Alang-alang sa libreng byahe pauwi, nagpasya si Shen Youran na huwag ng makipagtalo. Tahimik siyang sumakay sa kotse at hindi nagtagal ay nakarating na sa bahay niya.
Pagbaba niya ay agad niyang inirapan si Chen Yucheng at sinabing, "Oo nga't may kotse ka pati pera, kaso nga lang tagahatid lang kita. Hehehe."
Pagkatapos ay mabilis siyang tumakbo papasok sa loob.
"Ano…" Hindi na siya nasundan ni Chen Yucheng. Pinanood na lang siya nito sa pagtakbo papunta sa lobby ng bahay at pabagsak na isinara ang pinto.
Habang nakaupo sa upuan ng kanyang sasakyan ay napailing nalang si Chen Yucheng. "Grabe. Ang bilis tumakbo nun ah!"
Pagbukas pa lang ni Shen Youran ng pinto ay agad na bumungad sa harap niya ang ina.
"Ah! Mama, ginulat mo naman ako!" bulalas niya sa ina.
Hinila siya ng ina niya papunta sa may bintana at itinuro ang kotseng kaaalis lang. Tinanong siya nito, "Sinong naghatid sa'yo rito?"
Sa likod ng mama niya ay nakiusyuso rin ang kapatid niya, "Oo nga, sis. Sino yun? Bakit ka niya hinatid dito? Nakita ko pa nga na Porsche ang kotse niya. Kailan ka pa nakatagpo ng mayamang lalaki? Bakit wala kang sinasabi sa amin?"
Hindi makapaniwalang nakatitig lang si Shen Youran at ina at kapatid. "Kaibigan ko lang iyon na naghatid sa'kin."
"Hindi siya nanliligaw?"
"Syempre hindi," si Chen Yucheng manliligaw sa kanya? Mababaliw muna siya.
Bumuntung-hininga ang ina niya at saka siya binitiwan, "Alam ko naman na eh. Hindi magkakagusto sa'yo ang mayamang lalaki na iyon. Mas mainam siguro kung pumayag ka nang kami na ang maghanap para sa'yo."
Samantala, bigla namang nagpatalon-talon ang kapatid niyang si Shen Youlan at sinabi sa kanya, "Sis, tutal hindi mo naman siya nobyo… Ipakilala mo nalang ako sa kanya. Kung hindi mo siya kayang makuha, ako…gusto kong sumubok."
"Tama yan! May girlfriend na ba siya? Kung wala pa, ipakilala mo sa kanya ang kapatid mo. Bente anyos naman na iyan kaya pwede na siyang magnobyo. Mas mabuti ng maaga pa maghanap ng makakasama mo sa buhay dahil kung hindi, mauubusan ka ng magagandang lahi ng mga lalaki."
"Marami siyang babae. Huwag niyo ng ipagtuloy iyang iniisip ninyo," hindi na niya kayang ipagpatuloy pa ang pakikipag-usap sa mukhang pera niyang ina at kapatid. Nagmamadali siyang umakyat sa kanyang kwarto at naalala niya na kailangan niya pa palang maghanda ng ireregalo para sa kaibigan niyang si Lin Che bukas. Excited na binuksan niya ang computer…
Sa kabilang banda naman…
Dinala ni Gu Jingze si Lin Che pauwi. Pagdating sa bahay ay pinaalis niya ang lahat ng nandoon mag-isang dinala ito papunta sa kwarto. Inihiga niya si Lin Che sa kama at kumuha ng basang bimpo para ipangpunas sa mukha nito.
Pinagmasdan niya ang mukha nitong ubod ng pula dahil sa dami ng ininom. Nang mapansin niyang wala itong alam sa nangyayari ay hinalikan niya ito sa noo. Pagkatapos ay nag-isip-isip siya ng pwedeng dahilan kung bakit bigla nalang itong nagpakalasing. Medyo nagalit siya kaya pinukpok niya ang ulo nito.
Naalimpungatan naman si Lin Che at nagising. Pagmulat niya ng mga mata ay agad na nakita niya si Gu Jingze at naiinis na itinulak ito palayo.
Nagtataka namang napatingin sa kanya si Gu Jingze. "Naglalasing-lasingan ka na naman ba ngayon sa harap ko?"
"Ang sama mong tao! Huwag kang lumapit sa'kin," sabi ni Lin Che.
Nagdilim naman ang mukha ni Gu Jingze, "Paano naman ako naging masamang tao ha?!"
"Ah basta, masamang tao ka! Lagi mo akong pinapahirapan!" sagot ni Lin Che.
Naisip ni Gu Jingze na kung ganun ang iniisip nito sa kanya ay mas dadalasan na lang niya ang panunukso rito. Kalmang sumagot siya dito, "Ano ka ba, hindi kita pinapahirapan. Iyan ang paraan ko ng paglalambing sa'yo."
Medyo nahihilo pa si Lin Che kaya hindi niya masyadong narinig ang sinabi nito. Itinulak niya gamit ang natitira niyang lakas na para bang ibinubunton niya rito lahat ng inis na nararamdaman niya, "Iwan mo ako dito, lumabas ka! Ayokong makasama ka!"
"Ano ba, Lin Che. Anong problema?"
Galit na muling itinulak ni Lin Che ang kamay ni Gu Jingze. "May mahal kang iba, pero bakit pinipilit mo pa rin akong pakisamahan ka? Pinapahirapan mo lang ako!"
Napahinto si Gu Jingze.
Itinaas ni Lin Che ang isang kamay at kinurot ang pisngi ni Gu Jingze. Lasing pa siya kaya parang nananaginip pa rin siya. Malikot ang kanyang mga paa at gumi-giwang ang kanyang katawan. Hindi na niya malaman kung alin ang panaginip at ang reyalidad. Umaasa na lang siya sa kung ano ang tinatakbo ng isip niya.
Nasa harap na niya si Gu Jingze. Tinitigan niya ang mala-demonyo nitong mukha at sa sandaling iyon ay pakiramdam niya na siya ang pinakaswerteng babae sa lahat. Hindi kayang hawakan ng ibang babae ang mukhang ito kahit gaano man nila gustuhin. Pero siya, kaharap niya at nahahawakan niya ito araw-araw.
Pero, hindi pa rin siya maswerte, kung tutuusin. Dahil nakilala na niya si Gu Jingze, sinong lalaki pa ba ang makakapagbigay sa kanya ng ganitong klase ng pakiramdam?
Natatakot siya na baka kapag nagkahiwalay na sila, hindi na niya magawang magmahal pa ng iba.
Kung ganun, bakit kailangan niya pang makilala ito? Pinagtagpo lang ang mga landas nila pero hindi pwedeng maging kanya.
Maging kanya man ito, iyon ay pansamantala lang.
Kung matatapos lang din naman ang kwento nilang dalawa, hindi ba't mas mainam kung hindi nalang sila nagkakilala? Kung nagkaganun, siguro'y namumuhay siya ngayon nang normal at nakapangasawa ng normal na lalaki, at hindi magiging kagaya ngayon ang buhay niya…
"Nakakainis, bastos, masama kang tao! Gu Jingze, kailan ba tayo magdidivorce? Bigyan mo ako ng eksaktong petsa!"
Ilang beses na pinagsusuntok niya ang dibdib ni Gu Jingze pero nanatili lang itong nakatayo. Nakatitig lang ito sa naghihinagpis na mukha ni Lin Che at tinitiis ang walang tigil niyang pananakit.
Hanggang sa mawalan na ng lakas si Lin Che, hindi ito kumibo at hinayaan lang siyang mailabas ang galit.
Pinagmasdan ni Gu Jingze ang nanghihinang mukha ni Lin Che. "Ganyan mo ba talaga kagusto na makipaghiwalay sa akin?"
Tumingala si Lin Che at tumingin sa kanya, "Oo."
Oo, gusto niyang iwan na ito hanggang maaga pa nang sa gayon ay mapigilan niya ang sarili na mahulog pa lalo dito.
Kung aalis na siya ngayon, siguro ay hindi pa masyadong huli ang lahat.
Malalim ang tinging ipinukol ni Gu Jingze kay Lin Che hanggang sa may liwanag na pumuslit sa kanyang mga mata. Pagkatapos nitong sabihin sa kanya na gusto na siya nitong iwan, may kung anong damdamin na nag-uudyok sa kanya na ayaw niyang umalis ito sa tabi niya, ano man ang mangyari.
Kahit na parang itatali niya ito sa tabi niya ay ayaw niyang paalisin ito sa buhay niya.
Ang alam niya lang ay nasanay na siya na kasama niya ito. Pero ngayon, bigla nalang nitong sinasabi sa kanya na iiwan na siya nito. Ayaw niyang isipin ang tungkol sa dovorce. Kumikirot ang puso niya habang hinahawakan niya ang mga balikat nitong nagpupumiglas. Hindi na niya namalayan na napapahigpit na pala ang pagkakahawak niya.
"Paano kung sabihin ko sa'yong hindi ako papayag? Hindi kita papayagang umalis," umalingawngaw sa kwartong iyon ang malalim na boses ni Gu Jingze.
Muling napatingin si Lin Che. Nahihilo pa ang kanyang ulo pero malinaw ang kanyang mga mata. Tinitigan niya ang nag-iinit na mga mata ni Gu Jingze.
Mas lalong naging madilim ang maiitim na bilog ng mga mata nito. Itinulak siya nito pahiga sa kama at hinawakan siya. Tinitigan ang kanyang mukha habang ang kamay naman ay nakahawak sa kanyang mga balikat. Bahagyang tumungo ang ulo nito.
"B-… Bakit…" Humina rin ang boses ni Lin Che. Nagsisimula na siyang kabahan dahil sa paraan ng pagtitig nito sa kanya.
Bakit ayaw nitong umalis siya?
Nagsalita si Gu Jingze, "Tinanong mo ako kung kailan tayo magdi-divorce?"
"Hm…"
"Paano kung sabihin ko sa'yo na hindi tayo magdi-divorce?"
"Ano?"
Sa sumunod na sandali ay inilapat ni Gu Jingze ang labi sa kanyang labi. Pakiramdam niya ay mahihimatay siya; mahihimatay siya sa ilalim ng mga yakap nito at maiinit na halik. Hindi niya magawang pigilan…