Chereads / Whirlwind Marriage (Tagalog) / Chapter 165 - Ang Babaeng Parang Araw-Araw Masaya

Chapter 165 - Ang Babaeng Parang Araw-Araw Masaya

Pinagmasdan ng guro si Lin Che at nag-isip nang malalim bago pa nito muling naalala si Lin Che. Mahigit sampung taon din nang huli niya itong makita, kaya halos hindi na niya ito maalala.

Pero syempre, hindi niya makakalimutan si Lin Che. Magkasama noon sa iisang klase sina Lin Che at Lin Li. Pero kakaunti lang ang nakakaalam na magkapatid ang dalawa. Tinutulungan niya noon si Lin Li na i-bully si Lin Che dahil una, napakahina nito sa klase at pangalawa, anak lang ito sa labas ng mga Lin. Hindi rin naman niya talaga gusto si Lin Che maliban sa mga dahilang iyon. Sinong guro ba naman kasi ang hindi gagaan ang loob sa estudyante kung maganda ang background nito, malinis ang record, at magaling pa sa klase? Ang mga estudyanteng katulad ni Lin Che na kahit kailan ay walang magulang na dumalo sa mga meeting at napakahina pa sa klase ay nararapat lang na ilagay sa huling upuan hanggang sa makapagtapos ito.

Ganunpaman, hindi niya lubos maisip na magiging artista pala itong si Lin Che paglipas ng sampung taon.

Hindi siya makapaniwala na makakapasok ito sa isang drama academy.

Medyo nagsisisi siya ngayon na ganoon ang pagtrato kay Lin Che noon, lalo pa't hindi niya alam na magiging ganito ang takbo ng tadhana nila. Ang batang babae na paboritong i-bully noon ng lahat ay nakatayo't kasama ngayon ang pangalawang anak ng mga Gu, ang pinakamakapangyarihang pamilya sa bansa.

Napatingin si Lin Che kay Teacher Hu. Sa totoo lang, hindi maganda ang impresyon niya dito. Tandang-tanda niya pa ang matinding pagkadisgusto nito sa kanya at ang lantarang pagpapahirap sa kanya noon. Isa ito sa mga dahilan kung bakit ang napakaliit ng tingin niya sa kanyang sarili sa loob ng mahabang panahon.

Pero ngayon, napakagaan ng pakikitungo nito sa kanya. Maamo ang awra ng mukha nito. Kung kaya, naisip tuloy ni Lin Che na paiba-iba siguro ito ng ugali.

Tiningnan niya ito at magalang na binati, "Masaya ho akong makita kayong muli, Teacher Hu."

"Eh, eh, ako din naman, iha," natatarantang sagot ng guro.

Hinawakan ni Gu Jingze ang likod ni Lin Che gamit ang isang kamay, tumingin kay Teacher Hu at pagkatapos ay sinabing, "Teacher Hu, palagi kong naririnig si Lin Che na nababanggit ang tungkol sa 'special' daw na pagtrato mo sa kanya."

Agad namang nanginig sa takot si Teacher Hu. Tiningnan nito ang kurti ng bibig ni Gu Jingze na bahagyang nakabuka. Mapapansing nakangiti si Gu Jingze pero may kabang nararamdaman si Teacher Hu dahil sa ngiting iyon.

Nang maisip iyon ay natatarantang nagsalita si Teacher Hu, "Alam mo, noon pa man ay alam ko na magiging maganda ang future mo. Kaya ganun na lang ako kastrikto sa'yo noon para i-encourage. Umaasa kasi ako na magiging big time ka. At hindi nga ako nagkamali, tama ang hula ko sa'yo. Magkasama kayo sa klase ng kapatid mo noon, hindi ba? Pero tingnan mo ngayon, higit naman na mas magaling ka na kaysa sa kanya. At dahil yan sa matinding sakripisyo at pagsusumikap mo. Mas sikat ka na ngayon at mas marami na ang kaya mong gawin kumpara sa kapatid mo. Masaya ako at hindi mo ako binigo sa lahat ng inaasam ko para sa'yo noon. Talagang..."

Nagtagumpay naman si Lin Li na makalapit sa direksyon kung nasaan sina Lin Che. Kaya naman, halos sasabog na ang kanyang baga dahil sa sobrang galit mula sa mga narinig niya kay Teacher Hu. Hindi niya matanggap na sa ganoong paraan siya nito inilarawan.

Hindi mabilang sa mga daliri ang lahat ng regalong ibinigay niya noon sa gurong ito para lang tulungan siya na pahirapan si Lin Che.

Tapos ngayon? Ang lakas ng loob nitong sabihin na napapag-iwanan na siya ni Lin Che?

Bagama't totoo naman na madalas ng lumalabas sa TV si Lin Che nitong mga araw...

Ganunpaman, walang permanente sa showbiz. Alam niyang hindi pa ito nakakatuktok nang tuluyan sa tuktok. Baka bukas makalawa ay bigla nalang maglaho ang pangalan nito sa industriya...

Napatingin si Lin Che kay Teacher Hu at nakaramdam ng kaunting awkward dahil alam niya na isa ito sa mga naging dahilan kung bakit binigay niya ang lahat at nagsumikap siya para makarating sa kung nasaan man siya ngayon. Naging kalakasan niya ang matinding pandidiri nito sa kanya noon.

Kaya nga, noong nag-aaral pa siya para magtake ng entrance exam sa drama academy, malaki ang paniniwala niya na dahil 'yon sa matinding paghihirap at sakripisyo na ibinuno niya. Ginawa niya ang lahat dahil gusto niyang ipakita sa lahat ng mga taong nanghamak at nang-api sa kanya na mali ang mga sinasabi ng mga ito sa kanya... na walang siyang mararating sa buhay.

Ganunpaman, wala siyang balak na pasalamatan ito dahil sa sinasabi nitong "encouragement" para sa kanya.

Mas lalong nakaramdam pa ng kaba si Teacher Hu dahil nakikita niya na kanina pa siya hindi nilulubayan ng tingin ni Gu Jingze. Yumuko nalang siya para umiwas sa mga mata nito, kaya naman agad niyang napansin na may dumi sa sapatos na suot ni LinChe. Agad naman siyang kumilos at sinabi, "Naku, iha. Bakit may dumi ang sapatos mo? Halika, tulungan kita."

May kadiliman ang mga matang tumingin si Gu Jingze sa kanyang bodyguard na nasa gilid.

At walang anu-anong humakbang ito palapit.

Bigla nalang naramdaman ni Teacher Hu na nawalan ng balance ang kanyang katawan. Napabagsak ito sa esksaktong direksyon na kinatatayuan ni Lin Che.

Nabigla naman si Lin Che. May naramdaman siyang malaking kamay na humila sa kanya at mabilis ang pagkakaiwas niya sa direksyong kinabagsakan ni Teacher Hu. Alam niya kaagad kung sino ang humila sa kanya palayo kaya nakahinga agad siya nang maluwag.

Pero, minalas naman si Teacher Hu.

Malakas ang pagkakabagsak nito. Mula sa gilid ay kitang-kita iyon ng principal at chairman kaya agad ding tumalima ang mga ito para tulungan itong tumayo.

Nagmamadali din naman nitong pinilit na tumayo. Hindi pa rin inaalis ni Gu Jingze ang talim sa mga titig dito. Hawak-hawak niya si Lin Che gamit ang isang kamay habang nakatingin kay Teacher Hu. "Anong nangyari?"

"Ah... ah..." natatarantang humingi ng paumanhin si Teacher Hu. Mapula ang mukha nito habang paulit-ulit na yumuyuko at humihingi ng tawad.

Nagsalita naman si Gu Jingze, "Kaya lang naman ako nagpunta dito hindi dahil para umattend sa celebration kundi dahil kay Che. Ginawa ko 'to dahil gusto kong malaman at makita kung ano nga ba ang naging buhay niya noong bata pa siya. Pero hindi ko naman inaasahan na sa halip na maging masaya siya ay tinakot niyo pa tuloy siya nang ganito."

Mabilis namang itinulak ng chairman si Teacher Hu at agad na humingi ng paumanhin kay Gu Jingze at Lin che. "President Gu, President Gu, hindi niya po sinasadya iyon. Hindi niya ginusto at wala siyang balak na kahit ano. Pasensya na po at hindi namin siya nabantayan nang maayos. Nakikita niyo naman po siguro ang hitsura niya. Nasa kwarenta na ang edad niya kaya medyo mahina na ang katawan..."

"Wala akong pakialam kahit na matanda pa siya, may kapansanan, or may sakit. Tinakot niya si Lin Che!"

Pagkarinig ay agad na tinakasan ng kulay ang mukha ng chairman. Tumalikod ito at mabilis na inutusan ang mga empleyado, "Ilayo niyo 'yan dito!"

Pagkatapos ay sinabi nito kay Gu Jingze, "Makakaasa po kayo na seseryosohin namin nang lubos ang tungkol dito. Titiyakin ho namin na matatanggap niya ang kaparusahan na nararapat para sa kanya."

Ilang sandali muna ang lumipas nang nakahawak lang si Gu JIngze kay Lin Che gamit ang isang kamay, bago ito malamig na tumango. "Alright. Tutal naman ay isang masayang celebration ang anniversary na ito, ayaw na naming palakihin pa ang gulo. Ayaw ko lang na makakita ulit ng ganoong klase ng tao sa harapan ko."

"Opo, opo. Opo. Makakaasa ho kayo."

tarantang-taranta ang chairman. "Kung titingnan mo doon , iyan ang school hall namin dito. Diyan madalas manood ng mga performances si Lin Che noon. Iyan ang pinakamatandang building sa school na ito..."

Hindi naman nagtagal ay naglakad na sila papunta sa direksyong iyon. Habang naglalakad ay panay din ang tingin nila sa paligid.

Habang pinanonood ang likod ni Teacher Hu na sapilitang pinaalis sa lugar na iyon ay kanya-kanya namang komento ang mga taong nandoon.

"Sa wakas ay naparusahan na din ang Teacher Hu na 'yan. Malaking pera din ang natanggap nito noon. Sobrang sama ng ugali ng taong 'yan. Paano kaya siya nababansagang magaling na propesor, ano?"

"Iisa lang naman ang puno't dulo ng nangyari ngayon. Iyon ay dahil pinahirapan niya nang husto si Lin Che noon."

"Ngayong naka-jackpot na si Lin Che ay malamang sa malamang... sinadya niyang isama dito ang napangasawa niya para tulungan siya na makapaghiganti."

"Ganyan ba talaga kinakatakutan ng school ang lalaking iyon? Pagsalubong palang ng mga kilay nito, kaagad nilang pinalayas ang teacher na 'yon."

"Kailangan pa ba talagang tanungin pa 'yan? Eh pano kung kumilos pa 'yan, tiyak na mapapasara nang tuluyan ang paaralang 'to."

"Napakainit pala ng ulo ng Gu JIngze na 'to, ano."

"Eh syempre naman, hindi ba't kaya lang naman siya ganyan kasi nga, may kapangyarihan siyang gawin ang lahat ng gusto niya?"

"Anyway, nakakatakot at at the same time, nakakamangha naman ang Gu Jingze na 'yan ano. Bakit kaya napakaswerte ni Lin Che? Paano niya nakilala si Gu Jingze? Talagang naka-jackpot siya ngayon."

Makikita sa mga mata ng mga nandoon ang pagkainggit habang pinagmamasdan sila Gu Jingze na naglalakad. Nangangarap ang mga mata na sana ay makatagpo din sila ng ganoong klase ng lalaki sa buhay nila.

Kahit may kahinaan man sa pag-iisip si Lin Che minsan ay nakuha din naman agad niya ang tunay na intensyon ni Gu Jingze kanina.

Pagkatapos silang samahan ng mga staff ay sinabi ni Gu Jingze na gusto niyang maglakad sila ni Lin Che nang silang dalawa lang para mamasyal sa loob ng school.

Nang makalayo na ang mga kasama nila ay palihim na sinulyapan ni Lin Che si Gu Jingze.

"Maganda pa rin naman ang school niyo," sabi ni Gu Jingze.

Nakatingin sa malayo si Lin Che at tumango. "Hindi ito gaanong malaki pero kung sabagay, luma na rin naman kasi ang school na ito. Tingnan mo 'yon, oh. Palagi akong nagpupunta diyan noon at naglalaro ng tubig. Palagi kaming tumatambay diyan ni Shen Youran at aalis lang kami kapag tapos na namin lahat ng mga assignments namin. At doon pa. Araw-araw din kaming pumupunta doon kada matatapos ang second period namin para mag-exercise. Sigurado ako hindi mo nagawa ang mga ganyan, ano? Masaya pa naman ang mga exercises namin noon diyan."

Nakatingin lang sa kanya si Gu JIngze habang masaya niyang ikinukwento ang mga experiences niya. Halata ang matinding kasiyahan sa kanyang mukha habang panay ang turo sa mga iskena at inaalala ang nakaraan.

Noon ay hindi lubos maintindihan ni Gu Jingze kung bakit ganoon na lang kalikot at kaingay si Lin Che. Ngayong naiisip niya ulit ito ay iniisip na lang niya na marahil ay nasanay nalang ito na ganoon ang buhay. Kahit gaano pa kalungkot ang mga karanasan nito, kaya pa rin nitong ngumiti habang inaalala ang mga iyon at nagagawa pa rin nitong maging masaya habang iniisa-isa ang lahat ng iyon. Ano ba talaga ang mga pinagdaanan nito noong bata pa ito...