Chereads / Whirlwind Marriage (Tagalog) / Chapter 107 - Paano Mo Nasasabi Ang Bagay Na Iyan?

Chapter 107 - Paano Mo Nasasabi Ang Bagay Na Iyan?

Sa hospital.

Sumigaw si Mo Huiling at nagmamakaawang tumingin kay Gu Jingze. "Jingze, ang sakit-sakit talaga. Tingnan mo nga kung mas lumaki ang sugat ko?"

Yumuko si Gu Jingze at tiningnan. Maliit na pasa lang iyon kaya sinabi niya dito, "Hindi naman. Huwag kang matakot."

"Paano kung mag-iwan ito ng peklat? Tingnan mo oh. Walang kahit kaunting peklat ang paa ko. Kapag nagkataong mapeklatan 'to, hinding-hindi ko talaga mapapatawad ang Lin Che na iyon kahit hanggang sa kamatayan."

"Tama na. Gasgas lang iyan. Hindi iyan mag-iiwan ng marka," pagpigil ni Gu Jingze. "Hindi iyan sinadya ni Lin Che, kaya tigilan mo na iyang inis mo sa kanya."

"Parang sinabi mo na rin na wala siyang kasalanan. Sinasabi ko sa'yo na sinadya niya akong banggain! Dahil kung hindi, bakit sa'kin niya pa ginawa iyon kung pwede namang ibang tao nalang ang banggain niya diba?"

Alam ni Gu Jingze na hindi siya mananalo dito kaya hindi na siya sumagot pa. Ang sinabi niya nalang ay, "Manood ka nalang muna ng TV at huwag ka ng mag-isip pa ng kung ano-ano."

Ibinigay niya ang remote kay Mo Huiling at tiningnan ang oras sa kanyang relo. Ilang oras na din ang nagdaan, pero wala pa siyang balita kay Lin Che.

Nasaan na ba ang babaeng iyon?

Walang interes na tinanggap ni Mo Huiling ang remote at nagsimulang pumili ng mga channels.

Habang naghahanap ay may biglang balita na lumabas sa screen.

"May kadarating lang na balita kaming natanggap. May isang Porsche na kotse na kasalukuyang nakabitin sa isang tulay. Mahaba na ang traffic sa mga oras na ito at hanggang ngayon ay hindi pa rin nalalaman kung ano na ang kalagayan ng taong nasa loob nito. Batay sa aming narinig, isang babae daw ang nagmamaneho nito. Inaalam pa ng mga otoridad kung nakainom ba ang driver ng sasakyan. Isinasagawa na ngayon ang isang emergency rescue operation pero dahil sa delikadong kalagayan ng kotse ay nahihirapan ang mga rescuers na sagipin ang babae…"

Hindi nakikinig si Mo Huiling at gustong ilipat ang channel, pero pinigilan siya ni Gu Jingze.

Tutok ang mga mata nito sa screen.

Mula sa screen ay makikita ang isang dilaw na Porsche na para bang idinuduyan sa tulay.

Lin Che…

Hindi namalayan ni Gu Jingze na naibulalas niya ang pangalan ni Lin Che dahil sa pagkagulat.

Narinig naman iyon ni Mo Huiling at pagkatapos ay tiningnang maigi ang screen. Katulad nga ito ng kotseng gamit ni Lin Che kanina.

Si Lin Che ba ang babaeng nasa loob ng kotseng iyan?

Biglang gumaan ang pakiramdam ni Mo Huiling at nakalimutan ang iniindang sakit ng paa. Pumalakpak siya na para bang nakuha niya na ang hustisyang hinihingi. "Buti nga sa kanya. Kita mo? Karma ang tawag diyan. Kung hindi niya ako binangga, eh di sana ay hindi siya parurusahan ng langit ngayon."

Nang marinig siya ni Gu Jingze, tiningnan siya nito nang masama.

Hindi iyon napansin ni Mo Huiling. Ang saya-saya nito nang malaman ang balita na nanganganib ang buhay ni Lin Che.

Mas mabuti kung mamamatay na ang Lin Cheng iyon ngayon. Nang sa gayon ay mapasakanya na ulit si Gu Jingze.

Tumingin ito kay Gu Jingze. "Hmph. Dumating kaagad sa kanya ang karma. Buti nga sa kanya."

Inalis ni Gu Jingze ang kamay nito na nakahawak sa kanyang manggas.

Noon lang naramdaman ni Mo Huiling ang lamig ng pagkakatitig sa kanya ni Gu Jingze.

Napatanong siya sa sarili kung may mali ba siyang ikinilos o baka may nasabi siyang mali.

Ganunpaman, totoo namang galit siya kay Lin Che at wala namang mali sa sinabi niya. Si Lin Che din naman mismo ang may kasalanan kung bakit nanganganib ang buhay nito ngayon.

"May problema ba, Jingze?" Nagtatakang tanong niya.

Matiim ang titig ni Gu Jingze. "Huiling, paano mo nasasabi ang mga bagay na iyan? Kahit pa hindi mo kilala ang taong iyan, buhay ang pinag-uusapan natin dito; tao iyan. Nasa peligro ang tao. Bakit parang masaya ka pa? Paano mo nasasabing 'buti nga sa kanya yan'? Ganyan ba katindi ang galit mo sa kanya?"

"Huh… Hindi iyan ang ibig kong sabihin…" pagtanggi ni Mo Huiling. "Nagpapahayag lang ako ng saloobin. Kilala mo ako. Sasabihin ko kung ano ang nasa isip ko pero wala akong masamang intensiyon…"

Dismayado si Gu Jingze. Malalim ang tinging ipinukol niya dito at pagkatapos ay tumingala. Umiigting ang kanyang panga. Walang sabi na lumabas siya mula sa silid na iyon.

"Eh, JIngze. Bakit ka lumabas…" napabuntung-hininga si Mo Huiling. 'Buti nga sa'yo, Lin Che! Mas mabuti kung mahulog ka nang tuluyan diyan at mamatay. Mabasag sana iyang pagmumukha mo nang sa gayon ay hindi na naisin pa ni Gu Jingze na tingnan ka pa!' ani Mo Huiling sa isip.

Sa tulay.

Maraming tao pa rin ang nakikiusyuso sa aksidente.

Kalmadong nagbibigay ng utos ang kapitan doon habang umiinom ng tubig. Nagtataka ang mukha nito habang nakatingin sa kotse. "Kaninong sasakyan ba iyan? Ngayon ko palang iyan nakita."

"Bago lang ang kotseng iyan; baka mayamang tao ang may-ari niyan."

"Imposible iyan. May record kami na ng lahat ng mga plate number ng mga mayayaman sa lugar na ito. Makikilala agad namin iyan kung totoo man. Baka bagong-yaman lang ang may-ari niyan. Ngayon lang din namin iyan nakita."

Nang oras ding iyon ay may dumating na isang tauhan. May dala itong balita.

"Kapitan, kapitan, may problema tayo. May isang grupo ng mga tao na nasa labas at sinasabing mula sa pamilya ng mga Gu ang babaeng nasa sasakyan. Nagtatanong sila kung bakit wala pa rin tayong ginagawa."

"Sinong Gu ba iyang sinasabi mo?"

"Anong sino? Ang kilalang pamilya ng mga GU sa bansang ito!"

"Ano?!" nabitawan ng kapitan ang hawak na bote at kinuha ang telescope para tingnan ang direksiyon ng aksidente.

"Kapitan… ano'ng gagawin natin ngayon?" may pangamba sa tono ng isang tauhan.

"Ano pa nga ba?" biglang naging masigla ang kapitan. "Kumilos na kayo. Iligtas ninyo ang madam kung ayaw niyong kayo ang mamatay! Maghintay nalang dito ang sinumang gustong mamatay na. Dalian ninyo, kumilos na tayo! Kung sino man ang gustong makipagpulong pa dito, ako mismo ang magtatapon sa kanila sa ilalim ng tulay."

Sa labas naman ay sinaway ang mga reporters na nandoon.

"Tumabi kayo. Hindi kayo pwedeng kumuha ng mga larawan dito. Bawal iyan!"

"Ano? Okay lang namang magpicture kanina ah? Bakit biglang naiba yata?" naguguluhang tanong ng mga reporter.

Nag-uunahan ang mga reporter na makakuha ng mga detalye ng babaeng sakay ng kotse na iyon. Tiyak na bebenta sa mga tao ang mga detalye nito katulad ng mamahaling sasakyan na naaksidente. Gusto nilang makagawa agad ng article tungkol dito.

"Ah basta, bawal na kayong kumuha ng mga larawan dito at hindi na kayo maaaring maglabas ng balita tungkol dito. Kapag ibinalita ninyo ito, mananagot kayo. Huwag niyong sabihing hindi ko kayo binalaan ngayon."

Naitaboy na palayo ang mga reporters. Gumamit rin sila ng mga de-kalibreng kagamitan para hilahin pabalik sa kalsada ang kotse.

Samantala, nawawalan na ng pag-asa si Lin Che. Sigurado siyang mamamatay na siya ngayon. Hindi kumikilos ang mga taong iyon dahil baka iniisip din ng mga ito na wala ng pag-asa pa.

Pero, may ilang grupo ng tao ang nagmamadaling lumapit at hinila ang sasakyan.

Personal mismong lumapit sa kanya ang kapitan, "Naku po, Madam Gu, okay ka lang po ba? Bilisan ninyo! Dalhin niyo agad dito ang stretcher. Iligtas niyo muna siya."

"Okay lang… Okay lang ako. Kaunting gasgas lang naman ito," mabilis na tugon ni Lin Che.

Puno ng pagtataka ang mga mukha ng mga nanonood. Kanina lang ay parang imposible na makuha pa ang kotse pero ngayon, napakabilis lang na nahila ito pabalik.

May isang nagsalita, "Narinig ko na mayamang tao ang nasa loob ng sasakyan. Hindi isang ordinaryong tao, kaya malamang ay hindi pwedeng hindi pa rin kumilos iyang mga tao na iyan. Kung kaya, mabilis silang rumesponde ngayon."

"Katunayan ay itinaboy pa nga nila ang mga reporters at pinagbawalan ang mga ito na kumuha ng mga pictures."

"Sino kaya ang taong iyan na kahit ang kapitan mismo ay takot na takot at personal pang kumilos?"

Pero napakaraming mga mayayaman at maimpluwensiyang tao ang B District. Dapat ay sanay na dito ang kapitan. Kung gayong nataranta at kinakabahan ang kilos ng kapitan, malamang ay ubod ng yaman at makapangyarihan ang pamilya ng taong nasa loob ng sasakyan.