Chereads / Whirlwind Marriage (Tagalog) / Chapter 126 - Gusto Kong Suutin Mo Iyan Para Sa Akin

Chapter 126 - Gusto Kong Suutin Mo Iyan Para Sa Akin

Agad na kumilos si Gu Jingze at nagtalaga ng mga tao para ihanda ang mga gagamitin ng asawa. Nag-utos na rin siya ng mga staffs para i-arrange ang bakasyon nila sa Phuket Island.

Ikinuwento ni Lin Che kay Yu Minmin na magbabakasyon siya kasama ng pamilya ni Gu Jingze. Agad namang pumayag ang manager at tinanong kung saan sila pupunta.

Sumagot siya, "Ang sabi ni Gu Jingze ay para daw iyon sa Mid-Autumn Festival. Pupunta kami sa Phuket Island."

Mula sa kabilang linya ay nagsalita si Yu Minmin. "Tingnan mo nga naman kung paanong magdiriwang ang isang pamilya, ano. Isang buong pamilya, magbabakasyon sa Phuket Island."

"First time ko rin 'to. Ngayon palang ako makakapunta sa Phuket Island," sabi ni Lin Che.

"Okay. Magpakasaya ko roon. Isipin mo na lang din na nabigyan ka ng pahinga mula sa trabaho. Masiyado ka kasing naging abala sa trabaho nitong mga nagdaang araw."

Hinanap ni Lin Che ang Phuket Island sa internet at nakita niya na napakaganda ng lugar na iyon. Mas lalo siyang naging excited dahil ngayon lang siya makakapunta sa ganoong klaseng lugar. Kaya, naghanda na siya.

Sa kwarto ay namimili siya ng kanyang mga swimsuits at mga damit na dadalhin. Inilagay niya ang mga iyon sa ibabaw ng kama.

Pumasok sa loob si Gu Jingze at nakita ang ginagawa niya. Naghihinala ang tinging lumapit ito sa kanya, "Maglalayas ka ba? Bakit inilabas mo ang lahat ng iyan?"

"Namimili ako ng mga damit ko. Alin sa tingin mo ang maganda?"

Tinanong siya ni Gu Jingze, "Namimili ka para sa bakasyon?"

"Oo, oo."

"Okay na iyan kahit kaunti lang ang dalhin mo. Hindi mo kailangang mag-abala nang ganyan."

"First time kong pupunta sa Phuket. First time ko 'to! Hindi ko pa nararanasang pumunta sa isang malayong lugar kaya syempre, magkaiba tayo. Ah, pakiramdam ko talaga ay ang yaman-yaman ko na ngayon!"

"Alam mo, hindi naman kalayuan iyang Phuket Island kaya walang kaespe-espesyal diyan. Marami pang mas magagandang isla kaysa sa Phuket."

Habang pinagmamasdan ni Gu Jingze kung gaano ka-excited si Lin Che ay para bang gusto na niyang magsisi dahil sa biglaan niyang desisyon. Kung alam niya lang ay sana'y sa mas magandang lugar niya ito dadalhin.

"Siyempre para sa'yo, hindi ito kagandahan. Pero para sa akin, napakaganda nito, ano!"

Tiningnan ni Lin Che ang mga damit sa kama. "Noong nag-aaral pa ako, nagkaroon ng spring trip sa Thailand ang aming school, pero hindi ako naglakas-loob na sabihin sa papa ko. Wala siyang pakialam at ayoko ding magsabi sa stepmother ko. Kaya, hanggang ngayon ay ang S City pa lang ang malaking lungsod na napuntahan ko…"

Tiningnan siya ni Gu Jingze at ilang sandaling nag-isip muna bago nagsalita. "Kapag nakahanap ako ng panahon sa susunod, ipapasyal kita."

Tumingala si Lin Che dito. "Siguro, nalibot mo na ang buong mundo no?"

Nag-isip si Gu Jingze at sumagot. "Oo, marami na akong napuntahang mga bansa pero hindi naman ako nakapaglibot-libot talaga."

"Ah. So, para lang sa trabaho lahat ng iyon?"

"Oo."

"Sayang naman. Mayaman ka kaya madali lang para sa'yo na libutin ang buong mundo. Pero kung iisipin, kahit sa sitwasyon mo ay hindi rin pala madali ang maghanap ng pera."

"Natural lang iyan," sagot ni Gu Jingze. Sumilip ito sa bintana at bahagyang ngumiti. Pagkatapos ay humarap ulit ito sa kanya at sinabi, "Magkapantay lang naman kasi ang tiyaga at gantimpala. Masagana ang buhay ko, pero napakabigat din ng responsibilidad na nakapatong sa balikat ko. Kung sabagay, libo-libong mga trabahante ang nagtatrabaho sa akin. Lahat sila ay nakadepende ang kabuhayan sa akin. Responsibilidad ko ang mga buhay nila, ang mga pamilya nila, at kailangan ko ring maging responsible para sa buong angkan ng mga Gu."

Ang maging responsable sa lahat ng mga usaping pera ng pamilya… Naisip ni Lin Che na nakakapagod siguro ang ganoong buhay.

Kung tutuusin, nag-iisa lang din si Gu Jingze, pero napakarami ng mga nakapasan sa balikat nito.

Bumalik sa usapan nila kanina si Gu Jingze at tiningnan ang mga swimsuits sa kama.

Iba-iba at matitingkad ang mga kulay ng mga iyon. Nagising ang interes ni Gu Jingze. Kumuha ito ng isa at sinuri.

Nakita ni Lin Che na hinawakan nito ang isang maliit na bikini at agad na namula ang kanyang pisngi. Agad niyang sinubukang bawiin iyon. "Para ito sa pagswimming."

Ngumiti si Gu Jingze at kinuha ito ulit sa kanya. "Maganda rin naman iyan. Sige, dalhin mo iyan."

"Hindi. Hindi ko ito dadalhin. Hindi ko susuutin 'to."

"Bakit hindi? Okay naman iyan ah."

"Ano ba, namimili ako ng mga damit ko. Ba't ka nandito? Lumabas ka na muna," sabi ni Lin Che habang itinutulak palabas si Gu Jingze.

Hinawakan ni Gu Jingze ang pulso niya at pinatigil siya sa pagtutulak. Muli nitong kinuha ang bikini. "Syempre gusto ko ring pumili." Lumapit ito sa kanya at bumulong. "Susuutin mo rin naman iyan para makita ko, di ba. Gusto kong ako ang pumili para naman mas magandang panoorin."

Namula nang husto ang mukha ni Lin Che.

Kahit na silang dalawa lang ang nasa kwarto at hindi na kailangan pang bumulong, sinadya talaga ni Gu Jingze na bumulong kay Gu Jingze at sabihin ang mga iyon sa mapang-akit na boses.

Para bang nakikinig siya sa isang kalmadong musika; napakasarap pakinggan at may hatid na init sa kanyang tainga.

Itinulak niya palayo si Gu Jingze, "Nakakainis ka talaga. Sino'ng iniisip mo na magsusuot ng ganyan para sa'yo?"

Sumandal sa pinto si Gu Jingze at nagtanong, "Kung ganoon ay para kanino ka magsusuot ng ganyan?"

"Ah… Para sa sarili ko. Hindi ko ba pwedeng gawin iyan para sa sarili ko?"

Napatawa si Gu Jingze, at hindi pinansin ang sagot niya. Pagkatapos ay sinabi sa kanya, "Maganda nga kasi talaga ang bikining iyan. Sigurado akong babagay iyan sa'yo. Dalhin mo 'to. Narinig mo ako?"

"Hindi ko dadalhin iyan! Wala akong balak na dalhin iyan!" Nagmamadaling pinalabas ni Lin Che si Gu Jingze. Nanunukso pa ring nakangiti si Gu Jingze pero wala na itong nagawa pa kundi ang lumabas na nga ng kwarto.

Sa loob ng kwarto ay nagmamadali ng namili si Lin Che ng mga dadalhin niyang damit at maya-maya'y napunta ang kanyang mga mata sa bikining iyon.

Muling umalingawngaw sa kanyang tainga ang sinabi ni Gu Jingze.

Siguradong bagay iyan sa'yo…

Wala sa sariling kinuha niya ang bikini at matagal na tinitigan iyon.

Totoo ba talaga na babagay sa kanya ang bikining iyon?

Namula na naman ang mukha niya nang maisip iyon, pero sa bandang huli ay nagpasya siya na dalhin nalang iyon at inihagis niya ito sa loob ng kanyang bagahe.

Kinabukasan, nakahanda na ang buong pamilya pati ang sasakyan nila sa airport. Pumunta na silang lahat sa pribadong VIP lounge room ng airport.

Pagdating nina Gu Jingze at Lin Che ay nandoon na rin si Mu Wanqing kasama ng iba nilang kapamilya. Nang makita sila ng ginang ay agad itong lumapit at bumati sa kanila.

Nandoon na rin ang kani-kanilang mga bagahe. Lumapit kaagad si Mu Wanqing kay Lin Che at hinawakan sa kamay, "Hays, ang payat mo pa rin. Iyong totoo? Nagkakalaman ka pa ba?"

Mabilis namang sumagot si Lin Che, "Baka sadyang ganito na talaga ang katawan. Madalas naman po akong kumain eh."

Ngumiti si Gu Jingze na nasa tabi niya. "Oo, 'ma. Mas marami siyang kumain kaysa sa akin kaso nga lang, parang nasasayang lang lahat ng kinakain nito."

Hindi naman nagpalugi si Lin Che. "Lahat ng kinakain ko ay napapakinabangan ng katawan ko. Hindi kagaya mo na lahat ng kinakain mo'y nagiging taba lang. Hmph!"

Suminghal naman si Gu Jingze, "Ha? So sinasabi mo na mataba na ako ngayon?"

"Ikaw nagsabi niyan."

Masayang pinapanood sila ni Mu wanqing at naisip na mabuti naman dahil mas naging komportable na ang dalawa sa isa't-isa. Hindi niya napigilan ang sarili na makisabay din sa tawanan.

Hindi nagtagal ay nakahanda na sa paglipad ang eroplanong sasakyan nila. Pumila na sila at lumulan sa kanilang private plane. Ilang oras lang ang lumipas at nakarating na sila Phuket Island.

Mula sa itaas ay nakikita nila ang inihandang pagsalubong ng Isla sa Pamilyang Gu katulad ng isinasagawa rin ng mga ito sa iba pang VIP na mga bisita.

Nang makababa na si Lin Che ay bumungad sa kanya ang nakahilirang welcome team at talagang hindi siya makapaniwala.

Pero kung sabagay, ang Pamilyang Gu naman kasi ang nasa unahan sa listahan ng mayayamang pamilya sa kanilang bansa kaya hindi na ito nakapagtataka. Dapat lang na ganito ka-enggrande ang pagsalubong sa kanila.

Sa tabi ni Gu Jingze ay nakatayo si Lin Che at namamanghang nagtanong, "Hindi tayo nagpunta dito para sa isang business o ano pa man diba? Kailangan ba talagang salubungin nila tayo nang ganito?"

"Hindi ko sila sinabihan, pero nalaman pa rin nila. Halika na. Wala ng susunod sa atin kapag nakapasok na tayo sa loob ng resort."