Chereads / Whirlwind Marriage (Tagalog) / Chapter 148 - Ang Dahilan Ng Pagbisita

Chapter 148 - Ang Dahilan Ng Pagbisita

Hindi makapaniwala ang mukhang nakatingin si Lin Che sa ama at kapatid.

Ano ba talagang binabalak ng dalawang ito?

Hinaplos ni Lin Youcai ang ulong medyo napapanot na, ngumiti kay Lin Che at sinabi, "Napasok sa isang gulo ang kapatid ko at ang magagawa lang namin para sa kanya ay dalhin siya rito para magmakaawa sa'yo. Kailangan mo kaming tulungan. Sobrang bigat ng problemang ito. Pakiusap, gumawa ka ng paraan alang-alang sa kapatid mo."

Habang nakatingin kay Lin Che ay napagtanto ni Lin Youcai na tama nga ang hinala niya. Wala itong balak na tulungan sila kung kaya mas magandang ideya na nagpunta sila dito.

Mahahalata niya sa hitsura nito na hindi ito apektado sa problemang sinasabi niya. Tama ang pasya niyang personal na pumunta rito.

Dahil kung hindi, malamang ay magkukunwari lang ito na para bang wala itong narinig at baka pabayaan lang talaga sila.

Kakaiba talaga ang Lin Cheng ito. Bakit wala itong interes na tulungan ang kapatid nito?

Nakatingin lang si Lin Che sa dalawang iyon na nakaharang sa kanyang daraanan, "Ano ba talaga kasi ang nangyari? Wala akong alam."

Mabilis na sumagot si Lin Youcai. "Nang makipagkita ang kapatid mo sa mga kliyente para sa negosyo, may isang matandang CEO na gustong mambastos sa kanya, pero syempre, hindi siya pumayag. Mataas ang moralidad ng kapatid mo kaya hindi talaga siya papayag sa ganung kasunduan, di ba? Kaya sinampal siya ng kapatid mo. Ngayon, gusto niyang makipag-away sa pamilya natin at sinabi pa niya na titiyakin niyang hindi na tayo makakabalik dito sa B district kahit kailan. Nag-aalala pa rin ako at hindi ko alam kung ano ang gagawin. Napakabata pa ng kapatid mo; hindi siya pwedeng masira nang ganito."

"Sino ba iyang taong iyan na kinalaban mo ha? Anong pangalan niya?" Tanong ni Lin Che.

Siniko ni Lin Youcai si Lin Yu kaya napilitan itong sumagot. "Siya si Chen Jingxian. Napakapangit at nakakadiri ang matabang matandang iyon. Kahit kailan ay wala akong balak na mapadikit man lang sa kanya. Hindi man lang nya makita ang sarili niya sa salamin para matanong kung bagay ba siya sa akin, sa halip ay malakas pa talaga ang loob niyang bastusin ako? Pasalamat nga siya at binigyan ko pa siya ng mukha at pinagbigyan siyang makaharap ako. Hinding-hindi ko talaga siya mapapatawad kapag sinubukan pa niya ulit na makalapit sa'kin!"

Tinarayan naman ito ni Lin Che, "Kung ayaw mo naman palang magkaroon ng koneksyon sa kanya, edi sana ay hindi ka nalang lumabas kasama niya. Binigyan mo siya ng pag-asa tapos tatanggihan mo lang naman pala. Dapat sa simula palang ay pinanindigan mo nalang 'yang prinsipyo mo para hindi na siya nagpumilit na makalapit sa'yo. Halata naman kasing may iba siyang motibo nang yayain ka palang niya. Bakit hindi mo natunugan iyon? Una palang, dapat ay tumanggi ka na."

Nakatanggap na rin siya ng ganung mga imbitasyon dati pero kahit minsan ay wala siyang pinaunlakan.

Una pa lang ay malinaw ng makikita sa mata ng mga bossing na yun ang mga motibo nila. Hindi na kailangang sabihin pa. Kung kaya, matigas talaga palagi ang pagtanggi niya sa mga ganun.

Marahil ay ito ang dahilan kung bakit sinasabi ng karamihan na hindi siya masayang kasama kaya marami rin ang mga oportunidad na nawala sa kanya. Ganunpaman, wala siyang pinagsisisihan sa desisyon niya.

Maswerte rin siya at si Yu Minmin ang naging manager niya. Hindi siya nito pinipilit na lumabas at makipagkita sa kung sinu-sino para makipag-inom o magpalipas ng gabi. Sa bagay na ganito, may prinsipyo ring pinanghahawakan si Yu Minmin.

Sumagot si Lin Yu, "Ano pa bang magagawa ko? Mataas ang posisyon niya at ayaw kong magalit siya sa akin. Kung hindi ako pumayag na lumabas kasama niya, paano ko naman makukuha itong role ko?"

Makakakuha ng role dahil lang sa isang dinner date? Kailan pa naging ganyan kadali ang makakuha ng role?

Alam ni Lin Che na kahit anong sabihin niya ay hindi na makakatulong pa kaya sinulyapan na lang niya si Lin Yu.

Sumingit din naman agad si Lin Youcai, "Tama na. Mamaya nalang ulit natin ito pag-usapan. Ah, Lin Che, bakit hindi mo na muna kami papasukin para makaupo? Gusto na talaga naming pumasok kanina pa pero hindi kami pinapayagan ng mga alilang nasa labas. Sinabi ko na nga sa kanila na kapamilya mo kami, pero hindi pa rin sila pumayag. Kailangan mo talaga silang pagsabihan."

Sumang-ayon din si Lin Yu, "Tama! Ano na, dapat ngayon mismo ay sibakin mo na silang lahat."

"Ginagawa lang nila ang dapat nilang gawin. Kung kaya hindi nila kayo pinapasok," pagtatanggol ni Lin Che.

At isa pa, hindi basta-bastang makakapasok ang sinuman sa pamamahay ng isang Gu. Kahit si Lin Che ay nag-iingat at hindi nagsasama ng kahit sino dito. Pero ngayon, ang mga ito pa mismo ang nagpunta dito. Hindi man lang siya binati ng ama niya. Lalo siyang sumimangot at hindi malaman kung ano ang gagawin.

Nang sandali ring iyon ay may pumasok na isang security guard.

"Madam, naipagbigay-alam na po namin ito kay Sir at sinabi niyang papasukin niyo na lang daw muna sila sa loob para maghintay. Parating na daw po si Sir."

Ang utos kasi sa mga ito ay agad na mag-report kay Gu Jingze kapag nagkaroon ng problema si Lin Che.

Kaya nang makita nilang dumating si Lin Che at sa labas lang nakikipag-usap sa mga bisita ay mabilis na ipinarating agad ng mga ito ang balita kay Gu Jingze.

Nang sandaling marinig ni Lin Youcai ang guard na tinawag si Lin Che na 'Madam', naisip kaagad nito na mukhang mataas nga ang katayuan dito ni Lin Che.

Samantala, naglabas ng hangin sa ilong si Lin Yu at iniisip na wala talagang kahiya-hiya sa katawan itong si Lin Che. Pinagsisilbihan na ito ng mga katulong bilang isang asawa ng kanilang amo kahit hindi pa ito gaanong matagal sa lugar na ito. Tiyak na inutusan nito ang mga katulong na tawagin itong 'Madam'.

Napalinga siya at napansin ang mga security guards na nakapwesto sa labas kaya hindi niya maiwasang mapasinghap habang iniisip na talaga ngang nasa bahay siya ng isang Gu. Mukhang mga bigatin at propesyonal ang bawat guards na nakabantay doon.

Nang marinig ni Lin Che na nakarating na kay Gu Jingze ang tungkol dito ay tiningnan niya ang ama at sinabing, "Kung ganun, sa loob nalang tayo maghintay."

Kaagad namang nagliwanag ang mukha ni Lin Youcai. Masaya nitong sinabi kay Lin Che, "Mabait kong anak, pagbutihan mo ang pakikipag-usap kay Gu Jingze mamaya ha."

Habang naglalakad papasok sa loob ay nakita ng mga ito ang mamahalin at kakaibang disenyo ng bahay. Namamangha ang mga mata nina Lin Youcai at Lin Yu.

Syempre, bahay nga kasi ito ni Gu Jingze. Napakaelegante ng dating nito pero hindi gaanong magarbo. Tama, balanse at kaaya-aya pa rin ang pagkakadisenyo nito.

Sobrang laki ng mansyon na kung tutuusin ay kayang pagdoble-doblehin ang bahay ng mga Lin.

At dito pa nga nakatira si Lin Che.

Kung kaya, talagang naiinggit at nagseselos si Lin Yu. Sa isip nito ay naiinis na sinasabi 'Paano nangyaring nagkagusto si Gu Jingze sa isang katulad ni Lin Che'?

Kung dito lang din sana siya titira. Napakasaya niya sana.

Inilabas ni Lin Yu ang cellphone para magpicture nang may maipakita siya sa ibang tao.

Agad naman iyong napansin ng isang guard sa gilid at mabilis na inagaw ang cellphone niya.

Galit na sumigaw si Lin Yu, "Anong ginagawa mo?"

Sumagot si Lin Che, "Huy, hindi ka pwedeng magpicture dito."

"Eh bakit ikaw, pwede? Akala mo naman ay hindi kita nakikitang nagpapasikat sa mga kaibigan mo."

Napalingon si Lin Che sa guard na sumagot, "Pwedeng gawin ng Madam kung ano ang gusto niyang gawin pero ang mga katulad niyong taga-labas ay mahigpit na pinagbabawalan na kumuha ng mga litrato dito. Pasensya na pero hindi ko kaagad maibabalik sayo ang cellphone mo."

"Ano?"

Gusto ng manadyak ni Lin Yu dahil sa sobrang galit.

Sinulyapan naman ito ni Lin Che at sinabing, "Tama na. Pumasok na tayo."

Sumunod naman si Lin Yu kay Lin Che at naiinis na bumulalas, "Ah ganun. Hahayaan mo lang talaga na kunin nila ang cellphone ko? Magkapatid tayo. Ano namang masama kung magpicture ako dito?"

"Trabaho nila yun. Hindi ako ang nag-uutos sa kanila."

"Hoy, pansin ko nga sa'yo. Ganito ka lang dahil nasa loob ka ng pamamahay ng mga Gu. Kung tutuusin ay kaya pa ngang lamangan ng isang security guard."

Sinasadya siyang inisin ni Lin Yu.

Sumagot din naman siya, "May kanya-kanya kaming roles dito. Hindi sila nagmamataas sa akin. Talagang ginagawa lang nila nang maayos ang kanilang trabaho para matiyak na ligtas lang tayong lahat dito. Sa tingin ko naman ay maganda ang ginagawa nila."

"Ano…"

Naisip ni Lin Yu na wala talaga siyang kayang gawin sa loob ng bahay na ito. Kahit nga ang isang katulong ay hindi niya kayang pagsabihan kung kaya sinusubukan niyang gumawa ng dahilan.

Hindi naman nagtagal ay narating na nila ang sala. Sa loob ng napakalawak na salang iyon ay abala ang mga katulong sa pagpaparoo't-parito at ang ilan naman ay kaagad na naghanda ng mga prutas at inumin para sa mga bisita. Mas lalo silang namangha. Sobrang dami ng mga katulong. Lahat ba ng mga iyon ay hinihintay na dumating si Lin Che? Napakasarap siguro ng buhay dito ni Lin Che.

Umupo na silang tatlo. Hindi naman nagtagal ay may narinig silang ingay mula sa pinto.

Nandito na si Gu Jingze.

Nakasuot pa rin siya ng damit niyang pantrabaho; diretso at simple lang ang suit niya pero maaaninag doon ang lamig sa kanyang mga mata. Kagila-gilalas at kagalang-galang ang kanyang hitsura na para bang nakapinta na sa kanyang mukha na walang sinuman ang pwedeng makalapit. Ang ganung hangin na nakapalibot sa kanya ay mas lalong nakapagdagdag sa taglay niyang kakisigan.