am" aniyang lumabas na ng kainan para dalhin sa Faculty ng College of Arts and Sciences ang pagkaing nasa hawak niyang paperbag. Miyerkules iyon ng hapon, may klase pa siya in fifteen minutes kaya minabuti niyang magmadali sa kagustuhang hindi mahuli.
Paakyat na siya ng building nang tumunog ang cellphone sa kanyang bulsa. Si Dave, tinatanong kung nasaan siya, nagreply naman siya agad sa binata. Naipadala na niya ang text nang matabig siya nang kasalubong na babaeng hindi niya napuna kanina dahil nakayuko siya.
"S-Sorry" aniya para lang matigilan nang mamukhaan ito.
Janna!
"Tatanga-tanga kasi, bullshit!" anito saka matalim na sulyap ang ipinukol sa kanya.
"P-Pasensya na" kinakabahan niyang ulit sa isang mababang tinig saka na umakmang tatalikod pero napigil iyon nang magsalita ang isa sa dalawang kasama ni Janna.
"Hindi ba ikaw iyong kitchen crew sa canteen na tinubos ni Dave sa booth kapalit ang motorbike niya?"
Agad na sinalakay ng matinding kaba ang dibdib niya.
"W-What?" ang mataray na isinatinig ni Janna saka madilim ang mukha siyang pinakatitigan.
Magkakasunod ang ginawa niyang paghinga dahil sa takot na naramdaman.
"Goodness hindi mo alam? Siya ang usap-usapan ngayon dito sa campus! Akalain mo nga naman, isang kusinera lang pala ang ipapalit sayo ni Dave!"
Kitang-kita niyang nanlisik ang mga mata ni Janna sa narinig kasabay ang matinding pamumula ng mukha nito.
"Shut up!" galit nitong awat sa kaibigan. Pagkatapos ay mabalasik ang titig siyang nilapitan.
Nabigla siya nang marahas na hablutin ni Janna ang kanyang braso. Dahil doon ay nabitiwan niya ang hawak na paper bag. Bumagsak iyon sa sahig at napunit kaya natapon sa sahig ang laman niyong pagkain.
"Layuan mo si Dave ambisyosa! Hindi kayo bagay!" sigaw nito sa kanya na mabilis na nakatawag sa atensyon ng ibang naroroon.
Kinalma niya ang sarili saka nagmamadaling dinampot ang nagkalat na pagkain sa sahig.
"Kawawa naman, siguradong ikakaltas iyan sa kakarampot niyang sweldo!" ang nang-uuyam na tinig ng isa pa sa dalawang kasama ni Janna na tumawa pa ng mahina.
Hindi niya iyon pinansin at sa halip ay ipinagpatuloy ang ginagawa. Pero hindi niya inasahan ang sumunod na ginawa ni Janna. Sinipa nito ang natitirang styropore sa sahig papunta sa kanya kaya bumalandra sa mukha niya ang laman niyong pansit.
"Janna!" nang marinig ang pamilyar na tinig na iyon ay noon siya napaluha.
"D-Dave" kahit nakayuko ay nabakas niya sa tinig ni Janna ang matinding takot.
Wala siyang narinig na sagot dahil naramdaman nalang niya ang mainit na kamay ni Dave sa kanyang braso.
"Audace, are you okay?" mabait na tanong ni Dave sa kanya saka siya inalalayan sa pagtayo. Pagkatapos niyon ay dinukot nito ang panyo sa bulsa saka pinunasan ang kanyang mukha. "hush," anito pa nang mapunang umiiyak siya.
Narinig pa niyang pinakiusapan ni Dave ang nagdaang janitor na linisin ang pagkain sa sahig.
"Come, ako na ang magpapaliwanag sa amo mo," nang itigil ni Dave ang ginagawa.
Habang siya nang mga sandaling iyon ay parang ibig na lamunin nalang ng sahig dahil sa tinamong kahihiyan.
"M-May k-klase pa ako Dave" pabulong niyang sabi sa pagitan ng pagluha.
"Ako na ang bahalang mag-explain sa Prof mo, okay? Umuwi na tayo tara na" anitong inakbayan siya pagkatapos.
Hindi alintana ang maraming pares ng mga matang nanonood sa kanila.
"Dave!" narinig niyang inis na tawag ni Janna nang igiya siya ng binata pababa ng hagdan.
Nakita niya ang galit sa mga mata ni Dave nang lingunin nito ang tumawag. "Tumigil kana, palalampasin ko ang ginawa mong ito dahil babae ka. Naintindihan mo? Dahil babae ka!"
Nang magtama ang paningin nila ni Janna ay nakita niya ang panganib sa mga titig nito sa kanya. Pero dahil kasama niya si Dave alam niyang hindi na siya magagawang saktan ng dalaga.